Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Disyembre, 2008

Isang Serye ng pagbabaliktanaw sa nakalipas na tatlong taon

I. Piglam-ud ha sabaw hu balanak, su narog din ba su bolak

1. Napag-isip-isip kong ang mundo ay hindi bilog. May kutob akong pakana lamang ito ng mga taga-perya na nagpapapusta kung  saang bansa hihinto kapag inikot ng limang beses ang globo. Pero napaisip din ako nang malaman ko na isang katutubo ang   unang nakaikot sa mundo. Nang maikot daw ng tao ang mundo, napatunayan nang ang mundo ay bilog. Iyon nga lang baka hindi   ito totoo dahil ang sinabi nilang unang nakaikot sa mundo ay Europeo. Pinagtatalunan pa nga raw kung si Sebastian del Cano ba o si Fernando de Magallanes. Pero ayon sa ibang mga tala, si ENrique na isang katutubo (na ipinagpapalagay na nagmula sa Moluccas o kaya sa Pilipinas!) ang unang nakaikot sa mundo. Siya rin umano ang ipinagpapalagay na naging giya ni Magallanes upang marating ang Pilipinas. Itong si ENrique ay isang katutubo na nabili ni Magallanes bilang alipin.

2. Pinanonood ko madalas ang mga ibong tamsi habang nanginginain sila ng hinog na bunga ng aratiles. Maliliit lamang ang mga    ibong ito. Matinis ngunit malambing ang kanilang mga huni. Napakasarap nitong pakinggan lalo na kapag tahimik, payapa at    marahan ang hihip sa umaga. Ito iyong mga panahong nais kong marinig ang mga ritmo ng mga paang nagsasaut. Ito iyong mga panahong naiisip ko ang malayang paglipad ng mga kalumbata (Philippine Eagle daw ito ayon sa mga dayuhan at mga kababayan nating nagpapakadayuhan). Ito iyong mga panahong masarap maglimbay.

“Diya ki ta layon,
diya ki manlagon.

Diya ki ta libaba,
manimo ki sura.”

3. Madalas kong pagmasdan ang bundok Makiling mula sa aking bintana tuwing umaga. Noong una, parang parepareho lamang ang   mga umaga. Subalit nang lumaon, napansin kong sadyang walang umagang magkatulad. ANg mga ulap at ulop na nanunulay sa mga   kurba ng bundok ay magkakaiba ng kulay at kapal. ANg pagdampi ng sikat sa bundok ay magkakaiba ng hagod at intensidad.   Kaya naisip kong masarap makipagkuwentuhan sa bawat umaga sapagkat ang bawat umaga ay hindi na babalik pa at magiging   bahagi na lamang ng alaala.

4. Sa aking pagtaya, nakaubos ako ng 12 kaban ng bigas, mahigit isang sakong asukal at 14,400 gramo ng kapeng-Bukidnon sa   mga panahong sinulat ko ang Batbat Hi Udan. Kapeng-bukidnon dahil itong kapeng ito na gawa ng mga monghe ay nagpapaalala   sa akin sa malabughaw na kabundukang kinukumutan ng mga lamig sa mga umaga’t hapon. Sa bawat paglasap ko ng kape ay   nilalagok ko libu-libong pait ng aking lahi na hindi mapatamis ng pininyahan at inasukalang mga kapatagan. At sa init ng   kapeng ito ay nararamdaman ko ang alab ng mga ninuno kong bagani na piniling makipaglaban nang sabayan sa mga dayuhang   nangamkam sa kanilang mga lupain kahit pa ito’y naging sanhi ng pagkabura ng kanilang alaala. Kapeng-BUkidnon, ang kapeng   magmula pa noo’y nilalaga na ng mga ninunong nagdadarang sa mga madaling-araw sa kanilang ilian habang nagmamatyag sa   paglusob ng kanilang mga kaaway.

5. Sinamahan ko ang aking asawang buntis sa pagkonsulta madalas kay Doktora G. Kaya madalas kong marinig ang mga tulad ng      “ilang buwan na yan?, kailan ang due mo?, babae o lalaki?, pang-ilan na yan?” at marami pang ibang tanong ng iba pang   buntis habang naghihintay sa kanilang iskedyul na makausap ang doktor.  Naiinip naman akong maghintay lalo na’t kung anu-anong nakakasawang mga palabas sa TV lamang ang mapapanood mo sa lobby.  Tortyur sa akin ang mga  ganoon lalo na’t kahit hindi ka nakatingin ay rinig na rinig mo pa rin ang mga walang-pagbabagong linya sa mga telenobelang ipiagduduldulan ng mga istasyon ng TV na yan.

6. Naghanap ako ng bayabas na pink ang kulay ng loob dahil iyon ang gusto ng asawa kong buntis noon. Bakit ba kasi naikwento    ko sa kanya na sa Bukidnon ay nangangakyat kami noon ng bayabas at ang mga bayabas doon ay may iba’t ibang kulay. Ayan      tuloy ang naalala niya ay bayabas na pink ang kulay sa loob. Sa kasamaang palad, hindi yata tumutubo sa Los Baños ang ganoong uri ng bayabas.

7. Nagdasal ako na huwag maging suhi ang aking anak pero mukhang naunahan akong magdasal ng aking anak na siya ay maging       suhi. Kaya iyon na nga ang nangyari, sumuhi siya nang mga walong buwan na siya at hindi na siya nag-iba ng posisyon. At   kahit ngayong isang taong gulang na siya, kakakitaan pa rin ng kanyang pagkasuhi kapag natutulog. Dahil kapag gabing-gabi   na, sadyang iikot siya at ang ulo niya ay nasa paanan na ng kanyang mommy. Ganito siya gabi-gabi.

8. Naglaba ako ng lampin ng aking anak noong iniwanan kami ng aming katulong dahil natakot yata na siya ang maglaba ng lampin. Kaya naging opisyal na labandero ako sa loob ng ilang buwan. At dahil mahal ko ang aking anak, natuto akong maglinis at magpaligo ng sanggol. Natuto rin akong magtimpla ng gatas niya at maging mapagpasensya sa pagpapadede sa kanya. May mga panahong naging opisyal na yayo. Opisyal na tagapagbantay dn ako sa buong magdamag. Kaya sa kama ako nakaupo habang nagsusulat upang madaling mapansin kung mayroong kailangan ang anak ko. At kinabukasan siyempre, papasok pa rin ako sa opisina para pangasiwaan ang pagpapatakbo ng maliit na negosyo dahil na-CS ang mahal kong asawa at ayoko munang magtrabaho siya. Kaya ang aking routine ay ganito: manedyer sa araw; tatay, manunulat at yayo sa gabi.

Advertisements

Read Full Post »

Noong mga panahong mahilig pa akong maglaro ng eskate o kaya’y jolens, simple lamang ang pakikipagkaibigan. Lahat na batang nakakasalamuha at nakakasama sa paglalaro ay itinuturing nang kaibigan. Iyong mga taong masayang kasama ay mga kaibigan. At kahit iyong hindi alam ang pangalan at nakikita sa paaralan ay kaibigan na rin. Kahit iyong mga nakakasabay lang sa paglalakad o kaya’y sa paliligo sa ilog. Lalo na iyong mga kasama sa pangangakyat ng bayabas at mangga.

Ngunit habang nawawalan na ng hilig sa mga larong habulan at taguan, tila may nagbabago rin sa konsepto ng kaibigan at pakikipagkaibigan. Madalas ang mga lalaki ay nagkukumpulan at nagkukwentuhan ng mga bagay na kaakibat ng pagtaas ng antas ng kanilang testosterone. Ang kababaihan naman ay mapapansing madalas magkuwentuhan ng mga bagay na parang sekreto at parang nakakakilig dahil parang may ibang ningning ang kanilang mga mata habang nagkukwentuhan. Nariyang may magpapasapasahan ng papel habang nagkaklase upang kahit papanoy maipagpatuloy pa rin ang naputol na usapan. Samantalang ang kalalakihan na madalas nakaupo sa bandang likuran ay nagkakaintindihan na sa mga tingin pa lamang lalo na kung tungkol sa mga kalokohan.

At sa mga ganoong pangyayari nalilinang ang bagong pagtingin sa kaibigan at pakikipagkaibigan. Nariyang sukatin ang pagiging kaibigan sa pagsama sa mga eksperimento sa pag-iinom at paninigarilyo. Nariyang sukatin ang usapin ng pakikipagkaibigan sa pag-iwas sa pagbulgar sa sekretong si ganito ang crush ng isa at si kuwan naman ang tipo ng isa. Nariyang sukatin ang pakikipagkaibigan sa pagpayag na maging tulay ng dalawang nagliligawan (madalas itong nagkakaroon ng isyu na ang tulay ay nanunulay din!).

Habang patuloy na nagyayari ang mga ganoon, unti-unting nagkakaroon ng pagbabago sa pagtingin sa usapin ng pakikipagkaibigan. Nagkakaroon ng mga grupo o ekslusibong barkadahan (ang alam ko mahilig ang mga babae sa ganito at binibigyan pa nga nila ng acronym na madalas ay mga initials ng kanilang pangalan).  

Sa lahat na mga panahong iyon, madalas maiisip na ang mga kaibigang iyon ay panghabambuhay na. Na ang mundo ay umiinog lamang sa mga kaibigang iyon at hindi na iyon magbabago pa. ALam natin ang ibang mga nagsasabi ng ‘friends forever, walang iwanan, kitakits sa bakasyon,” at marami pang iba. Kahit nga sa mga nag-iibigan sa mga panahong iyon ay karaniwang maririniga ng mga pangako at sumpaan na iyon ay magpahanggang-kailanman na.

Subalit sa pagpasok ng panibagong yugto, nagbabago rin madalas ang pananaw sa mga bagaybagay. NAriyang maisip na tila nakakatawa pala iyong mga pinagsasabi mo noon at pinaggagawa sa buhay. Mayroon namang nananatili pa rin ang pananaw na walang nagbago sa lahat na bagay.

Sa mga panahong ito, nagsisimula nang magkaroon ng tunay na hugis ang pagturing sa iba bilang kaibigan. Ang iba’y nagkakaroon na ng malinaw na pamantayan kung sino ang mga taong kakaibiganin. At madalas ang mga taong nagiging kaibigan s apanahong ito ay nagiging kaibigan na sa matagal na panahon. ANg iba nga’y hanggang sa mamuti na ang kanilang mga buhok.

Subalit gayunpaman, hindi pa rin iyon ang makapagtitiyak kung talagang magiging magkaibigan nga ba kayo sa matagal na panahon. Ngunit kung magkaibigan kayo sa maikling panahon iyon ba’y maituturing na kaibigan nga?

Karamihan sa mga tao ay napapaloob sa “out of sight, out of mind” na kalagayan. Kaya kung sino ang mga nakakasama sa trabaho, sila rin ang nagiging kaibigan. Sa mga panahong nagkikita ang mga dating magkaibigan, madalas nagtatantyahan pa dahil malalaman ng isa’t isa na magkaiba na ang kanilang mga interes. May mga magkakaibigan na ang nasa isip ay magiging masaya ang pagkikita matapos ang mahabang panahon ngunit matutuklasan na lamang nila na wala pala silang mapag-usapan na. Mayroon namang kahit na magkasama pa rin ay matutuklasan isang araw na sadyang magkaiba pala talaga ang kanilang gustong mga bagay at nagtataka kung bakit nakikipagkaibigan sila sa mga taong hindi naman pala dapat nilang kaibiganin.

Minsan, may iba na nagiisip na lahat na nakapaligid sa kanya ay kanyang kaibigan. Subalit sa mga panahong kailangan niya ng kaibigan, matutuklasan niyang wala pala siyang kaibigan. 

Kaya sa mga yugtong ganito, lalong nagiging depenido ang paghahanay ng kung sino ang kaibigan at sino ang hindi. O kung ano ang mga hakbang sa pakikipagkaibigan. May mga pagkakataong matutuklasan na lamang na kahit matagal nang kasama ang isang tao ay nito lamang pala talaga nabuo ang pagkakaibigan.

Sa panahon ngayon na pinaglalapit ng teknolohiya ang magkakaibigang nasa magkaibang lupalop ng daigdig, tila sigurado na magiging malapit pa rin ang mga kaibigang matagal nang hindi nagkasama. Sapagkat maari naman kayong magtinginan ng profile halimbawa sa friendster o iba pang networking sites. Magkakakitaan pa kayo ng mga litrato at magkakaalaman ng saloobin sa mga blog na katulad nito. Subalit lahat nang ito ay hindi pa rin garantiya na mananatili o lalong magiging mahigpit ang pakikipagkaibigan.

Sapagkat ang pakikipagkaibigan ay usapin ng pagpili. At ang pagpili ng tao ay nagbabago rin na gaya ng panahon.

Ngunit kahit na magbago man ang mga hilig at pagpili sa buhay, may mga pagkakaibigang tumatagos sa panahon at anumang balakid sa komunikasyon. Sa aking palagay, ito iyong pagkakaibigang hindi nakabatay sa mga malinaw na pamantayan kundi sa isang hindi nasusulat na unawaang maging magkaibigan. May mga taong magaan ang loob sa isa’t isa at ni hindi nila kailangan ng mga bagay na mapagkasunduan upang maging magkaibigan.

Ano ngayon ang masasabi nating tunay na pakikipagkaibigan? O sino kaya ang mga tunay na kaibigan? Paano ba ang tamang pakikipagkaibigan?

Malamang marami at magkakaiba ang ating mga sagot, mga palapalagay at paniniwala sa mga bagay na ito. SUbalit naniniwala akong gayunpaman, hindi ito magiging hadlang upang maging magkaibigan tayo.

-anijun mudan-udan,                                                                                         

 los banos, laguna

Read Full Post »

Ang Mahiwagang Lidasan

Iilan lamang ang mapapalad na masilayan ang Lidasan.  Kaya iilan lamang ang makapagsasabi hinggil sa sariwang hangin na nagbibigay buhay sa mga umaga doon. Ang hangin na tila ba nagdadala ng kakaibang lakas. Lakas na siyang dahilan kung bakit sadyang makapangyarihan ang mga nilalang sa lugar na iyon.

Mabibilang lamang silang nakasaksi sa pagsapit ng mga tanghali doon na madalas ay may hatid na kakaibang sigla sa dibdib. Sapagkat sa lugar na iyon ay walang araw subalit napakaliwanag. At ang liwanag na iyon ay tila ba lumalagos sa kamalayan at naghahatid ng malalim na pag-unawa sa mga bagay sa paligid. Tila ba ang mga tanghali ay nagiging daan sa pakikipagkaisa sa kalikasan.

At lalong iilan lamang ang makapagkukwento hinggil sa hiwaga ng mga gabi doon. Sapagkat sa tuwing gabi nanginginain ang makapangyairhang mga nilalang na nabubuhay sa luga rna iyon. At sa bawat gabi ay nagbabago ang mukha ng Lidasan. Sapagkat ang gabi mismo ay likha lamang ng kapangyarihan ng mga nilalang doon. ANg gabi doon ay isa lamang ilusyon. At sinumang mabibilanggo sa ilusyong iyon ay tiyak hindi na makakasilay pa sa susunod na umaga.

Sadyang mahiwaga ang mundo ng Lidasan. At silang mga nasilo sa hiwagang iyon ay hindi na nakalabas pa sa mundong iyon. Sila’y naging mga puno. ANg iba’y naging mga hayop.  At lahat sila’y hindi a nakalabas pa sa Lidasan.

Samantala, silang malalakas na nakapasok doon ay  nagbanyuhay upang maging makapangyarihang mga nilalang. Sapagkat sa Lidasan, sinumang nagnanais na lumakas ay lumalakas. At ang kapangyarihan ay nakakamtan ng sinumang handa upang gamitin ito.  

Iyan haun tagngaranan hu banuwa hi Binigsulan. Iyan haun banuwa hi Kalibato. Ba labaw hu alan, iyan haun banuwa ha amin duun tagtubo ha kayo ha ba su hapoy ha tagkalegdeg daw bolak ha mahumot.

Read Full Post »