Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Hulyo, 2008

Nagsimula ang lahat sa Lidasan kung saan nanggagaling ang lahat na kailugan. Iba’t ibang ilog na nagmula sa iisang kaulo. Ibat’t ibang ilog na may iba’t ibang katangian. Mga ilog na humubog sa maagang yugto ng aking pakikipagsapalaran. Mga ilog na humuhubog sa patuloy kong pakikipagsapalaran.

Mula sa Lidasan ay narinig ang isang malakas na tinig, “Taglayang ha bulalang wahig daw kalamag!”

At nangagulat ang lahat na nakarinig. At nangamangha ang lahat na nakasaksi. Sapagkat ito na ba ang panahong muling mag-aalab ang mga mahiwagang sandata? Sapagkat ito na ba ang panahong isisilang siyang marunong bumasa sa mga nakasulat sa mga bituin?

Nangabulabog ang mga buwaya nang biglang humugis ang bulalang sa ilog Tagoloan. Anong klaseng bulalang ito? Marahil ito rin ang kanilang tanong.  Ano ba iyang bulalang na iyan? At bakit ba kung anu-anong salita ang pinagsasabi ng sumusulat nito?

Hindi dapat ipagtaka ang mga bagay na hindi nauunawaan. Hindi dapat ipinagtataka ang mga kuwentong hindi naiintindihan. Hindi dapat ipinagtataka ang mga salitang hindi malaman ang kahulugan. 

Ako si Anijun. Ako’y nagmula sa Lidasan. Sa Lidasan kung saan nagsimula ang lahat na kailugan. Kung saan nagsimula ang kuwentong ito.  Hindi ba’t ang mga bagay hinggil sa Lidasan ay naisalaysay na sa Batbat hi Udan?

Read Full Post »