Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Ang Pamamaalam II

1. Hindi madali ang magpaalam sa mga bagay na iyong kinasanayan sa loob ng mahabahaba ring panahon. Subalit kung hinahanap mo ang totoong buhay at ang tunay na kahulugan nito, matututo kang magpaalam.

Kaya paalam sa mga bagay na hindi tunay. Gaya ng mga pagkain sa fastfood na lasang plastik. Gaya ng mga ngiti ng tindera sa mga mall na halatang walang kabuhaybuhay. Gaya ng mga taong nagpapanggap na kaibigan na nilalait ka pagkatalikod mo. Gaya ng mga gulay sa palengke na hindi magmukhang gulay kung hindi dahil sa santambak na patabang inorganiko at sangkatutak na lasong kemikal.

Kaya paalam sa mga bagay na hindi tunay. Gaya ng mga balita sa radyo, telebisyon at dyaryo na nagsasabing umuunlad na ang ekonomiya. Gaya ng tsismis hinggil sa hindi tunay na buhay ng mga artista. Gaya ng pagpasok sa opisina ng mga empleyado na laging iniisip ang kinsena at katapusan. Gaya ng hindi tunay na bigas na ibenebenta sa mga tao kahit na ni hindi mabuting ipakain sa alaga mong aso.

2. Kailangang mamaalam sa mga bagay na hindi tunay. Lalung-lalo na sa hindi tunay na buhay. Gaya ng pagiging manunulat. Hindi tunay na buhay ang pagiging manunulat. Sapagkat ang pagiging manunulat ay pagsulat sa mga bagay na hindi tunay. Sapagkat sa bansang ito, hindi maaring magsabi at magpaliwanag hinggil sa mga bagay na tunay.

Ang pagiging guro din ay hindi totoong buhay. Hindi tunay na buhay ang pagiging guro sapagkat  ginagamit ang guro sa pagtuturo ng mga hindi totoong bagay.  Ang mga guro ang ginagamit sa pagpapakalat ng maraming kabulaanan hinggil sa maraming bagay. Gaya ng pagtuturo na nadiskubre ni Magellan ang Pilipinas. Gaya ng pagtuturo na bayani ang mga boksingero at sikat na mga tao. Gaya ng pagtuturo na magiging bobo ka kapag magmula pagkabata ay magkakape ka. Gaya ng pagtuturo na ang mabilis na paraan sa multiplication ay pagguhit  ng mga stick. Gaya ng pagtuturo na iniligtas ng mga Kano ang mga Pinoy sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.  At marami pang ibang kabulaanan na madalas pa ring itinuturo sa mga paaralan.

Sadyang kailangan mamaalam sa buhay na hindi tunay. Gaya ng pagbabad internet na naglalako ng maraming bagay na hindi totoo. Gaya ng paggawa ng account sa mga social networking sites. Gaya ng madalas na pagsusulat ng entries sa mga blog na gaya nito.

3. Kailangan maging babad ang tao sa totoong buhay upang malaman niya ang tunay na kahulugan ng buhay. Gaya ng simpleng pagtatanim ng palay. Gaya ng pagpitas ng hinog na mangga mula sa puno. Gaya ng panghuhuli ng isda mula sa ilog. Gaya ng pagbabayo ng palay upang may maisaing. Gaya ng paggawa ng sariling kape. Gaya ng paghigop ng kape habang nakaupo sa malaking bato. Gaya ng pangunguha ng ligaw na mga bulaklak.

Kailangan mamuhay nang totoo. Magurlisan ang mga binti sa pagtatabas sa sukalan. Magkakalyo ang mga palad. Masunog ng araw ang balat. Matinik ang mga talampakan. Lumago ang buhok. At humuni na gaya ng mga kalapating-gubat.

Kailangan mamuhay nang totoo. Kumain ng sariwang gulay mula sa sariling hardin. Magkatay ng manok na pakawala lang sa sukalan. Uminom ng tubig mula sa batis. Maligo sa malamig na tubig ng salulo. Tibain ang saging na nahinog sa puno. Sungkitin ang papaya para sa tinola. Maghukay ng kamoteng ilalaga.

Kailangan mamuhay nang totoo. Hindi kailangan ng kuryente ang totoong buhay. Hindi kailangan ng gasul ang totoong buhay. Hindi kailangan ng waterbill ang totoong buhay. Hindi kailangan ng shampoo ang totoong buhay. Hindi kailangan ng lotion ang totoong buhay. Hindi kailangan ng cellphone ang totoong buhay.

4. Ang totoong buhay ay nangangailangan ng itak. Kailangan may pantaga sa kahoy na panggatong. Kailangan din ng palakol. Kailangan din ng pantabas. Kailangan din ng araro at kalabaw.

Ang totoong buhay ay kailangan ng baril. Dahil sa totoong buhay, ang may baril ang nakakalamang. Kailangan mo ring barilin ang mga baboydamo na naninira sa iyong tunay na mais. Naku, napakasarap pa man ding humigop ng sabaw ng tunay na mais. Hindi iyong mga pekeng mais na inilalako sa palengke at tabing kalsada. Masarap ang sabaw ng mais na nakita mo mula pagsibol hanggang sa pagbunga.

Ang totoong buhay ay nangangailangan ng asin. Kailangan mayroon kang pampalasa. Kaya magandang marami kang tanim na rekado gaya ng sibuyas at luya. Gaya ng tanglad at paminta. Ng siling labuyo at siling haba.  Sapagkat kailangan ang tunay na lasa sa tunay na buhay. Hindi iyong mga lasang msg sa lahat na pagkain sa syudad.

5. Ang tunay na buhay ay masaya at panatag. Gaya ng pagkain ng buko sa tanghaling tapat. Gaya ng paghahabulan sa damuhan tuwing hapon. Gaya ng pangangakyat ng bayabas tuwing umaga.

6. Hindi nagkukunwari ang tunay na buhay. At sa tunay na buhay marami ang nahihirapang mamuhay. Sa tunay na buhay mo tunay na mararamdaman ang tunay na buhay ng bansang ito kung mayroon ngang bansang matatawag ang mga gaya ko.

7.  Kaya paalam na sa hindi tunay na mga bagay. Gaya ng pagsubaybay sa opinyon ng kung sinong mga kolumnista. Gaya ng pagbabasa ng balita araw-araw. Gaya ng pagsusulat ng mga reaksiyon sa ibat ibang isyu. Gaya ng pagtitipa sa keyboard ng computer na ito.

8. Paalam na sa buhay na hindi tunay. Paalam din sa lahat na hindi tunay. Trabaho. Kaibigan. Pagkain. Tirahan. Pananaw sa buhay. At marami pang ibang kabulaanan sa mundong ito.

anijun mudan-udan

ikalawang taniman sa palayan

ilog manlulubog

Ang Pamamaalam I

1. Ang paglisan ng mga ibon sa kanilang pugad ay tanda ng pagtatapos ng isang yugto ng kanilang buhay. Marahil kaya nang makipagsabayan ng kanilang inakay sa pagtuklas at paggalugad sa kanilang mga daang-hangin. Humuhuni na rin marahil ang inakay ng huning maririnig kahit ng isang batang mapapagawi sa gubat kung saan sila manginginain.

2. Sa pamamaalam ng anihan ay muling ihahanda ang lupa para sa taniman. Hanggang muling magiging luntian ang bukid. Hanggang mamumulaklak muli ang palay at mabubuong unti-unti ang malagatas na butil. At sa paglipas ng maraming pagsikat at paglubog ng araw, muling magiging ginintuan ang bukid. Ilang panahon lamang ay anihan na naman.

3. Walang sinumang lilisan sa pook ng kanyang mga paghihirap nang walang kirot sa dibdib. Walang sinumang lilisan sa pook ng kanyang mga tagumpay nang walang lumbay sa puso.

Kaya maraming uri ang pamamaalam. May pamamaalam na habambuhay mong maiisip. May pamamaalam na sumusugat sa puso. May pamamaalam na naghahatid ng pilat sa alaala. May pamamaalam na naghahatid ng kapayapaan sa loob. May pamamaalam na nagdudulot ng kalayaan sa isip. May pamamaalam na hanggang sa kahulihulihang hininga ay umaalingawngaw.

4. Ang Los Baños ay naging tahanan ko sa mahigit sampung taon. Naging saksi ito sa mahahalagang pangyayari sa aking buhay. Naging bahagi ito ng marami kong adhika. Naging kanlungan ng matatayog na pangarap. At sa loob ng ilang tag-ani na ay naging pugad ng aking munting pamilya.

Ang Los Baños ay naging libingan ng aking mga dalamhati. Naging karamay sa mga sandaling gumuho ang marami nang mundo sa panagimpan. Naging kasama sa pagpupulaw sa mga adhikaing dalisay sa isip.

Ang Los Baños ang muog ng aking puso sa panahong inaasinta ako ng maraming kontradiksyon. Naging kanlungan sa mga panahong tinutugis ako ng mga alaala. Naging tahanan matapos ang aking mga paglalagalag. Ah, ang Los Baños, ang Los Baños ang muog ng aking puso.

Subalit hindi maaaring ikulong ang puso. Hindi maaaring maging laging takas sa pagtugis. Sapagkat paano uunlad kung hindi magapi ang mga pang-uusig ng sariling alaala?

5. Ang mga gabing binibilang ko ang ilaw-dagitab ng Lopez Avenue ay magiging gabi na bibilangin ko mga alitaptap ng madidilim na daang-kalabaw ng aking kamusmusan. Ang mga dapithapong kasama ko ang mga kaibigan sa damuhan ng Freedom Park ay magiging dapithapong makakaulayaw ko ang mga magsasakang mag-iinuman ng langkoga sa gitna ng kalsadang hindi kailanman nadaanan ng de-makinang sasakyan. Ang mga sandaling umiinom ako ng kape sa mga Cafe ng Batong Malake ay magiging sandali na iinom ako ng kape sa kubo kung saan tanaw na tanaw ko ang dagat.

6.  Magiging tahimik na ang aking mga gabi. Hindi ko na maririnig ang maiingay na motorsiklo ng aming mga kapitbahay sa Los Baños. Hindi ko na maririnig ang maiingay na mga estudyanteng nag-iinuman hanggang madaling-araw. Hindi ko na maririnig ang nakabubulahaw na tugtugan ng kung anong relihiyon na nais ipagduldulan sa lahat ang kanilang pagsamba tuwing Linggo. Hindi ko na maririnig ang mamang laging nambubunganga sa crossing. Hindi ko na maririnig ang makabasag-eardrum na tugtog ng mga tindahan ng damit, computer atbp.

Magiging sariwa na rin ang hanging malalanghap ko. Hindi na ako mapeperwisyo sa usok ng mga motorsiklo ng aming kapitbahay. Hindi ko na maaamoy ang umaalingasaw na mga kanal. Hindi na rin malalanghap ang usok ng mga sasakyan sa Lopez Avenue tuwing matrapik. Hindi ko na rin maaamoy ang nakakasulasok na amoy ng mga luto ng isang tindahan ng pagkain sa crossing.

Mawawalan naman ako ng koneksyon ng internet. Hindi na ako makakapagsurf araw-araw. Hindi na ako makakapagbasa ng mga email. Hindi na rin ako makakapagblog nang mabilis. Hindi na rin ako makakapagbasa ng mga balita. Hindi na rin ako makakabalita kung ano na ang nangyayari sa lahat.

Mawawalan din ako ng signal. Hindi na ako makakapagtext kahit anong oras. Hindi na rin ako makakatawag sa mga gusto kong tawagan maliban na lamang kung paghirapan kong umakyat sa tuktok ng bundok sa itaas ng aking bukid. Hindi na rin ako makakalabas sa hatinggabi upang bumili ng kung anong maisip bilhin. Hindi na rin ako makakagala nang basta na lamang sa mga Sabadong nais kong maglakwatsa.

7. Hahanaphanapin ko marahil ang mga bookstore. Hahanaphanapin ko marahil ang mga Cafe. Hahanaphanapin ko marahil ang mga siomai sa Grove. Hahanaphanapin ko marahil ang maliliwanag na kalye tuwing gabi. Hahanaphanapin ko marahil ang mga pakikipagtagpo sa mga kaibigan.

Matutuwa naman ako dahil hindi ako maglalakad sa mga kalsadang laging may nakikitang kalat ng mga aso. Matutuwa naman ako dahil libre madalas ang gulay na aking kakainin. Matutuwa ako dahil hindi na ako bibili ng saging. Matutuwa ako dahil hindi pekeng manok ang aking kakainin. Matutuwa ako dahil hindi ko na bibilhin ang tilapiang aking iuulam. Bihira na rin akong bibili ng bigas. At sariwa ang mais na aking ilalaga.

8. Malulungkot naman ako dahil hindi sementado ang mga daan sa aking pupuntahan. Malulungkot naman ako dahil binabarat ng mga negosyante ang pagbili ng mga produkto sa bukid. Dahil binabawasan lagi ng resikada kapag nagbenta ka ng kopra. Dahil laging may reject pag nagbenta ka ng saging. Dahil inuuri ang abaka ng mga negosyante at madalas ay para makalamang sila. Dahil wala pang kuryente doon sa aking bukid. Dahil maraming bagay na natutunan kong gamitin sa lunsod ay hindi ko agad mabibili doon.

Ngunit magiging masaya naman ang paliligo sa ilog na dalisay at malinis. Makatitighaw sa aking uhaw ang pag-inom ng tubig sa bukal na malinis at malamig.  Makakatulong sa pagmumunimuni sa umaga ang lamig ng hangin at init ng kapeng ako rin ang gagawa. Makakapagpanatag sa isip ang pagsamyo sa hihip ng kagubatang tanaw na tanaw ko lamang mula sa kubo.

Magiging masaya din malamang ang aking anak sa pagtuklas sa pangalan ng mga halaman. Marahil matutuwa siya sa panghahabol ng makukulay na paruparo at mga tutubi. Alam kong magugustuhan niyang manguha ng ligaw na mga bulaklak na tumutubo sa kung saansaan lang. Matutuwa din marahil ang asawa ko sa pag-aaral ng pagpipinta doon. Marahil ipipinta niya ang nangangasul na kabundukan ng Kitanglad. Marahil ipipinta niya akong nag-aararo. Marahil ipipinta niya ang luntiang palayan at maisan. Marahil ipipinta niya ang namumulaklak na mga bitan-ag o kaya’y mga banaba.

Magiging masaya din marahil ang aming mga tanghali habang humihigop ng sabaw ng murang niyog na kakakuha pa lamang sa puno. Magiging masaya din marahil ang aming panginginain ng mga ligaw na bungangkahoy o kaya’y pulut-pukyutan.

At alam kong sa mga gabing payapa ay maraming kuwento ang magkakahugis sa aking isip. Alam kong sa aking mga panaginip ay magpapatuloy ang mga pakikipagsapalaran ni Udan. Alam kong sa aking mga pagmumunimuni ay makakausap ko si Ramon Makaindan. Natitiyak akong dadalawin ako ni Buuy Gaun sa mga umagang titingnan ko ang kalupaan hanggang sa dagat.

***

Sadyang hindi magkakasya sa iisang panahon ang pagbibigaykahulugan sa pamamaalam.

Anijun Mudan-udan

Paanan ni Makiling

Buwang Unang Narinig ni Ananaw ang aking Pag-awit ng Bukidnon, Banuwa Ku

Pagbabalik

1. “Sa aking pagbabalik sa lupaing ito, marahil ako ay hangin na lamang,” wika iyon ng aking ninuno bago siya pumanaw.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagbibigay ng hininga sa kanyang mga maiiwan. Ang pagbabalik para sa kanya ay nagbibigay buhay.

2. “Babalik akong isang bagani. Babalik akong daladala ang ulo ng aking mga napaslang,” wika iyon ng binatang handa nang sumuong sa pangayaw. Handa na siyang maglakbay upang makidigma.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagdadala ng balita ng kamatayan ng mga kaaway. Ang pagbabalik para sa kanya ay tanda ng pagkasawi ng kanyang mga katunggali.

3. “Sa muli kong pagtapak sa lupaing ito, mamumukadkad na ang mga banaba,” wika ng isang manggagamot. Maglalakbay siya tungo sa kabundukan upang humanap ng mga halamang gamot.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagsilay sa kagandahan. Ang pagbabalik para sa kanya ay pag-aabang sa mga bulaklak.

4. “Magbabalik akong may kirot sa dibdib, sapagkat sa araw na ito sa iba ka umibig,” wika ng isang manliligaw.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagkasaling ng malalim na sugat. Ang pagbabalik para sa kanya ay pananariwa ng sugat.

5. “Bumalik kang isang matibay na haligi. Bumalik kang isang matayog na puno,” wika ng ama sa kanyang anak na lalaking papaalis.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagdadala ng lakas. Ang pagbabalik para sa kanya ay pagpapamalas ng tikas.

6. “Bumalik kang buo at walang kulang. Bumalik kang buo at walang sobra,” wika ng ina sa kanyang anak na babaeng papaalis.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagiging buo. Ang pagbabalik para sa kanya ay pananatiling dalisay.

7. “Sa aking pagbabalik, magsasama na tayo hanggang magpakailanman,” pangako iyon ng isang mangingibig.

Ang pagbabalik para sa kanya ay romantisismo ng pagsasama. Ang pagbabalik para sa kanya ay isang matimyas na pangako.

8.

Ang pagbabalik ay awit sa isang gabi ng tag-araw:

Umalis kang gumagapang sa lupa.

Babalik kang lumilipad sa langit.

Umalis kang tanging baon ay luha.

Babalik kang may daladalang awit.

Ang pagbabalik ay limbay sa isang umagang malamig:

Bul-og su agkalauwan, sulip diya ta wahig.

Bul-og su agkauhol, pamandaw diya ta bisig.

Ang pagbabalik ay himig sa isang dapithapon:

Magkakatay ako ng manok sa iyong pagdating,

Magluluto ako ng masarap na nilagpang,

Payak lamang itong ang akiing hinihiling,

Magsasalo tayo sa hapag aking hirang.

Ang pagbabalik ay munimuni habang nagkakape:

Kung saan ang simula, doon din ang katapusan. Kung saan ang katapusan, doon din ang simula. Sa itlog nagsimula at natapos sa manok. Sa manok nagsimula at natapos sa itlog. Teka, simulan natin sa umpisa. Itlog, sisiw, manok. Ngayon baligtarin natin. Manok, sisiw, itlog. Alin kaya ang totoo?

Ang pagbabalik ay pagdadala ng bagong sandata:

Mandirigma akong walang humpay sa pakikipaglaban. Libong kaaway na ang aking nagapi sa daan-daang labanan. At aking natuklasan na ang isang tao’y may nakakubling sandata. Matutuklasan lamang ito kapag ikaw’y nakipaglaban na tila wala nang bukas. Sapagkat ang nakatadhana sa isang mandirigma ay makidigma.

Ang pagbabalik ay pagdadala ng bagong kaalaman:

May mga bagay na hindi nakukuha sa lakas. May mga bagay na hindi makakamit sa galaw ng kamay. May mga bagay na hindi kailangan makamtan. May mga bagay na walang kabulohan. May mga bagay na dapat pinag-iisipan. Walang silbi ang kaalaman kung hindi magagamit. Walang gamit ang kaalamang walang silbi.

***

Ang pagbabalik ay paglanghap sa sariwang hangin, pag-inom sa dalisay na batis, paglangoy sa malinis na ilog, pagpitas sa ligaw na bayabas, at pagngiti sa mga mukhang bagaman binago ng panahon ay pamilyar pa rin sa mga mata.

Anijun Mudan-udan

Paanan ng Bundok Makiling,

Panahon ng pag-aararo para sa panuig,

Taong tumubo ang unang bagang ni Ananaw

Makasaysayan para sa aking angkan at sa tribung Higaonon ang pagkakalimbag ng nobelang Batbat hi Udan. Sapagkat ito ang kauna-unahang nobelang nailuwal ng aming angkan at ng aming tribu. Ito na rin marahil ang kauna-unahang nobelang nagtangkang ilugar ang naratibong Higaonon sa tradisyon ng panitikang Filipino.

Hindi naman nakapagtatakang makapagluwal ng nobela ang tribung Higaonon. Sapagkat sa aming mga ninuno ay nailuwal ang mga bayani ng epikong gaya nina Agyu, Walu, Aniyun Mayun Anlaw at iba pa. Marahil ang Batbat hi Udan ay umpisa pa lamang sa proseso ng muling pag-aakda ng mga Higaonon ng kanilang salaysay. At sana maging inspirasyon ito ng iba na sulatin din ang kanilang salaysay gamit ang katutubong pananaw sa daigdig.

Ang Batbat Hi Udan ay sarili kong ambag sa layuning pagpapaunlad ng pambansang wika. Naniniwala akong hanggang ngayon ay hindi pa rin pambansa itong sinasabi nating pambansang wika na Filipino at patuloy pa rin ang proseso ng pagpapaunlad nito. At naniniwala akong bago pa man manghiram sa dayuhang mga wika ang Filipino ay dapat muna itong manghiram sa rehiyunal na mga wika. Naniniwala rin ako na hindi batas ang makakapagpatupad nito kundi ang agresibo at aktibong mga hakbang ng sinumang may malasakit sa pagpapaunlad ng wikang Filipino.

Ang Batbat hi Udan ay isang ring pagtatangka na hamunin ang kabataang Pilipino na umugnay sa kanilang kultura. Sa aking sariling pagsusuri, nakikita kong ang kalakhan sa kabataang Pilipino ay tila lumulutang at hindi nakaugat sa kultura ng kanilang lahi. Tila ba mga asong-kalye na kung saang basurahan mangangalkal upang may maipakain sa kanilang kaluluwa o di kaya’y maglalaway habang naghihintay na hagisan ng buto mula sa dayuhang hapag-kainan. Isa itong masakit na katotohanang dapat nating kilalanin at sikaping baguhin kung nagnanais tayo na maging mararangal na tao sa daigdig.

Hindi na nga kaya nagbabasa ang kabataang Pilipino (o ang mga Pilipino sa pangkalahatan) ng panitikang Filipino? Kung pagbabatayan ang listahan ng mabentang mga libro ng iba’t ibang tindahan ng libro, mukhang ganoon na nga. Maraming mga Pilipino ang nagbabasa subalit madalas ay panitikang dayuhan ang kanilang binabasa. Lalo na sa hanay ng kabataang Pilipino, madalas ang binabasa ay iyong mga kuwentong malayong-malayo sa ating kultura. At marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit ang kalakhan sa kabataang Pilipino ay tila mga dagsa na lumulutang sa dagat.

Habang binubura ng globalisasyon ang mga hangganan ng mga kultura, bansa at lahi, naniniwala akong mas lalo dapat nating mabuo ang ating pagkakilanlang kultural (cultural identity). Sapagkat ang sinumang hindi nakaugat sa kanyang kultura ay maaanod sa baha ng impormasyong dala-dala ng globalisasyon. At sinumang maaanod sa bahang ito ay magiging dayuhan sa kanyang sariling bayan. At sinumang dayuhan sa sariling bayan ay mawawalan ng bayan. At ang mga bayang may ganitong mamamayan ay tiyak na mabubura sa mukha ng lupa.

Maaaring sabihing napakatayog ng pinapangarap ko at napakasaklaw para magampanan ng Batbat hi Udan. Hindi ko sinasabing ako lang ang dapat mangarap nito. Naniniwala akong kahit papaano ay mayroong bahagi sa inyong sarili na nangangarap din nang ganito. Sapagkat sino ba sa atin ang walang puso para sa ating bayan at sa kinabukasan ng ating lahi?


***Ito ay bahagi ng talumpating binigkas sa paglulunsad ng Batbat hi Udan noong Pebrero 11, 2009 sa Boston Cafe, Los Baños, Laguna.

Kakasa ka ba sa Grade 4?

Hindi ito iyong palabas sa telebisyon. Ito ay tungkol pa rin sa Batbat hi Udan. At kung magtatanong ka kung ano ang kaugnayan ng tanong sa Batbat Hi Udan, ito na ang sagot:

Oo, Grade 4 ang pinakabatang mambabasa ng Batbat hi Udan sa kasalukuyan! Sadyang natuwa ako nang malaman kong kahit ang isang Grade 4 ay kayang basahin at maintindihan ang Batbat Hi Udan!

Hindi lang iyan, may Grade 6 na rin na nagbabasa ng Batbat Hi Udan.  At ito ang malupit kapag natuloy, may Grade 2 na gustong kumasa laban sa Grade 4! Hahaha. Kaabang-abang kung ano ang magiging reaksiyon ng mga batang ito. May hanggang buong bakasyon pa naman sila para matapos ang pagbabasa.

Syempre, una nang kumasa ang ilang nasa mataas na paaralan. At hindi syempre pahuhuli ang mga magulang na pumunta sa booklaunching. At ito pa ang isa (hindi ko alam kung nakatutuwa ba ito o nakalulungkot), karamihan sa mga bumili ng libro ay labas sa akademya! Noong una, ang akala ko’y nasa akademya lamang ang maraming nagbabasa. Aba ngayon, mga batang propesyunal na nagtatrabaho sa Makati at Maynila ang mga bumibili. Sana magtuluytuloy ito sapagkat isa sa personal kong kampanya ay hamunin ang kabataang Pilipino na umugnay sa kanilang kultura sa pamamagitan ng pagbabasa ng panitikang Filipino.

Para sa lahat na nasa labas ng bansa na nais makakuha ng kopya, hindi ko pa naaayos kung ano ang pinakamasinop na paraan. Sa ngayon, marahil magpabili muna kayo sa mga kamag-anak ninyo o kaibigan na nandito sa Pilipinas.

Ikaw, kakasa ka ba sa Grade 4 sa pagbabasa ng Batbat Hi Udan?

Siyanga pala, sa Pebrero 27, 2009, 1pm, ay nasa Bukidnon State University ako sa Malaybalay City para sa re-launching ng Batbat Hi Udan. Sa lahat na malapit lamang doon, sana makadalo kayo!

Taospuso akong nagpapasalamat sa lahat na dumalo at nakilahok sa paglulunsad ng nobelang Batbat Hi Udan. Nakakatuwa ang mainit na pagtanggap ng lahat sa Batbat hi Udan at ang malinaw nilang suporta sa mga ninanais isulong ng nobela.

Salamat kay UPLB Chancellor Dr. Rey Velasco sa pagpapaunlak sa aking imbitasyon at sa pagbibigay ng mensahe. Ayon pa sa kanya, ang Batbat hi Udan ay ang bersyon ng mga Pilipino ng Lord of the Rings. At umaasa na siya na ang Batbat Hi Udan ay magkakaroon ng sequel! Abangan! hehe

Maraming salamat sa Boston Cafe! Masarap ang kape dito at maayos pa ang serbisyo. Tamang-tama talaga sa paglulunsad ng Batbat Hi Udan.

Salamat din sa pagpapaunlak ng tanggapan ni Sen. Migz Zubiri na nagpadala ng kanyang mensahe sa pamamagitan ng kanyang kinatawan.

Nagpapasalamat din ako sa BUKLOD-UPLB sa kanilang suporta at pagtangkilik sa Batbat hi Udan. Sa susunod na mga araw ay ipapaskil ko dito ang kanilang mensahe.

Salamat din sa pagdalo ni Fatima Villaseñor ng Sentrong Pangkultura ng Laguna sa ilalim ng Tanggapan ni Gob. Ningning Lazaro.

Natutuwa din ako sa pagpapaunlak ni Prof. Greg Ardales Jr. ng  UP Rural High School at ni Prof. Alona Ardales ng Filipino Department ng De La Salle Canlubang.

Nagpapasalamat din ako kay Dr. Melinda Lumanta ng UP Open University sa kanyang pagdalo at pagtangkilik.

Salamat din kay G. Jim Gomez ng Associated Press at kanyang pamilya sa kanilang pagdalo.

Gayundin nagpapasalamat ako kina Dr. Asuncion Raymundo, Dean ng CAS at Prof. Jerry Yapo,  Chairperson ng Dept. of Humanities, UPLB.

Salamat din sa pagdalo ni Juanita Juanillas, Dean ng College of Education ng Laguna State Polytechnic College.

Sa mga magulang ng aming mga estudyante at sa mga kapitbahay sa Lopez Avenue, maraming salamat din!

Sa mga kaibigang tumulong at sumuporta maraming maraming salamat!

Umaasa ako sa patuloy ninyong pagtangkilik at pagsuporta hindi lamang sa Batbat Hi Udan kundi sa panitikang Filipino.

VIII. Balaw daw bis-ay tul-an hi Gaun

1. Ano ang gagawin mo kung sa isang umaga ay matutuklasan mong maaari mong makausap nang harap-harapan ang iyong sarili? ANo ang gagawin mo kung sa isang tanghali ay makikita mo ang iyong sarili pagbukas mo ng pinto? Ano ang gagawin kung sa isang gabi ay makikita mo ang iyong sarili na nakaupo sa iyong kama?

Maraming bagay ang mahirap ipaliwanag sapagkat hindi pa panahon upang maunawaan ang lahat. Subalit kailan ang tamang panahon?

Marahil sa panahong nakaupo ka sa tuktok ng isang burol na nakadungaw sa dagat. Marahil sa panahong nakasandal ka sa puno ng andalugong sa isang mainit na tanghali. Marahil sa sandaling ninanamnam mo ang isang tasang kape sa isang dapithapon.

Sa tuktok ng burol naroon ang isang kubo. Yari sa kawayan at kogon. Tagusan ang hangin sa malalaking siwang sa sahig at dingding. Sa itaas ng punong andalugong naghuhunihan ang mga ibong nanginginain. Hindi mo kailangang tumingala upang malaman kung anong mga ibon ang naroon. Ang tasang ginagamit mo ay tasang kawayan. Nakaukit sa tasa ang ang mga linyang sumasagisag sa bundok, dagat at lupa. Nakaukit din ang buwaya at kalumbata. Ang tasang iyon ay isang daigdig.

2. Pinalipas ko ang maraming umaga sa tumba-tumbang yari sa uway. Ang mga umagang iyon ay mga umagang inisip kita. Oo, ikaw na saksi sa pagkapukaw ng alab sa aking dibdib. Ikaw na isang dahilan kung bakit muling naglalagablab ang mga apoy na muntik nang masugbahan.

Pinalipas ko ang maraming umagang iyon habang iniisip ang ating salaysay. Hanggang kailan kaya isasalaysay ng magiging salinlahi natin ang ating epikong binubuo? Magiging buo na kaya ito sa panahon ng ating mga apo?

Sa mga umagang pinalipas ko sa tumba-tumbang uway, madalas kong maisip ang isang dapithapong panatag tayong nakaupo sa tuktok ng burol na nakadungaw sa dagat. Iyong dapithapong magkahawak kamay tayo sa dapithapon ng lahat na mga dapithapon. Marahil puti na ang lahat nating mga buhok noon. Marahil wala na akong buhok sa mga sandaling iyon. At maaalala natin ang panahon ng ating kabataan. At maaalala ko ang mga umagang pinalipas ko sa tumba-tumbang uway habang iniisip ka.

3. Nagsimula ang lahat sa isang panahon ng tag-araw. Dalawang buwan na ang nakalipas mula noong namitas sila ng hinog na bunga ng kape. At pinag-uusapan nila ang takbo ng panahon.

Iyon ang panahong nauso ang dabyana. Iyon ang panahong nakatira sila sa isang malaking bahay. Iyon ang panahong maraming hinog na saging at langka. Iyon ang panahong maraming pulot ang mga tamaing. Iyon ang panahong tumutubo kahit sa lama ang mga kabute.

At sa isang umaga sa aking paggising, narinig ko ang mga salitang iilan lamang ang makauunawa.

Lumagunhat ka su tul-an hi Gaun. Magsaut ka su langesa hi Maya. Sulip ka ta Tag-olowan ta daw matun-an nu ku hindu ka napuun.

4. Kapag malaki ka na at nabasa mo ito, mauunawaan mo kung bakit kita tinuturuan ng mga bagay na sa akin mo lang maririnig.

Marahil malalaman mo rin ang mga dahilan kung bakit ang mga kuwentong isinasalaysay ko sa iyo ay hindi tungkol sa mga prinsesa o di kaya’y mga kahariang mapuputi ang lahat at ang magaganda ay iyong kagaya ng magagarang manyika.

Kapag nagka-isip ka na, marahil iisipin mo rin ang kagaya ng mga inisip ko noon. At marahil sa mga panahong ikaw’y mag-iisip ay makakausap mo rin ang sarili mong nagmula sa sarili ng ating angkan. Marahil din hindi mo na ito kailangan basahin sapagkat naririnig mo na ito kahit sa iyong pagtulog. Marahil ang aking mga kuwento ay kaulayaw mo na sa iyong mga panaginip. Ikaw na bunga rin ng aking mga pananaginip.

Mabayabaya a ku mabayaan nu haini sa lalang hu mga apu nu. Ku maragi ka ha iling hu mga apu ku ha Bae.

5. Mayroong mga umagang tila nauulinigan ko sa hangin ang sinaunang mga limbay. Iyong mga limbay na hinihimig ng isang matandang babae habang naghahabi ng banig. Iyong mga limbay na hinihimig ng isang matandang lalaki habang nag-iihaw ng atay ng usa na kanyang nahuli.

Sa mga umagang ganoon, tila ba nararamdaman ko ang aking mga paa na naglalakad nang yapak sa batuhan sa gilid ng ilog. Tila ba ramdam ko ang mga gabon sa aking mukha habang umaahon sa Dulang-dulang.

Iyon ang mga umagang naiisip ko ang nakakubling talon. Ang talon na iilan lamang ang nakakita bago iyon tuluyang maglaho sa alaala. Ang talon na hanggang ngayon ay nagdadala ng hiwaga sa aking isip. Parang tumatalontalon ang himig ng limbay. Minsan naman ay parang paputolputol. At kapag naulinigan mo iyon sa umaga ay tiyak magbabalik sa iyo ang maraming alaalang matagal nang nilimot.

6. Ang pagsasalaysay ay isang proseso ng pagtuklas. Sa pagsasalaysay ay may mga nakakubling bagay na muling natutuklasan. Sa pagsasalaysay ay maaaring ikubli ang maraming bagay. Ang pagsasalaysay ay pagtuklas sa sarili. Ito ay paghahanap ng sarili. Ito ay pagtatanong sa sarili. Ito ay paghahanap ng sagot sa mga tanong. Walang halaga ang pagtuklas kung walang salaysay.

7. Sa panahong binabasa mo ito, marahil nagkakape na ako. At marahil isisilang na siya, siyang marunong bumasa sa nakasulat sa mga bituin. Marahil handa na rin ang haligi para sa itatayong talugan. Marahil isisilang na rin ang mga baganing magdadala sa pangalan ng kanilang mga angkan sa lahat nang labanan. At sa panahong makikilala na sila, marahil ako na nagsulat nito ay isa na lamang alaala. At marahil sa panahong iyon sa bato nila iuukit ang kanilang mga tala sapagkat ang pagtatalang gaya ng ginagawa ko ay matatangay lamang sa ihip ng hangin.

8. Kung nagbabasa ka pa rin hanggang ngayon, dapat malaman mo na ang nagsulat nito ay hindi ako. Sapagkat ako ay hindi pa dumarating sa aking panahon. At ang nilalang na nagtitipa ng mga salitang ito ay sadyang tagatipa lamang. Kaya kung gusto mong malaman ang aking totoong kuwento, sundan mo ako sa aking daigdig. Sapagkat hindi ba ang lahat nang hinggil sa akin ay naisalaysay na sa Batbat hi Udan?

Tayo ay mga tauhan ng mga kuwento,

At mababasa ang lahat sa mga bituin.

- Anijun Mudan-udan

Ilog Kitun-og, Banuwa ng Lidasan

Ikalawang anihan ng palay sa panahon ng ikapitong sungay ng usa ng pamumuno ni Datu Digkahaldek.

Serye 7

VII. Hapoy ha tagkalegdeg

1. Nagsimula ang mga digmaan nang maglakbay sa kalawakan ang bolang apoy. Iyon ang pagdaan ng lago. Iyon ang pagdaan ng kometa. Iyon ang panahon ng mga pangayaw.

Sa mga pangayaw isinilang ang mga bayani. Silang mga may alab ng apoy sa dibdib. Silang mga nakipagsapalaran sa iba’t ibang banuwa. Silang mga umukit ng pangalan sa salaysay ng kanilang lahi.

2. Apoy ang nagturo sa akin upang maunawaan ang lamig.

Isang mapusok na guro ang apoy. Nais ng apoy na maramdaman mo ang mga bagay sa paligid. Nais ng apoy na tumalas ang iyong pandama.

Ngunit pinipili ng apoy kung sino ang dapat makatuklas sa hiwaga ng paligid. At bago ka piliin ng apoy, dapat nararamdaman mo ang alab sa iyong dibdib.

Sinusubok ng apoy silang mga nagnanais lumakas. Silang mga hindi karapatdapat ay matutupok. At silang totoong matitibay ay mangangatunaw na parang bakal at magiging handa upang mahulmang mga sandata.

3. Ang apoy na naglalagablab ay isang bulaklak. Isang mahiwagang bulaklak. Mabangong bulaklak.

Maraming hiwaga ang nakakubli sa apoy. Ilang libong taon na ring tinutuklas ng tao ang mga hiwagang ito. Kung kaya mayroong mga taong nais maglakad sa nagbabagang mga uling. Mayroong mga mongheng sinisilaban ang sarili upang ipakita ang kanilang galit at lakas.

Kahit ang mga dalubhasa ay hindi pa malubos ang pag-aaral sa apoy. Sapagkat napakarami ang uri ng apoy. At bawat apoy ay may iba’t ibang katangian. Ilan na bang nag-aaral tungkol sa mga bulkan ang sumanib sa hiwaga ng apoy ng mga ito?

4. Binabago ng apoy ang lahat na nadadaanan niya. Maaaring tungo sa paglakas gaya ng mga sandata. Maaaring tungo sa pagkatupok at pagka-abo.

Mahirap maunawaan nang lubos ang hiwaga ng apoy. Lalo na kung ang apoy ay isang bulaklak. Isang mabangong bulaklak na tila naghihintay na may pumitas. Tiyak masusunog ang kamay ng sinumang pumitas.

5. Huwag maglaro ng apoy. Mapanganib ang maglaro ng apoy. Upang maunawaan nang lubos ang apoy, magdarang ka sa isang malamig na umaga habang nagkakape.

6. Huwag makipaglaro sa apoy. Sapagkat ang mapaglarong apoy ay walang ibang hangad kundi ang iyong pagkatupok at pagka-abo.

7. Alam ng apoy na ang buhay ay panandalian lamang. Kung kaya nais silain ng apoy ang lahat. Alam din ng apoy na may panahong humuhupa ang kanyang alab. Subalit babalik at babalik ang alab na iyon. Naghihintay lamang ng tamang pagkakaton ang apoy upang muling maglagablab.

8. Ang apoy ay may kaugnayan sa hangin. At ang hangin ay may kaugnayan sa tubig. Ibig bang sabihin may kaugnayan ang apoy sa tubig?

Ilang libong taon na ang nakalilipas magmula nang subukang tuklasin ng tao ang pagkakugnay ng mga bagay. At ilang libong tao na marahil ang nagnais na tuklasin kung paano pagsamahin ang lakas ng apoy, hangin at tubig.

Ano ang mangyayari kapag nagsalubong ang apoy na naglalagablab at mabangis na buhawi?

Serye 6

VI. Wahig daw Kalamag

1. Tubig. Tubig ang unang humubog sa aking malay. At hanggang ngayon tubig ang nagpapaunlad sa aking malay.

Mula sa tubig natuto ako sa mabilis na pag-angkop. Mula sa tubig natuto akong mag-ipon ng lakas. Mula sa tubig natuto akong walang hadlang na hindi maaaring tibagin o di kaya’y tangayin.

Iyan eman tag-angatan su pagkalakala hu mga bagangbangan. Madani un su baha.

2. Hangin. Hangin ang umihip sa akin upang mapadpad ako sa iba’t ibang lupain sa ibayo ng lupang aking tinubuan. Hangin ang nagdala sa akin sa lupalop ni Makiling.

Mula sa hangin natuto ako sa mabilis na pagkilos. Mula sa hangin natuto akong kumilos nang hindi nakikita. Mula sa hangin natuto akong walang puwang na hindi maaaring pasukin.

Tagkahibaya tagkalukot eman su hangin. Aman madani un makauma su alimpulos.

3. Sa tubig natuto akong huminga nang walang hangin. Sa tubig ako natuto na may iba’t ibang lasa ang bawat lugar. Na ang mga bagay ay may iba’t ibang gamit sa iba’t ibang panahon.

Sa hangin ako natuto na may iba’t ibang amoy ang bawat lugar. Na may iba’t ibang halimuyak ang mga bulaklak. Na ang pagkasariwa ay may iba’t ibang mukha.

4. Ang pagkontrol ng hangin ay isang kakayahang dapat matutunan ng sinumang nagnanais lumakas. Kahit sa mga boksingerong gaya ni Manny Pacquiao ay hindi lingid ang katotohanang ito.

Ngunit ang sukdulang paglakas ay hindi isang pisikal na bagay. Wala ito sa layo ng iyong tinatakbo araw-araw. Wala ito sa laki ng iyong baga. Wala ito sa lahat na alam mong paraan ng pagkontrol ng hangin. Sapagkat ang paglakas ay darating na lamang isang araw kapag nakitang ikaw ay karapatdapat na lumakas. Sapagkat ang paglakas gamit ang hangin ay hindi isang bagay na maaaring matuklasan sa isang panahon.

Marahil matagal pa bago ko malubos ang pag-unawa sa hiwaga ng hangin. At marahil hindi ko na ito matutuklasan.

5. Kapag napagsama mo ang kakayahan ng hangin at tubig, isang delubyong lakas ang iyong makakamtan. At sinong maaaring pumigil sa buhawi? Ngunit paano naman makakamit ang ganitong uri ng lakas?

Marami nang nagtangkang hanapin ang kasagutan sa tanong na ito. Sinubukan na ito ng mga ninuno ko noong unang panahon habang tinatawid ang bumabahang ilog ng Tagoloan. Sinubukan na ito ng mga kabataang nauna sa akin na nanghahabol ng ipu-ipo sa malawak na araruhan.

Ano kaya ang kanilang natuklasan? Sayang, sapagkat hindi na naisalin sa aking pandinig ang mga kuwento hinggil sa mga bagay na iyon.

6. Mag-ingat sa tubig. Maraming panganib ang dala ng tubig. Ilang beses ko na ring naranasan ang panganib ng tubig. Sapagkat ilang baha na ba ang aking tinawid? Ilang malalaking ilog na ang nilangoy habang bumabaha? Ilang baha na ba ang pumasok kahit sa kalooblooban ng aking bahay? Hindi nakapagtataka sapagkat itong ating bansa ay isang bayang laging binabaha. Kaunting ulan lang ay halos maglutangan na ang lahat sa baha.

Upang maunawaang lubos ang tubig, kailangan magtanim ng maraming puno.

7. Mapanganib ang hangin. Kapag ito’y pumasok sa tiyan, tiyak hindi ka mapapakali. At kapag sa ulo ito pumasok, tiyak mapapahamak ka. Ang hangin ay isang bagay na hindi dapat binabalewala. Sa panahon ngayon dapat pinipili ang hangin na hayaang pumasok sa katawan. Ang masamang hangin ay may dalang sumpa.

Mag-ingat sa hangin. Sapagkat kapag napasok na nito ang iyong ulo, tiyak na bibilog ang iyong ulo. Tatangayin ka nito palayo sa lupa. Mapanganib ang malayo sa lupa.

Upang maunawaan nang lubos ang hangin, magtanim ng maraming puno.

8. Wahig daw kalamag. Sin-u kanit su tagpakatuen ku in-inuwen pagtagam kandan? Sin-u kanit su amin din natun-an ku inu su batbat dan?

Marahil matagal pa bago natin matutunan kung paano lumiksi na gaya ng hangin. Marahil matagal pa natin mauunawaan kung paano lumakas na gaya ng tubig.

At sinasabi nating moderno na ang daigdig?

Serye 5

Mga Bagay na Ginawa at Naisip ko Upang Makapagsulat ng Nobela

V. Ku mapawa sa daleman, amin taglayon ta Tagoloan

1. Umiinom ako nang kape isang umaga nang mapansin ko ang pamilyar na ihip ng hangin. Iyon din ang hangin na nakasalubong ko habang naglalakad paahon sa burol ng Palawpaw. Oo, sa Palawpaw kung saan matatagpuan ang lumang ilian na itinayo ni Walu. At sa ihip nang hangin na iyon ay aking narinig ang mga bulong:

“Ku agkabaya ka ha makatuen hu lalang hu mga bituen, pan-ahaa su alan ha nanangen.”

“Amin ku apu ba su ngaran din tagpan-ahaen din pa. Amin un ngaran ba su apu ku na daw pa taglutasa.

Amin mangangayaw ba su bangkaw din na tagsalsalen pa. Amin un bangkaw ba su mangangayaw na daw pag kabalawi.

Amin un datu ba sa su talugan na tagtukoron pa. Amin talugan ba su datu din na daw pag kaanlawani.”

Narinig ko na ito noon. Noong mga panahong nakikipaghabulan pa ako sa paglangoy sa ilog ng Kulaman. Noong mga panahong nangingisda pa kami sa Tagoloan. Narinig ko na ang mga bulong na iyon. Ang bulong ng hangin. Siya kaya ang hangin na inatasan ni Udan na magbantay sa mga hangganan ng lupain ni Gaun?

Kasabay ng hangin na iyon ang tila ba musika ng plawtang kawayan. Iyon kaya ang himig pantawag ni Gunam sa lihim na hukbo ng Lidasan?

2. Hapon iyon nang maisipan kong maglakadlakad sa campus. Sa mga panahong masyadong nabuburo ako sa mga isipin, hinahanaphanap ko ang sariwang hangin ng aking lupang tinubuan. At marahil sa buong Los Baños ay sa campus na lamang mayroong hangin na hindi man ganoon kasariwa (para sa akin) ay magbibigay sa akin ng ilusyon na ako ay naglalakad sa lupang pinaghugutan ng aking hininga.

Ang luntiang damuhan sa Freedom Park ay nagbibigay ligaya sa mata. Ibinabalik nito ang alaala ng malagong kogonan na nakatakip sa hinubarang mga bundok. Oo, yaong mga bundok na hinubaran ng masisibang kompanya ng logging at nang hindi masawatang paghangad ng tubo ng mga kompanyang may mga plantasyong nais hawanin ang lahat para sa mas marami pang ganansya. Ah, yumaman na ang ganid na mga may-ari ng mga kompanyang iyon. At ang kapalit ngayon ay ang nakapipinsalang mga pagbaha tuwing tuluytuloy ang pag-ulan.

Sinong mag-aakala noon na ang Cagayan de Oro ay pipinsalain ng matinding pagbaha sa loob lamang ng isang linggong pag-ulan?

Kapag nakikita ko ang mga kahoy sa Forestry, naiisip ko ang mga kahoy sa Alalum. Iyong malalaking balete na tila palasyo ng mga nilalang na hindi natin nakikita. Iyong mga kahoy na namamaybay sa ilog ng Atugan kung saan naghahabulan ang mga unggoy. Iyong mga kahoy sa Kialigi kung saan nagtatayo ng kanilang bahay-pulot ang mga putyukan.

Maraming bagay ang nagpapaalala sa akin sa aking lupang tinubuan. Kahit nga ang malaking bato sa Batong Malake ay nakakapagbigay larawan sa isip upang maglakbay papaunta sa mga panahong nakaupo ako sa batong sadyang malaki. At marahil kung makikita mo ang batong iyon ay sasabihin mong ang bato sa Batong Malake ay batong maliit. Dahil ang batong tinutukoy ko kung saan ako nakaupo noon ay batong gabundok. At mula sa batong iyon kami ay tatalon papunta sa malalim na bahagi ng ilog Kulaman. Iyon ang mga panahong ginagaya namin si Dante Varona sa kanyang pagtalon sa mataas na tulay.

3. Nakasakay ko isang gabi ang isang kaibigan. Matagal na panahon na kaming hindi nagkikita. At habang ang karamihan sa mga tao ay nagbago, siya ay ni walang katiting na bahid ng pagbabago. Kung ano ang kanyang mga isipin noon ay iyon pa rin ang kanyang mga isipin noong nagkasakay kami sa bus.

Naiisip pa rin niya ang kanyang kursunadang babae noon sa campus. Naiisip pa rin niya na isang araw ay magkatuluyan sila. Naiisip pa rin niya na ayos lang maglakad sa ulanan. Naiisip pa rin niya na ayos lang ang magpalaboy at magpatangay sa agos ng panahon. Naiisip pa rin niya na ang panahon ay hindi umuusad at lahat tayo ay nagpupumilit lamang na magmukhang nakausad na upang masabing umuusad ang panahon.

“Ang pagbabago ay isa lamang ilusyon,” aniya. “Katulad lamang iyan na ang enerhiya ay nagbabago ng anyo ngunit iyon ay enerhiya pa rin. At di ba’t hindi nalilikha ni nawawasak ang enerhiya?”

Bakas sa mga mata niya ang matinding kalungkutan habang sinasabi iyon. Ang mga mata niya’y tila nakatitig sa aking kaluluwa. May mga katotohanan ba siyang alam na hindi ko alam? May mga bagay na alam siya na lingid sa akin? Ano naman ang naging bunga ng kaalamang iyon sa kanya? Bakit tila matinding kalungkutan ang nababasa ko sa kanyang mga mata?

Mga tanong iyon na naisip ko matapos ang pagkikita naming iyon.

4. Nagbabalat ako ng papaya para sa tinola nang maisip ko ang mga pananim na papaya sa sakum ni Kaamayan Nasyo sa Alalum. Ang mga papayang iyon ay hinahayaan lamang niyang kainin ng mga musang at mga bayawak. Nanginginain din sa mga papayang iyon ang iba’t ibang ibon. At kaming mga apo ay laging nagsasawa sa hinog na papaya kapag napapagawi sa sakum na iyon.

Napansin kong ang papayang binabalatan ko ay wala nang dagta. Marahil mahigit isang linggo na iyong nakatinda. Walang wala ito sa bagong pitas na papayang halos sumirit pa ang dagta kapag binalatan. Maraming kuwento ang naiisip ko hinggil sa papaya. Naiisip ko iyong kuwento nang taong ginawang tabako ang tuyong dahon nang papaya. Naiisip ko kung gaano kalakas ang tawa ko noon kapag ikinukuwento ang hinggil sa taong gumawa ng tabako galing sa tuyong dahon ng papaya. Lalo na iyong parte na sinindihan na ang tabako at nagkanda-ubo-ubo ang humitit niyon.

Napakasimple lamang ang kaligayahan noong panahong nangangakyat pa lamang ako ng papaya sa Alalum.

5. Habang naglalakad ako sa Umali, nakita ko sa langit ang isang eroplano. Pumasok sa isip ko iyong isang tagpo noong ako’y nasa hayskul. Nagwawalis ako sa bakuran nang bahay na aking tinutuluyan nang biglang magsalita ang asawa ng aking tinutuluyan.

“Ano ba ang gusto mong maabot sa buhay?” tanong niya sa akin.

“Hindi ko pa sigurado. Maraming bagay akong nais gawin pero alam kong limitado ang aking magagawa,” wika ko na tila ba nagkikimkim na mahalagang bagay ayaw kong ibahagi.

“Alam mo, dapat maging sigurado ka sa mga gagawin mo. Tingnan mo iyong kapatid ko, ngayon piloto na siya. Noong naglalaro kami ng habulan sa Kibalabag noong mga bata pa kami ay nakakita kami ng eroplano. Sabi niya, magiging piloto siya balang araw. Ngayon nga’y isa na siyang piloto,” wika niya nang may pagmamalaki.

“Magpipiloto din ba ako?” tanong ko sa sarili.

“Titingnan ko na lang siguro kung ano ang makakaya,” sagot ko sa kanya. At nagpatuloy na ako sa pagwawalis. At habang nagwawalis ay maraming bagay ang sumagi sa aking isip.

“Bakit ba kailangang laging lumundo sa usapin ng trabaho at laki ng kita kapag napag-uusapan ang mga bagay na nais maabot sa buhay? Sadya bang doon nakasentro ang buhay ng tao?”

Sa ngayon ay hindi ko na kailangan ang mga tanong na iyon. Dahil ang mga tanong na iyon ay bagay lamang noong mga panahong nagwawalis ako ng bakuran tuwing umaga.

6. Naglalakad ako sa Cubao isang araw nang maalala ko iyong nasa hayskul pa kami. Naaalala ko pa na sa Cagayan de Oro kami mahilig gumala noon para manood ng sine tuwing Sabado. Hindi naman madalas pero nagiging mukhang madalas iyon dahil sa maraming kuwento. Magpapasalinsalin ang mga kuwentong iyon sa iba’t ibang bibig hanggang sa ang kalalabasan ay bagong mga kuwento na kahit kami kapag naririnig iyon ay hahagalpak nang tawa.

At dahil wala naman kami masyadong naiipon dahil maliliit lamang ang aming mga baon, makikisakay kami sa mga trak na may kargang mais papuntang Cagayan de Oro. At kapag pauwi na, ang sasakyan naming dyip ay papuntang Valencia naman o di kaya’y papuntang Malaybalay. At pagdating sa Manolo Fortich, magtatalunan na kami pagmenor ng dyip at magtatakbuhan papunta sa Pul-oton. Magtatawanan kami na tila ba kami ang may-ari nang mundo. At iyon na ang aming ideya ng isang masayang pagpunta sa Cagayan de Oro upang manood ng sine.

Syempre pagkukwentuhan namin kung paano kami nakikipagtawaran upang makapanood ng mga palabas na hindi bagay para sa aming edad. Hindi syempre naniniwala ang nagbabantay at sasabihan pa kaming manood na lamang ng mga pambatang palabas.

Naisip ko ang mga iyon habang naglalakad sa Cubao isang araw. May nakita kasi akong grupo ng kabataan na marahil ay katulad namin noon. Nakikipagtawaran sila sa bantay ng isang sinehan.

7. Sinubukan kong magsulat ng makabagong limbay sa anyong patula ngunit sa wikang Cebuano. Ngunit hindi ko talaga mapigil ang paglabas ng mga salita at ekspresyong Binukid. May mga salita talagang Binukid na nais kong mabasa at marinig sa orihinal nilang anyo sapagkat doon ko mas nalalasap ang nais kong sabihin. Sa mga salita at ekspresyong iyon ko nakikita ang maaaring maging epekto nito sa mga tulad kong naghahanap nang puwang para sa salaysay na matagal nang hindi naririnig.

“Iyan eman panahon ha lumiko su alan ha nalipatan. Ku ginulabong su mga amay ko na emanto nakauma su udan. Iyan un gaid haini dalan paynaen ta Mudan-udan? Iyan un gaid haini panggalas paynaen ta Nalandangan?” iyan haini pig-ikagi hi Dignanawan Sinalimba.

“Hari tad un agtubagon ta agkaguram tad su langesa hi Buuy Agyu. Hari kid un agpanginsa ta iyan kid un tubag,” kagi hu baylan ta Kulaman.

“Lamig ta ba su nakauma un anuba su tag-angatan!” kulahi hi Lighod Kagpa.

At sa pag-uusap na iyon, may mga nabubuong alaala hinggil sa nakalipas na libu-libong taon. Marahil iyon ang panahong natuto silang mangabayo sa pakikidigma. Marahil iyon ang panahon na natuto silang gumawa ng balangay at maglakbay sa dagat.

“Layang ka su tagbis hu mga tumanud. Pandawi ka su kalumbata hi Buuy Gaun.”

At sa mga katagang iyon, maliksing pumalaot sa hihip ang mahiwagang ibon.

8. Marahil naisip na rin ni Jaba ang mga naiisip ko habang nakatingala sa mga bituin. Marahil ganito ang kanyang sinabi:

“Kan-o gaid maaha su talugan hi Gaun? Kan-o gaid sumilaw su anlaw day?”

Hindi nakapaghintay si Jaba sa sagot mula sa mga bituin. Siya ang gumawa ng sagot. At sa katanghalian ng isang araw, pumasok siya sa tarangkahan ng Nalandangan upang mahanap ang kasagutan. Ngunit dapat sa bituin binabasa ang mga sagot na iyon. Sapagkat lahat na papasok sa Nalandangan ay hindi na makakabalik pa sa kanyang pinagmulan.

Mababasa kaya naming mga natitira ang nakasulat sa mga bituin?

Mas Lumang mga Paskil »