Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Pebrero, 2010

1. Aakalain mo’y natuyo ang lahat na punong narra ngayon. Walang kahit ni isang dahon ang nagpaiwan sa mga sangang tila mga kamay na nagsusumamo ng ulan sa langit. Ngunit nagsisimula pa lamang ang tag-init. Ito ang ibinubulong ng hangin. Ito ang ibinubulalas ng sapa. Ito ang maririnig sa malutong na putokan ng hilaw na mga kogon at along-along na natutupok sa pagkakaingin ng aking mga kakapitbukid.

2. Ngunit habang walang dahon ang malalaking punong narra, nagsisimula namang sumibol ang mga buto nilang matagal nang nakakalat. Nagsisitubuan sila na tila mga kabuteng nagsusulputan sa kung saan. At kung hindi ka marunong kumilala sa kanila, ni hindi mo akalaing mula sa kanilang tila sitaw na simula ay magiging malalaking puno sila sa paglipas ng mga taon.

3. Ang pagtatanim ng puno ay pagtatanim ng bukas. Ito ang prinsipyong gumagabay sa aking pagpili na gawing gubat itong aking bukirin. Nais kong mapuno ito ng iba’t ibang puno kung saan maaaring mamuhay nang payapa ang mga ibon. Kaya nagtatanim ako ngayon ng maraming puno. Nais kung maitanim ang libu-libong puno na kaya kong itanim. Nais kong makita itong aking bukirin na gaya ng Lidasan. Gaya ng mahiwagang daigdig ng mga tagbaya.

4. Ang pagtatanim ng puno ay hindi binibigyang-halaga nilang mga tao na hanggang sikmura lamang ang kayang isipin. Mas nanaisin nilang magtanim ng saging, kamoteng-kahoy, kamote o kaya’y mais. mas nanaisin nila iyong mabilis maging pera. Iyong hindi na kailangang hintayin pa. Kung kaya sa parteng ito ng mundo, nagtataka o di kaya’y natatawa ang mga tao kapag nagtanim ka ng puno. Sapagkat hindi nila maisip kung anong klaseng katangahan ang pumasok sa iyong ulo.

5. Tumatagos kahit sa tatlong kumot ang lamig ngayon dito sa aking bukirin. Lalo na kapag madaling-araw. Parang nanggigising ang lamig. Parang nagyayaya na maglaro sa labas ng kubo kung saan mahangin. Ah, ganito ang simula ng tag-init sa lugar na ito. At kapag lumabas naman ang araw, susunugin naman nito ang balat mo sa katanghalian.

6. Tuwing umaga ay nagigising ako sa iba’t ibang huni ng iba’t ibang ibon. Hindi ko na nga mawari kung ano ang ibang ibon na humuhuni. Maliban sa madalas kong makita na mga ul-ula, alimokon, tamsi, taligtig, bayako, kagnas, gapasgapas, igat-igat, kingfisher, at bokitok. Nitong bago lamang ay dumayo dito ang maraming kuling.

Tila ba may konsiyerto sila tuwing umaga. At sa gitna ng tahimik na umaga, rinig na rinig ang masasaya nilang paghuni. Ito yata ang panahong nagsisimula na silang gumawa ng pugad. Marahil nagliligawan sila. Marahil namamasyal sila sa kung saang bayabasan. Marahil nagkukuwentuhan sila kung saan masarap ang bungang-kahoy na maari nilang kainin.

7. May mga bagay na gaya ng dahon na natutuyo at nahuhulog sa lupa. Ngunit kasabay noon ay ang pagsibol ng bago. Kagaya ng mga plano na nawawalan ng pakpak at lumalagpak. Kagaya ng mga sulating napakatayog ang simula at bumubulusok bigla. Ngunit laging may pumapalit. Tila phoenix na nabubuhay muli mula sa kanyang abo. Nagliliyab muli. Nag-aalab muli. Sapagkat sinong makapagsasabi na mula sa sulating naglahong parang bula ay may tatlong papalit?

8. Ang ating pananatili sa mundong ibabaw ay katulad lamang ng mga dahon. At nararamdaman kong ako’y nasa katanghalian na ng aking mga araw. May mga binhi nang nagsisimulang sumibol upang pumalit sa akin. Umiinog nang muli ang mundo gaya nang nasaksihan ko kagabi sa paglilipat ng posisyon ng mga bituin.

Ay, itong katanghalian ko’y inaasam kong magbubunga pa ng marami. Sapagkat sa isang gaya kong nakikisalamuha sa kalikasan, ang pamumunga ay siyang tanda ng halaga ng isang puno.

Read Full Post »