Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Ang Pananaw ng Katutubo

1. Para sa katutubo ng Mindanaw, malinaw pa ang mga pangyayari mula sa malapit pa lamang na nakaraan. Bilang tagapagmana ng mga kolonisador, ang mga pesteng puti, ipinagpatuloy ng estado ng mga setler ang programa ng kolonisasyon. Gamit ang walang batayang ligal na pag-angkin sa isla, puwersahang inalisan ng estado ng lupain ang katutubo. Inangkin ng estado ng mga setler ang isla bilang bahagi kuno ng teritoryong minana nito mula sa mga kolonisador.

Ang estado ng mga setler ang puspusang namahagi ng lupain ng katutubo tungo sa mga setler mula sa Luzon at Visayas. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit marami sa katutubo ang naitaboy mula sa mga baybayin at matatabang kapatagan tungo sa mga liblib at kabundukan. Nang ipamahagi naman ng estado ang kagubatan sa mga konsesyunaryo ng pagtotroso, muli na namang naitaboy ang katutubo. At sa panahon ngayon na ipinamahagi ng estado ang kabundukan sa mga kompanya ng pagmimina, patuloy na itinataboy ang katutubo at pinapatay ang sinumang nangangahas na labanan ang ganitong programa ng estado ng mga setler.

2. Hindi kailanman isinuko ng katutubo ang kanyang kalayaan kahit na naitaboy siya ng mga kolonisador. Hindi rin kailanman niya binigyang karapatan ang kahit sinong kolonisador na ariin ang kanyang isla. At hinding hindi niya kailanman isusuko ang kanyang karapatan na manahin ang isla na kinamkam mula sa kanya.

Tandang-tanda ng katutubo kung paano siya naitaboy dahil pagsuporta ng estado ng mga setler sa maraming setler. Tandang-tanda niya kung paano siya pinalayas ng estado upang bigyang daan ang mga “settlement”, rantso at plantasyon. Tandang-tanda ng katutubo kung paano kinalbo ang kagubatan ng Mindanaw ng mga konsesyunaryo ng pagtotroso na may basbas ng estado ng mga setler. At tandang-tanda ng katutubo na ang estado ng mga setler ang nagbigay pahintulot sa mga kompanya ng pagmimina upang sirain ang banal na kabundukan.

3. Alam ng katutubo na hindi totoo ang pakikipagkapwa sa kanya ng estado ng mga setler. Alam ng katutubo na hindi siya mahalaga para sa estado ng mga setler at sa mga setler. Lagi siyang tinatrato bilang mababa. Pulubi ang tingin sa kanya ng estado ng mga setler at ng mga setler. Ginagawa lamang siyang palamuti sa ilang mga okasyon upang magmukhang “exotic” ang okasyon at makakuha ng mga turista.

Ni hindi iginagalang ng estado ng mga setler at ng mga setler ang kanyang kultura. Ang mga damit ng Bae na dapat lamang isuot ng isang Bae ay ipinasusuot din kahit sa hindi naman mga bae. Ang damit ng Datu na dapat lamang isuot ng Datu ay ipinasusuot kahit sa hindi naman mga datu. May isang grupo pa nga ng mga pari na nagsuot ng damit pangdatu/baylan sa kanilang mga gawain. Hindi nila naisip na kung ang mga baylan at datu ang nagsuot ng damit ng pari, tiyak iisipin nila na ito ay malaking kabastusan.

Walang galang ang estado ng mga setler at mga setler sa kultura ng katutubo sapagkat nais nilang pagkakitaan/pakinabangan mismo ang kultura ng katutubo.

4. Para sa katutubo, hindi siya kailanman nagpasakop sa kahit kaninong kolonisador, puti man o kayumanggi. Malinaw sa katutubo na siya ay malaya pa rin kahit na inagaw ng kolonisador ang kanyang lupain. Mula sa panahon ng mga pesteng puti hanggang sa kasalukuyang pamemeste ng mga kayumanggi at puti, matatag ang paninindigan ng katutubo na hindi siya magpapailalim sa kapangyarihan ng mga pesteng ito.

5. Para sa katutubo, patuloy niyang nilalaban ang kolonyalismo. Ang kanyang pagkasadlak sa kasalukuyang kalagayan ay pansamantalang pagkabalaho lamang na alam niyang mapagtatagumpayan din niya sa malaon at sa madali. Ang mahalaga para sa kanya ay hinding hindi siya susuko. Hindi kailanman niya tutularan ang mga nagpakolonyang kayumanggi sa Luzon at Visayas na ngayon ay nangongolonya naman sa kanyang lupain. Hindi kolonosado ang katutubo at ito ang malaking ipinagkaiba niya sa karamihan sa mga taga-Luzon at Visayas na tinanggap na ang kolonyalismo.

6. Hanggang patuloy na paninindigan ng katutubo ang kanyang kalayaan, naniniwala siyang hindi magtatagumpay ang kolonyalismo. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya natatakot sa mga banta ng estado ng mga setler at ng mga setler. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na lalabanan ng katutubo ang mga imposisyon ng estado kahit na nililipol siya nito. Alam ng katutubo kung paano siya kutyain ng estado ng mga setler at ng mga setler dahil mahirap ang kanyang kalagayang pang-ekonomiya at siya ay walang sariling armadong puwersa upang labanan nang harapan ang estado. Subalit naniniwala ang katutubo, batay sa kanyang karanasan, na darating ang panahong makakamtan niya ang sapat na lakas upang durugin ang lahat niyang kaaway.

7. Kahit na aba ang kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya ng katutubo, mayaman naman siya sa aral ng kanyang kasaysayan. Alam niyang pansamantala lamang ang kalagayang ito. Alam niyang dumating lamang ang kalagayang ito magmula nang malawakang kinamkam ng estado ng mga setler ang kanyang lupain.

“Hindi kami mahirap ngunit ginawa kaming mahirap,” madalas na sagot ng matatandang datu kapag tinatanong kung bakit mahirap ang katutubo. “Naghirap kami dahil inagaw sa amin ang aming lupain.”

Kung pansamantala mang nagtagumpay ang kolonisasyon sa pagpabagsak sa kalagayang pang-ekonomiya ng katutubo ng Mindanaw, bigo naman ito na tuluyang masakop ang katutubo sapagkat hindi nagpasakop ang katutubo hanggang sa kasalukuyan.

Babawiin ng katutubo ang nararapat niyang pamana. Patuloy na igigiit ng katutubo ang kanyang pagiging malaya. At bibiguin niya ang kolonyalismong sinimulan ng mga pesteng puti na ngayon ay ipinagpapatuloy ng mga alipores na kayumanggi.

Para sa katutubo ng Mindanaw, ang isla ng Mindanaw ay para sa kanya at sa kanyang salinlahi.

Ang Kapayapaan sa Mindanaw Ayon sa Iba’t ibang Pananaw

1. Para sa estado, ang kapayapaan sa Mindanaw ay ang kanyang pagkakaroon ng ganap na kapangyarihan sa isla. Dalawa ang paraan upang mangyari ito. Una, dinudurog niya ang lahat na lumalaban sa kanyang paghahari sa isla gamit ang kanyang hukbong sandatahan at puwersa ng mga lokal na pamahalaan. Pangalawa, ginagamit niya ang mga institusyong panlipunan upang turuan ang katutubo na kilalanin ang estado bilang ganap na may-ari ng isla.

Magkasabay na ginagawa ng estado ang dalawang paraan na ito. At hanggang ngayon, malinaw na hindi nito napagtatagumpayan ang alinman sa dalawa. Ito ang dahilan kung bakit binuksan niya ang usapang pangkapayapaan para sa mga pangunahing armadong puwersa ng isla.

2. Para sa setler, ang kapayapaan sa Mindanaw ay ang kanyang patuloy na pagtamasa ng pakinabang sa kanyang naposisyunan at napapapelang ari-arian. Mahalaga sa kanya na hindi na siya matitinag sa kanyang kasalukuyang posisyon. Mahalaga sa kanya ang kasiguraduhan na hindi na mawawala pa sa kanyang mga kamay ang anumang ari-arian na napasakamay niya sa kahit anumang paraan.

Sa ganitong pananaw, hindi paborable sa setler na balikan ang kasaysayan kung paano siya napadpad sa isla. Sapagkat sa kanyang pananaw, hindi maaaring malagay pa sa alanganin ang kanyang posisyon sa kasalukuyan.

3. Para sa katutubo ng Mindanaw, ang kapayapaan ay ang pagkamit ng katarungan para sa kanyang lahi. Malinaw sa katutubo kung paano ang ligal na proseso para rito. Una, dapat kilalanin ng estado ng mga setler at ng mga setler ang kanilang pagkakasala sa katutubo ng Mindanaw. Magiging malinaw ang pagsasagawa nito kung babalikan ang kasaysayan. Pangalawa, kapag ginawa na ng estado ng mga setler at ng mga setler ang unang hakbang, magiging bukas na ang katutubo sa pakikipag-usap kung papaano makapagbayad pinsala ang estado ng mga setler at ang mga setler. Kapag matagumpay na naisagawa ang dalawang hakbang na ito, saka pa lamang magkakaroon ng tunay na simula upang makamtan ang kapayapaan sa isla.

4. Subalit malinaw sa pananaw ng estado ng mga setler at ng mga setler na ayaw nilang balikan ang kasaysayan. Hanggang ngayon, walang palatandaan na kikilalanin ng estado ng mga setler at ng mga setler ang kanilang pang-aapi at panggagantso sa katutubo ng Mindanaw.

5. Maraming paraan ang estado ng mga setler at ang mga setler upang iligaw ang pananaw ng katutubo hinggil sa kapayapaan sa isla. Pangunahin sa mga paraang ito ang pagtiyak na maghihikahos sa hirap ng buhay ang katutubo. Kasama sa mga paraang ito ang pagpatay sa mga lider katutubo gamit ang militar at paramilitar. May teorya ang mga tagaugit ng estado ng mga setler na kapag naging abala ang katutubo sa pakikipagpatintero para sa kanyang buhay, malilimutan niya na siya ang tunay na may-ari ng isla.

Kasama din sa mga paraan upang iligaw ang katutubo ang pagpasok ng mga GO at NGO. Nais ng mga entidad na GO at NGO na huwag maisip ng katutubo na mag-armas para ipaglaban ang kanyang nararapat na pamana. Binibigyan ng ilusyon ng mga GO at NGO ang katutubo na maaayos ang lahat sa pamamagitan ng ligal na pakikipaglaban. At mula sa karanasan ng katutubo sa mga ito, naisip niya na naging daan lamang ang mga GO at NGO upang mailantad ang mga lider katutubo at naging madali lamang para sa mga bayarang mersenaryo na pagpapatayin ang mga lider katutubo.

6.Subalit laging bigo ang mga pagtatangkang ilihis ang pananaw ng katutubo. At mula sa kanyang karanasan, nakita niya na sa malaon at sa madali, kailangan niyang armasan ang sarili upang ipakigpatayan ang kanyang paninindigan na kanya nga ang isla ng Mindanaw. Bagay ito na nagbibigay ng pangamba sa estado ng mga setler at sa mga setler.

Hindi naisama sa kuwenta ng estado ng mga setler at ng mga setler na naging bihasa na ang katutubo sa paggamit ng baril sa pamamagitan ng pagsapi ng kanyang mga anak sa New People’s Army at kahit mismo sa hukbong sandatahan ng estado. At ang kasanayang ito ay tiyak na pakikinabangan ng katutubo sa panahong magpapasya na siyang bigyang diin ang kanyang paggigiit ng karapatan sa pamamagitan ng pakikidigma.

7. Hindi magbabago ang pananaw ng katutubo kung papaano magkaroon ng kapayapaan sa Mindanaw. Nasa estado ng mga setler at sa mga setler ang bola upang masimulan ang proseso tungo sa tunay na kapayapaan sa isla. Sanay na ang katutubo sa kampanya ng paglipol ng estado laban sa kanya. Kaya tiyak hindi ang katutubo ang maninibago kung siya naman ang maglunsad ng kampanyang lido laban sa lahat na sumagasa sa kanyang karapatan na manahin ang isla ng Mindanaw.

Alam ng katutubo na lahat ay nagsasabi na gusto nila ng kapayapaan. Subalit alam din niya na hindi lahat nang nagsasabi na gusto nila ng kapayapaan ay nagsasaalang-alang sa kapakanan ng katutubo ng Mindanaw. At lalong alam ng katutubo na ang kapayapaan sa isla ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng pamamaraang kanyang inilahad at hindi sa pamamaraan ng estado ng mga setler at ng mga setler.

Ang Posisyunan sa Mindanaw

1. Malinaw ang posisyon ng estado – bahagi ng teritoryo ng republika ang isla ng Mindanaw. Hindi niya ito bibitawan kahit pa lagi niyang sinasabi na magulo sa islang ito. Pagtitiyagaan niyang tambakan ng libulibong sundalo ang isla upang ipangalandakan ang kanyang pag-okupa sa islang ito. Sisikmurain kahit ng mga mamamayan nitong setler na lipulin ang mga katutubo ng isla upang pangalagaan ang interes nito.

Hindi na uungkatin pa ng estado ang sinasabing Kasunduan sa Paris kung saan iligal na ibinenta ng ganid na Kastila ang isla ng Mindanaw tungo sa ganid na Amerikano. Balewala sa estado kahit ang mga pahayag ng taong tinagurian niyang pambansang bayani na nagsabing kahit ang ilang mga isla at lugar sa Luzon at Visayas ay hindi totoong nasakop ng mga Kastila. Hindi na mahalaga sa estado na ang isla ng Mindanaw ay isang malayang isla bago pa ang Kastila at kahit noong nakatapak sila sa islang ito.

At bakit ganito ang kilos ng estado? Hindi na dapat itanong pa sapagkat malinaw na pinakikinabangan nang husto ng estado ang isla. Ginawa niya itong gatasan ng mga produktong panluwas at produktong pagkain upang tustusan ang sentrong bayan ng estado. Halos kalbuhin ng estado ang isla sa pamamagitan ng pagbigay ng malalaking konsesyon sa mga kompanya ng pagtotroso at kompanyang nagpalawak ng mga plantasyon. At ngayon, ginawang makapangyarihan ng estado ang mga kompanya sa pagmimina upang tuluyang sipsipin ang lahat na pakinabang sa islang kinokolonya nito.

Samantala, tiniyak niyang maging bansot ang isla sa imprastraktura. Tiniyak din ng estado na alisan ng kapangyarihan ang mga katutubo ng isla sa pamamagitan ng lantarang pag-agaw ng kanilang lupain. Pinatay ng estado at mga kasapakat nito ang lahat na tumutol sa patakaran ng estado na ipamahagi ang lupaing hindi naman kanya. Nilipol ng estado kahit ang mga datu at bae na hindi pumayag na kalbuhin ang kagubatan ng isla. At ngayon, nililipol pa rin ng estado at ng mga galamay nito ang mga katutubo ng isla na ayaw pumayag na salaulain ng mga kompanya ng pagmimina ang banal na kabundukang inalagaan na ng mga katutubo kahit noong panahong ni isang dumagat ay hindi pa idinagsa sa alinmang baybayin ng isla ng Mindanaw.

2. Malinaw din ang posisyon ng mga setler – hayaan na ang nakaraan at ang harapin na lamang ay ang ngayon. Nais ng mga setler na magpatuloy ang kasalukuyang kalagayan sapagkat ayaw nilang masalang pa sa alanganin ang kanilang pag-angkin ng mga ari-arian sa isla lalo na’t marami sa kanila ang sa isla na umangat ang kabuhayan. Kung kaya nasa interes ng mga setler na huwag nang balikan ang kasaysayan ng kanilang pag-angkin ng mga lupain. Tinatanggap nila na ligal ang pakana ng estado na ipamahagi ang lupaing hindi nito pag-aari.

Wala sa interes ng mga setler na makiisa sa pakikibaka ng mga katutubo ng Mindanaw para sa kanilang nararapat na pamana. Alam ng mga setler na magkatunggali ang interes nila at ng katutubo ng isla. Kaya sa gitna ng mapanupil at mapanglipol na mga hakbang ng estado, ang pagkondena nila sa kanilang estado ay hindi hahantong sa pag-ungkat sa ligal na batayan ng pag-okupa ng estado sa isla.

3. Mula noon hanggang ngayon, malinaw na malinaw din ang posisyon ng katutubo ng isla ng Mindanaw – ang isla ng Mindanaw ang kanyang pamana. Hindi pa man dumagsa sa isla ang mapuputing peste mula sa kanluran at ang kayumangging mga alipores nila, may sarili nang pamahalaan ang katutubo ng Mindanaw. Ni hindi pa nga dumadating sa isla ang mga misyonero ng Islam, may sistema na ng pamamahala ang katutubo ng Mindanaw. Sapagkat noong panahong iisa pa lamang ang wika ng katutubo ng isla, umagos na sa Walu Talugan ang pitong kalipunan ng mga batas na sinusunod ng bawat talugan.

Ang isla ng Mindanaw ay para sa katutubo ng Mindanaw. Ito ang kanyang nararapat na pamana. Ito ang islang inalayan ng buhay ng kanyang pinakamagigiting na mga anak. Ito ang islang pinagbuwisan ng buhay ng kanyang mga martir na pinaslang ng estado sa pangangamkam nito ng lupain.

Alam ng katutubo ng Mindanaw na tunay at makatwiran ang kanyang paggigiit sa kanyang karapatan na ang isla ay para sa kanya at sa kanyang salinlahi. Alam ng katutubo na hindi kailanman magiging tama ang pang-aagaw ng estado sa kanyang lupain kahit pa dumaan na ang ilang dekada. Alam ng katutubo ang kahungkagan ng “ligal” na karapatan ng estado sa isla ng Mindanaw sapagkat nakasandig lamang ito sa isang iligal na bentahan sa Paris.

4. Malinaw na magkatunggali ang posisyon ng katutubo at ng mga setler at estado nila. Ito ang ugat ng kawalang kapayapaan sa Mindanaw. At hinding hindi magkakaroon ng kapayapaan sa isla hanggang hindi nareresolba ang posisyunang ito.

Sa ngayon, malinaw ang hakbang ng estado ng mga setler upang resolbahin ito – lipulin ang katutubo ng Mindanaw. Idinadaan ito ng estado sa iba’t ibang paraan sapagkat ramdam ng estado na hindi basta isusuko ng katutubo ang kanyang makatwirang hangarin na maipamana pa sa kanyang salinlahi ang isla. Ito ang dahilan kung bakit nilikha ng estado ang batas na IPRA upang tuluyang iligaw ang pakikibaka ng katutubo. Sa pamamagitan ng panlilinlang, nais ng estado na tuluyang mabura sa puso at damdamin ng katutubo ang kanyang pagmamay-ari sa isla ng Mindanaw. Samantala, kahit ang batas na ito ay lantarang nilalabag ng estado at mga kasapakat nito. Sapagkat ang mahalaga lamang sa kanya ay ang patuloy na maging gatasan ang isla kahit pa mangangahulugan ito na pagpapatayin ang lahat na katutubo.

5. Alam ng estado na ang kanyang possiyon sa Mindanaw ay malaking kasalanan laban sa katutubo ng Mindanaw. Subalit hindi niya ito inaamin. Nagpopostura pa rin ito na kumakalinga sa katutubo. Ang sinasabi ng estado na pagpupundar ng kapayapaan ay nakadisenyo lamang ayon sa interes niya at ng mga nakikinabang sa kanyang mga patakaran. Malinaw na kinakausap lamang nito ang MILF dahil may baril ang MILF. Ang pakikipag-usap nito para sa kapayapaan ay hindi nakabatay sa prinsipyo kundi nakabatay sa opurtunidad na makapangamkam pa ng likas-yaman sa isla. Nais nitong gawing kurakot ang liderato ng MILF upang maging bigo ito kagaya nang ginawa ng estado sa MNLF. Ito ang malinaw na layunin ng estado sa kunwaring usapang pangkapayapaan.

At bakit naman ganito ang pananaw ng katutubo? A, dahil kailanman hinding hindi kinilala ng estado ang kanyang pagkamkam sa lupaing hindi kanya at ang kanyang pamamaslang sa katutubong lumaban sa kanyang mga patakarang mapanglipol sa katutubo at mapanira sa kalikasan. Alam ng katutubo na mga sagadsaring kurakot ang mga nagpapatakbo sa estado kaya alam ng katutubo na ang pagpopostura nito sa usapang pangkapayapaan sa Mindanaw ay para lamang magkaroon ng bagong opurtunidad sa pangungurakot. Alam na alam ito ng katutubo dahil alam niya ang dahilan kung bakit ginagawan ng mga kalsada kahit ang kabundukan. Naglalaway ang estado sa ginto na nasa kabundukan kung saan naitaboy ang katutubo. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nais ng estado na magkaroon na ng “kapayapaan”sa Mindanaw. Kagaya ng mga kolonisador na nagluwal sa estado ng mga setler, ginto ang pangunahing dahilan ng kanyang patuloy na pangongolonya sa Mindanaw.

6. Sa ngayon, ang posisyon pa lamang ng mga setler at ng estado nila ang malinaw na naipapahayag pagdating sa usapang pangkapayapaan sa Mindanaw. Sunod dito ang posisyon ng Islamisadong katutubo sa katauhan ng MILF na nagnanais magtatag ng Islamikong Estado. Samantala, hindi pinakikinggan at hindi binibigyang-pansin at diin ang posisyon ng katutubo na hindi yumakap sa Islam.

7. Sa posisyunang ito, malinaw sa katutubo ng Mindanaw na hindi mahalaga sa mga setler at sa estado ng mga setler ang kanyang posisyon. Bagay ito na tumatagos kahit sa mga intelektuwal ng bansa ng mga setler. Sa isang internasyunal na kumperensiya sa panitikan ilang taon lang ang nakalilipas, mariing ipinahayag ng isang pambansang alagad ng sining na hindi uunlad ang Mindanaw kung hindi dahil sa mga setler. Hindi niya naisip na hindi pa man natutong maglayag sa karagatan ang mga kanluranin, nakikipagkalakalan na ang katutubo ng Mindanaw sa Tsina, Cambodia at India gamit ang malalaking balangay. Ni hindi rin sumagi sa isip ng pambansang alagad ng sining ang mga nahukay na gintong palamuti at estatwa, mga makukulay na palayok na may disenyo at marami pang artifact na nagpapakita nang pagiging maunlad ng lipunang katutubo ng Mindanaw.

Hindi uunlad ang Mindanaw kung hindi dahil sa mga setler? Hindi nakakatawa ang ganitong biro. At kung naniniwala rito ang estado, hala, ibalik sa katutubo ang isla ng Mindanaw. At kung naniniwala man ang mga setler na ito ay totoo, hala, magsiuwi na lang sila kung saang lupalop sila nanggaling at hayaan ang katutubo ng Mindanaw na mabalaho sa sinasabi nilang “walang kaunlaran”.

Ang Katutubo ng Mindanaw

1. Siya ang nagbigay ng pangalan sa isla ng Mindanaw. Siya rin ang nagbigay pangalan sa mga banuwa sa isla ng Mindanaw. Siya ang unang naglibing ng kanyang patay sa isla ng Mindanaw at iyon ang unang mohon ng kanyang pagtanggap sa tungkulin na maging tagapangasiwa sa kalikasan ng isla ng Mindanaw.

2. “Amin danaw!” malinaw na wika ng katutubo ng Mindanaw nang bigyan niya ng pangalan ang isla. Kung kaya tanging siya lamang ang makakapagpaliwanag kung bakit iyon ang pangalang ibinansag niya sa islang naging tahanan ng kanyang salinlahi. Banal para sa kanya ang pangalang iyon sapagkat iyon ang pangalang intunda sa kanya ng mga dakilang tagbaya ng isla.

“Amin danaw!” binigkas iyon ng katutubo nang may paggalang at pasasalamat sa kanyang puso. Sapagkat sa gitna ng matinding tagtuyot, sagana ang isla sa biyayang tubig ng dakilang Bulalakaw (kalalagan ha suguy, balinsuguon hu Migbaya).

“Min danaw!” taimtim niyang usal nang may pagsamba sa mga dakilang tagbaya ng apat na direksyon (mga ngaran ha inlalaw, mga lantung ha magampong). Sapagkat sa kanyang balikat iniatang ang pangangasiwa sa saganang isla.

“Mindanaw!” taas noo niyang wika sa sinumang dayuhang magtatanong kung ano ang pangalan ng kanyang isla.

“Mindanaw!” buong tapang niyang wika sa sinumang dayuhang nagnais na kamkamin ang yaman ng isla.

“Mindanaw!” buong giting niyang bigkas kahit sa panahon ngayong nililipol siya ng mga setler, estado at mga kolonisador.

“Mindanaw!” bibigkasin niya ito nang may alab sa panahong iwawasiwas niya ang apoy ni Kayamat (balinsuguon hu pangayaw, hapoy hu talabusaw) upang lipulin ang lahat niyang kaaway.

3. Namumuhay siya ayon sa batas ng mga dakilang tagbaya. Ginagamit niya ang mga yaman ng kalikasan ayon sa kanyang pangangailangan. Ginagamit niya ang mga pinagkukunang yaman nang may pagsasaalang-alang sa kinabukasan ng kanyang mga anak at sa magiging anak pa ng kanilang mga anak. Sapagkat naunawaan niya na ang likas yaman ay hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para rin sa hinaharap.

Mahalaga para sa katutubo ng Mindanaw ang pangangalaga sa kalikasan at likas yaman upang magamit ng kanyang salinlahi sa hinaharap. Kung kaya nga sa kanyang pagpanaw, ninanais niya na maging bahagi ng lupa, ilog at hangin.

4. Alam ng katutubo ng Mindanaw na banal ang tungkuling iniatang sa kanya ng mga dakilang tagbaya. Buong tapang niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin kahit pa buhay niya ang kapalit. Sapagkat alam niyang sa kanyang pagiging tapat sa kanyang tungkulin, kinasusuklaman siya ng estado, ng setler at iba pang kolonisador.

5. Malinaw ang alaala ng katutubo ng Mindanaw. Hindi siya nakakalimot. Alam niyang dakilang pamana sa kanya ang isla ng Mindanaw. Alam niyang inagaw ito at patuloy na inaagaw sa kanya ng mga kolonisador, estado at mga setler.

Sariwa pa sa kanyang alaala ang pagpatay ng mga kolonisador sa kanyang mga ninuno na ayaw yumakap sa paniniwalang nakabatay sa dalawang piraso ng kahoy na tinatawag nilang krus. Sariwa pa sa kanya ang pagpatay ng mga kolonisador sa kanyang mga ninuno na ayaw magpailalim sa mga kanluraning busaw na sumisingaw sa ilong ang pananalita. Hindi niya nalilimutan ang biglaang pag-angkin ng estado sa kanyang lupaing pamana. Hindi niya nalilimutan ang pandadahas at panlilinlang ng mga setler upang maitaboy siya sa kabundukan mula sa matatabang kapatagan ng isla.

Alam na alam ng katutubo kung sinusino ang may utang sa kanya.

6. Ang katutubo ng Mindanaw ay may bait sa sarili. Sapagkat sa kanyang Bungkatol ha BUlawan Daw Nangkatasa ha Lana ha Insagubuy Duun hu Pusung, malinaw ang kanyang paggalang hindi lamang sa tao kundi kahit sa ibang nilalang sa mundong ibabaw. At dahil sa kanyang kabaitan, inabuso siya ng mga kolonisador, ng mga setler at ng estado ng mga setler. At ito ang dahilan kung bakit ang katutubo ng Mindanaw sa panahong ito ay naging tila palaboy na lamang sa kanyang sariling banuwa.

7. Pinag-aralan din ng katutubo ng Mindanaw ang kanyang kasaysayan. Kaya maraming aral ng kasaysayan ang kanyang natutunan. Ilan sa mga aral na natutunan niya ay ganito:

a. Walang galang at walang pitagan ang mga dumagat (mga kolonisador, setler at ang estado ng mga setler). Likas na mapangamkam sila at
mapang-api sa kapwa.
b. Hindi nakabatay sa katwiran ang namamayaning pananaw sa daigdig ng mga dumagat. Ang nais lamang nila ay makalamang sa kapwa.
c. Nais ng mga dumagat na lipulin ang mga katutubo ng Mindanaw pang ganap nilang maangkin ang Mindanaw.
d. Kailangan munang pumatay bago pakinggan ng dumagat ang iyong pagpapahayag ng saloobin. Ito ang malinaw na ipinahihiwatig ng karanasan ng
mga pinsan niyang yumakap sa Islam.
e. Ayaw kilalanin ng setler at ng estado ng mga setler ang kanilang pananagutan at mga kasalanan laban sa mga katutubo ng Mindanaw. Para sa
kanila, malinis ang kanilang kamay kahit pa nagpapatuloy hanggang ngayon ang kampanya ng paglipol sa mga katutubo ng Mindanaw.

Alam din ng katutubo ng Mindanaw na mababa ang tingin sa kanya ng mga dumagat. Alam din niya ang pakunwaring pagtulong sa kanya ng ilang mga tao at NGO upang ilihis ang kanyang pakikibaka na mabawi ang kanyang pamanang isla. At sa kaibuturan ng kanyang puso, alam niyang darating ang araw na maniningil siya sa lahat nang may pagkakautang sa kanya.

Lagunhat kaw su mabis-ay su mga lisen! Mangawakawa kaw su malayat su mga alima! Lugong ha kinalabaw!

Ang mga Kolonisador

1. Ayon sa mga hakahaka ng iba, tatlo raw ang dahilan ng kolonisador na Kastila sa kanilang pangongolonya. Una raw, upang ipalaganap ang kanilang diyos. Ikalawa,upang magkamit ng ginto o kayamanan. At ang ikatlo, upang magkamit ng glorya o katanyagan.

Subalit kung susuriin kung ano ang nangyari sa kasaysayan, malinaw na isa lamang ang dahilan ng kolonisador na Kastila sa kanyang pangongolonya – kayamanan. Isinangkalan lamang niya ang ideya ng diyos upang lalong magkamal ng kayamanan. Sapagkat nang maisanla na ng mga nagpakolonya ang kanilang kaluluwa sa bagong mga diyos na dala ng Kastila, uminog na lamang ang kanilang mga buhay sa pagpapayaman sa kolonisador na Kastila. Saksi dito ang naglalakihang mga bahay Kastila at mga simbahan sa Intramuros at mga pueblo sa mga lalawigan habang ang karaniwang nagpakolonya ay nanirahan sa bahay kubo. Kinailangan lamang nila ang konsepto ng diyos upang isuko ng mga magpapakolonya ang lahat. Subalit sa puso ng kolonisador na Kastila, kayamanan lamang ang itinuturing niyang diyos. At hindi niya maikukubli ito sa pagsamba ng mga rebultong yari sa ginto. Sapagkat hindi ang representasyon ng rebulto ang sinasamba niya kundi ang ginto na ginamit niya sa paggawa ng rebulto.

Para sa kolonisador na Kastila, makakamit niya ang katanyagan sa pamamagitan ng kayamanan. Kaya masigasig siya sa pangangamkam ng ariarian ng mga katutubo. Masidhi ang kanyang hangarin na kamkamin ang lahat na kayamanang kanyang makita. Walang makakaligtas sa kanya. Kahit ang magagandang dilag na itinuturing na yaman ng kanilang mga magulang ay hindi ligtas sa kanyang kasibaan.

Bundat at tulo laway na nakangisi ang larawan ng kolonisador na Kastila.

2. May tsismis na ang dahilan ng pangongolonya ng sampid at nangamkam din sa Hilagang Amerika ay diumano sinabihan siya ng kanyang diyos na alagaan ang kanyang kayumangging kapatid. Gaya ng kolonisador na Kastila, nais niyang isangkalan ang kanyang diyos sa kanyang pangangamkam ng kayamanang hindi kanya. Mula sa kolonisador na Kastila, natutunan niya na mas madaling mangamkam kapag diyos ang ginamit na sangkalan sa pagpapatupad ng kanyang pangangamkam. At mula sa pagsusuri sa karanasan ng kolonisador na Kastila, nalaman niyang higit na maging mabisa ang pangangamkam kapag binigyan niya ng “edukasyon” kuno ang mga nagpapakolonya. At hindi siya nagkamali, dahil mula sa mga sinasabing “nakapag-aral”, kusang isinuko ng mga ito ang kanilang mga kayamanan. Kahit pa umabot sa puntong nagmukha na silang utu-uto, hindi magkamayaw ang mga “nakapag-aral” sa kanilang pagpapayaman sa kolonisador na Amerikano.

3. Tuso ang mga kolonisador. Wala silang pakundangan sa paggamit ng kahit anong paraan upang alipinin ang mga nagpapakolonya. Walang ibang nais ang mga kolonisador kundi ang tuluy-tuloy na magkamal ng kayamanan.

Sapilitang tinipon ng Kastila ang mga nagpakolonya. Ikinulong niya ang mga nagpakolonya sa kulungang tinawag niyang reduccion. Nang umugat na sa mga nagpakolonya ang kanyang itinanim na mga kabulastugan, malaya niyang ginawang gatasan ang mga nagpakolonya. At ang mga nagpakolonya ang naging mabisa niyang sandata upang kolonyahin pa ang ibang ayaw magpakolonya gaya ng mga katutubo ng Mindanaw.

Gaya ng Kastila, sapilitan ding tinipon ng Amerikano ang mga nagpakolonya. Ito ay upang magkaroon siya ng manggawang bukid sa kanyang mga plantasyon. Ginawa niyang maging tagaluwas ng maraming prutas ang mga nagpakolonya at limpaklimpak ang kita niya dito. At gamit ang mga masugid na nagpakolonya sa kanya mula sa Luzon at Visayas, marahas niyang inagawan ng lupain ang mga katutubo ng Mindanaw. Ginamit niyang sangkalan ang kanyang pagbili sa ari-ariang ibinenta ng Kastila sa kanya kahit na alam niyang hindi naman pag-aari ng Kastila ang kanyang ibinenta. Wala siyang pakialam sa ligalidad dahil para sa kanya, ang lakas ng armas ang magtatakda kung ano ang ligal. Kaya gaya ng Kastila, inisip niyang pag-aari niya ang mga lupain at mga tao na para sa kanya ay kanya nang nabili sa subastahan sa Paris.

4. Ayon sa Kastila, dumating siya upang iligtas ang lahat mula sa kampon ng diyablo. Mayroon namang mga nauto at kusang nagpauto. Nagtaka na lamang sila dahil naging impyerno ang kanilang buhay mula nang magpakolonya sila sa Kastila.

Ayon sa Amerikano, dumating siya upang turuan ang lahat upang hindi maging mangmang. Marami din ang mga nauto at nagpauto. At mula nang matuto silang magbasa at magbilang ayon sa turo ng Amerikano, naging alipin na sila at nagpakolonya hanggang sa kasalukuyan.

5. Simple lamang ang paraan ng mga kolonisador sa kanilang pangongolonya. Ang mga nagpakolonya ay inalipin at pinagkakitaan. Ang mga hindi nagpakolonya ay pinagpapatay at pinagkakitaan pa rin.

Hindi isyu sa mga kolonisador ang paglapastangan nila sa karapatang pantao. Para sa kanila, sila lang ang tao at ang iba ay mga hayop. Walang katiting ng pagiging makatao sa kanilang balat. Sila ang personipikasyon ng diyablo na kanilang ipinanakot sa mga kokolonyahin.

6. Isang kakatwang bahagi sa kasaysayan ng mga katutubo ng Mindanaw nang may nagsabi na dumating ang Amerikano upang turuan sila hinggil sa kalinisan. Sapagkat ang sinasabing magtuturo sa kanila ng kalinisan ay bibihira lamang maligo sa loob ng isang buwan samantalang ang tuturuan ng kalinisan ay karaniwan lamang noon na tatlong beses maligo sa loob ng isang araw.

ISang kakatwang bahagi ng kasaysayan ng mga katutubo ng Mindanaw nang may nagsabi na dumating ang Kastila upang turuan sila na maging mabuting tao. Sapagkat ang sinasabing magtuturo sa kanila ng kagandahang asal at kabanalan ay lantarang balakyot at alagad ng kasamaan. Samantalang ang mga katutubo, hindi man santo, ay mataas ang pagpapahalaga sa kapwa tao.

7. Anumang maskara ang isuot ng kolonisador, alam ng katutubo ng Mindanaw ang kanyang totoong mukha. Anumang pagbabalatkayo ang gawin ng kolonisador, hindi niya malilinlang ang katutubo ng Mindanaw. At kahit ngayong ang mga nagpakolonya mula sa Luzon at Visayas ang ginawang mukha ng kolonisador, hindi ito lingid sa kaalaman ng katutubo ng Mindanaw.

Walang kahit anumang bagay ang maaaring ipagpasalamat ng katutubo ng Mindanaw sa kolonisador. Ang mga kolonisador ang may malaking pagkakautang sa mga katutubo ng Mindanaw. Subalit makapal ang mukha ng mga kolonisador. Hindi sila nagbabayad ng utang kahit singilin mo nang harapan.

Ang Estado ng mga Setler

1. Ang estado ng mga setler ay tagapagmana lamang ng estadong itinatag ng mga kolonisador. Ang mga kolonisador na tinutukoy dito ay ang ganid na Kastila at ang ganid na Amerikano. Nang mahirapan na ang Kastila, ibinenta na niya ang kanya kunong nasasakupan tungo sa ganid na Amerikano. Iyon nga lang, ibinenta niya ang lupain at mga taong kailanman ay hindi niya pag-aari.

2. Mula sa bentahan sa pagitan ng Kastila at Amerikano, binigyang ligalidad ng dahas ang pangangamkam ng estadong kolonyal sa lupain ng mga katutubo ng Mindanaw. Gamit ang kanilang karanasan sa pangangamkam din sa lupain ng mga Indian sa Hilagang Amerika, muli nilang sinariwa ang bisa ng kalkuladong kalupitan na naglalayong mahigop ang lahat na pakinabang mula sa buhay at ariarian ng mga katutubo ng isla.

3. Nang dumating na ang yugto na hindi na nila direktang mapanghawakan ang itinuturing nilang kolonya, isinalin ng ganid na Amerikano ang estado sa kanilang mga masugid na tagasunod sa kanilang mga kinolonya. Kabilang sa mga masugid nilang tagasunod ang mula sa mga prinsipalya na natuto nang maging himod-puwet sa mga Kastila. Gayundin ang mga bastardo ng mga Kastila at siyempre, ang mga bastardo mismo ng mga Amerikano. Mula sa pagkakahalohalo at pagkakalabolabo ng mga interes ng mga taong ito, iniluwal ang bastardong estado na siyang naging tagapamandila sa pagpapatuloy ng pangongolonya.

At dahil hindi naman talaga ligal na bahagi ng teritoryo ng estadong kolonyal, naging puspusan ang pagsisikap ng bastardong estadong tagapagmana nito na kolonyahing mabuti ang isla ng Mindanaw. Ginawa ito ng estado upang burahin sa isip ng mga katutubo ang katotohanang hindi kabilang ang isla sa kanilang estado. Ginawa ito ng estado upang burahin mismo ang lahi ng mga katutubo.

4. Sa pangangasiwa ng estado ng mga setler, naging malawakan ang pangangamkam ng mga setler sa lupain ng mga katutubo ng Mindanaw. Siyempre, pangunahin pa ring nakinabang sa pangangamkam na ito ang mga ganid na kolonisador sa pamamagitan ng kanilang mga kompanya. Nakinabang din nang husto ang estado ng mga setler at ang mga opisyal sa estadong ito. Siyempre, nakinabang ang mga setler na sadyang inakit at dinala sa isla ng Mindanaw upang maging mabisang katulong sa pangangamkam ng lupain ng mga katutubo.

Ginawang kalasag ng estado ng mga setler ang mga setler. Sila ang sadyang iniharap ng estado ng mga setler upang sistematikong mapalayas ang mga katutubo sa kanilang mga lupain. Gamit ang mga institusyong gaya ng edukasyon, sinubukang burahin ng estado ng mga setler (sa pakikipagtulungan ng mga setler) ang alaala ng mga katutubo hinggil sa kanilang pagmamay-ari sa isla ng Mindanaw. Tinangka nila itong palitan ng konsepto na ang lahat na naninirahan sa isla ay mga Pilipino. Gamit ang konseptong ito, pilit nilang isinasalaksak sa isipan ng mga katutubo na ang lahat ay may karapatan sa lupain ng isla ng Mindanaw. Gamit ang naturang konsepto, hanggang ngayon ay pilit nilang isinasalaksak sa mga katutubo ng Mindanaw na tanggapin na lamang kung ano na ang kalagayan ngayon. Wala na raw magagawa pa. Na ang ibig sabihin, hayaan na lamang na hindi mabigyan ng katarungan ang pangangamkam ng estado sa lupain ng mga katutubo at kalimutan na lamang na sa proseso ng kanilang pangangamkam, maraming katutubo ang kanilang pinatay. Nais ng estado ng mga setler na kalimutan na lamang ng mga katutubo na kaya naghirap ang kanilang buhay ay dahil kinakamkam ng estado ng mga setler ang kanilang mga lupain.

5. Ang estado ng mga setler ang nagbigay pahintulot sa mga kompanya ng pagtotroso upang kalbuhin nang malawakan ang kagubatan ng isla ng Mindanaw. Kahit nga ang isang unibersidad sa Gitnang Mindanaw na itinayo ng estado ng mga setler ay naging konsesyunaryo pa ng pagtotroso. Ang pagkalbo sa kagubatan ng isla ay naging kapakipakinabang din sa mga setler dahil ginawa nilang sakahan ang nakalbong kagubatan. Tuwangtuwa ang mga setler sa matatabang kalupaan na dati ay kagubatan. Ginawa na nila itong permanenteng sakahan at tirahan. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit tuluyan nang nakalbo ang maraming kagubatan sa isla ng Mindanaw.

Ang estado ng mga setler ay estadong wala sa kontrol ng mga setler. Malinaw sa mga katutubo na ang estado ng mga setler ay kontrolado lamang ng iilang mayayaman mula sa mga pinagmulang lugar ng mga setler. Ang may kontrol sa estado ng mga setler ay siya ring mga may-ari ng mga kompanya ng pagmimina, kompanya ng pagtotroso at mga malalaking kompanya sa agrikultura.

6. Kaaway ng estado ng mga setler ang sinumang lumalaban sa mga hakbangin nito na mapanira hindi lamang sa kalikasan kundi sa buhay at ariarian ng mga katutubo ng Mindanaw. Hanggang sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang ganitong kalakaran. Binabansagang kasapakat ng mga rebeldeng komunista ang sinumang katutubo na nangangahas na ipagtanggol ang kanilang lupaing ninuno laban sa pandarambong ng mga kompanya ng pagmiminang pagmamay-ari ng mga haligi ng estado ng mga setler. Hindi matanggap ng estado ng mga setler na hanggang ngayon, malinaw pa rin sa mga katutubo na sila ang tunay na may-ari ng isla ng Mindanaw. Kung kaya, ang tanging paraan na naiisip ng estado ng mga setler at ng mga kasapakat nito ay ang lipulin ang mga katutubo.

7. Ang estado ng mga setler ay estadong mamamatay-tao. Hindi ito makontento na alisan ng kabuhayan ang mga katutubo sa pamamagitan ng pangangamkam ng lupain ng katutubo. Maliban sa pagkamkam sa lupain ng mga katutubo ng isla, matagal nang ginagamit ng estadong setler ang mga paramilitar upang pagpapatayin ang mga katutubong lumalaban para sa kanilang lupaing ninuno. Gamit na sangkalan ang paglaganap ng mga rebeldeng komunista sa kabundukan ng Mindanaw, dinadahas ng estado ang mga pamayanang katutubo sa pamamagitan ng mga operasyong militar na ang laging nasasalanta ay ang mga katutubo at hindi ang mga rebeldeng komunista.

Tuwang tuwa ang estado dahil may sangkalan ito na mapalayas ang mga katutubo sa kanilang lupain. Dahil dito, nabibigyang puwang ang mga kompanya sa pagmimina na kamkamin ang lupain ng mga katutubo upang hukayin ang mga mina ng ginto.

Tuwang tuwa din marahil ang mga rebeldeng komunista dahil magiging mabisang pangrekrut sa kanilang hanay ang mga hakbang ng estado. Parehong wagi ang estado ng mga setler at ang mga rebeldeng komunista sa ganitong sitwasyon. At ang laging talunan lamang ay ang mga katutubo ng Mindanaw.

Sadyang tuso at malupit ang estado ng mga setler. Manang mana talaga ito sa katusuhan at kalupitan ng estadong kolonyal ng mga kolonisador. Ah, sadyang ang estado ng mga setler ay naging ganap na rin ang pagiging kolonisador sa lupain ng mga katutubo ng Mindanaw.

Ang Setler

1. Dalawa lamang ang uri ng tao sa Mindanaw – ang katutubo ng Mindanaw at ang setler.

Ang setler ay hindi taal na taga-Mindanaw. Galing siya sa Luzon o sa Visayas. Ang kolonyal na pamahalaan ang nangasiwa upang mapasakamay niya ang kalupaan ng Mindanaw. Gamit ang dahas ng estado at ang mga institusyon nito, naposisyonan ng setler ang pinakamatatabang lupain ng Mindanaw.

2. Iba’t iba rin ang dahilan kung bakit naging setler ang isang setler. May setler na naging setler dahil walang siyang lupa sa Luzon o sa Visayas. Kaya sinamantala niya ang mungkahi ng estado na manirahan siya sa Mindanaw dahil doon bibigyan siya ng libreng lupa. Ipinamahagi ng estado sa mga setler ang lupa na hindi naman totoong pag-aari ng estado.

May setler din na naging setler dahil gusto niyang tuparin ang atas sa kanya ng kolonyalismo. At iyon ay ang gawing Kristiyano ang mga paganong katutubo ng Mindanaw at ang mga Islamisadong katutubo ng Mindanaw. Sila iyong mga naniniwala na ang daan ng katubusan ay para lamang sa mga Kristiyano.

May mga setler naman na naging setler dahil nagayuma sa maraming posibilidad ng Mindanaw na itinuturing nilang isang prontera. Ang ilan sa kanila’y naging mga opisyal ng kolonyal na estado. Ang iba naman nagtayo ng mga rantso. At ang iba’y nagsipagnesgosyo. Sa tindi nga ng pagkahumaling sa pagnenegosyo, ang isang kumander umano dati ng mga “Katipunero” kuno sa Hilagang Mindanaw ay mas inatupag ang pagbubuo ng monopolyo sa abaka kaysa sa labanan ang mga Amerikano.

3. Naging aktibo ang setler sa pagkamkam ng lupain ng mga katutubo ng Mindanaw. Bagay ito na nais ng setler na kalimutan na lang sa kasaysayan. Bagay ito na nais na rin ng estado na ibaon sa limot. Ayaw ng estado na maungkat ang iligal na pagkasama ng Mindanaw sa bentahan sa Paris kung saan ibenenta ng ganid na Kastila tungo sa ganid na Amerikano ang lupaing hindi niya pag-aari.

4.Hindi maubos maisip ng katutubo ng Mindanaw kung papaanong tinanggap ng mga “nakapag-aral” na setler ang ligalidad ng pamamahagi ng estado ng lupaing hindi naman kanya. Hindi maubos maisip ng katutubo ng Mindanaw kung papaanong naging bulag sa katotohanang ito ang mga historyador ng bansang binansagan ayon sa pangalan ng isang prinsipeng dayuhan.

Ah, marahil Kinulang sa talino ang mga historyador upang masuri na hindi bahagi ng kanilang bansa ang Mindanaw. O sadyang hindi nila ito babanggitin dahil sila ay tapat sa kasaysayan ayon sa pananaw ng mga kolonisador nila?

5. Mataas ang ihi ng setler. Ayon sa kanyang naratibo, hindi uunlad ang Mindanaw kung hindi siya dumating. Kuhang kuha niya ang tono ng kolonisador na nagwika noon na kung hindi sila dumating ay hindi uunlad ang mga katutubo. Manang mana ang setler sa mga kolonisador. Gamit ang prinsipyo ng kolonisador, naging masugid na kolonisador din ang setler. Aniya, may karapatan siya sa lupain ng katutubo dahil siya ang nagdadala ng karunungan at pag-unlad.

Ito ang ipinangangalandakan ng mga teorista ng estado ng mga setler. Na tila ba, sila lamang ang may monopolyo kung ano ang ideya ng karunungan at pag-unlad. Para sa kanila, mas matalino ang mga setler na kumalbo sa kagubatan ng Mindanaw kaysa mga katutubong pinatay dahil ayaw nilang makalbo ang kagubatan. Sa kanilang lohika, ang pag-unlad ay ang pagkalason sa mga kailogan dahil sa lasong kemikal ng mga plantasyon. Mas maunlad para sa kanila ngayong kahit kaunting ulan lamang ay binabaha na ang mga lungsod. Para sa kanila, tanda ng kanilang karunungan ang taunang pagkabitakbitak ng lupang sakahan pagdating ng tag-init.

Hindi anila magkakaroon ng mga kalsada kung wala ang setler. Hindi anila magkakaroon ng mga negosyo kung hindi dumating ang mga setler. Hindi anila uunlad ang Mindanaw kung hindi dahil sa setler. Ah, sadyang mataas ang kanilang pagtingin sa sarili kahit na alam naman ng katutubo kung bakit sila dumating at kung bakit nila nilisan ang Luzon at Visayas.

6. Ayaw ng setler na tawagin siyang setler. Nawawalan ng bisa ang kanyang pag-angkin sa lupaing hindi kanya pag tinawag siyang setler. Dahil matagal na siyang nanirahan sa Mindanaw, maaari na rin daw siyang tawaging lumad sa Mindanaw. Ayaw ng setler na balikan ang kasaysayan kung paano sila nakarating sa Mindanaw. Sa ngayon,nais nilang kalimutan na lamang lahat iyon.

Sa lohika ng setler, sasabihin niya, mga Pilipino naman tayong lahat. Tayong lahat daw ay magkakapatid. Hindi nila alam na matagal nang tumanaw ng pagiging kapatid ang mga katutubo ng Mindanaw. Subalit ang mga setler ang hindi nakakaramdam na kapatid nila ang mga katutubo. Sapagkat bakit naging aktibo sila sa pagpapatupad ng pangangamkam ng estado sa lupain ng mga katutubo kung sila nga ay tumatanaw ng pagiging kapatid?

Malabo ang pangangatuwiran ng setler sa pagiging kapatid. Mas malinaw na siya ay setler na hindi taal na tagaMindanaw at ang interes niya’y kagaya ng interes ng kanyang estado – ang lipulin ang mga katutubo upang maging ganap ang kanilang pag-angkin sa islang hindi kanila.

Ah, kung duguan ang kamay ng estado ng mga setler, duguan din ang kamay ng mga setler. At hindi ito mahuhugasan ng simpleng pagsasabi na lahat tayo ay Pilipino. Hinding hindi ito mahuhugasan ng simpleng pagsasabi na may programa ang estado para sa mga katutubo ng Mindanaw. Sapagkat ang malinaw lamang na programa ng estado ay paglipol sa mga totoong tagapagmana ng Mindanaw.

7. Ngayon kayang isang setler na ang pangulo ng estadong nangamkam ng lupaing hindi kanya, may pagkakataon kayang balikan ng estado ang kasaysayan kung bakit niya kinamkam ang lupaing hindi kanya? Mapapakinggan kaya ang matagal nang itinatanong ng katutubo kung ano ang karapatan ng estado ng mga setler na kamkamin ang lupain ng mga katutubo?

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.