Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Abril, 2009

Ang Pamamaalam I

1. Ang paglisan ng mga ibon sa kanilang pugad ay tanda ng pagtatapos ng isang yugto ng kanilang buhay. Marahil kaya nang makipagsabayan ng kanilang inakay sa pagtuklas at paggalugad sa kanilang mga daang-hangin. Humuhuni na rin marahil ang inakay ng huning maririnig kahit ng isang batang mapapagawi sa gubat kung saan sila manginginain.

2. Sa pamamaalam ng anihan ay muling ihahanda ang lupa para sa taniman. Hanggang muling magiging luntian ang bukid. Hanggang mamumulaklak muli ang palay at mabubuong unti-unti ang malagatas na butil. At sa paglipas ng maraming pagsikat at paglubog ng araw, muling magiging ginintuan ang bukid. Ilang panahon lamang ay anihan na naman.

3. Walang sinumang lilisan sa pook ng kanyang mga paghihirap nang walang kirot sa dibdib. Walang sinumang lilisan sa pook ng kanyang mga tagumpay nang walang lumbay sa puso.

Kaya maraming uri ang pamamaalam. May pamamaalam na habambuhay mong maiisip. May pamamaalam na sumusugat sa puso. May pamamaalam na naghahatid ng pilat sa alaala. May pamamaalam na naghahatid ng kapayapaan sa loob. May pamamaalam na nagdudulot ng kalayaan sa isip. May pamamaalam na hanggang sa kahulihulihang hininga ay umaalingawngaw.

4. Ang Los Baños ay naging tahanan ko sa mahigit sampung taon. Naging saksi ito sa mahahalagang pangyayari sa aking buhay. Naging bahagi ito ng marami kong adhika. Naging kanlungan ng matatayog na pangarap. At sa loob ng ilang tag-ani na ay naging pugad ng aking munting pamilya.

Ang Los Baños ay naging libingan ng aking mga dalamhati. Naging karamay sa mga sandaling gumuho ang marami nang mundo sa panagimpan. Naging kasama sa pagpupulaw sa mga adhikaing dalisay sa isip.

Ang Los Baños ang muog ng aking puso sa panahong inaasinta ako ng maraming kontradiksyon. Naging kanlungan sa mga panahong tinutugis ako ng mga alaala. Naging tahanan matapos ang aking mga paglalagalag. Ah, ang Los Baños, ang Los Baños ang muog ng aking puso.

Subalit hindi maaaring ikulong ang puso. Hindi maaaring maging laging takas sa pagtugis. Sapagkat paano uunlad kung hindi magapi ang mga pang-uusig ng sariling alaala?

5. Ang mga gabing binibilang ko ang ilaw-dagitab ng Lopez Avenue ay magiging gabi na bibilangin ko mga alitaptap ng madidilim na daang-kalabaw ng aking kamusmusan. Ang mga dapithapong kasama ko ang mga kaibigan sa damuhan ng Freedom Park ay magiging dapithapong makakaulayaw ko ang mga magsasakang mag-iinuman ng langkoga sa gitna ng kalsadang hindi kailanman nadaanan ng de-makinang sasakyan. Ang mga sandaling umiinom ako ng kape sa mga Cafe ng Batong Malake ay magiging sandali na iinom ako ng kape sa kubo kung saan tanaw na tanaw ko ang dagat.

6.  Magiging tahimik na ang aking mga gabi. Hindi ko na maririnig ang maiingay na motorsiklo ng aming mga kapitbahay sa Los Baños. Hindi ko na maririnig ang maiingay na mga estudyanteng nag-iinuman hanggang madaling-araw. Hindi ko na maririnig ang nakabubulahaw na tugtugan ng kung anong relihiyon na nais ipagduldulan sa lahat ang kanilang pagsamba tuwing Linggo. Hindi ko na maririnig ang mamang laging nambubunganga sa crossing. Hindi ko na maririnig ang makabasag-eardrum na tugtog ng mga tindahan ng damit, computer atbp.

Magiging sariwa na rin ang hanging malalanghap ko. Hindi na ako mapeperwisyo sa usok ng mga motorsiklo ng aming kapitbahay. Hindi ko na maaamoy ang umaalingasaw na mga kanal. Hindi na rin malalanghap ang usok ng mga sasakyan sa Lopez Avenue tuwing matrapik. Hindi ko na rin maaamoy ang nakakasulasok na amoy ng mga luto ng isang tindahan ng pagkain sa crossing.

Mawawalan naman ako ng koneksyon ng internet. Hindi na ako makakapagsurf araw-araw. Hindi na ako makakapagbasa ng mga email. Hindi na rin ako makakapagblog nang mabilis. Hindi na rin ako makakapagbasa ng mga balita. Hindi na rin ako makakabalita kung ano na ang nangyayari sa lahat.

Mawawalan din ako ng signal. Hindi na ako makakapagtext kahit anong oras. Hindi na rin ako makakatawag sa mga gusto kong tawagan maliban na lamang kung paghirapan kong umakyat sa tuktok ng bundok sa itaas ng aking bukid. Hindi na rin ako makakalabas sa hatinggabi upang bumili ng kung anong maisip bilhin. Hindi na rin ako makakagala nang basta na lamang sa mga Sabadong nais kong maglakwatsa.

7. Hahanaphanapin ko marahil ang mga bookstore. Hahanaphanapin ko marahil ang mga Cafe. Hahanaphanapin ko marahil ang mga siomai sa Grove. Hahanaphanapin ko marahil ang maliliwanag na kalye tuwing gabi. Hahanaphanapin ko marahil ang mga pakikipagtagpo sa mga kaibigan.

Matutuwa naman ako dahil hindi ako maglalakad sa mga kalsadang laging may nakikitang kalat ng mga aso. Matutuwa naman ako dahil libre madalas ang gulay na aking kakainin. Matutuwa ako dahil hindi na ako bibili ng saging. Matutuwa ako dahil hindi pekeng manok ang aking kakainin. Matutuwa ako dahil hindi ko na bibilhin ang tilapiang aking iuulam. Bihira na rin akong bibili ng bigas. At sariwa ang mais na aking ilalaga.

8. Malulungkot naman ako dahil hindi sementado ang mga daan sa aking pupuntahan. Malulungkot naman ako dahil binabarat ng mga negosyante ang pagbili ng mga produkto sa bukid. Dahil binabawasan lagi ng resikada kapag nagbenta ka ng kopra. Dahil laging may reject pag nagbenta ka ng saging. Dahil inuuri ang abaka ng mga negosyante at madalas ay para makalamang sila. Dahil wala pang kuryente doon sa aking bukid. Dahil maraming bagay na natutunan kong gamitin sa lunsod ay hindi ko agad mabibili doon.

Ngunit magiging masaya naman ang paliligo sa ilog na dalisay at malinis. Makatitighaw sa aking uhaw ang pag-inom ng tubig sa bukal na malinis at malamig.  Makakatulong sa pagmumunimuni sa umaga ang lamig ng hangin at init ng kapeng ako rin ang gagawa. Makakapagpanatag sa isip ang pagsamyo sa hihip ng kagubatang tanaw na tanaw ko lamang mula sa kubo.

Magiging masaya din malamang ang aking anak sa pagtuklas sa pangalan ng mga halaman. Marahil matutuwa siya sa panghahabol ng makukulay na paruparo at mga tutubi. Alam kong magugustuhan niyang manguha ng ligaw na mga bulaklak na tumutubo sa kung saansaan lang. Matutuwa din marahil ang asawa ko sa pag-aaral ng pagpipinta doon. Marahil ipipinta niya ang nangangasul na kabundukan ng Kitanglad. Marahil ipipinta niya akong nag-aararo. Marahil ipipinta niya ang luntiang palayan at maisan. Marahil ipipinta niya ang namumulaklak na mga bitan-ag o kaya’y mga banaba.

Magiging masaya din marahil ang aming mga tanghali habang humihigop ng sabaw ng murang niyog na kakakuha pa lamang sa puno. Magiging masaya din marahil ang aming panginginain ng mga ligaw na bungangkahoy o kaya’y pulut-pukyutan.

At alam kong sa mga gabing payapa ay maraming kuwento ang magkakahugis sa aking isip. Alam kong sa aking mga panaginip ay magpapatuloy ang mga pakikipagsapalaran ni Udan. Alam kong sa aking mga pagmumunimuni ay makakausap ko si Ramon Makaindan. Natitiyak akong dadalawin ako ni Buuy Gaun sa mga umagang titingnan ko ang kalupaan hanggang sa dagat.

***

Sadyang hindi magkakasya sa iisang panahon ang pagbibigaykahulugan sa pamamaalam.

Anijun Mudan-udan

Paanan ni Makiling

Buwang Unang Narinig ni Ananaw ang aking Pag-awit ng Bukidnon, Banuwa Ku

Advertisements

Read Full Post »

Pagbabalik

1. “Sa aking pagbabalik sa lupaing ito, marahil ako ay hangin na lamang,” wika iyon ng aking ninuno bago siya pumanaw.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagbibigay ng hininga sa kanyang mga maiiwan. Ang pagbabalik para sa kanya ay nagbibigay buhay.

2. “Babalik akong isang bagani. Babalik akong daladala ang ulo ng aking mga napaslang,” wika iyon ng binatang handa nang sumuong sa pangayaw. Handa na siyang maglakbay upang makidigma.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagdadala ng balita ng kamatayan ng mga kaaway. Ang pagbabalik para sa kanya ay tanda ng pagkasawi ng kanyang mga katunggali.

3. “Sa muli kong pagtapak sa lupaing ito, mamumukadkad na ang mga banaba,” wika ng isang manggagamot. Maglalakbay siya tungo sa kabundukan upang humanap ng mga halamang gamot.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagsilay sa kagandahan. Ang pagbabalik para sa kanya ay pag-aabang sa mga bulaklak.

4. “Magbabalik akong may kirot sa dibdib, sapagkat sa araw na ito sa iba ka umibig,” wika ng isang manliligaw.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagkasaling ng malalim na sugat. Ang pagbabalik para sa kanya ay pananariwa ng sugat.

5. “Bumalik kang isang matibay na haligi. Bumalik kang isang matayog na puno,” wika ng ama sa kanyang anak na lalaking papaalis.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagdadala ng lakas. Ang pagbabalik para sa kanya ay pagpapamalas ng tikas.

6. “Bumalik kang buo at walang kulang. Bumalik kang buo at walang sobra,” wika ng ina sa kanyang anak na babaeng papaalis.

Ang pagbabalik para sa kanya ay pagiging buo. Ang pagbabalik para sa kanya ay pananatiling dalisay.

7. “Sa aking pagbabalik, magsasama na tayo hanggang magpakailanman,” pangako iyon ng isang mangingibig.

Ang pagbabalik para sa kanya ay romantisismo ng pagsasama. Ang pagbabalik para sa kanya ay isang matimyas na pangako.

8.

Ang pagbabalik ay awit sa isang gabi ng tag-araw:

Umalis kang gumagapang sa lupa.

Babalik kang lumilipad sa langit.

Umalis kang tanging baon ay luha.

Babalik kang may daladalang awit.

Ang pagbabalik ay limbay sa isang umagang malamig:

Bul-og su agkalauwan, sulip diya ta wahig.

Bul-og su agkauhol, pamandaw diya ta bisig.

Ang pagbabalik ay himig sa isang dapithapon:

Magkakatay ako ng manok sa iyong pagdating,

Magluluto ako ng masarap na nilagpang,

Payak lamang itong ang akiing hinihiling,

Magsasalo tayo sa hapag aking hirang.

Ang pagbabalik ay munimuni habang nagkakape:

Kung saan ang simula, doon din ang katapusan. Kung saan ang katapusan, doon din ang simula. Sa itlog nagsimula at natapos sa manok. Sa manok nagsimula at natapos sa itlog. Teka, simulan natin sa umpisa. Itlog, sisiw, manok. Ngayon baligtarin natin. Manok, sisiw, itlog. Alin kaya ang totoo?

Ang pagbabalik ay pagdadala ng bagong sandata:

Mandirigma akong walang humpay sa pakikipaglaban. Libong kaaway na ang aking nagapi sa daan-daang labanan. At aking natuklasan na ang isang tao’y may nakakubling sandata. Matutuklasan lamang ito kapag ikaw’y nakipaglaban na tila wala nang bukas. Sapagkat ang nakatadhana sa isang mandirigma ay makidigma.

Ang pagbabalik ay pagdadala ng bagong kaalaman:

May mga bagay na hindi nakukuha sa lakas. May mga bagay na hindi makakamit sa galaw ng kamay. May mga bagay na hindi kailangan makamtan. May mga bagay na walang kabulohan. May mga bagay na dapat pinag-iisipan. Walang silbi ang kaalaman kung hindi magagamit. Walang gamit ang kaalamang walang silbi.

***

Ang pagbabalik ay paglanghap sa sariwang hangin, pag-inom sa dalisay na batis, paglangoy sa malinis na ilog, pagpitas sa ligaw na bayabas, at pagngiti sa mga mukhang bagaman binago ng panahon ay pamilyar pa rin sa mga mata.

Anijun Mudan-udan

Paanan ng Bundok Makiling,

Panahon ng pag-aararo para sa panuig,

Taong tumubo ang unang bagang ni Ananaw

Read Full Post »