Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Hulyo, 2010

Ikaapat sa apat na bahagi

Pagsasaapoy, pagsasaabo at ang sinasabing “bago”

Isa sa pinakamahalagang tuklas ng tao ang apoy. Sinasabing ang pagkatuklas ng apoy ay isa sa nagbigay daan sa pag-unlad ng isip ng tao. At tiyak na malalim ang naging impluwensiya nito sa sikolohiya ng tao.

Nagkaroon na ng maraming transpormasyon ang apoy sa ating wika. May wari akong sa apoy natin kinuha ang alab at init. Kahit pa sabihing maari ring sa araw natin nakuha ang init, mas lohikal na sa apoy ito inugat ng tao dahil mas tinitingnan natin ang araw bilang pinagmulan ng liwanag. Subalit tiyak na wala nang kailangan pang pagdebatehan kapagka tiningnan natin ang araw sa katutubong pananaw na ito ay “isang bolang apoy”.

Isa sa nakikita kong maunlad na pamamaraan ng pagbabalik na naisip ng tao ang pagsasaapoy. Ito marahil ang dahilan kung bakit may mga kultura na nagsasagawa ng “pagsunog ng pumanaw na mahal sa buhay”. Para sa kanila marahil, magiging ganap lamang ang muling pagbabalik sa pamamagitan ng pagsusunog. May batayan ito sa praktika ng pagpapanday. Sa pamamagitan ng apoy/baga, nagiging malinis ang bakal at nagiging malambot. Magiging madali sa panday ang paghulma ng bakal tungo sa bagong anyo kapagka nagbaga ito sa apoy. Wari ko ay maaaring dito hinugot ng tao ang ispiritwal na konteksto ng pagsusunog ng pumanaw na mahal sa buhay upang muling magbalik. Masunog nang buo upang magiging madali para sa panday na matransporma tungo sa bagong anyo na mas kapakipakinabang.

Isa sa makulay na pagsasalarawan ng pagsasaapoy ang ideya ng ilang kultura hinggil sa ibong fenix. Umaapoy ang fenix. Nag-aalab ang apoy na ibon. At magsasaabo. Mula sa abo ay mabubuhay muli bilang isa pa ring fenix. Siklo ito na paulit-ulit.

Nakikita ko ito bilang alegorya sa konsepto ng tao sa pagsasaapoy bilang isa sa pamamaraan ng pagbabalik. Akmang-akma ang fenix bilang sagisag ng pagsasaapoy. Hindi ba’t kaakibat ng konsepto natin ng buhay ang alab at init? Hindi ba’t walang buhay ang turing natin kapag hindi natin kinakitaan ng alab at init ang isang bagay (sa pisikal man o sa abstraktong antas)?

Sa pagsasaapoy, natutupok ang lahat at nagiging abo. Marahil naisip ng tao ang pagsasaapoy bilang pinakamabilis na pamamaraan ng pagbabalik. Hindi ba’t ang muling pagkabuhay ng fenix ay isa ring mabilis na proseso?

Marahil para sa tao, ang pagsasaapoy ang daan tungo sa mabilis na pagsasalin ng buhay. Kapagka sinunog mo ang isang organikong bagay, makakatas kaagad ang tubig nito at ang iba’y magsasausok naman at pupunta sa kalangitan kung saan ito dadaan sa proseso ng pagbabanyuhay at babalik sa lupa bilang ulan/tubig. Ibig sabihin, mabilis ang pagsasatubig gamit ang apoy. Ang abo naman ay mabilis na hahalo sa lupa at sa katunayan, ang abo ay ginagamit ring pataba ng mga sinaunang tao. Ibig sabihin, sa pagkaabo mas mabilis ang pagsasalupa. Ang ibang bahagi naman ay mabilis na magsasahangin. Kapansin-pansin na kapag malakas ang apoy para itong hinihipan ng hangin kahit pa walang hangin.

Sa pagsasaapoy kung gayon, pinag-iisa ang pagsasahangin, pagsasatubig at pagsasalupa. Ito kung gayon ang pinakamabilis na paraan ng pagbabalik. Ito kung gayon ang pinamakamabilis na paraan ng pagsasalin ng buhay?

Kung titingnan natin ang araw bilang isang bolang apoy, hindi malayong oo ang sagot natin sa huling tanong. Sapagkat kahit ang siyensiya ay magpapatunay na ang enerhiya mula sa sikat ng araw ang dahilan kung bakit nakakapagmanupaktura ng pagkain ang mga halaman na napakahalaga sa halos lahat na nabubuhay.

Kapansin-pansin na ang apoy ay isang mahalagang bahagi sa mga ritwal sa halos lahat na kultura sa buong mundo. Tumatagos pa nga ito sa kahit anong uri ng relihiyon. Sa tingin ko, nagpapakita lamang ito na malaki ang impluwensiya ng apoy sa pananaw at/o ispiritwalidad ng tao.

At ano nga ba ang bagong nalilikha ng apoy? Gaya ng sa panday, hindi isang bagong bagay ang nalilikha kundi isa lamang bagong anyo. Pinabibilis lamang ng apoy ang proseso ng pagsasalin ng buhay. Mula sa buhay tungo sa buhay pa rin bagaman maaaring ito ay sa isang bagong anyo.

Marahil itatanong ng iba kung ano ang silbi ng ganitong mga pagninilay. Para sa akin, anuman ang pananampalataya mo, anuman ang relihiyon (kasama ang siyensiya) mo, magandang suriin ang ganitong mga bagay. Paano halimbawa kung sa ganito pala nag-ugat ang paniniwala na mayroong impyerno? Paano kung ito pala ang totoong pinagbatayan ng batas ng konserbasyon ng enerhiya? At marami pang ibang tanong na tiyak mahalaga sa ating eksistensiya sa mundong ito.

Kapansin-pansin na ang pagsasahangin, pagsasatubig, pagsasalupa at pagsasaapoy ay pawang naglalayon na maipagpatuloy o di kaya’y mag-ambag sa pagpapatuloy ng buhay. Hindi kaya mayroon ding Batas sa Konserbasyon ng Buhay?

Sa tingin ko’y napakasalat pa ng pagninilay kong ito. Subalit bago pa man ako magsahangin, magsatubig, magsalupa o di kaya’y magsaapoy, umaasa ako na mapalalim pa at mapaunlad (ko at ng iba pa) ang hinggil dito.

Wakas

Tala: Ang seryeng ito ay borador para sa isang aklat ng mga sanaysay hinggil  sa muling pagtuklas ng mga katutubong pilosopiya at pananaw sa daigdig.

Anijun Mudan-udan

Paanan ni Makiling, sa harap ng lawa ng matandang hangal

Matapos itigil ni Dalanong ang pagbanto ng kanyang sakuru

Read Full Post »

Ikatlo sa apat na bahagi

Pagsasalupa

Namulat ako sa mga gawaing may kaugnayan sa lupa. At mabibilang lamang sa mga daliri ng isang kamay ang mga taon na nakapagpahinga ang kamay ko sa mga gawaing may kaugnayan sa pagsasaka. At gaano ko man tinitingnan ang hinaharap, lagi nang bahagi sa mga plano ang pagsasaka. Kaya likas lamang na mapaisip ako sa mga bagay na may kaugnayan sa lupa. Nasa mataas na paaralan (hayskul) pa lamang ako nang magsimula akong mainteres sa lahat na isyung may kaugnayan sa lupa. Sa kolehiyo ko napataas ang kaalaman hinggil sa pulitikal at iba pang dimensyon sa usapin lupa. At akala ko noon nalubos ko na ang pag-unawa nito.

Subalit sa pagdating at paglipas ng pamumunga ng mga punong katii, unti-unti akong nagkakamalay sa pagsasalupa. Hindi ko naman tinitingnan noon na seryoso ang sinasabi ng isang awit (nagmula sa lupa, magbabalik sa lupa) hinggil sa lupa. Subalit sa ngayon, napapaisip ako hinggil dito.

Kagaya ng pagsasahangin at pagsasatubig, tinitingnan ko ang pagsasalupa bilang isa sa pamamaraan ng pagbabalik. At kagaya ng naunang dalawang proseso, ito rin ay nagbibigay buhay. Tinitingnan ko rin ang pagsasalupa bilang isang mahalagang bahagi sa pagpapatuloy ng buhay.

Ang ispiritwal na konteksto ng pagsasalupa ay malinaw na naipaliwanag na sa Bibliya na siyang pinagmulan ng kantang nabanggit sa unahan. At tiyak na kahit nasa ibang sipat man ang katutubong paniniwala hinggil dito, nakapaloob ito sa kontekstong nabanggit. Ang kaibhan lamang siguro nito, bibigyang-diin ng katutubong sipat ang malay na konteksto ng pagsasalupa (gaya ng sa pagsasahangin at pagsasatubig).

Kahit sa siyensiya, kinikilala ang pagsasalupa. Nakapaloob ito sa ideya ng decomposition. Isa ito sa mahahalagang proseso sa kalikasan. Mahirap isipin ang magiging kahihinatnan ng mundo kung wala ang prosesong ito.

Kung kaya, tinitingnan ko ang pagsasalupa bilang pamamaraan ng pagbabalik. Nagsasalupa ang buhay upang magamit ng mga buhay. Kung kaya, malay man o hindi, madalas ninanais ng mga tao na mailibing sa kanilang lupang pinagmulan. Marahil, hindi man sila malay, nais nilang maging kaisa ng mga ninuno nila. At marahil din, gaya ng aking ipinapanukala, nais nilang mag-ambag sa pagpapatuloy ng buhay sa kanilang lupang sinilangan.

Magandang suriin sa konteksto ng pagsasalupa ang katutubong paniniwala sa libingan bilang isang titulo ng lupa. Hanggang sa ngayon, may gumagawa pa ng ganitong kaugalian. Sa ganitong kaugalian, absoluto ang karapatan ng isang pamilya bilang tagapangasiwa ng isang lupain kapagka doon nailibing ang kahit isa lang sa kanilang mahal sa buhay. Lalo pa itong matibay kapagka mga magulang ang nailibing sa lupaing nasasangkot.

Kung sa siyensiya nakakabit lamang sa pagiging pataba ang resulta ng pagsasalupa, ibang-iba wari ko ang haka ng katutubong paniniwala. Sapagkat gaya ng pagsasahangin at pagsasatubig, mismong buhay din ang isinasalin sa pagsasalupa. Malay na proseso ito na isalin ang buhay sa lupa. Kapansin-pansin na tinitingnan ng maraming katutubo sa mundo na nagiging bahagi ng kalikasan ang tao kapag pumapanaw.

At bakit nga ba tila ang ginagamit ng marami sa mga katutubo sa ating bansa (opinyon at obserbasyon ko ito) ay ang terminong “pumanaw” (o ang mga katumbas nito sa iba pang wika) kaysa sa “namatay”?

Para sa akin, ang dahilan ay ang konsepto ng pagkakaroon ng pamamaraan ng pagbabalik na siya kong tinatalakay. Hindi man malay hinggil dito ang karamihan sa ngayon, may haka ako na malalim itong nakaugat sa kultura noon ng ating mga ninuno. Maaaring kasama ang mga ito sa nabura/binura sa ating malay sa serye ng kolonisasyon na dinaanan ng ating bayan.

Kung ating bigyang-pansin, maaari nating ihanay ang sinasabi kong pamamaraan ng pagbabalik sa sinasabing batas ng konserbasyon ng enerhiya. Ang enerhiya ay natatransporma sa ibang anyo subalit enerhiya pa rin at walang nalilikhang bagong enerhiya. Hindi ba’t maaari rin na ang buhay ay nataransporma sa ibang anyo subalit buhay pa rin at walang nalilikhang bagong buhay? Na sa katotohan tayo ay mga recycled na buhay lamang? Hindi kaya ito ang ugat ng paniniwala sa reincarnation ng mga Hindu?

Kapag binabaybay natin ang ating pinagmulan sa pamamagitan ng family tree, hindi ba’t madalas ay umuugat tayo sa iilang indibidwal lang (madalas sa isang pares na sinauna hanggang sa magsanga-sanga)? Hindi ba’t nagpapahiwatig ito na tayo ay bunga lamang ng pagsasaling-buhay ng mga nauna sa atin kung gayon ay hindi bago?

Tiyak marami pa tayong hindi alam hinggil sa pagsasalupa. At marahil hindi lamang simpleng usapin ng pagkahirati ang dahilan kung bakit mas komportable tayo sa sarili nating lupa/bayan. Umaasa lamang ako na bago ako magsalupa, magkakaroon pa ako ng pagkakataon na maunawaan ito nang mas malalim kung hindi man lubos.

Anijun Mudan-udan
Ikaanim na kabilugan magmula nang isilang si Eon
Daang-Maya sa paanan ni Makiling, Bayan daw ng nga paliguan

Read Full Post »

Ikalawa sa apat na bahagi

Pagsasatubig

Napakahalaga para sa akin ng tubig. Kaya para sa akin, sa literal man o sa abstraktong antas, ang tubig nga ay buhay. At sadyang malakas ang hatak sa akin na mag-isip hinggil sa tubig. Marahil sapagkat nasa impluwensiya ng taga-igib ng tubig ang araw ng aking kapanganakan. Ngunit ang mas malalim wari ko na dahilan ay ang katotohang isa ako sa mga inapo ng taong binansagan ng pangalang “Mambulalakaw”. Siya na binigyan ng pangalang nararapat lamang sa mga tagbaya. Sapagkat ang “bulalakaw” ay ang tagbaya ng tubig.

Kaya marahil hindi ko mapigilang pagnilayan ang konsepto ng pagsasatubig. Sundan lamang ang nasa unahan upang masulyapan ang nais kong ipahawatig sa konseptong ito.

“Parang iba talaga ang tubig dito,” wika ni Liz. “Hindi gaya doon sa farm na nakakatighaw.”

Noong una kaming magkakilala, hindi makapaniwala si Liz sa aking mga kuwento. Kasama sa mga kuwentong iyon ang hinggil sa tubig na totoong nakatitighaw. Tubig na dalisay. Tubig na para sa akin ay may hatid na hiwaga.

Matapos ang isang taong pananatili sa aming sakahan sa Bukidnon, gagap na niya ang marami sa mga bagay na aking sinasabi. Kasama na roon ang hinggil sa tubig. Sapagkat ngayon, alam na niya kung ano ang ibig kong sabihin kapag inilalarawan ang iba’t ibang lasa ng tubig. At naniniwala na rin siya na ang tubig na binibili namin sa kahit alinman sa mga water stations ay tubig na walang buhay – patay na tubig.

Alam na alam na ni Liz ngayon kung ano ang ibig kong sabihin kapag tubig na buhay. Iyong tubig na hindi lamang pisikal ang tighaw na idinudulot. Iyong tubig na malamig kahit sa tanghaling tapat at hindi dumaan sa kung anumang de-kuryenteng kagamitan upang lumamig. Tubig na bukod pa sa nakatitighaw ay walang bayad. Tubig na hindi kailangan idaan pa sa kung anong pamamaraang ng pagsasala upang maging ligtas. Tubig na may buhay. Tubig na buhay. Tubig na may hiwaga. Tubig ng mga tagbaya!

Tinitingnan ko ang mga nabanggit ko na sa unahan bilang panimulang patunay sa aking haka hinggil sa pagsasatubig bilang pamamaraan ng pagbabalik. Tinitingnan ko ang pagsasatubig bilang paraan ng pagsasalin ng buhay.

Maaaring mandiri ang iba kapag sinabi kong ang pagsasatubig na aking binabanggit ay tumutukoy sa tubig na nagmumula sa katawan kapag naaagnas na ito. Iyon bang katas na nagmumula sa pagkabulok ng katawan ng tao o anumang organikong bagay na napupunta o sinisipsip ng lupa. Maaaring hindi ito nabibigyang-diin sa pagtatalakay hinggil sa siklo ng tubig o kaya’y sa pinagmumulan ng tubig, subalit lohikal lamang na ang “katas” ng mga nabubulok ay maaaring makarating hanggang sa water table. Kung kaya nga iniiwasang maglagay ng maruruming bagay malapit sa pinagmumulan ng tubig na ginagamit sa pang-araw-araw.

Sa unang tingin nga ay maaaring mandiri sa konseptong naisip ko. Subalit alam naman natin na isang mabisang salaan ang lupa. Kung kaya, bago pa makarating sa water table ang labi ng katas na binanggit ko sa unahan, malamang malinis na iyon at wala nang bahid ng pinanggalingan niyon.

Ang nababanggit ko pa lamang ay ang pisikal/kemikal na proseso ng pagsasatubig. Kaya idadagdag ko na ang susunod na proseso na tatawagin ko bilang ispiritwal na proseso. At ang tinutukoy ko dito ay ang malay na paniniwala ng isang tao na maaari rin siyang magsatubig sa kanyang pagpanaw.

Kung kaya, gaya ng konteksto sa pagsasahangin, maaaring maisip/naisin ng isang indibidwal na magbalik siya bilang tubig. At gaya ng pagsasahangin, ang pagbabalik ay nakatuon sa usapin na makapagbigay buhay. Kung kaya sa pagsasatubig, malay ang indibidwal na isalin sa tubig ang kanyang buhay. Ang nagsatubig niyang buhay ay mapupunta naman sa lupa kung saan siya inilibing. Kung kaya, ang lupain kung saan siya inilibing ay sadyang makapagbibigay buhay sa salinlahing kanyang tagapagmana.

Sa ganito ko tinitingnan ang ugat ng kaugalian ng marami sa mga tao sa buong daigdig na mailibing sila sa kanilang lupang sinilangan. Sa kaso ng sa pinagmulan kong tribu, alam kong malakas pa rin ang kaugaliang ito. Madalas kapag malapit nang mamatay ang isang indibidwal, nagsasabi na siya kung saan niya gustong mailibing (madalas makikita ito sa kaso ng mga matatanda na).

Kung gayon, ang pagsasatubig nga ay maaaring isang pamamaraan ng pagbabalik gaya ng pagsasahangin. Naglalayon ito na makapagbigay o di kaya’y makapag-ambag sa pagpapatuloy ng buhay. Mahalaga kung gayon ang pagsasatubig. At mainam marahil kung maging malay tayo hinggil sa pagsasatubig.

Maaaring maliitin ng iba ang ispiritwal na proseso ng pagsasatubig. Subalit kung paniniwalaan natin na ang ispiritu ay isang anyo ng enerhiya (na pinag-aaralan na rin yata ng siyensiya), hindi malayong may siyentipikong batayan ito. Sapagkat sa batas ng konserbasyon ng enerhiya, “ang enerhiya ay hindi maaaring likhain o sirain ngunit maaari itong matransporma tungo sa ibang anyo”.

Sa ngayon, alam kong salat pa ang aking kaalaman hinggil sa buong proseso ng pagsasatubig. Tinitingnan ko pa rin ito bilang isang mahiwagang proseso na maaaring hindi ko malubos ang pag-unawa hanggang ako rin ay magsatubig. Subalit natitiyak ko na ang tubig na nainom ko doon sa lupain ng aking mga ninuno ang pinakamasarap sa lahat na tubig na nainom ko. Ang tinutukoy kong tubig ay iyong tubig mula sa mga ilog at bukal sa kabundukan ng Kitanglad kung saan nagsatubig ang aking mga ninuno.

Sa bahagi ni Liz, ang kanyang nainom sa loob ng isang taon ay yaong tubig sa bukal doon sa aming sakahan. Iyong tubig na hindi nagbabago ang lamig at lasa anumang oras at/o panahon. Tubig na para sa kanya at sa akin  ay puno ng buhay.

Anijun Mudan-udan

Matapos ang bagyong Basyang

Paanan ni Makiling sa harap ng dakilang lawa

Read Full Post »

Una sa apat na bahagi

Pagsasahangin

“Maaaring hangin na ako sa muli kong pagdaan sa lupaing ito,” pamamaalam iyon ng isang laas sa kanyang walang muwang na apo.

Sa mga katagang iyon mababakas na kahit matagal na niyang tinalikuran ang pananampalataya ng kanyang mga ninuno, hindi niya maiwaksi sa puso ang mga “lumang” pamamaraan ng pagbabalik.

Napapaisip ako ngayon kung ano ang nangyari sa kanya sa panahong malapit na siyang pumanaw. Kung papaanong sa mga yugtong namumutawi sa kanyang isip ang pamamaalam, bumabalik at bumabalik siya paniniwalang tinalikuran na niya nang matagal.

Sapagkat papaanong naisip niya ang pagsasahangin? Papaanong naisip niya ang pagsanib ng kanyang hininga sa hininga ng lupain ng kanyang mga ninuno?

Hindi ko alam ang buo niyang kuwento. Sapagkat sanggol pa lamang ako nang pumanaw siya. Saan kaya siya pumaroon sa kanyang pagpanaw? Sa langit ng pananampalatayang niyakap niya o sa pitong langit ng kanyang mga ninuno?

Hindi ko siya nakilala nang personal. Sapagkat sanggol pa lamang ako nang pumanaw siya. Kuwento na lamang ang naiwan sa akin upang mabuo ko kahit papaano kung sino siya. Kuwentong gaya ng, “madalas siyang mag-uwi ng hinog na saging para sa iyo”, “lagi niyang napapansin na hindi ka umiiyak”, “sa kanya ka nagmana dahil isa rin siyang makata ng kanyang panahon”, “umiyak ka nang umiyak sa gabi ng kanyang burol”, “sinasabi niyang magiging hangin na lamang siya sa darating na panahon habang karga ka niya” atbp.

Habang lumilipas ang maraming anihan at taniman, madalas kong maisip ang pagsasahangin. Sapagkat sa pagsasanib ng hininga ng isang indibidwal sa hininga ng lupain, naisasalin niya sa kanyang salinlahi ang karapatang maging tagapangasiwa sa lupaing kanyang iniwan. Sa pagsasahangin, magiging bahagi siya ng kapaligirang lunsaran ng pag-unlad ng kanyang salinlahi. Sa pagsasahangin muli at muli siyang makakabalik sa lupaing minana niya noon sa kanyang mga ninuno.

Ngunit isang mulat na proseso ang pagsasahangin. Na ibig sabihin, kailangang tanggap ng indibidwal na bahagi ito ng pananampalatayang nasa kategorya ng pagiging “pagano”. Kung gayon, ano kaya ang nangyari sa kanyang pagsasahangin pagkat hindi naman niya binalikan ang pananampalataya ng kanyang mga ninuno?

“Talaga? Sinabi niya iyon?” wika ng pinsan niyang babae (na malapit na ring magsahangin) nang kami’y magkakwentuhan. Nakita ko sa kanyang mga mata na tila ba may kagalakang nagbalik. At tila may alaalang nagbalik sa kanya sapagkat natahimik siya. Sa pagpapatuloy ng aming kuwentuhan, napansin ko ang sigla ng kanyang pagbabahagi sa akin ng maraming bagay.

Nagsahangin nga kaya siya? Kung nagsahangin man, ibig sabihin nagbalik-loob siya sa pananampalataya ng kanyang mga ninuno?

Marami pa sigurong bagay na hindi ko alam hinggil sa pagsasahangin. Isang bagay pa lamang sa ngayon ang aking natitiyak. Na tuwing nilalanghap ko ang hangin sa lupaing minana ko sa aking mga ninuno, nakakaramdam ako ng kakaibang lakas at init sa aking katawan. At iyon ang aking panimulang gabay sa pag-aaral hinggil sa pagsasahangin.

-T.S. Sungkit Jr.
Daang Maya, Tumpok ng mga Bahay sa Paanan ni Makiling, Bayan sa Tabi ng Malaking Lawa
panahon na mahilig nang magpakuwento si Ananaw bago matulog
panahon na kinakitaan na si Aniyun ng palatandaang tagapagmana siya ni Buuy Mansungkit

Read Full Post »

1. Habang tumatanda ka, nagbabago ang pagtingin mo sa pakikipagkaibigan.  Gayundin ang nagyayari sa ibang tao. Kung kaya, habang tumatanda ka, paunti nang paunti naman ang iyong kaibigan.

2. Madalas, kapag nagkikita ang magkakaibigan matapos ang mahabang panahon, nais nilang mag-usap hinggil sa maraming bagay. Ngunit madalas nauuwi lamang ito sa kumustahan. Sapagkat mararamdaman ng bawat isa habang sila ay nag-uusap na wala naman talaga silang sinasabi. At sa kanilang pakikinig ay wala naman talaga silang naririnig.

3. Ang pagkakaibigan ay madalas nakabatay sa pisikal na pagkakalapit ng mga indibidwal. Sapagkat sa pisikal na pagkakalapit, mas maraming pamamaraan ng komukinasyon ang maaring gamitin. Minsan, sapat na ang lenggwahe ng katawan upang maintindihan ang isa’t isa. Dagdag pa rito syempre ang oral na komunikasyon na siya lamang madalas nating ikinokonsidera.  Subalit tila mas malaki ang impluwensiya ng lenggwahe ng katawan sa pakikipagkaibigan. Maari mang solusyunan ng teknolohiya ang komunikasyon sa pagitan ng magkalayong mga indibidwal, hindi nito kayang likhain ang kondisyon na maaring maipahiwatig nang buo ng bawat indibidwal ang kanilang niloloob. Limitado lamang ang magagawa ng teknolohiya sa pagpapahiwatig ng lenggwahe ng katawan. Bukod pa sa pakiramdam na tila artipisyal ang nagiging dating ng mensahe kapagka dumadaan na sa kamay ng teknolohiya.

4. Ang bagay na maari nating bigyang pangalan bilang “init” ay isang malaking salik sa pakikipagkaibigan. Mahirap itong ilarawan sapagkat sa palagay ko, magkaiba ang pagtingin (o pakiramdam) dito ng bawat indibidwal. Marahil ang pinakabatayang halimbawa na rito ay ang init ng katawan. Kapag mas madalas na nagkakalapit ang init ng katawan ng mga indibidwal, mas nagiging malapit ang loob nila sa isa’t isa. Marahil maari rin itong tawaging interaksiyon ng enerhiya ng mga indibidwal.

5. Marahil ang sinasabi kong “init”  ay ang siyang dahilan kung bakit may termino tayo na “init nang pagtanggap” o kaya’y “mainit na pagbati”. Ang usapin ng “init” ay may iba’t ibang depinisyon sa iba’t ibang indibidwal. Marahil para sa iba ito ay makikita sa paraan ng pagsasalita. Mayroon namang nagmamasid sa paraan ng pagtawa o kaya’y sa ekspresyon ng mukha.

6. Maraming bagay pang hindi natin napag-aaralan hinggil sa pakikipagkaibigan.  Ito ay dahil madalas nating isinasawalang-bahala ang mga ganitong bagay.

7. Madalas nang umulan ngayon. Nagsisimula nang matighaw ang lupa.

8. Dumating na ba sa buhay mo na tila wala ka nang kaibigan?

Read Full Post »