Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Oktubre, 2010

1. Katulad ng karaniwang lalaki, hindi ko hilig ang mga gawaing-bahay. Ngunit ang buhay ay hindi umiinog ayon sa hilig ng tao. Maraming mga bagay ang nararapat na gawin hindi dahil ito ang iyong hilig kundi dahil iyon ang kinakailangan.

Halimbawa, habang sinusulat ang obra-maestra’y tatawag si Ang Minamahal, na kailangan niyang uminom ng tubig. O kaya naman ay sasabihin niya sa iyo na gusto niyang manood ng paborito niyang mga cartoon na palabas.

At hindi lang iyan. Dahil habang tila lumulutang ka na sa alapaap sa pagbabasa ng isang magandang akda sa pilosopiya, lalapitan ka niya upang magpalinis dahil tapos na siyang dumumi. May pagkakataon pang gagawin niya ito sa panahong nakahiga ka na’t nakahanda nang matulog. At ang sukdulan nang lahat ay kapag ginawa niya ito habang kumakain ka ng almusal.

Pangalawang halimbawa, habang nasa mataas na antas ng konsentrasyon, biglang sisigaw ang kabiyak dahil si Ang Nagliliwanag ay nakaamba nang tumalon sa hagdan na nauuna ang ulo. At iyon ay dahil nakalingat lang ng kaunti ang kanyang ina na sasamantalahin naman niya. Kung gumapang siya’y tila isang manlalangoy sa Olympics.

Kung abutan ka naman nang panahon na Ang Nagliliwanag ay gutom, naku, manalangin ka na may nakahandang pagkain. At hindi lang basta pagkain, kundi maraming pagkain. Dahil katulad nang mga ninuno niyang kung maglugaw ay kaban-kaban, kung kumain siya’y tila naghahanda sa isang matagalang pangayaw. At siyempre, kapag ang hindi natunaw sa tiyan ay lumabas na, tiyak sa maghapon ay kukulangin ang mga daliri sa isang kamay sa pagtatala kung ilang beses iyon. Hindi pa kasama diyan ang pag-ihi na parang wala nang bukas.

2. Noon, ang gusto ko lamang gawin pag nasa kusina ay ang kumain. Ni hindi sumagi sa isip ko na darating ang yugto na ako ang magiging punong abala sa kusina. Hindi ko na namalayan sa pagdaan ng panahon na ako na ang naging opisyal na tagaluto.

Marahil isa ito sa mga mabisang maniobra ng aking kabiyak na hindi ko agad napansin. May hinuha akong ginamitan niya ako ng mahika kung kaya ni hindi ko ito namalayan. Ang naaalala ko lamang, tinuruan niya ako noon na magluto para naman daw may alam akong lutuin maliban sa mga “sinabaw” na ni ayaw niyang tikman.

3. Ang pagtatapon ng basura ay hindi ko pinangarap na gawain. Subalit kailangan lagi itong gawin upang mapanatili ang kalinisan sa bahay. Kaya isa ito sa naging opisyal kong gawain araw-araw.

Noong mga nakaraang taon, medyo hindi ito madali dito sa Los Banos dahil kinakapos sa plastik na paglalagyan ng basura. Bawal kasi ang plastik sa Los Banos. Subalit napapansin kong ito ay unti-unti nang hindi naipatutupad dahil tila nagiging madali na lamang ngayon ang aking pagsisinop ng basura. Dumadami na ang naiipon kong plastik. At hindi ito nakatutuwa sa isang estratehikong pagtingin.

Sa madalas na pagtatapon ng basura, napag-isip-isip ko na dapat gawin ko ang matagal ko nang ipinagpapaliban na gawin – ang gumawa ng kompost. Kaya ngayon, sinisinop ko na ang mga nabubulok upang gawing kompost. At dahil sa kompost, balak kong maghalamanan sa aming bakuran.

4. Marami na yatang kuwento ang nagawa hinggil sa paghuhugas ng pinggan at ang kaakibat na tunggalian sa pagitang ng babae at lalaki hinggil dito. Sa kaso namin, isa itong “lihim na digmaan”. Kanya-kanyang taktika at maniobra. Ang hindi makukuha sa sapilitan, idadaan sa lambing. Ang hindi makuha sa pakiusap, idadaan sa pagtakas!

Naku, lalo yatang magiging mapamaraan ngayong tila lumalamig na ang panahon. Tiyak may magsasabi na masakit ang ulo, may sipon, nangingimay ang kamay, may gagawing mahalaga atbp.

Sa isang banda, ang paghuhugas ng pinggan ay maganda kung iisipin mo na ang bawat kilos ay galaw ng qi gong.

5. May mga panahong masarap magbasa nang magbasa. Iyon ba gang panahon na tila kayang lamunin lahat ng utak ang iyong binabasa. At sinasamantala ang mga panahong iyon dahil bihira lamang iyon. Ang kaso nga lang, kasabay noon ay kailangang maging tagapag-alaga ng mga bata dahil may mahalagang lakad ang kabiyak.

Dahil sa kalagayan, magbabasa ako sa kama upang madaling bantayan ang mga bata. Hindi pa natatapos ang isang pahina, gagapang na ang bunso at makikiagaw sa libro. Ang panganay naman ay sasakay sa likod ko.

Kaya ang kalalabasan, gagawing laruan ng bunso ang libro. At ako naman ay magiging kabayo. At pagdating ng kanilang mommy, sasabihin na naman niya na ni hindi ako nakapagwalis.

6. Hindi man lang sumagi sa isip ko noon na darating ang panahong halos bawat umaga’y magagawi ako sa palengke. Ngunit hindi ko man ito naisip noon, kailangan ko itong gawin ngayon.

Una, dahil gusto ng mga tao sa bahay ang puto sa agahan. Dagdag pa riyan ang palitaw at ubas. At nitong bago lang, kailangan din bumili madalas ng pulut-pukyutan.

Pangalawa, dahil napag-isip-isip namin na bukod sa nakapagtitipid kapag kami ang magluluto ng ulam, mas masustansya pa ang aming kakainin. Ewan ko, tumatanda na yata kami dahil nagiging malay na kami sa aming kinakain. Umaayaw na kami sa masyado mamantika at mga putaheng masyadong makarne.

Pangatlo, dahil nakakasawa na ang mga lutong ulam na binibili sa mga kainan. Bukod sa madalas ay maalat, madalas ay parepareho lang ang mga putahe. At dagdag pa doon, lasang-lasa namin lagi ang MSG sa mga lutong ulam na binebenta sa mga kainan. Dumating kami sa punto na hinanap namin ang tunay na lasa ng mga ulam. Iyon bang ang pampalasang ginagamit ay mga karaniwang rekado lamang at asin. At sa yugtong ito, ay lasang-lasa na nga namin ang pagkakaiba. Sadyang mas masarap nga ang lutong bahay (ibig sabihin masarap na ako magluto!yehey!).

At panghuli, dahil nasanay na akong mamalengke. Nasa sistema ko na ang makita tuwing umaga ang iba’t ibang kulay ng kamatis. May kamatis na pulampula. Mayroong dalandan. Mayroong dilaw. Mayroong luntian pa. Mayroong naninilaw na pula. May naninilaw na dalandan. May naninilaw na luntian. At marami pang ibang kombinasyon ng kulay ng kamatis.

Masarap din tingnan ang prutasan. Iba’t iba rin ang kulay. Nakabitin ang mga ubas. Nakakamada ang mga mandarin, ponkan at mansanas. Magkakatabi ang mga pakwan, saging at papaya. Kapag minsan may durian. Laging may manggang hinog at manggang hilaw. Minsan may longgan at lanzones. Kapag panahon, mayroon ding rambutan.

Sa estante naman ng mga karne, nangakahanay at nangakabitin ang karneng baboy. Ang mga hiwa ng karne ay ayon naman sa pinaglaanang lutuin. May pang-adobo, pang-inihaw at pangnilaga na butubuto. May nagtitinda rin ng litsong-kawali at embotido.

Sa puwesto ng mga pagkaing-dagat/tubig, masarap tingnan ang sariwang mga sugpo at hipon. O kaya ang mga lapu-lapu at alumahan. O ang malalaking tanigue at mapupulang dalagambukid. Ang tinilad-tilad na labahita at nakakamadang tulingan. Siyempre mayroon ding buhay na tilapia at hito. Gabundok naman ang mga ayungin habang nakatambak ang tinaliang mga alimango. At tiyak na laging naroroon ang galunggong at tamban.

Nakakatuwa ding tingnan ang mga taong abala sa pamimili at pagbebenta, lalo na tuwing Linggo nang umaga.

7. At dahil sa mga gawaing-bahay na ito, halata na wala kaming kasambahay. Kaya marahil nagtataka ang mga kapitbahay namin kapag nagsasampay ako ng mga damit, kapag nakikita nila ako na galing sa palengke, o di kaya’y kapag naglilimbay upang patulugin ang mga bata.

Sulit din naman ang pagod. Sapagkat ang nen/enerhiya/buhay na naisasalin ko sa aking mga ginagawa ay nakakapagpalakas sa aking mga mahal sa buhay.

Pero siyempre, lagi pa ring may isyu. Dahil mahirap magsulat ng nobela habang kinakagat ng iyong bunso ang iyong tainga. At lalong mahirap mamilosopiya habang tinatanong ka ng iyong anak kung bakit masaya si Lumpy at si Roo.

Huling linggo ng buwan bago ang Kaarawan ng Ang Minamahal,
Taon ng muling pagbabalik sa eLBi,
Panahong ang Kalendaryo ay nawawalan na ng Saysay

Kabahayan sa Ibaba ng Bundok ni Makiling, Malapit sa Sapa ng mga Pagong,
Bayang Pinagkutaan ni Paciano Rizal, Lalawigan ni Dr. Jose Rizal sa Bansang Hindi Bansa, Planetang Earth na sinasalaula ng mamamayan nito

Read Full Post »

Ang Nagliliwanag

1. Humam-ag ka su hapoy ha suminalibanto puun ta agipo ha madani un agkapurongi. Humayag ka su anlag ha suminulahug ta atiyuay ha sihag, su anlag ha napuun ta kapawa hu anlaw hu mga buuy ta.

Ay! Magliwanag kang higit pa sa liwanag ng pinagmulan mong konstelasyon. Ikaw na tagapagmana sa liwanag na likha mo rin laksa-laksang taon na ang nakalilipas.

2. Kena ba da daleman su masukilom iman. Ta masukilom un daan isan su mga anlaw ta. Ba su pig-ambalan hu kalibutong su kanit ha kalibutan. Su mga banuwa ta na ba su pigbalumbunan hu kalibutong. Aman su mga iling kanit na tagpangaapkaap. Hari ta agkatun-an ku hindu ki agpakasinalo daw hindu ki pakagpaynaen.

Ganito ang mundong iyong mamanahin. Ganito ang daigdig na iyong gagalawan. Ikaw na supling ng mga pangarap na nagbanyuhay sa loob ng libu-libong taon. Ikaw na maaari ring siya mismong pangarap na nagbanyuhay upang maging giya sa paghahanap ng nawawalang pamana ng ating lahi.

3. Aman ta duun kid nakaghimata ta malibutong, aman ta iyan tad natanuran su masukilom, na tungkay nalauwan ki hu kapawa. Isan hindu kid tagpakasinalo ta tagpan-aha ki hu kapawa. Ta bul-og din ta masukilom na hari tag kapanday agkasulisuli ku inu su wulong hu mga butang. Hari ta agkagawhat su agkabayaan ta ta hari tag kaaha ku inu su aggawhaton ta.

Kung gayon, magiging daan ka upang makita ng iyong mga kapatid ang kulay ng kanilang daigdig. Sa iyong paningin mabibigyang-kulay ang kanilang daigdig. Ikaw na bihasa sa iba’t ibang kulay na ginagamit sa pagtina ng mga manggad kung saan nakahabi ang aming mga panaginip.

4. Ku iman dayon kay agkangasalagpit na asema na masikal sa ingyo ha kagpulagoy. Ta isan su mga paa yu na amin un mata. Aman isan ku maglipurong kaw na hari kaw mangakulawingan. Aman isan ku hindu kaw tag-agi na hari kaw mangadugi.

Sapagkat sa inyong panahon magaganap ang muling pagababangon. Sapagkat sa inyong panahon ang panahon ng paggising. Oo, ikaw na mula pa noong una’y nagkakape na sa mga madaling-araw ng pagbangon ng ating lahi.

5. Aman ku uma su anlaw ha maguram nud su bagangbangan hu mga wahig hu mga buuy ta, na hari kad magbayanbayan. Su bis-ay hu alima nu na hari mabaloy ku kena mabis-ay su kagpa nu. Su bis-ay hu paa nu na hari mabaloy ku kena mabis-ay su tul-an nu. Su bis-ay hu lawa nu na hari mabaloy ku kena mabis-ay su kaghunahuna nu.

Sa lahat na pakikidigma tayo ay naghahanda. Hindi sapat na maisuot mo ang baluti na nakalaan sa iyo. Hindi sapat na mabuhat mo ang kalasag at ang kampilang pamana sa iyo. Hindi sapat na maihagis mo nang buong lakas ang sibat na puno ng libu-libong kulis. Sapagkat higit sa lahat, dapat matuto kang magnganga. Sapagkat tanging sa pagnganga magigising ang kapangyarihang ginamit mo na rin noong panahong ipinagtanggol mo ang Yandang laban sa mga kaaway na tila buhangin ng mga baybayin.

6.Uto, ku tagdagtuon ta su maduson na ba da taglatot su badi ta. Ku tagtiangon ta su mabugat na ba da agkabikil su bulad ta. Ku ag-agpas ki agtakurog na ba ki da agpuraan. Ku tag-agpas ki daan hu kagtubang na ba ki da agpakahigyas.

Hindi kailangang pangunahan ang takbo ng panahon. Sapagkat ang lahat na mangyayari ay mangyayari ayon sa nakatakda. Hindi ba’t ang lahat ay nakasulat na sa mga bituin?

7. Aman iyan haun kagngarani imo na iyan haun ngaran ha babayaun nu. Kena a iyan migngaran imo ba sikaw. Nalugay su kag-angat imo hu bukalag hu mga buuy ko. Ta natun-an dan ha uma su anlaw ha su paa nu makatana un pa man ta bugta day.

Sa gitna ng dilim ang liwanag ay pag-asa. At sa panahon ng aming kadiliman dumating ang liwanag. Ikaw na ipinagpapalagay naming kinatha mula sa aming mga pangarap na sa katotohana’y siyang kumatha sa aming mga pangarap.

8. Pag-uma hu anlaw ha masabot nu ku inu haini su ig-antokaay ko imo, na iyan haun anlaw ha muli ka ta bugta hu mga laas ko. Ta diya na tag-angat un imo su mga suled nu. Ta iyan haun anlaw ha maaha un su nalugay un nalaag ha batbat.

Aman, humam-ag ka su hapoy ha suminalibanto puun ta agipo ha madani un agkapurongi. Humayag ka su anlag ha suminulahug ta atiyuay ha sihag, su anlag ha napuun ta kapawa hu anlaw hu buuy.

Daw uma su anlaw ha ambalan hu kapawa su mga banuwa hi Gaun. Daw uma su anlaw ha muli ta Mudan-udan su tul-an daw langesa hi Agyu. Aman iyan haun anlaw ha sumilaw da su kapawa ha migdaut hu mata hu mga baylan su anay. Aman iyan haun anlaw ha maulian su mata dan. Na sungo na, iyan haun anlaw ha maaha dan su telugan na nalugay dan un pigpan-aha.

Agipo Manudtod

Lantung hu Tangkulan

Unang taon mula nang dumating Ang Nagliliwanag

Read Full Post »

1. Kadalasan, hindi maalala ng mga mag-aaral ng College Algebra and Analytic Trigonometry na karamihan sa mga aralin nila ay natalakay na noong nasa haiskul pa lamang sila.

2. Bihira akong makatagpo ng taong gustung-gusto ang pag-aaral ng Matematika. Sa katunayan, isang beses pa lang talaga ako nagkaroon ng pagkakataon na makasalamuha ang ganoong tipo ng tao. Talagang mahusay ang taong iyon dahil hindi lang Math series ang kaya niyang ituro kundi pati Statistics, Physics at Chemistry.

Ang problema lamang ng taong iyon, masyado naman siyang nalulong sa pag-aaral ng Matematika. Kaya ang naging resulta, napabayaan niya pati ang kanyang kalusugan na nagresulta sa kanyang pagkakasakit.

Nagtaka tuloy ako kung bakit sumala ang kanyang kuwenta. Hindi pala garantiya ang karunungan sa kalkulasyon upang mapangalagaan ang kalusugan.

3. Karamihan sa mga mag-aaral na tinuturuan ko ngayon ay hindi nakikita ang kahalagahan ng pinag-aaralan nilang mga paksa sa Matematika. Isang dahilan sa tingin ko ay ang katotohanang hindi nila makita ang gamit nito sa kanilang buhay. Para sa kanila, walang praktikal na silbi kung malaman mo halimbawa kung paano sukatin ang taas ng bundok o di kaya’y ang radius ng ating planeta.

Isa sa mahalagang salik na may malaking kaugnayan dito ay ang katotohanang, ang mga paksa sa Matematika ay nakadisenyo hindi ayon sa sensibilidad ng ating kultura at pangangailangan ng ating bayan. Madalas, ang mga halimbawa sa mga aklat ng matematika ay tumutukoy sa kulturang banyaga sa ating karanasan. Ang mga pangalan pa lamang ng tao at mga lugar na nababanggit sa mga halimbawa ay malinaw na dayuhan na. Ito ay dahil ang ginagamit madalas na mga aklat sanggunian ay mga aklat na gawa din ng mga dayuhan.

Nakikita ko rin naman na ang mga nagtuturo ng Matematika sa ilang mga pamantasan ay nagsisikap din na magbigay ng mga halimbawang maaaring makaugnay ang mga mag-aaral. Iyon nga lang, ang ibang halimbawa naman ay hindi nagiging makatotohanan. Pansinin halimbawa ang isang suliraning pahayag (word problem) na nagkukuwento tungkol sa isang tagalinis ng dingding na salamin ng isang gusali. Ang taong naglilinis ng salamin umano ay nakatingin sa katapat na gusali at natantiya ang angle of elevation ng tuktok ng katapat na gusali mula sa kinatatayuan niya. Natantiya din niya ang angle of depression papunta sa ibaba ng katapat na gusali. At dahil dun, makakalkula niya kung gaano kataas ang building.

Sa nabanggit ko na suliraning pahayag, may panahon pa kayang pag-isipan ng isang tagalinis ng salamin ng matataas na gusali kung ano ang mga trigonometric functions na gagamitin niya upang malaman ang taas ng isang gusali?

Sa isa pang suliraning pahayag, may isa namang drayber na inisip kung ano ang angle na na-subtend ng isang gusali mula sa kanyang minamanehong trak sa puntong siya ay may kung ilang daang metro ang layo mula sa gusaling pupuntahan niya.

Sa mga nabanggit na halimbawa, nagdududa ako na ang mga ganoong uri ng halimbawa ay hindi malay na kinaiinisan ng mga mag-aaral. Marahil hindi dahil lamang sa mukhang hindi makatotohanan ang ganoong mga halimbawa. Sa wari ko ay may mas malalim pang dahilan. Ano naman ang dahilang iyon?

Ang hakahaka ko ay ganito: ang mga halimbawang iyon ay tila nagkokondisyon sa isip ng mag-aaral na kahit pa magiging mahusay ka sa algebra at trigonometry ay maaring sa pagiging tagalinis ka lang din ng salamin ng mga gusali babagsak o kaya’y magiging drayber ka lamang ng isang delivery truck.

Sa tingin ko ay hindi malayong may ganoong epekto (hindi man hayag) ang ganoong mga pahayag. At iyon sa tingin ko ay isang dahilan kung bakit lalong hindi nakukursunadahan ng maraming mag-aaral ang Matematika.

Sa malamang naman, hindi malay ang gumawa ng mga ganoong suliraning pahayag sa magiging epekto ng naratibong nabubuo niyon. Sa isang sipat, maari rin naman na iyon ay bunga lamang din ng kanilang pagkababad sa naratibong nangingibabaw sa ating bansa. Alam natin na marami sa ating pinakamagagaling sa kahit anumang larangan ay lumalabas ng bansa. Upang maging tagalinis ng salamin ng mga gusali at maging drayber? Hindi naman siguro karamihan pero alam nating hindi lamang paglilinis ng salamin at pagiging drayber ang maaari nilang bagsakan. Alam natin na mayroon ding tagalinis ng kubeta, tagatabas ng damo, at marami pang iba.

4. Sa nabanggit ko sa ikatlong bilang (napakahaba ano?), mahihinuha kung gayon na kahit ang pag-aaral ng Matematika ay hindi hiwalay sa usaping pang-ekonomiya at pampulitika.

Kung kaya, kung nagnanais umunlad ang isang bansa, nararapat na kahit sa pag-aaral ng Matematika ay tumatagos ang mga hangarin nito sa pag-unlad.

Papaano mo gawing masigasig ang mga mag-aaral sa pagtuklas at pag-imbento ng mga kapakipakinabang na bagay kung ang naratibong ipagduduldulan mo sa kanila ay magiging utusan lamang pala sila balang araw?

5. Ang pag-aaral ng Matematika ay nararapat na maging kaaya-ayang karanasan para sa mga mag-aaral. Hindi ibig sabihin nito na gawing katawatawa o katatawanan ang mga paksa kundi gawin itong mapanghamon sa kanilang kakayahan. Dapat mahanapan ng paraan ng mga guro na makaugnay sa antas ng kamalayan ng mga mag-aaral.

Kung gayon, dapat maging malay ang mga guro/propesor sa mga naratibong nakalubog sa mga suliraning pahayag na kanilang tinatalakay. Maliban na lamang kung iisipin ng mga guro/propesor na ang kanila lamang tungkulin ay turuan ang mga mag-aaral upang balang araw ay maging mga utusan ng mga dayuhan.

Ibig ko lamang ipunto dito, na dapat tinitingnan natin ang pag-aaral ng Matematika hindi lamang bilang instrumento upang matutong magkuwenta ang mga mag-aaral. Dapat natin itong titingnan bilang instrumento upang matutong magpanday ng bansa ang ating mga mag-aaral. Marahil kung magkakaroon tayo ng malakas na tunguhing ganito, masisilayan pa natin sa hinaharap ang isang bansa na hindi ganito kabobo/kawalang kuwenta ang pagpapatakbo sa pamahalaan.
             
6. Mas maganda nga palang ituro ang Matematika sa sariling wika. Kapagka nilubos natin ang pagpaunlad sa pagtuturo ng Matematika gamit ang sariling wika, hindi malayong mas maraming mag-aaral ang talagang matututo. Sa aking obserbasyon, kahit na mga kolehiyo ay mas mabilis matuto kapagka sariling wika ang ginagamit sa pagtuturo. Kaya sa tingin, lalo itong magiging epektibo  sa mga mas batang mga mag-aaral (elementarya at haiskul).

Kaya sa aking palagay, sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, dapat ang Matematika ay itinuturo ayon sa mga rehiyonal na wika doon. Sa palagay ko’y sa ganoong paraan, mapapalapit sa mga mag-aaral ang Matematika na madalas ay itinuturing na banyagang bagay ng mga mag-aaral.

“Su tagngaranan ha Pythagorean theorem na iyan haena su tagkailing taini: c^2 = a^2 + b^2.”

“Su sin (arc sin x) = x; daw daw da gayed ku su x na duduun ta [-1,1].”

Isa ngang magandang larangan ng pagtuklas at pagpapaunlad ang pagtuturo ng Matematika sa sariling wika! Bukod sa napapayaman nito ang utak ng mas marami, napapaunlad din nito ang intelektuwal na kakayahan ng wika at ng mga tagapagsalita nito. 

7. Sa pag-aaral ng Matematika, dapat laging isinasaalang-alang ang Matematika ng pag-aaral. Gaano man kaunlad ang Matematikang itinuturo sa mga pamantasan, kung ito naman ay hindi tumutugon sa pangangailangan ng sambayanan, magiging wala itong saysay sa pagpapanday ng bansa.

8. Tuwang-tuwa akong magturo ngayon ng Matematika. Sana ganito pa rin ako kasigasig magturo sa panahong ang tuturuan ko na’y ang aking mga anak.

                               Su kag-alat na agkabaloy pinaagi ku kagpadakel.
                              Su kagpadakel na agkabaloy pinaagi hu kag-alat.

                                                        – Ramon Makaindan

 

Anijun Mudan-udan

Tag-ani, Dalawang buwan bago ang kasikatan ni Magbangal at kaarawan ng Nagliliwanag

Daang Maya,  Ibaba ng konti ng Daang Kalabaw,  Kalupaan ni Makiling sa harap ng Lawa

Read Full Post »