Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Marso, 2009

Makasaysayan para sa aking angkan at sa tribung Higaonon ang pagkakalimbag ng nobelang Batbat hi Udan. Sapagkat ito ang kauna-unahang nobelang nailuwal ng aming angkan at ng aming tribu. Ito na rin marahil ang kauna-unahang nobelang nagtangkang ilugar ang naratibong Higaonon sa tradisyon ng panitikang Filipino.

Hindi naman nakapagtatakang makapagluwal ng nobela ang tribung Higaonon. Sapagkat sa aming mga ninuno ay nailuwal ang mga bayani ng epikong gaya nina Agyu, Walu, Aniyun Mayun Anlaw at iba pa. Marahil ang Batbat hi Udan ay umpisa pa lamang sa proseso ng muling pag-aakda ng mga Higaonon ng kanilang salaysay. At sana maging inspirasyon ito ng iba na sulatin din ang kanilang salaysay gamit ang katutubong pananaw sa daigdig.

Ang Batbat Hi Udan ay sarili kong ambag sa layuning pagpapaunlad ng pambansang wika. Naniniwala akong hanggang ngayon ay hindi pa rin pambansa itong sinasabi nating pambansang wika na Filipino at patuloy pa rin ang proseso ng pagpapaunlad nito. At naniniwala akong bago pa man manghiram sa dayuhang mga wika ang Filipino ay dapat muna itong manghiram sa rehiyunal na mga wika. Naniniwala rin ako na hindi batas ang makakapagpatupad nito kundi ang agresibo at aktibong mga hakbang ng sinumang may malasakit sa pagpapaunlad ng wikang Filipino.

Ang Batbat hi Udan ay isang ring pagtatangka na hamunin ang kabataang Pilipino na umugnay sa kanilang kultura. Sa aking sariling pagsusuri, nakikita kong ang kalakhan sa kabataang Pilipino ay tila lumulutang at hindi nakaugat sa kultura ng kanilang lahi. Tila ba mga asong-kalye na kung saang basurahan mangangalkal upang may maipakain sa kanilang kaluluwa o di kaya’y maglalaway habang naghihintay na hagisan ng buto mula sa dayuhang hapag-kainan. Isa itong masakit na katotohanang dapat nating kilalanin at sikaping baguhin kung nagnanais tayo na maging mararangal na tao sa daigdig.

Hindi na nga kaya nagbabasa ang kabataang Pilipino (o ang mga Pilipino sa pangkalahatan) ng panitikang Filipino? Kung pagbabatayan ang listahan ng mabentang mga libro ng iba’t ibang tindahan ng libro, mukhang ganoon na nga. Maraming mga Pilipino ang nagbabasa subalit madalas ay panitikang dayuhan ang kanilang binabasa. Lalo na sa hanay ng kabataang Pilipino, madalas ang binabasa ay iyong mga kuwentong malayong-malayo sa ating kultura. At marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit ang kalakhan sa kabataang Pilipino ay tila mga dagsa na lumulutang sa dagat.

Habang binubura ng globalisasyon ang mga hangganan ng mga kultura, bansa at lahi, naniniwala akong mas lalo dapat nating mabuo ang ating pagkakilanlang kultural (cultural identity). Sapagkat ang sinumang hindi nakaugat sa kanyang kultura ay maaanod sa baha ng impormasyong dala-dala ng globalisasyon. At sinumang maaanod sa bahang ito ay magiging dayuhan sa kanyang sariling bayan. At sinumang dayuhan sa sariling bayan ay mawawalan ng bayan. At ang mga bayang may ganitong mamamayan ay tiyak na mabubura sa mukha ng lupa.

Maaaring sabihing napakatayog ng pinapangarap ko at napakasaklaw para magampanan ng Batbat hi Udan. Hindi ko sinasabing ako lang ang dapat mangarap nito. Naniniwala akong kahit papaano ay mayroong bahagi sa inyong sarili na nangangarap din nang ganito. Sapagkat sino ba sa atin ang walang puso para sa ating bayan at sa kinabukasan ng ating lahi?


***Ito ay bahagi ng talumpating binigkas sa paglulunsad ng Batbat hi Udan noong Pebrero 11, 2009 sa Boston Cafe, Los Baños, Laguna.

Advertisements

Read Full Post »