1. Sa payak na pakahulugan, ang pakikipagkapwa ay ang paraan ng pakikisalamuha sa ibang tao (at sa ibang nilalang). Ang batayan nito ay mag-iiba lamang ayon sa mga paniniwala at mga saloobin ng isang indibidwal na hinubog ng mga institusyong panlipunan.
2. Isang karaniwang bagay lamang para sa isang normal na tao ang pakikipagkapwa. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi ito pinag-iisipan pa ng maraming tao sa mundong ibabaw.
3. Hindi alam ng karamihan na ang halaga ng pag-iral sa mundong ibabaw ay nakasalalay lamang sa kanilang pakikipagkapwa. Ang buong akala ng marami, ang yaman, dangal at talino ang sukatan ng halaga ng pag-iral kung kaya mas pinahahalagahan nila ang pagkamit sa mga ganoong bagay.
4. Ang mabuting pakikipagkapwa ay iyong pakikisalamuha sa ibang tao nang may buong paggalang at walang halong pagkukunwari. Ang akala ng iba, kapag mahusay sa pakikipagplastikan (gaya nang sa ginagawa ng maraming pulitiko) ay mabuting pakikipagkapwa na.
5. Ang pakikipagkapwa ay nagkakaroon ng iba’t ibang anggulo para sa iba’t ibang tao. Hinahati din ito ng marami sa iba’t ibang kategorya at antas. Hindi malay ang marami sa atin na ang mga bagay na gaya ng pakikipagkaibigan, ugnayan ng magkakapamilya, relasyon ng mag-asawa, ugnayan ng magkakatrabaho, pakikitungo sa mga pulubi, pakikisalamuha sa mga kaklase, pakikitungo sa mga kalaro at iba pang uri ng relasyon ay iba’t ibang mukha lamang ng pakikipagkapwa.
6. Naniniwala ako na ang paghubog sa pakikipagkapwa ng tao ang malaking dahilan ng pag-iral ng tao sa mundong ibabaw. Ito marahil ang dahilan kung bakit may iba’t ibang mukha ang pakikipagkapwa. Nais marahil ng Dakilang Tagapaglikha (kung ibabatay sa pananaw panrelihiyon) na matuklasan ng tao na siya bilang indibidwal ay hindi kaiba sa tao bilang isang kolektibong nilalang.
7. Sa ganang akin, ang mabuting pakikipagkapwa ay nakaugat sa malalim na pag-unawa sa kapwa tao at tauspusong pagsisikap na maitransporma ang pag-unawang iyon sa pakikitungo na makakapag-ambag sa pag-unlad ng kapwa tao. Kung gayon, ayon sa pananaw kong ito, isang espiritwal na bagay ang pakikipagkapwa at hindi lamang payak na usapin ng inter-aksyon sa ibang tao.
8. Naniniwala ako na sadyang espiritwal na bagay nga ang pakikipagkapwa. Ito marahil ang dahilan kung bakit may mga uri ng pakikipagkapwa na itinuturing natin bilang banal. Ito rin marahil ang esensya ng tinuran ng Dakilang Guro ng sangkatauhan na dapat “Mahalin mo ang iyong kapwa kagaya nang sa pagmamahal mo sa iyong sarili”.
9. Sa tahanan unang nahuhubog ang karanasan sa pakikipagkapwa. Napakahalagang tungkulin kung gayon ang pagiging isang magulang at isang napakahalagang institusyon kung gayon ang pamilya.
Ang ugnayan sa loob ng isang pamilya ang unang batayan ng isang tao kung ano ang mabuti (o hindi mabuting) pakikipagkapwa. Madalas ang mga magulang ang nagtuturo nito (lantaran man o hindi) sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, paraan ng pananalita at paraan ng pakikitungo sa mga anak, ibang kapamilya at sa ibang tao.
Marahil ang katagang “ang tahanan ang unang paaralan ng bata at ang mga magulang ang unang guro” ay tumutukoy talaga sa “pag-aaral” sa konteksto ng pag-aaral sa pakikipagkapwa. Sa ngayon kasi, mas binibigyang-diin ng maraming magulang ang usapin ng pag-aaral sa konteksto ng akademikong pakahulugan nito.
10. Sa pagitan ng mag-asawa (na itinuturing na banal ang pagkakabuo), sadyang isang mahalagang bagay ang mabuting pakikipagkapwa. Sa tingin ko, sa panahon natin ngayon, marami ang sumasablay pagdating dito. Malamang dulot ito ng kakulangan ng pag-unawa at pagtanggap sa pagiging banal ng relasyong mag-asawa. At marahil nagiging balakid sa pag-unawa nito ang pagiging abala ng karamihan sa trabaho (o pagiging abala sa bisyo para sa iba).
Siyempre pa, malaking hadlang din sa pag-unawa kapagka ang dahilan ng pag-aasawa ay sadyang hindi ayon sa pakikipagkapwang ibinunga ng pag-ibig kundi iyong ibinunga lamang ng paghahangad ng mga bagay na materyal at makamundo.
11. Sa pagitan ng anak at magulang, nararapat ding may maayos na pakikipagkapwa. Ang mabuting pakikipagkapwa ng magulang sa anak marahil ang siyang pinakamalaking bagay na maaaring maipamana niya. At marahil ang mabuting pakikipagkapwa ng anak sa kanyang magulang ang siyang pinakamasayang alaala na maaari niyang maipabaon sa kanyang mga magulang.
12. Sa ugnayan ng mga magkakaibigan, ang mabuting pakikipagkapwa ang siyang batayan ng mga pagkakaibigang tumatagal at lalong nagiging makulay sa pagdaan ng panahon. At sa pagkakaibigang ganito, ang mabuting pakikipagkapwa ay hindi lamang nagmumula sa isang panig kundi sa lahat ng panig na kasangkot.
13. Sa panahon natin ngayon, bibihira na lamang makasalamuha ang mga taong may tunay na mabuting pakikipagkapwa. Kadalasan kasi, ang pakikipagkapwa ngayon ay natatabingan ng mga birang at pagbabalatkayo. Ang kadalasang makakadaupang-palad mo ngayon sa pakikipagkapwa ay ang mga pagkukunwari ng ibang tao at hindi ang mga tunay nilang saloobin. Tila ba ang marami ay natatakot na ipakita ang tunay nilang mukha nang walang kahit katiting na pagkukunwari.
14. Anumang kategorya at antas ng pakikisalamuha sa ibang tao, nararapat sikapin ng isang tao na maisagawa ang mabuting pakikipagkapwa. Dapat maunawaan ng tao na ang mabuting pakikipagkapwa ang daan tungo sa kanyang pag-unlad bilang tao sa mundong ito. Dapat tanggapin ng tao na ang mabuting pakikipagkapwa ang pangunahing esensya ng kanyang pag-iral sa mundong ito sapagkat ang tao bilang indibidwal ay hindi kaiba sa tao bilang kolektibong nilalang.
15. Ang mabuting pakikipagkapwa ay hindi isinasagawa upang mapuri ng iba. At lalong hindi isinasagawa ang mabuting pakikipagkapwa upang makatanggap ng gantimpala o anumang biyaya.
16. Sa lumang mga aral ng sangkatauhan, may apat na mga utos tungo sa mabuting pakikipagkapwa.
a. Pakainin ang mga nagugutom b. Painumin ang mga nauuhaw c. Damitan ang walang damit. d. Ilibing ang patay.
Tila napakapayak lamang ang mga utos na ito. Subalit alam nating lahat na malamang, iilan lamang sa ating mundo ngayon ang nagampanan ang mga tungkuling ito nang buong puso.
17. Susi sa mabuting pakikipagkapwa ang pagnanais na maging mabuti sa kapwa. Madalas, sa ating pakikipagkapwa, nais nating maging mabuti muna sa atin ang ibang tao bago tayo maging mabuti sa kanila. O kaya naman para sa ibang tao na nag-aakalang sila ang sentro ng mundo, dapat ang lahat ay maging mabuti sa kanila kahit na ano pa ang gawin nila. May mga tao naman na dahil sa kanilang disbentaheng kalagayan, iniisip na nila na obligasyon ng ibang tao na maging mabuti sa kanila. Mayroon namang iba na dahil sa kanilang bentaheng kalagayan, iniisip nila na karapatan nila na maging mabuti lamang sa piling mga pagkakataon at sa mga tao lamang na malapit sa kanila.
18. Ang mabuting pakikipagkapwa ang isa sa mga pangunahing aral na binigyang diin ng mga Dakilang Guro ng sangkatauhan.
19. Isang malaking kabalintunaan na habang umuunlad ang teknolohiyang may kinalaman sa transportasyon at komunikasyon, ay lalo yatang hindi na marunong sa mabuting pakikipagkapwa ang maraming tao.
20. Sa unang tatlong dekada ko sa mundong ibabaw (kung sakaling ito man ang una kong pag-iral sa mundong ito), marahil hindi pa rin lubos ang aking pagkaunawa hinggil sa tunay na diwa ng pakikipagkapwa. Subalit umaasa ako na sa pamamagitan ng mga kagaya nitong paghahakahaka ay unti-unting akong mahubog tungo sa pagiging isang mabuting kapwa sa lahat nang walang pagtatangi sa kulay, lahi, kalagayan, kasarian at paniniwala ng iba.
Anijun Mudan-udan
Habang umiinom ng mahiwagang salabat na tinimpla ng aking Gagawen
Apat na araw bago ang kaarawan ni Ang Nagliliwanag