Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Marso, 2010

Batbat Hi Udan II

1. Ilang ihip na lamang ng hangin, ilang paghinga, ay muli na namang mababasa ang pakikipagsapalaran ni Udan . At kung akala ng mambabasa na narating na ni Udan ang sukdulan ng kanyang kapangyarihan, iyon ay isang pagkakamali. Sapagkat iyon ay umpisa pa lamang ng kanyang paglalakbay. Sa ikalawang aklat ng Batbat hi Udan, malamang lalong mabibighani ang mambabasa sapagkat doon maibubunyag ang isang matagal nang lihim ng kabundukan ng Kitanglad. Ang lihim na hanggang ngayon ay iilan lamang ang nakakaalam. O mayroon pa kayang nakakaalam?

2. Ang bawat epiko ay may tiyak na layunin sa lahing pinagmulan nito. At ito ang isang mahalagang bagay na dapat maunawaan ng bawat mambabasa.

3. Habang dinarama ko ang paligid sa mundong ginagalawan ni Udan, naiisip kong tila ba nasa gitna ako ng buhay na kuwentuhan ng aking mga ninuno. At sa bawat paghinga ko’y tila ba isinasalin nila sa akin ang kanilang mga salimbibig na kuwento na ilan dantaon nang isinasalin.

4. Isang hiwaga ang pagkinang ng isang alaala nang masilayan ko ang isang ligaw na bulaklak. Bulaklak iyon na tumubo sa gitna ng kogonan. Bulaklak na buhay na buhay. Bulaklak na hindi gaya ng mga bulaklak na nasilayan ko na. Sapagkat iyon ay bulaklak na pinagmulan ng mga alamat. Isang mahiwagang bulaklak. Ang bulaklak ng pinakamagandang alaala. Agnanawen, aggagawen, ta bul-og su pakaaha na agkakulambungan su pusung.

5. Ang Batbat Hi Udan ay pagkakabuo ng mga alaala mula sa iba’t ibang alaala. Mga alaala sa loob ng mga alaala. Sapagkat ang Batbat hi Udan ay epiko ng mga nawawalang alaala ng isang lahing unti-unti na ring nawawala.

Ay, anong sarap damhin sa dibdib ang pagsayad sa kaibuturan ng puso ng mga salitang nagbibigay-buhay sa nananamlay na diwa ng pagiging katutubo.

6. Kung akala ng mambabasa na ang Lidasan na ang sukdulan ng hiwaga, malalaman niya sa ikalawang aklat na mayroon pang mga lugar na higit na mahiwaga kaysa Lidasan. Nagsisimula pa nga lang talaga ang tunay na pakikipagsapalaran ni Udan. Nagsisimula pa lamang ang tunay na kuwento ni Udan.

7. Hindi ito ang tipong kuwento na narinig mo na. Hindi ito ang tipong nabasa mo na. Sapagkat ang kuwentong ito ay naglaho noong panahon pa na bagong alis lamang si Mampur sa isla ng Amin Danaw. At kung hindi mo kilala kung sino si Mampur, hindi ba’t siya’y naisalaysay sa Mga Gapnod sa Kamad-an?

Ano naman ang Mga Gapnod sa Kamad-an? Ah, marahil kailangan mong maunawaan na hindi lamang Filipino ang wika sa arkipelagong ito.

8. Isang magandang karanasan na bumalik sa panahon na libong taon na ang nakalipas. Panahong ang buong isla ng Amin Danaw ay nahahati sa walong talugan. Panahong unang nakarating ang mga kalula sa arkipelago. (Ano naman kaya ang kalula?) Ah, isang salitang matagal nang nawawala kahit sa bokabularyo ng taal na gumagamit ng salitang ito.

Umaawit ang kampilan. Umaawit ang sibat. Umaawit ang kalasag. Umaawit sila sa kamay ni Udan. Umaawit sila sapagkat nasisiyahan lamang sila sa tuwing nakikidigma.

Naroon ako nang huminto ang kanilang mga awit. Naroon ako nang huminto ang kanilang awit. Naroon ako nang huminto ang kanilang awit. Naroon ako…

Read Full Post »