Mga Bagay na Ginawa at Naisip ko Upang Makapagsulat ng Nobela
1. Naalala ko iyong mga hating-gabi na naglalakad ako palabas sa campus para bumili ng kape sa tindahan ni Mang Pogs. Iyong mga gabing tahimik at kahit ang aking isip ay aking naririnig. Iyong mga gabing ang aking mga hakbang ay tila mabagal at wari’y nagmumunimuni sa bawat isang dipang pag-usad. Iyon ang mga gabing madalas makipagkwentuhan sa isip ang mga nakaraan na nangyari libu-libong taon na ang nakalilipas. Mga alaalang nagpasalin-salin hanggang makarating sa aking alaala. Mga guniguning nagkakatotoo sa bawat pagpikit ng aking mata.
Marahil sa mga paghakbang ko noon sa mga hating-gabi ay nagsimulang mabigyang-linaw ang mga nakasulat na sa mga bituin. Marahil sa mga gabing iyon ay isinilang na siya. Siya na darating nang di namamalayan. Siya na sa isang araw ay magsasabing “Ako ang maghahanap sa pinamakatibay at pinakamatayog na haligi ng talugan ni Gaun.” At pagkawika noon ay magpapanibagong anyo siya at mauunawaan ng bawat dakan ang kanyang mga salita.
Marahil sa mga hating-gabing nakatingala ako sa mga bituin ay nasulyapan ko ang nakaraan. Ito kaya ang magiging daan upang maunawaan ng aking lahi kung ano ang hinaharap? Kailan maibabalik ang paningin ng mga baylan na naging bulag nang isumpa sila ni Walu? Iyon ba ang araw na sumilaw muli ang liwanag na hinihintay ng mga baylan upang muling maunawaan ang nakasulat sa mga bituin?
Isa lamang ang tiyak. At iyon ay ang aking pagmumunimuni sa mga hating-gabing ako’y naglalakad palabas sa campus upang bumili ng kape kay Mang Pogs.
2. Sa mahigit isang taong pagsubaybay ko sa paglaki ng aking anak, napakaraming bagay akong natutunan. Natuto akong makipag-usap sa kanya sa lengguwaheng siya lamang ang nakakaintindi. Natuto akong maging masaya sa mga simpleng bagay. Napakasaya ng mundo ng isang sanggol na katulad ng aking anak. Magkatinginan lamang kami nang sabay ay tila ba wagas na kaligayahan na ang kanyang nadarama.
Noong una ay bago sa akin iyon ngunit ngayon ay para bang naging bahagi na ito ng aking sistema. Simple lamang ang kaligayahan ng aking anak. Makasama lamang niya kami ng kanyang ina ay tila siya na ang pinakamasayang nilalang sa buong daigdig. Tumatatak sa isip ang mga ngiti niyang walang pagkukunwari. Ah, ito rin kaya ako noong ako ay bata?
Mga kwento na lamang na hanggang ngayon ay hindi ko pa nakukumpirma ang alaala ng aking pagiging bata. Mga kuwentong gaya nang pagnguya ko sa hilaw na batikolon ng manok noong bago pa lamang ako naglalakad. Mga kuwentong gaya nang hindi ko pagpayag na hatiin ang tinapay na tinatawag nilang brown bread dahil ang gusto ko ay buo. Mga kuwentong sa edad na tatlong taong gulang ay sinabi kong ang goat ay kambing at ang dog ay aso.
Iyon kaya ang mga panahong ako rin ay may mga ngiting walang halong pagkukunwari? Iyon kaya ang mga panahong ako’y masayang-masaya na sa mga simpleng bagay? Bawat araw ay nakikita kong lumalaki ang aking anak. Mabilis siyang natututo sa mga bagaybagay. Mabilis din kayang mawawala ang mga ngiti niyang walang pagkukunwari? Mabilis din kaya niyang mauunawaan ang mundong kanyang mamanahin?
3. Naalala ko ang maraming mukha na aking nakasalubong at nakasabay sa paglalakbay sa landas ng buhay. May mga mukhang seryoso. May mga mukhang masayahin. May mga mukhang palakaibigan. May mga mukhang santo. May mga mukhang masasamang tao. May mga mukhang maamo. May mga mukhang mailap. May mga mukhang balatkayo. May mga mukhang tuso. May mga mukhang walang alam. May mga mukhang matalino. May mga mukhang walang mukha.
Iba’t ibang mukha. Iba’t ibang tao. Iba’t ibang angas.
May mukhang matanda na ngunit mga angas pa rin ng kabataan niya ang kanyang mga naiisip. Nakasalubong ko siya isang araw sa may lagoon. Marahil tinitingnan kung naroon pa ang mga kangkong na mula noon ay kangkong na. Ang lagoon na iyon ay bahagi ng kanyang maangas na kabataan.
Mayroon namang batambata pa ngunit mga angas ng matatanda ang iniisip. Hindi niya matanggap kung bakit hindi linyar ang equation ng pagtataas ng presyo ng bilihin at kung bakit hindi exponential ang pagtaas ng sahod. Nais na niyang tumanda. Gusto na niyang matanda na siya kaagad. At nakalimutan niya ang kanyang pagkabata. Nakalimutan na niya kung paano siya ngumiti sa pagdaan ng mamang nagtitinda ng sorbetes. Nakalimutan na niyang ang kape ay ninanamnam at hindi nilalagok. Nakalimutan na niyang ang mga mahalagang equation ng matematika ay hindi yaong mga equation ng GNP, GDP at unemployment rate. Ah, gusto na niyang tumanda. Nais na niyang tumanda. Kaya ngayon siya ay tumanda na. At nakasalubong ko siyang muli isang araw sa Ayala. At nagtaka ako sa aking napansin sa kanyang mukha, sapagkat may naroon ang pangamba na magsara ang pinapasukan niyang call center. Datirati’y laging tiyak siyang mangusap. Ano kaya ang nangyari sa kanyang pagtanda?
Mayroon namang mukhang nakasabay ko sa dyip. Siya iyong mukhang matalino. Napakaraming teorya ang kanyang namemorya. Kung siya’y mangusap hinggil sa mga kung anu-anong teorya ay aakalain mong nakikinig ka sa mga pilosopong dinakila sa kanilang pagkakalbo. Mula sa mga klasikong akda hanggang sa kasalukuyang pambabaluhura ng mga kung sinong kalbo’t may bigote ay kabisado niya. Nasabi ko noon, “itong taong ito ay malayo ang mararating”.
Nakasalubong ko siya noong isang taon. At ang mga mata niyang dati’y nagniningning ay napalitan ng tila blankong tingin. Ni hindi ako nakilala. Nauuna siyang naglalakad kasama ang mga Koreanong tila nag-uusap tungkol sa pagdating ng niyebe sa kanilang bansa.
Nagbabago ba ang maraming mukha? o nagbabago lamang ang mga balatkayong mukha?
Nalungkot ako nang maisip ko iyong mga taong itinuring kong kaibigan dahil nang makasalubong ko sila’y mga ngiting plastik ang aking nakita. Nagpaplastic-surgery kaya sila?
4. Isang araw ay nagluto ako ng binas-oy. Sa isang dekada kong pananatili sa Timog Katagalugan ay naging Tagalog na rin ang aking panlasa. Ngunit mayroon talagang mga araw na hinahanap-hanap ko ang binas-oy. May mga araw na hinahanap ko ang simpleng binas-oy na dakan. Iyon bang lagyan mo lang ng kapirasong tanglad ay ayos na. Iyon bang talbos ng kamote na tila lumalangoy sa sabaw at asin lamang ang pampalasa. Iyon bang tila lumalangoy ka kapag humihigop. Iyon bang pawis na pawis ka pagkatapos mong kumain.
“Anong lasa niyan?” magtatanong ang aking asawa. At sasabihin niyang kung anu-anong eksperimento na naman ang naiisip ko. Pero ako sarap na sarap sa paghigop ng sabaw. Parang nalalasahan ko iyong malagatas na sabaw ng isdang banak. O kaya iyong sabaw ng bilong-bilong na may maraming malunggay.
“Wala naman yatang lasa yan,” magpapatuloy ang aking asawa. Pero ako’y parang lumilipad na sa alapaap. Parang kasabay ko sa paglipad ang mga kalumbata. Kung hindi mo alam ang kalumbata, ito iyong kilala mo bilang Philippine eagle.
5. Habang nagsusulat ako isang gabi, naalala ko iyong panahon na nangangakyat ako sa mga punong dinog. Maasim-asim at manamistamis ang hinog na bunga ng puno ng dinog. Paborito ito ng mga ul-ula. Kinakain din ito ng mga tukmo at alimokon.
6. Madalas kong marinig kapag namamalengke kami ng asawa ko iyong mama na nagtitinda ng pulot (honey). Ganito ang kanyang tagline.
“Honey, honey kayo diyan. Kayo miss, baka wala pa kayong honey. Iyong mga wala pang honey diyan. Honey kayo diyan. Honey.”
Iyon at iyon ang naririnig ko lagi sa mamang iyon. Wari ko’y naging bahagi na talaga iyon sa kanyang sarili dahil kahit na may iba siyang ginagawa (gaya ng pagbabasa ng tabloid) ay iyon pa rin ang kanyang sinasabi.
May isang mama naman doon na nagtitinda ng mantel. At ang kanyang estilo para mapansin ay ang biglang paghaltak sa kanyang paninda. Parang pumuputok ang mantel at sa lakas ng tunog ay nagugulat ang dumadaan. At dahil galit ang asawa ko sa mga nanggugulat sa kanya, kaaway niya ang mamang iyon.
7. Naisip ko isang araw iyong gabing sumama ako sa aking tatay upang manghuli ng isda at talangka sa ilog. Pumunta kami sa isang ilog na nasa gitna ng isang gubat. Pusikit ang dilim sa ilalim ng gubat na iyon. Kung anu-anong mga huni ang aking naririnig. Lagi kong tinatanong ang aking tatay kung ano iyon. Sasabihin naman niya sa akin ay huwag akong maingay. Nang makarating kami sa ilog, sinabi ng tatay ko na parang wala yatang mahuhuli sa gabing iyon.
“Hintayin mo ako dito. Pupunta lang ako sa unahan para matingna kung may mahuhuli tayo doon. Huwag kang umalis dito.”
At iniwan na nga niya ako. Nakaupo ako sa isang malaking bato. Nilalamig na ako noon dahil nabasa na ang aking kupas na pantalon. Hindi ko alam kung ilang oras na ang dumaan dahil wala pa akong konsepto ng oras noon. Maglilimang taon pa lamang ako.
Naisip kong napakatagal na akong hindi binabalikan ng aking tatay. At sa gitna ng nakabubulag na dilim, maraming bagay ang maaaring mangyari. Sapagkat iyon ay ang luga kung saan pinaniniwalaang nakatira iyong dambuhalang ahas na tumitilaok. Iyon daw ay pag-aari ng kung sinong mga nilalang na hindi nakikita. Subalit sa gulang ko noon ay hindi iyon ang naisip ko. Ang naisip ko’y baka nakalimutan na ako ng aking tatay. Baka umuwi na siyang mag-isa.
“Maghihintay ba ako dito hanggang umaga?” iyon ang aking tanong. “Baka magutom ako pagdating ng umaga. Kapag hindi ako umuwi, hindi agad ako makapag-aalmusal bukas.”
Dahil doon nagpasya akong lumakad. Nangangapa ako habang sinusundan ang ilog. “Ito rin yata iyong ilog na dumadaan malapit sa bahay,” wika ko sa sarili. Kaya nagpatuloy ako sa pangangapa. At dahil sobrang dilim at madulas ang mga bato, ilang beses akong nadapa. Basambasa na ang aking damit. Hating-gabi na marahil iyon. Wala akong kamalay-malay na malapit na ako sa talon. Hindi ko alam na may talon sa lugar na iyon. Nagtaka lamang ako dahil parang napakalakas ng lagaslas. Napahinto ako nang may nairnig akong humihiyaw.
“Ako yata ang tinatawag,” wika ko sa sarili. Ako nga ang tinatawag. Takbong-takbo ang aking tatay habang humihiyaw.
“Galing na kaya si tatay sa bahay?” tanong ko sa sarili. Naisip ko kasi baka nagkape pa siya at naalala niyang nandoon pa pala ako sa ilog.
Nang magkita na kami, tiningnan kong mabuti kung siya nga ba ang tatay ko. Baka kasi nagpapanggap lang. Kaya sinino kong mabuti ang kanyang mukha.
“Bakit ka umalis? Di ba sabi ko huwag kang umalis doon?” tanong ng tatay ko. Hindi ako nagsalita. Sinabi niyang uuwi na kami. At napansin kong parang sinisino din niya akong mabuti. Minsan naiisip ko kung ako pa nga ba iyong batang isinama pauwi ng aking tatay o kaya iyong sinamahan ko pag-uwi ay siya nga ba ang tatay ko. Hahaha! Hanggang ngayon ay bata pa rin akong mag-isip.
8. Naaalala ko pa ang unang beses na nakakita ako ng trak. Kargadong-kargado ang malaking trak na iyon ng malalaking troso.
“Ayan paparating na!” sigaw ng isang bata na mas matanda kaysa sa akin. Nagsipaghanda na ang lahat. Noong una’y hindi ko maintindihan kung bakit.
“Bilisan ninyo!” wika ng pahinante nang magsimulang mag-akyatan ang mga tao s atrak. Bata, matatanda, babae, lalaki, lahat ay nagmamadaling sumampa sa mga troso na karga ng trak.
“Bakit kaya dito kami sasakay?” wika ko sa sarili. “Parang kawawa na ang trak.”
Panahon iyon na hinarabas ng mga kompanya ng logging ang kagubatan.
Mag-iwan ng Tugon