Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Mayo, 2010

Nakalulugod basahin ang salin ni Mario Ignacio Miclat sa The Star ni Arthur Clarke, Einstein’s Dreams ni Alan Lightman at Flowers for Algernon ni Daniel Keyes. Sa pagbabasa ng mga salin ng tatlong kathang agham, pumasok sa isip ko ang sumusunod:

1. Na gaya ng nais bigyang-diin ni G. Miclat, isa ngang intelektuwal na wika ng siyensiya at panitikan ang Filipino. Na ang ibig sabihin para sa akin, ang wikang Filipino ay isang maunlad at papaunlad na wika. At sa puntong ito, lumilitaw ang kaibhan nito sa Tagalog.

2. Na mahalaga ang pagsasalin sa pagpapaunlad ng wika. Sapagkat mula sa pagsasalin, makakapag-asimila ang wika ng mga salita at konseptong magpapayaman sa bokabularyo nito.

3. Na mahalaga ang pagsasalin sa pagpapaunlad ng utak ng sambayanan. Sapagkat sa pamamagitan ng pagsasalin, maaaring mabasa at maintindihan ng mas nakararami ang mga mauunlad na mga kaisipan at teorya. At sa pamamagitan din ng pagsasalin, mas magiging madali ang pagbabalangkas ng mga hakbang sa pagsasapraktika ng mga teorya at kaisipang maaring maging giya tungo sa pag-unlad.

Batay sa mga nabanggit, masasabi kong sadyang mahalaga nga ang pagsasalin lalo na ang pagsasalin ng mga kathang agham. Dagdag pa, maaari ring tingnan ang pagsasalin (mula sa wikang dayuhan tungo sa Filipino) bilang tugon sa colonial agenda. Sapagkat sa kasong ito, mulat ang tagasalin sa pagpili ng mga kathang isasalin at malinaw ang tunguhin ng pagsasalin na itampok ang wikang Filipino bilang intelektuwal na wika ng siyensiya at panitikan.

Sa pagbabasa ng mga kathang agham na isinalin ni G. Miclat, hindi ko mapigilang humanap ng punto kung saan maaari kong iugnay ang sarili sa mga kuwento. At nakatutuwang isipin na hindi naman ako nabigong makahanap ng kawing. Sa kuwentong Ang Tala ni Arthur Clarke halimbawa, napaisip ako kung papaano kaya ang naging kalalabasan ng kanyang kathang agham kung ang batayan ng kanyang paniniwala ay ang pagkakaroon ng pitong langit na pinaniniwalaan ng mga Higaonon? At magtatanong pa kaya siya kung bakit ang bituing iyon ang kailangang sumabog at magningning sa Bethlehem kung alam na niyang matagal na iyong nakasulat sa mga bituin?

Masasalamin sa akda ni Clarke ang pagkuwestiyon ng ilang mga sayantist sa eksistensiya ng Maylikha ng sansinukob. Gayundin, isinasalang sa paghuhusga ang motibo ng Maylikha sa pagwasak ng ibang mga tala na nagreresulta sa pagkawasak ng ibang daigdig na may buhay gaya nang sa teoritikal na daigdig sa kuwento ni Clarke.

Subalit kung sisipatin natin ang kuwentong ito sa konteksto ng sinaunang mga pananaw sa mundo, marahil hindi na mahalagang pag-isipan pa ang tanong ni Clarke. Sa paniniwala ng mga Intsik sa yin at yang, sadyang may kakambal na katunggali ang bawat bagay. Kung kaya sadyang kakambal ng paglikha, at masasabi ring kasinghalaga rin nito, ang pagwasak. At kung magpakasayantist na rin lamang tayo ay maaari nating tingnan ang mga ito sa antas ng atomic reactions o kaya’y sa usapin ng enerhiya. Na walang nalilikhang bago at walang naglalaho sa pagwasak ay sinususugan ng Law of Conservation of Energy.

Ang mga pagsisikap natin kung gayon na hanapan ng paliwanag ang ating eksistensiya at ang eksistensiya o di kaya’y paglaho ng mga bagay sa mundo at sansinukob ay hanggang sa antas lamang ng pagsasalarawan ng ating kalagayan. Sa katutubong pananaw na nakasulat na ang lahat sa mga bituin, maaari lamang nating basahin ang kasaysayang matagal nang ganap. Ibig bang sabihin nito ay hindi na mababago kung ano ang nakatakdang mangyari?

Kung pagbabatayan ang pagkakaroon ng pattern ng lahat nang bagay, marahil nga’y may nakatakda na para sa lahat (at hindi na mababago pa). May kutob akong mula sa kaliitliitang electron hanggang sa komplikadong solar system, lahat ay may sinusunod na pattern. Kung kaya maaaring i-approximate ang lokasyon kahit nang malilikot na electron. Kung kaya nga kayang kalkulahin ang muling paglalakbay ng mga kometa sa ating kalangitan. Kaya din mayroon tayong approximate value ng speed of light at ng acceleration due to gravity.

Sa Mga Panaginip ni Einstein naman ni Alan Lightman, isinalarawan ang mga pananaw ni Einstein hinggil sa takbo ng panahon. Nabanggit din ang maaaring pag-iral ng sabaysabay na mundo sa iisang pagkakataon. At muli, may masisipat ditong kaugnayan sa mga katutubong pananaw hinggil sa mundo. Sa pananaw ng Higaonon, mayroon ngang sabaysabay na mga mundong umiiral (mundo ng mga tao, mundo ng mga tagbaya, mundo ng mga tumanud, mundo ng mga kaluluwa). Bagaman naiiba ito sa mga mundong iminumungkahi ng kuwento sapagkat ang mga mundong umiiral sa kuwento ay nakabatay sa iba’t ibang posibilidad ng pagpili na maaaring gawin ng isang tao. Ang pag-iral nga ba (ng mundo/sa mundo) ay relatibo sa pasya ng tao? Kung gayon, hindi tiyak kung alin ba talagang mundo ang umiiral nga at kung umiiral nga ba ang mga mundong iyon?

Subalit maaari din namang tingnan ang kawalang katiyakan bilang mungkahi ng pag-iral ng iba’t ibang sarili na umiiral sa iisang tao. At sa puntong ito, muling lilitaw ang pagkakaugnay nito sa katutubong paniniwala na sa loob ng iisang tao ay nananahan ang pitong kaluluwa na natatangi sa isa’t isa at gumagampan ng magkakaibang tungkulin at kung gayon, may magkakaiba ring pananaw at pagpili.

Sa Bulaklak sa Libingan ng Daga ni Daniel Keyes, mahihinuha naman ang pagtatanong hinggil sa mga usaping moral at etika ng pagsasagawa ng mga eksperimento gamit ang tao bilang subject. Tila sinusuri dito ang katagang “sa ngalan ng siyensiya” bilang gabay sa pagsasagawa ng mga eksperimento. Na sa katotohanan, may personal na mga motibo kung bakit ito isinasagawa (gaya nang ipinakita nina Dr. Nemur at Dr. Strauss sa kuwento).

Kung ganito man ang naging pagbasa ko sa mga akda, tinitingnan ko ito bilang bunga ng pagkakasalin ng mga akdang nabanggit. Marahil kung sa Ingles ko ito nabasa ay iba ang magiging dating sa akin. Sa salin sa Filipino, naging mas malapit ito sa aking danas at pananaw sa daigdig kung kaya mas maraming pagkakataon ang nalilikha upang makaugnay ako sa mga akdang nabanggit.

Kapansin-pansin na sa pagsasaling ginawa ni G. Miclat, malaya niyang naipasok ang mga idyomang Filipino. Sa ganitong paraan, naging pamilyar sa akin ang isang akdang dayuhan. Tila ba ang direksiyon/motibasyon ng pagsasalin ay pagsasabernakular sa dayuhang (vernacularizing the foreign) mga konsepto. At sa tingin ko’y magiging magandang panlaban ito sa direksiyon/motibasyon ng pagsasalin na ginagawang dayuhan ang bernakular (making the vernacular foreign) gaya nang ginawa noon ng mga mananakop.

Magandang ihambing ang pagsisikap na ito ni G. Miclat sa naging pagsisikap noon ng mga misyonerong Espanyol na isalin sa Tagalog at iba pang katutubong wika ang mga akdang relihiyoso. Para sa mga Espanyol, hakbang tungo sa pagdomina sa mga wikang katutubo ang pag-aaral ng wika ng mga katutubo (Rafael, 1993, p. 26). Kung kaya mulat sila na isang hakbang na mapanakop ang pagsasalin nila tungo sa Tagalog o alinmang wikang katutubo. Samantala sa pagsasalin ni G. Miclat, mulat siya na itampok ang wikang Filipino bilang wikang intelektuwal ng agham at panitikan. At sa ganitong konteksto, maaaring tingnan ang pagsisikap na ito bilang hakbang upang labanan o iwaksi (maaari rin sigurong pantayan o kaya higtan pa!) ang dominasyon ng wikang Ingles.

Kaya sadyang makabuluhang pagsisikap ang ginawa ni G. Miclat sa pagsasalin ng mga kathang agham. At sa ganang akin, dapat din nating isalin sa Filipino ang lahat na mahahalagang aklat na makapagpapataba sa utak ng ating sambayanan. Bakit nga ba ayaw nating isalin lahat sa Filipino ang mga aklat sa wikang dayuhan tungo sa Filipino? Magandang tingnan natin ang halimbawa ng ating mga kapitbahay sa ASEAN sa kanilang paggamit ng katutubo nilang wika. Sa ASEAN, napuna ni Balde (2010) na maliban sa Pilipinas at Singapore, ang mga bansa sa ASEAN ay nagbabasa sa kani-kanilang katutubong wika. Mainam sigurong pag-aralan ang nabanggit niyang kalagayan ng Thailand at Indonesia kung saan halos lahat na nalilimbag ay sa kanilang katutubong wika. Kung nagagawa ito ng Thailand at Indonesia, bakit hindi natin ito magawa?

Sa antas ng information technology ngayon, nabubuo ang maraming pagkakataon upang maisalin natin sa Filipino ang maraming dayuhang konsepto/teorya na maaari nating magamit tungo sa pag-unlad. Isang nakatutuwang bagay na sa mga social-networking sites at blog sites sa internet, kinikilala na ang Filipino at nagsasagawa na ng mga hakbang sa pagsasalin ng mga websites. Bagaman ang pangunahing motibasyon ng mga may-ari ng mga ito ay tubo (sapagkat negosyo ang mga ito), nagbibigay ito sa atin ng pagkakataong makinabang sa pagpapalawak ng mambabasa sa wikang Filipino.

T.S. Sungkit Jr.

19 Mayo 2010

Los Baños, Laguna

Mga Sanggunian

Balde, A. M. (2010). The business of writing and selling books. Bookwatch, 14(1), 30-32.

Miclat, M.I.(trans.) (2002). Ang Tala, Mga Panaginip at Bulaklak sa Libingan ng Daga.

Quezon City: UP-SWF.

Rafael, V. (1993). Contracting Colonialism. Durham and London: Duke University

Press.

Advertisements

Read Full Post »