Ang Pag-asa ni Maypag-asa o Kung Paano Babasahin ng Isang Katutubo si Andres Bonifacio
1. Sa murang isipan ko noon ay hindi ko maisiksik kung papaano naghatid ng pag-asa ang taong mas kilala ng maraming bata bilang taong nakatayo na may hawak na itak na handang ipanghalibas at parang sumisigaw. Matagal na panahon din ang lumipas bago ko nalaman ang tunay na kahalagahan niya sa kasaysayan ng bansang pinangalanang Las Islas Felipinas ng mga banyaga (ang pagkagamit rito ng salitang banyaga ay yaong sa nais ipakahulugan nito sa Cebuano – masasamang tao) mula sa peninsula ng Iberia na naghasik ng lagim (kaligtasan daw sabi ng mga prayle) sa mga bayan bayan (dahil wala pang sambayanan noon sapagkat hindi pa iisa bilang bayan ang buong kapuluan) ng bansang hanggang ngayo’y tinatawag sa pangalang kolonyal nito na Pilipinas.
2. Sa malamang ang yugto ng pagkasakop ng mga Kastila sa iilang sentrong bayan noon ng kapuluan (kahit ang taong binaril sa Bagumbayan dahil sa pagiging Filibustero ay nagsabi na limitado lamang ang saklaw ng kapangyarihan noon ng mga Espanyol) ay tiningnan noon ng mga mamamayang nasakop (hindi pa Pilipino dahil sa panahong iyon pa lamang binubuo ang konsepto ng pagiging Pilipino [Filipino na ito ngayon]) bilang panahon ng kawalang pag-asa. Ito marahil ang dahilan kung bakit pinili ni Andres Bonifacio ang sagisag panulat na Maypag-asa. Sapagkat sa yugtong iyon ng kanilang kawalang pag-asa ay ninais niyang maghatid ng pag-asa sa kanyang mga kababayang tinawag niyang lahat bilang mga Tagalog (malamang wala pa silang sensus noon at mga pag-aaral kung anu-ano ang mga pangkat-etniko sa bansa o kung mayroon man ay hindi nila ito mababasa dahil nasa kamay ito ng mga prayleng Espanyol).
3. At sadyang pag-asa nga ang hatid na diwa ni Maypag-asa sa kanyang mga kababayan sa Luzon. (Dapat maging malinaw na sa Luzon lamang halos ito at hindi sa buong kapuluan. Sa ibang pulo gaya ng Mindanao, binura na sa kasaysayan ang pangalan ng mga taong naghatid ng pag-asa doon [Dahil hindi pa nasusulat ang totoong kasaysayan ng mga pulo na gaya ng Mindanao sapagkat ang sinasabing kasaysayan sa maraming aklat ay walang saysay sa mga kagaya kong katutubo dahil ang nakasulat lamang doon ay kung ano ang mga nangyari sa mga taong nangamkam ng aming mga lupain at kung paano sila nakinabang sa mga likas-yaman na libu-libong taong iningatan ng aming mga kanununuan.]).
Ang hahaba at ang dami ng mga kurukuro ko ano? Ngunit dapat talaga ganyan para maging malinaw ang konteksto ng buong artikulong ito (kung matatawag man itong artikulo).
4. Sadyang kahangahanga ang ipinamalas ni Maypag-asa sa pagbibigay pag-asa sa kanyang mga kababayan partikular sa Luzon. Sa kanyang pangunguna at pamumuno naging malakas na pwersa ang kilusang kilala natin ngayon bilang Katipunan o KKK. Sa loob ng ilang panahon, natutunang umangkop ng Katipunan sa mga kahirapang nakinita na noon ng taong binaril sa Bagumbayan na nagpayo laban sa tahasang paghihimagsik na isinulong ni Maypag-asa.
(Kung hindi mo alam kung sino ang binaril sa Bagumbayan, malamang
a.) bagsak ka sa Sibika/Makabayan/Hekasi
b.) hindi ka tagarito at nagpapanggap lamang na Filipino
c.) Filipino ka pero ayaw mo
d.) walang halaga sa iyo ang mga taong namatay upang sa panahong kagaya ngayon ay malaya kang makapagbasa ng
ganito )
5. Kagaya ng mga ninuno kong bagani, matapang din at mapamaraan si Maypag-asa at ang kanyang mga kasamahan. Kung ang taong binaril sa Bagumbayan ay nag-alala sa kahandaan ng kanyang mga kababayan sa pakikidigma, si Maypag-asa ay hindi naabala sa ganoong isipin. Bagkus, gamit ang pag-asang malamang ay naramdaman niya, tiniyak niyang maging handa ang kanyang mga kababayan sa pakikidigma. At ang siniguro niyang maging handa ay ang isipan ng kanyang mga kababayan. Marahil naisip niya na kahit pa tama ang mga pagpapalagay ng taong sa kalauna’y binaril sa Bagumbayan, hindi ibig sabihin na walang magagawa upang maigpawan ang mga balakid na kakaharapin. At iyon ay dahil naniniwala siya na may pag-asa pa at ang pag- asang iyon ay mabibigyan lamang ng malinaw na mukha kung may kikilos para bigyang pag-asa ang iba.
6. Ngunit tila sadyang batas yata ng kalikasan na kung may nagdadala ng pag-asa, mayroon namang ang misyon yata ay sugbahan ang pag-asa. At ano pa nga ba ang maaaring pagsasalarawan sa mga taong hayok sa kapangyarihan (at sa kayamanan malamang!) na nagpapatay at pumatay kay Maypag-asa (at sa kapatid niya)?
Sa malamang ay tigib sa panggigipuspos ang puso ng mga taong naniwala at sumunod kay Maypag-asa nang malamang ang taong naghatid sa kanila ng pag-asa ay pinatay mismo ng mga taong nagsasabing kaanib sila sa kilusang kanyang itinatag. Kaya hindi nakapagtataka na bagaman mga “nakapag-aral daw” at mga mahuhusay na “abugado” ang iba sa lideratong pumalit kay Maypag-asa, naging bigo ang kilusan.
Ay, ang mga taong inuuod ang kaluluwa sa paghahangad ng materyal na kayamanan ay sadyang hindi makakapaghatid ng pag- asang maghahatid ng kalayaan. At mababasa pa rin hanggang ngayon sa kasaysayan na kapalit ang ilang daang libong piso ay isinuko ng mga taksil na lider ang laban.
At may gana pa ang ibang sumulat ng kasaysayan na isama ang mga pangalan ng mga taksil bilang mga bayani ng lahing ito? Sinuman sila na gumawa nang ganito ay marahil:
a. hindi alam ang kaibhan ng dumi sa kanin
b. banyaga na nagnanais magmukhang kakatwa ang bansang ito
c. amuyong ng banyaga na dolyar (oops clue yata ito) lang at “prestihiyo” ang kapalit
d. kunwari sinapian ng espiritu ng pagsisinungaling kapalit ang kayamanan at paninirahan sa ibang bansa lalo na
iyong may niyebe dahil sobrang nauto na doon lamang siya mabibigyan ng regalo ni Santa Claus sa bansang may
niyebe
7. Ang pag-asang isinulong ni Maypag-asa ay nagpasalinsalin na rin sa paglipas ng panahon. Nariyang mapunta ito sa mga kilusan ng mga magsasaka na nagnais magkaroon ng sariling lupa. Nariyang magbanyuhay ito sa mga kilusang manggagawa. Nariyang mapasalin ito sa mga kabataang umuugat sa mga dakilang anak ng bayang gaya mismo ni Maypag-asa.
Ngunit mayroon ding mga namamarali na minana nila ang pag-asang iyon samantalang ang kanila palang minana ay yaong sa mga nagpapatay at pumatay kay Maypag-asa.
8. Ang pag-asang isinulong ni Maypag-asa ay hindi kaiba sa pag-asang kailanman ay hindi lumisan sa puso ng mga ninuno kong bagani at baylan na nagtanggol sa aming mga lupain laban sa mga banyaga (mapuputi man o kayumanggi din).
Ang pag-asang pinanghawakan noon ni Maypag-asa ay hindi rin marahil kaiba sa pag-asang pinanghahawakan din ngayon ng mga kagaya kong katutubo na nagnanais ituwid ang malaking pagmamali (sapagkat sinadya!) sa kasaysayan.
Marahil ang tapang na hatid ng pag-asang isinulong ni Maypag-asa ay hindi rin kaiba sa tapang na hatid ng pag-asang minana ko sa aking mga ninuno sa kanilang paninindigan laban sa sinumang mga banyaga na nagnais mapugutan ng ulo, matuhog ng sibat at/o maging kilawin ng talabusaw ang atay at puso.
Hiay! Managkawad ka su lisen hi Buuy Maliga! Lumagunhat ka su kawanan hi Agyu! Manautsaut ka su gibang hi Aniyun Minayun Anlaw!
Anijun Mudan-udan
Isang siklo ng buwan bago ang kaarawan ni Ang Nagliliwanag,
Panahong malapit nang mabasa ang Mga Antoka hu Balagbat