Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Enero, 2009

Serye 5

Mga Bagay na Ginawa at Naisip ko Upang Makapagsulat ng Nobela

V. Ku mapawa sa daleman, amin taglayon ta Tagoloan

1. Umiinom ako nang kape isang umaga nang mapansin ko ang pamilyar na ihip ng hangin. Iyon din ang hangin na nakasalubong ko habang naglalakad paahon sa burol ng Palawpaw. Oo, sa Palawpaw kung saan matatagpuan ang lumang ilian na itinayo ni Walu. At sa ihip nang hangin na iyon ay aking narinig ang mga bulong:

“Ku agkabaya ka ha makatuen hu lalang hu mga bituen, pan-ahaa su alan ha nanangen.”

“Amin ku apu ba su ngaran din tagpan-ahaen din pa. Amin un ngaran ba su apu ku na daw pa taglutasa.

Amin mangangayaw ba su bangkaw din na tagsalsalen pa. Amin un bangkaw ba su mangangayaw na daw pag kabalawi.

Amin un datu ba sa su talugan na tagtukoron pa. Amin talugan ba su datu din na daw pag kaanlawani.”

Narinig ko na ito noon. Noong mga panahong nakikipaghabulan pa ako sa paglangoy sa ilog ng Kulaman. Noong mga panahong nangingisda pa kami sa Tagoloan. Narinig ko na ang mga bulong na iyon. Ang bulong ng hangin. Siya kaya ang hangin na inatasan ni Udan na magbantay sa mga hangganan ng lupain ni Gaun?

Kasabay ng hangin na iyon ang tila ba musika ng plawtang kawayan. Iyon kaya ang himig pantawag ni Gunam sa lihim na hukbo ng Lidasan?

2. Hapon iyon nang maisipan kong maglakadlakad sa campus. Sa mga panahong masyadong nabuburo ako sa mga isipin, hinahanaphanap ko ang sariwang hangin ng aking lupang tinubuan. At marahil sa buong Los Baños ay sa campus na lamang mayroong hangin na hindi man ganoon kasariwa (para sa akin) ay magbibigay sa akin ng ilusyon na ako ay naglalakad sa lupang pinaghugutan ng aking hininga.

Ang luntiang damuhan sa Freedom Park ay nagbibigay ligaya sa mata. Ibinabalik nito ang alaala ng malagong kogonan na nakatakip sa hinubarang mga bundok. Oo, yaong mga bundok na hinubaran ng masisibang kompanya ng logging at nang hindi masawatang paghangad ng tubo ng mga kompanyang may mga plantasyong nais hawanin ang lahat para sa mas marami pang ganansya. Ah, yumaman na ang ganid na mga may-ari ng mga kompanyang iyon. At ang kapalit ngayon ay ang nakapipinsalang mga pagbaha tuwing tuluytuloy ang pag-ulan.

Sinong mag-aakala noon na ang Cagayan de Oro ay pipinsalain ng matinding pagbaha sa loob lamang ng isang linggong pag-ulan?

Kapag nakikita ko ang mga kahoy sa Forestry, naiisip ko ang mga kahoy sa Alalum. Iyong malalaking balete na tila palasyo ng mga nilalang na hindi natin nakikita. Iyong mga kahoy na namamaybay sa ilog ng Atugan kung saan naghahabulan ang mga unggoy. Iyong mga kahoy sa Kialigi kung saan nagtatayo ng kanilang bahay-pulot ang mga putyukan.

Maraming bagay ang nagpapaalala sa akin sa aking lupang tinubuan. Kahit nga ang malaking bato sa Batong Malake ay nakakapagbigay larawan sa isip upang maglakbay papaunta sa mga panahong nakaupo ako sa batong sadyang malaki. At marahil kung makikita mo ang batong iyon ay sasabihin mong ang bato sa Batong Malake ay batong maliit. Dahil ang batong tinutukoy ko kung saan ako nakaupo noon ay batong gabundok. At mula sa batong iyon kami ay tatalon papunta sa malalim na bahagi ng ilog Kulaman. Iyon ang mga panahong ginagaya namin si Dante Varona sa kanyang pagtalon sa mataas na tulay.

3. Nakasakay ko isang gabi ang isang kaibigan. Matagal na panahon na kaming hindi nagkikita. At habang ang karamihan sa mga tao ay nagbago, siya ay ni walang katiting na bahid ng pagbabago. Kung ano ang kanyang mga isipin noon ay iyon pa rin ang kanyang mga isipin noong nagkasakay kami sa bus.

Naiisip pa rin niya ang kanyang kursunadang babae noon sa campus. Naiisip pa rin niya na isang araw ay magkatuluyan sila. Naiisip pa rin niya na ayos lang maglakad sa ulanan. Naiisip pa rin niya na ayos lang ang magpalaboy at magpatangay sa agos ng panahon. Naiisip pa rin niya na ang panahon ay hindi umuusad at lahat tayo ay nagpupumilit lamang na magmukhang nakausad na upang masabing umuusad ang panahon.

“Ang pagbabago ay isa lamang ilusyon,” aniya. “Katulad lamang iyan na ang enerhiya ay nagbabago ng anyo ngunit iyon ay enerhiya pa rin. At di ba’t hindi nalilikha ni nawawasak ang enerhiya?”

Bakas sa mga mata niya ang matinding kalungkutan habang sinasabi iyon. Ang mga mata niya’y tila nakatitig sa aking kaluluwa. May mga katotohanan ba siyang alam na hindi ko alam? May mga bagay na alam siya na lingid sa akin? Ano naman ang naging bunga ng kaalamang iyon sa kanya? Bakit tila matinding kalungkutan ang nababasa ko sa kanyang mga mata?

Mga tanong iyon na naisip ko matapos ang pagkikita naming iyon.

4. Nagbabalat ako ng papaya para sa tinola nang maisip ko ang mga pananim na papaya sa sakum ni Kaamayan Nasyo sa Alalum. Ang mga papayang iyon ay hinahayaan lamang niyang kainin ng mga musang at mga bayawak. Nanginginain din sa mga papayang iyon ang iba’t ibang ibon. At kaming mga apo ay laging nagsasawa sa hinog na papaya kapag napapagawi sa sakum na iyon.

Napansin kong ang papayang binabalatan ko ay wala nang dagta. Marahil mahigit isang linggo na iyong nakatinda. Walang wala ito sa bagong pitas na papayang halos sumirit pa ang dagta kapag binalatan. Maraming kuwento ang naiisip ko hinggil sa papaya. Naiisip ko iyong kuwento nang taong ginawang tabako ang tuyong dahon nang papaya. Naiisip ko kung gaano kalakas ang tawa ko noon kapag ikinukuwento ang hinggil sa taong gumawa ng tabako galing sa tuyong dahon ng papaya. Lalo na iyong parte na sinindihan na ang tabako at nagkanda-ubo-ubo ang humitit niyon.

Napakasimple lamang ang kaligayahan noong panahong nangangakyat pa lamang ako ng papaya sa Alalum.

5. Habang naglalakad ako sa Umali, nakita ko sa langit ang isang eroplano. Pumasok sa isip ko iyong isang tagpo noong ako’y nasa hayskul. Nagwawalis ako sa bakuran nang bahay na aking tinutuluyan nang biglang magsalita ang asawa ng aking tinutuluyan.

“Ano ba ang gusto mong maabot sa buhay?” tanong niya sa akin.

“Hindi ko pa sigurado. Maraming bagay akong nais gawin pero alam kong limitado ang aking magagawa,” wika ko na tila ba nagkikimkim na mahalagang bagay ayaw kong ibahagi.

“Alam mo, dapat maging sigurado ka sa mga gagawin mo. Tingnan mo iyong kapatid ko, ngayon piloto na siya. Noong naglalaro kami ng habulan sa Kibalabag noong mga bata pa kami ay nakakita kami ng eroplano. Sabi niya, magiging piloto siya balang araw. Ngayon nga’y isa na siyang piloto,” wika niya nang may pagmamalaki.

“Magpipiloto din ba ako?” tanong ko sa sarili.

“Titingnan ko na lang siguro kung ano ang makakaya,” sagot ko sa kanya. At nagpatuloy na ako sa pagwawalis. At habang nagwawalis ay maraming bagay ang sumagi sa aking isip.

“Bakit ba kailangang laging lumundo sa usapin ng trabaho at laki ng kita kapag napag-uusapan ang mga bagay na nais maabot sa buhay? Sadya bang doon nakasentro ang buhay ng tao?”

Sa ngayon ay hindi ko na kailangan ang mga tanong na iyon. Dahil ang mga tanong na iyon ay bagay lamang noong mga panahong nagwawalis ako ng bakuran tuwing umaga.

6. Naglalakad ako sa Cubao isang araw nang maalala ko iyong nasa hayskul pa kami. Naaalala ko pa na sa Cagayan de Oro kami mahilig gumala noon para manood ng sine tuwing Sabado. Hindi naman madalas pero nagiging mukhang madalas iyon dahil sa maraming kuwento. Magpapasalinsalin ang mga kuwentong iyon sa iba’t ibang bibig hanggang sa ang kalalabasan ay bagong mga kuwento na kahit kami kapag naririnig iyon ay hahagalpak nang tawa.

At dahil wala naman kami masyadong naiipon dahil maliliit lamang ang aming mga baon, makikisakay kami sa mga trak na may kargang mais papuntang Cagayan de Oro. At kapag pauwi na, ang sasakyan naming dyip ay papuntang Valencia naman o di kaya’y papuntang Malaybalay. At pagdating sa Manolo Fortich, magtatalunan na kami pagmenor ng dyip at magtatakbuhan papunta sa Pul-oton. Magtatawanan kami na tila ba kami ang may-ari nang mundo. At iyon na ang aming ideya ng isang masayang pagpunta sa Cagayan de Oro upang manood ng sine.

Syempre pagkukwentuhan namin kung paano kami nakikipagtawaran upang makapanood ng mga palabas na hindi bagay para sa aming edad. Hindi syempre naniniwala ang nagbabantay at sasabihan pa kaming manood na lamang ng mga pambatang palabas.

Naisip ko ang mga iyon habang naglalakad sa Cubao isang araw. May nakita kasi akong grupo ng kabataan na marahil ay katulad namin noon. Nakikipagtawaran sila sa bantay ng isang sinehan.

7. Sinubukan kong magsulat ng makabagong limbay sa anyong patula ngunit sa wikang Cebuano. Ngunit hindi ko talaga mapigil ang paglabas ng mga salita at ekspresyong Binukid. May mga salita talagang Binukid na nais kong mabasa at marinig sa orihinal nilang anyo sapagkat doon ko mas nalalasap ang nais kong sabihin. Sa mga salita at ekspresyong iyon ko nakikita ang maaaring maging epekto nito sa mga tulad kong naghahanap nang puwang para sa salaysay na matagal nang hindi naririnig.

“Iyan eman panahon ha lumiko su alan ha nalipatan. Ku ginulabong su mga amay ko na emanto nakauma su udan. Iyan un gaid haini dalan paynaen ta Mudan-udan? Iyan un gaid haini panggalas paynaen ta Nalandangan?” iyan haini pig-ikagi hi Dignanawan Sinalimba.

“Hari tad un agtubagon ta agkaguram tad su langesa hi Buuy Agyu. Hari kid un agpanginsa ta iyan kid un tubag,” kagi hu baylan ta Kulaman.

“Lamig ta ba su nakauma un anuba su tag-angatan!” kulahi hi Lighod Kagpa.

At sa pag-uusap na iyon, may mga nabubuong alaala hinggil sa nakalipas na libu-libong taon. Marahil iyon ang panahong natuto silang mangabayo sa pakikidigma. Marahil iyon ang panahon na natuto silang gumawa ng balangay at maglakbay sa dagat.

“Layang ka su tagbis hu mga tumanud. Pandawi ka su kalumbata hi Buuy Gaun.”

At sa mga katagang iyon, maliksing pumalaot sa hihip ang mahiwagang ibon.

8. Marahil naisip na rin ni Jaba ang mga naiisip ko habang nakatingala sa mga bituin. Marahil ganito ang kanyang sinabi:

“Kan-o gaid maaha su talugan hi Gaun? Kan-o gaid sumilaw su anlaw day?”

Hindi nakapaghintay si Jaba sa sagot mula sa mga bituin. Siya ang gumawa ng sagot. At sa katanghalian ng isang araw, pumasok siya sa tarangkahan ng Nalandangan upang mahanap ang kasagutan. Ngunit dapat sa bituin binabasa ang mga sagot na iyon. Sapagkat lahat na papasok sa Nalandangan ay hindi na makakabalik pa sa kanyang pinagmulan.

Mababasa kaya naming mga natitira ang nakasulat sa mga bituin?

Advertisements

Read Full Post »

Serye 4

Mga Bagay na Ginawa at Naisip ko Upang Makapagsulat ng Nobela

1. Tuwing umaga marami akong naiisip hinggil sa iba’t ibang bagay. Nariyang maisip ko na ang mga planeta ay nilikha lamang sa imahinasyon ng mga pintor.

Sapagkat ang itsura ng mga planeta na napanood ko sa isang palabas ay tila ba mga larawang ipininta. Hindi lamang masyadong mapapansin na ipininta lamang ang mga iyon dahil sa malinis na mga linya at kontroladong mga hagod.

Sa mga ganoong umaga’y naiisip ko rin ang mga likhang-sining ni Vincent Van Gogh. At kapag naalala ko ang Starry Starry Night, naaalala ko naman ang awit ni DOn Mclean na may ganoon ding pamagat. At lalo kong maiisip na ang mga planeta nga ay nilikha lamang sa imahinasyon ng mga pintor.

2. Kapag nagsusulat ka, hindi mo dapat maisip na ikaw ay nagsusulat. Marahil ito ang isa sa mahahalagang bagay na aking natuklasan habang ako’y naglalakbay sa mundong ginagalawan ni Udan.

Malamang ang paniniwalang ito ay nag-ugat sa malaking impluwensiya sa akin ng salimbibig na mga kuwento. Sapagkat nais kong mahuli iyong buhay na buhay na pagsasalaysay ng isang mananalaysay. Iyon bang matatangay ka sa agos ng kanyang paghinga. Iyong mapapakapit ka sa iyong upuan kapag inilarawan niya ang pagkatibag ng bundok sa lakas ng sigaw ng kanyang ninuno. Iyong mapapapikit ka sa pagdama ng limbay na humihiging mula sa kaibuturan ng kanyang puso.

Hindi ka dapat nagsusulat kapag naisip mong ikaw ay nagsusulat. Natuklasan ko ito habang nakikipatalakayan sa mga tauhan ng Batbat hi Udan. Sapagkat ang bawat tauhang may buhay ay nagsasalita. At kapag naisip mong nagsusulat ka ay ganito ang sasabihin sa iyo ng mga tauhan:

“Sino ka upang magdikta kung sino kami at ano ang aming gagawin? Sino ka upang baguhin ang mga nakasulat na sa mga bituin?”

At kapag hindi mo iyon narinig, mamamatay ang iyong mga tauhan. At ang iyong kuwento ay magiging isang sulatin lamang na walang buhay.

3. Hindi ako mahilig kumain ng atay ng manok. Kaya nagtaka ako nang biglang nagustuhan kong kumain ng atay ng manok. Isang araw iyon habang kumakain kami ng tanghalian at ang aming ulam ay tinola. Hindi ko maipaliwanag kung bakit tila ba gustung-gusto ko talagang kumain ng atay ng manok.

“Naku, kulang ka na sa Vitamin C,” wika ni Liz. “Dahil yan sa kakapuyat mo.”

Marahil nga ay kakulangan ng Vitamin C ang dahilan. Kaya tuloy nakigaya na ako kay Anne. Umiinom na rin ako ng calamansi juice. At naisip kong kapag nagsusulat ka, dapat maingat ka sa iyong kalusugan.

4. Isang araw, nakita ko ang isang maliit na ibon sa sanga ng isang maliit na puno. Halos kasingliit lang ang ibon sa maliliit na dahon ng maliit na puno. Matinis ang huni ng ibon. Mabilis ang paglilipatlipat ng ibon sa maliliit na sanga. Papalitpalit ang huni ng ibon ngunit laging matinis. May mahahabang nota sa kanyang paghuni. May maiikli naman na tila binabalibaling maliliit na sanga.

Habang pinanonood ko ang ibon, nakita ko ang sigla ng buhay. At habang ako’y nakikinig sa paghuni ng ibon, ramdam na ramdam ko ang pagpintig ng buhay.

Ganito rin kaya ang nakikita at nadarama ng nanonood at nakikinig sa akin habang ako’y nagkukuwento at nagsasaut? O marahil ang mas maiging tanong ay ganito: mayroon kayang nanonood at nakikinig sa akin habang nagkukuwento at nagsasaut?Magiging makabuluhan ba ang ganda ng buhay kung walang manonood at makikinig sa hiwaga nito?

5. Nakasakay ako sa bus isang hapon pauwi sa Los Baños. At tulad nang madalas kung gawi, nakaupo ako malapit sa bintana. Mahilig akong tumingin sa labas ng bintana. At sa hapong iyon na pauwi ako sa Los Baños, naisip ko ang mga bagay na ito:

a. Nauubos na ang mga palayang matutunghayan sa gilid ng SLEX. Ang mga dating palayan ay nagiging mga subdivison na o kaya’y gasolinahan. At ang iba’y nilalamon ng mga enklabo ng mga pabrika.

b. Habang tumatagal ay kumakapal ang mga usok sa kalangitan ng Kamaynilaan. May mahihinga pa kayang oxygen sa Kamaynilaan o naging mutant na ang baga ng mga taong naninirahan doon upang masala ang oxygen mula sa carbon dioxide?

c. Laging maraming sasakyan ang dumadaan sa SLEX. At laging may nasisiraang sasakyan sa SLEX.

d. Ilang tao kaya sa isang bus ang tulad kong gustong tumingin sa labas ng bintana habang bumabyahe pauwi sa Los Baños?

e. Sa dami ng mga sasakyang dumadaan sa SLEX, tiyak malaki ang kita ng mga kompanya ng langis sa bawat araw.

f. May bahaw kaya pag-uwi ko sa bahay? Masarap kumain ng bahaw kapag galing sa byahe. Syempre dapat may kape.

6. Magmula nang magseryoso akong magsulat, hindi na ako nanonood ng telebisyon.

7. Habang natutulog isang gabi, naisip kong ang pagsusulat ay isang uri ng pananaginip. At habang gising ako isang araw, naisip kong ang pagsusulat ay isang uri ng paggising.

Ibig bang sabihin nito ay sinasaklaw ng pagsusulat ang mga panahong tayo ay tulog at gising?

8. Kumakain ako ng cookies nang marinig ko sa isip ang ganito:

“Hindi ako ang dapat mamatay sa kuwentong ito,” tinig iyon ng isang babae.

“At kailan pa maaring mamatay ang isang tagbaya?” tinig iyon ng dalawang bata.

“Ako nga ba ay may dahilan pang mabuhay matapos ang kanyang pagpanaw?” tinig iyon ng isang lalaki.

At habang kumakain ako ng cookies, ako ay sumagot nang ganito:

“At akala ba ninyo tapos na ang lahat?” iyon ang sagot ko sa aking isip.

Natahimik silang lahat. At sa kanilang mga mukha ay napansin ko ang magkakaparehong ekspresyon na parang nagsasabing:

“Kapanapanabik ang sinabi mong iyan. Iyan ay tiyak naming aabangan.”

Napangiti ako. Alam kong nag-aabang ka rin.

Read Full Post »

Dadaan ako sa Q.C. ngayong darating na Biyernes, Enero 23, 2009. Sa lahat po na nais magkaroon ng advance copies ng Batbat hi Udan ay maaring makipagkita sa akin sa ganap na alas-singko (5 pm) ng hapon sa may McDo malapit sa MRT station ng Quezon Ave.

Maari kayong makipag-ugnayan sa akin sa aking email anijunmudanudan@yahoo.com para magbigayan tayo ng number para sa mas mabilis na koordinasyon.

Maraming salamat at magkitakita tayo!

Read Full Post »

Serye 3

Mga Bagay na Ginawa at Naisip ko Upang Makapagsulat ng Nobela

1. Naalala ko iyong mga hating-gabi na naglalakad ako palabas sa campus para bumili ng kape sa tindahan ni Mang Pogs. Iyong mga gabing tahimik at kahit ang aking isip ay aking naririnig. Iyong mga gabing ang aking mga hakbang ay tila mabagal at wari’y nagmumunimuni sa bawat isang dipang pag-usad. Iyon ang mga gabing madalas makipagkwentuhan sa isip ang mga nakaraan na nangyari libu-libong taon na ang nakalilipas. Mga alaalang nagpasalin-salin hanggang makarating sa aking alaala. Mga guniguning nagkakatotoo sa bawat pagpikit ng aking mata.

Marahil sa mga paghakbang ko noon sa mga hating-gabi ay nagsimulang mabigyang-linaw ang mga nakasulat na sa mga bituin. Marahil sa mga gabing iyon ay isinilang na siya. Siya na darating nang di namamalayan. Siya na sa isang araw ay magsasabing “Ako ang maghahanap sa pinamakatibay at pinakamatayog na haligi ng talugan ni Gaun.” At pagkawika noon ay magpapanibagong anyo siya at mauunawaan ng bawat dakan ang kanyang mga salita.

Marahil sa mga hating-gabing nakatingala ako sa mga bituin ay nasulyapan ko ang nakaraan. Ito kaya ang magiging daan upang maunawaan ng aking lahi kung ano ang hinaharap? Kailan maibabalik ang paningin ng mga baylan na naging bulag nang isumpa sila ni Walu? Iyon ba ang araw na sumilaw muli ang liwanag na hinihintay ng mga baylan upang muling maunawaan ang nakasulat sa mga bituin?

Isa lamang ang tiyak. At iyon ay ang aking pagmumunimuni sa mga hating-gabing ako’y naglalakad palabas sa campus upang bumili ng kape kay Mang Pogs.

2. Sa mahigit isang taong pagsubaybay ko sa paglaki ng aking anak, napakaraming bagay akong natutunan. Natuto akong makipag-usap sa kanya sa lengguwaheng siya lamang ang nakakaintindi. Natuto akong maging masaya sa mga simpleng bagay. Napakasaya ng mundo ng isang sanggol na katulad ng aking anak. Magkatinginan lamang kami nang sabay ay tila ba wagas na kaligayahan na ang kanyang nadarama.

Noong una ay bago sa akin iyon ngunit ngayon ay para bang naging bahagi na ito ng aking sistema. Simple lamang ang kaligayahan ng aking anak. Makasama lamang niya kami ng kanyang ina ay tila siya na ang pinakamasayang nilalang sa buong daigdig. Tumatatak sa isip ang mga ngiti niyang walang pagkukunwari. Ah, ito rin kaya ako noong ako ay bata?

Mga kwento na lamang na hanggang ngayon ay hindi ko pa nakukumpirma ang alaala ng aking pagiging bata. Mga kuwentong gaya nang pagnguya ko sa hilaw na batikolon ng manok noong bago pa lamang ako naglalakad. Mga kuwentong gaya nang hindi ko pagpayag na hatiin ang tinapay na tinatawag nilang brown bread dahil ang gusto ko ay buo. Mga kuwentong sa edad na tatlong taong gulang ay sinabi kong ang goat ay kambing at ang dog ay aso.

Iyon kaya ang mga panahong ako rin ay may mga ngiting walang halong pagkukunwari? Iyon kaya ang mga panahong ako’y masayang-masaya na sa mga simpleng bagay? Bawat araw ay nakikita kong lumalaki ang aking anak. Mabilis siyang natututo sa mga bagaybagay. Mabilis din kayang mawawala ang mga ngiti niyang walang pagkukunwari? Mabilis din kaya niyang mauunawaan ang mundong kanyang mamanahin?

3. Naalala ko ang maraming mukha na aking nakasalubong at nakasabay sa paglalakbay sa landas ng buhay. May mga mukhang seryoso. May mga mukhang masayahin. May mga mukhang palakaibigan. May mga mukhang santo. May mga mukhang masasamang tao. May mga mukhang maamo. May mga mukhang mailap. May mga mukhang balatkayo. May mga mukhang tuso. May mga mukhang walang alam. May mga mukhang matalino. May mga mukhang walang mukha.

Iba’t ibang mukha. Iba’t ibang tao. Iba’t ibang angas.

May mukhang matanda na ngunit mga angas pa rin ng kabataan niya ang kanyang mga naiisip. Nakasalubong ko siya isang araw sa may lagoon. Marahil tinitingnan kung naroon pa ang mga kangkong na mula noon ay kangkong na. Ang lagoon na iyon ay bahagi ng kanyang maangas na kabataan.

Mayroon namang batambata pa ngunit mga angas ng matatanda ang iniisip. Hindi niya matanggap kung bakit hindi linyar ang equation ng pagtataas ng presyo ng bilihin at kung bakit hindi exponential ang pagtaas ng sahod. Nais na niyang tumanda. Gusto na niyang matanda na siya kaagad. At nakalimutan niya ang kanyang pagkabata. Nakalimutan na niya kung paano siya ngumiti sa pagdaan ng mamang nagtitinda ng sorbetes. Nakalimutan na niyang ang kape ay ninanamnam at hindi nilalagok. Nakalimutan na niyang ang mga mahalagang equation ng matematika ay hindi yaong mga equation ng GNP, GDP at unemployment rate. Ah, gusto na niyang tumanda. Nais na niyang tumanda. Kaya ngayon siya ay tumanda na. At nakasalubong ko siyang muli isang araw sa Ayala. At nagtaka ako sa aking napansin sa kanyang mukha, sapagkat may naroon ang pangamba na magsara ang pinapasukan niyang call center. Datirati’y laging tiyak siyang mangusap. Ano kaya ang nangyari sa kanyang pagtanda?

Mayroon namang mukhang nakasabay ko sa dyip. Siya iyong mukhang matalino. Napakaraming teorya ang kanyang namemorya. Kung siya’y mangusap hinggil sa mga kung anu-anong teorya ay aakalain mong nakikinig ka sa mga pilosopong dinakila sa kanilang pagkakalbo. Mula sa mga klasikong akda hanggang sa kasalukuyang pambabaluhura ng mga kung sinong kalbo’t may bigote ay kabisado niya. Nasabi ko noon, “itong taong ito ay malayo ang mararating”.

Nakasalubong ko siya noong isang taon. At ang mga mata niyang dati’y nagniningning ay napalitan ng tila blankong tingin. Ni hindi ako nakilala. Nauuna siyang naglalakad kasama ang mga Koreanong tila nag-uusap tungkol sa pagdating ng niyebe sa kanilang bansa.

Nagbabago ba ang maraming mukha? o nagbabago lamang ang mga balatkayong mukha?

Nalungkot ako nang maisip ko iyong mga taong itinuring kong kaibigan dahil nang makasalubong ko sila’y mga ngiting plastik ang aking nakita. Nagpaplastic-surgery kaya sila?

4. Isang araw ay nagluto ako ng binas-oy. Sa isang dekada kong pananatili sa Timog Katagalugan ay naging Tagalog na rin ang aking panlasa. Ngunit mayroon talagang mga araw na hinahanap-hanap ko ang binas-oy. May mga araw na hinahanap ko ang simpleng binas-oy na dakan. Iyon bang lagyan mo lang ng kapirasong tanglad ay ayos na. Iyon bang talbos ng kamote na tila lumalangoy sa sabaw at asin lamang ang pampalasa. Iyon bang tila lumalangoy ka kapag humihigop. Iyon bang pawis na pawis ka pagkatapos mong kumain.

“Anong lasa niyan?” magtatanong ang aking asawa. At sasabihin niyang kung anu-anong eksperimento na naman ang naiisip ko. Pero ako sarap na sarap sa paghigop ng sabaw. Parang nalalasahan ko iyong malagatas na sabaw ng isdang banak. O kaya iyong sabaw ng bilong-bilong na may maraming malunggay.

“Wala naman yatang lasa yan,” magpapatuloy ang aking asawa. Pero ako’y parang lumilipad na sa alapaap. Parang kasabay ko sa paglipad ang mga kalumbata. Kung hindi mo alam ang kalumbata, ito iyong kilala mo bilang Philippine eagle.

5. Habang nagsusulat ako isang gabi, naalala ko iyong panahon na nangangakyat ako sa mga punong dinog. Maasim-asim at manamistamis ang hinog na bunga ng puno ng dinog. Paborito ito ng mga ul-ula. Kinakain din ito ng mga tukmo at alimokon.

6. Madalas kong marinig kapag namamalengke kami ng asawa ko iyong mama na nagtitinda ng pulot (honey). Ganito ang kanyang tagline.

“Honey, honey kayo diyan. Kayo miss, baka wala pa kayong honey. Iyong mga wala pang honey diyan. Honey kayo diyan. Honey.”

Iyon at iyon ang naririnig ko lagi sa mamang iyon. Wari ko’y naging bahagi na talaga iyon sa kanyang sarili dahil kahit na may iba siyang ginagawa (gaya ng pagbabasa ng tabloid) ay iyon pa rin ang kanyang sinasabi.

May isang mama naman doon na nagtitinda ng mantel. At ang kanyang estilo para mapansin ay ang biglang paghaltak sa kanyang paninda. Parang pumuputok ang mantel at sa lakas ng tunog ay nagugulat ang dumadaan. At dahil galit ang asawa ko sa mga nanggugulat sa kanya, kaaway niya ang mamang iyon.

7. Naisip ko isang araw iyong gabing sumama ako sa aking tatay upang manghuli ng isda at talangka sa ilog. Pumunta kami sa isang ilog na nasa gitna ng isang gubat. Pusikit ang dilim sa ilalim ng gubat na iyon. Kung anu-anong mga huni ang aking naririnig. Lagi kong tinatanong ang aking tatay kung ano iyon. Sasabihin naman niya sa akin ay huwag akong maingay. Nang makarating kami sa ilog, sinabi ng tatay ko na parang wala yatang mahuhuli sa gabing iyon.

“Hintayin mo ako dito. Pupunta lang ako sa unahan para matingna kung may mahuhuli tayo doon. Huwag kang umalis dito.”

At iniwan na nga niya ako. Nakaupo ako sa isang malaking bato. Nilalamig na ako noon dahil nabasa na ang aking kupas na pantalon. Hindi ko alam kung ilang oras na ang dumaan dahil wala pa akong konsepto ng oras noon. Maglilimang taon pa lamang ako.

Naisip kong napakatagal na akong hindi binabalikan ng aking tatay. At sa gitna ng nakabubulag na dilim, maraming bagay ang maaaring mangyari. Sapagkat iyon ay ang luga kung saan pinaniniwalaang nakatira iyong dambuhalang ahas na tumitilaok. Iyon daw ay pag-aari ng kung sinong mga nilalang na hindi nakikita. Subalit sa gulang ko noon ay hindi iyon ang naisip ko. Ang naisip ko’y baka nakalimutan na ako ng aking tatay. Baka umuwi na siyang mag-isa.

“Maghihintay ba ako dito hanggang umaga?” iyon ang aking tanong. “Baka magutom ako pagdating ng umaga. Kapag hindi ako umuwi, hindi agad ako makapag-aalmusal bukas.”

Dahil doon nagpasya akong lumakad. Nangangapa ako habang sinusundan ang ilog. “Ito rin yata iyong ilog na dumadaan malapit sa bahay,” wika ko sa sarili. Kaya nagpatuloy ako sa pangangapa. At dahil sobrang dilim at madulas ang mga bato, ilang beses akong nadapa. Basambasa na ang aking damit. Hating-gabi na marahil iyon. Wala akong kamalay-malay na malapit na ako sa talon. Hindi ko alam na may talon sa lugar na iyon. Nagtaka lamang ako dahil parang napakalakas ng lagaslas. Napahinto ako nang may nairnig akong humihiyaw.

“Ako yata ang tinatawag,” wika ko sa sarili. Ako nga ang tinatawag. Takbong-takbo ang aking tatay habang humihiyaw.

“Galing na kaya si tatay sa bahay?” tanong ko sa sarili. Naisip ko kasi baka nagkape pa siya at naalala niyang nandoon pa pala ako sa ilog.

Nang magkita na kami, tiningnan kong mabuti kung siya nga ba ang tatay ko. Baka kasi nagpapanggap lang. Kaya sinino kong mabuti ang kanyang mukha.

“Bakit ka umalis? Di ba sabi ko huwag kang umalis doon?” tanong ng tatay ko. Hindi ako nagsalita. Sinabi niyang uuwi na kami. At napansin kong parang sinisino din niya akong mabuti. Minsan naiisip ko kung ako pa nga ba iyong batang isinama pauwi ng aking tatay o kaya iyong sinamahan ko pag-uwi ay siya nga ba ang tatay ko. Hahaha! Hanggang ngayon ay bata pa rin akong mag-isip.

8. Naaalala ko pa ang unang beses na nakakita ako ng trak. Kargadong-kargado ang malaking trak na iyon ng malalaking troso.

“Ayan paparating na!” sigaw ng isang bata na mas matanda kaysa sa akin. Nagsipaghanda na ang lahat. Noong una’y hindi ko maintindihan kung bakit.

“Bilisan ninyo!” wika ng pahinante nang magsimulang mag-akyatan ang mga tao s atrak. Bata, matatanda, babae, lalaki, lahat ay nagmamadaling sumampa sa mga troso na karga ng trak.

“Bakit kaya dito kami sasakay?” wika ko sa sarili. “Parang kawawa na ang trak.”

Panahon iyon na hinarabas ng mga kompanya ng logging ang kagubatan.

Read Full Post »

"Hindi mo na dapat tinatanong yan sa isang tagbaya."

"Hindi mo na dapat tinatanong yan sa isang tagbaya."

Malapit nang mabasa ng lahat ang Batbat hi Udan, ang una kong nobela. Sa lahat na interesadong bumili ng kopya, mag-iwan lamang ng mensahe dito sa aking blog.  Suportahan po natin ang panitikang Filipino!

Read Full Post »

Ilang linggo na lang mababasa na ang nobelang Batbat hi Udan!

Mga Bagay na Maaring Unang Nagawa ng nobelang Batbat hi Udan

1. Kauna-unahang nobelang sinulat ng isang purong Higaonon. ANg tribung Higaonon ay nakakalat sa mga lalawigan ng Bukidnon, Agusan at Lanao.

2. Kauna-unahang nobelang nakasentro sa Bukidnon. Umiinog ang kuwento ng nobela sa mga lugar na namamaybay sa laylayan ng kabundukan ng Kitanglad.

3. Filipino ang pangunahing wikang ginamit sa nobela subalit marami ring Binukid ang ginamit rito. Binukid ang wika ng mga Higaonon. Malamang ang Batbat Hi Udan ang kauna-unahang nobelang gumamit ng wikang Binukid.

Malamang marami pa kayong matutulaklasan sa nobelang ito. Sa mga interesado, mag-iwan lamang ng komento rito. maari ninyong idagdag sa inyong links ang http://www.anijun.wordpress.com at http://www.itid.multiply.com.

Read Full Post »

Ilang linggo na lang mababasa na ang nobelang Batbat hi Udan.

Mga Bagay na Maaring Unang Nagawa ng nobelang Batbat hi Udan

1. Kauna-unahang nobelang sinulat ng isang purong Higaonon. ANg tribung Higaonon ay nakakalat sa mga lalawigan ng Bukidnon, Agusan at Lanao.

2. Kauna-unahang nobelang nakasentro sa Bukidnon. Umiinog ang kuwento ng nobela sa mga lugar na namamaybay sa laylayan ng kabundukan ng Kitanglad.

3. Filipino ang pangunahing wikang ginamit sa nobela subalit marami ring Binukid ang ginamit rito. Binukid ang wika ng mga Higaonon. Malamang ang Batbat Hi Udan ang kauna-unahang nobelang gumamit ng wikang Binukid.

Malamang marami pa kayong matutulaklasan sa nobelang ito. Sa mga interesado, mag-iwan lamang ng komento rito. maari ninyong idagdag sa inyong links ang http://www.anijun.wordpress.com at http://www.itid.multiply.com.

Read Full Post »

Older Posts »