Mga Palapalagay atbp Hinggil sa Dagling Baha sa Cagayan de Oro at Iligan
1. Marami ngayon ang nagtatanong kung bakit nangyari ang dagling pagbaha sa Cagayan de Oro at Iligan. At simple lamang ang sagot dito – dahil walang mga puno na pipigil sa tubig.
At bakit walang mga puno? Simpleng muli ang sagot – dahil pinagpuputol ang mga puno.
Bakit pinagpuputol ang mga puno? Dito may iba’t ibang anggulo ang mga sagot subalit kung susumahin ay parepareho lamang.
Katwiran ng mga may-ari ng kompanya sa pagtotroso – para makatulong sa ekonomiya. Malaki ang kikitain ng pamahalaan sa mga buwis na ibabayad nila at makapagbibigay pa ng hanapbuhay sa mga tao. Mabubuksan pa anila ang iba’t ibang lugar sa pamamagitan ng paggawa ng mga daan kung kaya hindi maiiwang nakatiwangwang ang mga lupa.
Katwiran ng mga may-ari ng plantasyon – para makatulong sa ekonomiya. Malaki ang kikitain ng pamahalaan sa mga buwis na ibabayad nila. Mabibigyan pa ng hanapbuhay ang maraming tao. At magagamit ang mga lupang nakatiwangwang at nagiging gubatan lamang.
Katwiran nito lamang ng mga may-ari ng mga subdibisyon – para makatulong sa ekonomiya. Malaki ang buwis na kikitain ng pamahalaan sa mga buwis na ibabayad nila. Mabibigyan pa ng hanapbuhay ang kagaya ng mga karpintero at mason. Makakatulong pa umano sila sa suliranin sa pabahay.
Katwiran ng mga may-ari ng kompanya ng pagmimina – para makatulong sa ekonomiya. Malaki ang kikitain ng pamahalaan sa mga buwis na ibabayad nila. Mabibigyan pa daw ng hanapbuhay ang mga tao. At mapagkakakitaan ang mineral na nakaimbak lamang sa ilalim ng lupa.
Katwiran ng mga maliliit na magtotroso na binansagang mga iligal na magtotroso (dahil ang malalakihan lamang ang ligal?), upang may ipalamon sa pamilya. Magkakaroon pa umano sila ng hanapbuhay kaysa sa maging mga magnanakaw, tulisan o di kaya’y pulubi.
2. Lahat na kasangkot sa pagpuputol ng mga puno ay makatwiran sa kanilang sariling pananaw. Silang lahat ay namamarali na ang kanilang ginagawa ay para sa kabutihan ng nakararami.
Subalit ang kalikasan ay bulag sa ganoong uri ng pagdadahilan. Sa lohika ng kalikasan, simple lamang ang mga bagay. Kapag pinagpuputol ang maraming puno, hahayaan ng kalikasan na magkaroon ng mga pagbaha.
Hindi kinokonsidera ng kalikasan kung malaki ang kinita na buwis ng pamahalaan. Hindi alintana ng kalikasan kung marami ang nagkaroon ng trabaho. Hindi rin kinokonsidera ng kalikasan kung naiwasang maging magnanakaw, tulisan o di kaya’y pulubi ng ibang tao.
3. Ngayong nagkakatanungan kung sino ang dapat na sisihin sa pagbaha, marami kaagad ang nakaturo sa mga iligal na magtotroso. Hindi yata maunawaan ng ibang tao ang simpleng lohika ng kalikasan na maging ligal man o iligal ang pagtotroso o pagpuputol ng puno ay pareho lamang itong magbubunga ng baha.
Syempre, iwas pusoy ngayon ang mga kompanya ng pagtotroso na malawakang namutol ng puno noon sa mga karatig lalawigan kung saan nagmumula ang katubigan na rumagasa papunta sa Cagayan de Oro at Iligan. Sa malamang ang mga may-ari ng mga kompanyang iyon ay nasa ibang bansa na ngayon upang magpakasaya sa kayamanang naipundar ng kanilang pagtotroso.
Iwas pusoy din malamang ang mga may-ari ng malalaking subdibisyon sa paligid ng mga lungsod na nabanggit. Gayundin din ang mga may-ari ng minahan (maliliit man o malalaki). Malamang ay mangingibang-bansa din sila upang hindi mapagdiskitahan.
Iwas pusoy din malamang ang mga may-ari ng malalaking plantasyon sa mga karatig lalawigan. Marahil ikakatwiran nila na matagal na silang may plantasyon at ngayon lang naman nangyari ang ganoong pagbaha. Ang hindi nila aaminin ay ang katotohanang kahit ang paanan ng kabundukan ng Kitanglad ay kanila nang binabalatan upang pagtamnan.
Ang hindi lamang makakaiwas pusoy ay ang maliliit na mga magtotroso dahil wala silang tagapagsalita na magtatanggol sa kanila sa midya. At dahil hindi kumikita ng buwis ang pamahalaan mula sa kanila.
4. Sadyang nakapanlulumo ang nangyaring trahedya sa Cagayan de Oro at Iligan. Sa mga may napinsalang ari-arian at sa mga nawalan ng mahal sa buhay, malamang hindi nila mailarawan ang saklap ng kanilang sinapit. At para sa iba, ito ay pinagmumulan ng galit na hindi rin malaman kung kanino itutuon kung kaya nagtatanong sila kung sino ang dapat managot. Ito marahil ang dahilan kung bakit mabilis ang mga daliri ng iba na ituro ang iligal na mga magtotroso. Ayaw malamang ng ibang may pananagutan na sila ang mapagbuntunan ng sisi at galit ng taumbayan.
5. Ngunit katulad ng nauna nang mga trahedyang kagaya nito, madali lamang itong masasapawan ng ibang isyu sa susunod na mga araw. Kapag may bagong pagkakaabalan na ang masmidya, mawawala na ito sa pangunahing mga usapin. At katulad ng mga naunang trahedya, tanging ang mga naging direktang biktima na lamang ang makakaalala nito.
A, sadyang napakarupok ng alaala ng bayang ito. Pinatunayan na ito ng mga trahedyang kagaya ng pagguho noon sa Cherry Hills Subdivision, ng pagbaha noong bagyong Ondoy at Milenyo, mga malawakang pagguho noon sa Quezon at iba pang nasa paanan ng Sierra Madre, mga pagguho sa Benguet, dagling baha sa Ormoc at marami pang iba na nilimot na ng marami.
Ang pinakamalungkot sa lahat ay hanggang ngayon hindi pa rin tumatalab sa isip ng marami ang aral na nais iparating ng mga trahedyang ito. Na dapat nating pangalagaan ang kalikasan upang alagaan tayo nito. Na dapat magtanim ng puno, magtanim ng mga puno, magtanim ng maraming puno!
6. Hindi kailangan ang pamahalaan upang maunawaan natin na kailangan magtanim tayo ng puno at lalong hindi kailangan ang pamahalaan upang maisagawa natin ito. Bagaman ang pamahalaan, bilang resulta ng ating kolektibong ekspresyon, ay nararapat talaga na mangunguna sa pagtitiyak ng kaligtasan ng kanyang mamamayan.
Hindi rin natin kailangan pa ng marami pang trahedyang kagaya ng nangyari sa Cagayan de oro at Iligan upang maunawaan na dapat ngayon mismo ay magsasagawa tayo ng pagtatanim ng mga puno.
Hindi rin natin kailangan pa ng bagong trahedya upang maunawaan na dapat kontrolin ang pagpapalawak ng mga plantasyon at kung maaari ay kumpiskahin ang mga lupain nila na nararapat sana ay bahagi ng gubat o nararapat na pagtamnan lamang ng mga puno at gawing gubat muli.
Hindi rin natin kailangan pa ng mas malakas na pagbaha upang mapagtanto na nararapat itigil nang tuluyan ang anumang uri ng pagtotroso. At hindi natin kailangan pa dito ng depinisyon kung ano ang ligal at iligal.
Hindi na rin natin kailangan pa na magkaroon ng malawakang pagkasira sa ari-arian at pagkalagas ng buhay upang maisip na dapat itigil ang lahat na uri ng pagmimina sapagkat nakakasira ito sa kalikasan.
7. A, simple lamang talaga ang lohika ng kalikasan. Subalit dahil ang lohika ng tao ay nakasalalay sa sinasabi niyang pag-unlad, mauudyukan pa rin ang pamahalaan ng tao na payagan ang pagtotroso, pagmimina, pagtatayo ng subdibisyon sa kahit saan, pagpapalawak sa mga plantasyon dahil magbibigay ito sa kanya ng limpaklimpak na buwis. At syempre pa, dahil sa mga aktibidad na ito ng tao, may iilang tao na magkakamal ng limpaklimpak na kayamanan.
A, simple lamang ang lohika ng kalikasan subalit ang lohika ng tao ay kabaligtaran. Sapagkat ang tao ay hindi nag-iisip ng kabutihan ng tao bilang kolektibong katawan kundi ng kanyang kabutihan bilang indibidwal.
A, simple lamang ang lohika ng kalikasan subalit ang tao ay nagmamaangmaangan na hindi niya ito maintindihan upang matugunan ang kanyang hindi masawatang kaganiran sa mga bagay na materyal.
8. Sa katutubong mga paniniwala ng mga Higaonon, sadyang nararapat na iginagalang ang kalikasan. Kabilang sa paggalang na ito ang pangangalaga sa kalikasan upang masiguro na ang lahat na tao ay mabibigyan nito ng biyaya. Tinitingnan ito bilang isang kolektibong pananagutan ng pamayanan at kung gayon, walang sinuman ang maaaring magsagawa ng mga bagay na makakasira sa kalikasan sapagkat ang kapakanan ng nakararami ang nakataya.
Kung babalikan natin ang kasaysayan, bago pa maghariharian ang mga Kastila noon at mga kampon nila sa Hilagang Mindanao, ang mga banuwang kagaya ng Cagayan de oro at Iligan ay mga banuwang saklaw sa mga teritoryo ng mga Higaonon. Subalit magmula noong panahong makarating ang mga Kastila at mga kampon nila, kasama na ang sumunod pang mga mang-aagaw ng lupain, naitaboy mula sa mga banuwang ito ang mga Higaonon.
A, sa ngalan ng pag-unlad at sibilisasyon ay itinaboy ng mga dayuhan, mapuputi man o kayumanggi ang mga ninuno kong libu-libong taon nang naging tagapangalaga ng kagubatan ng Mindanao. At kami na kanilang mga inapo ay matatagpuan na lamang ngayon na nakakalat sa kung saan-sang lupain o kung hindi man ay sa kung saang sulok sa kabundukan ng Mindanao.
A, sa ngalan ng pag-unlad at sibilisasyon din pinagpapatay ang mga nauna sa akin na lider Higaonon sapagkat ayaw nilang papasukin ang mga kompanya ng pagtotroso at mga plantasyon sa kanilang mga lupain!
A, sa ngalan ng pag-unlad at sibilisasyon din pinagpapatay ang mga lider Higaonon na nagtanggol sa kanilang mga lupain sa pangangamkam ng mga dayuhan mapuputi man o kayumanggi.
A, sa ngalan ng pag-unlad at sibilisasyon din pinagpuputol ang mga puno.
A, sa ngalan ng pag-unlad at sibilisasyon tila pareho ang naging kapalaran ng mga Higaonon at ng mga puno. Hindi talaga magiging magkalayo ang kapalaran ng tagapangalaga at ang kanyang inaalagaan sapagkat tanggap nila na sila ay iisa.
Anijun Mudan-udan
Tagkabantuwa su sakuru hi Dalanong, Pito aldaw maipes su kagsagad hi kayamat ta aldaw