Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Nobyembre, 2010

Mga Alaala ng Tangkulan

1. Unang araw ng pasukan sa unang antas ng hayskul nang ang walang kamuwangmuwang na ako ay nakihalo sa mga napili para sa I-Acle. Hindi ko kilala ang mga magiging kaklase ko dahil iyon ang una kong sabak sa mundo ng Tangkulan na mas kilala ng iba sa Manolo Fortich.

2. Mga araw iyon na ang pag-aaral ay pampalipas oras lamang sapagkat ang mas mahalaga’y ang mabuhay. Ang pagkatuto sa matematika ay dahil sa pagbibilang kung ilang araw na nga ba na ni kape ay hindi mahagilap ng sikmura. Ang pagkatuto sa balarila ay ang pag-iisip kung ang simuno na “ako” ay dapat bang magkaroon ng pandiwang “nanaginip” o “nananaginip” kapag isaalang-alang na ang kilos na iyon ay hindi naman magawa dahil ang mga gabi at araw ay hindi makapagbigay ng kahit isang saglit at isang sulok upang matulog.

3. Sa kasaysayan, isang bantayan ang Tangkulan. Dito nag-aabang ang isang lantung o tagapagbantay ng hangganan upang makapagbigay hudyat kung sakaling may lulusob na mga kaaway sa kalupaan ng Tagoloan. Subalit nang lumaon, binura na ang kasaysayang ito at marahil binura ito ng mga kalsadang naging daan upang maging kalbo ang malawak na kagubatan ng Bukidnon. Marahil binura ito ng mga kalsadang dinaanan ng mga bulldozer na tumulong sa mga dayuhan upang mga kapatagan ay maging inasukalan at pininyahan. Kahit mismo ang pangalan ng Tangkulan ay binura at pinalitan ng pangalan ng kung sinong mama na hanggang ngayon ay hindi ko kilala at marahil hindi rin kilala ng marami pang katulad ko dahil hindi naman sa kanya uminog ang aming kasaysayan.

4. Sa Tangkulan ako natutong mag-arnis sa ilalim ng mga aral na ibinahagi nina G. Edwin R. at G. June L. At sa arnis ko unang naramdaman na ang serye ng mga hataw at halibas ay sumusunod sa isang batas. Nang magsimula akong mag-isip hinggil sa maraming bagay, ang batas na iyon ay nasumpungan ko sa mga pantas ng Wudang na nagsasabing iyon ay Yin at Yang. At ngayong nagsisimula akong makilala ang tunay na ako, ang serye ng mga paghataw, pagsalag at pag-ilag ay nakaguhit na pala sa aking mga buto magmula noong panahong unang natuklasan ng aking mga ninuno ang saut. Sapagkat ang sayaw pandigma ay siklo ng mga kilos na tanging ang nakauunawa nang lubos ay ang bagani ng hangin.

5. Sa Tangkulan ko muling napangarapan na maging manunulat. Hindi alam ng mga kaklase ko halimbawa na sina Ruben S., Ronald V., Herbert A., Ramonito E., Marlon B., Ulysses L. at ibang kalalakihang madalas nakaupo sa likod, na habang nag-uusap kami hinggil sa kung sino ang may magandang hubog na katawan sa aming mga kaklaseng babae, ako’y hindi nila kausap dahil nasa tuktok ako ng bundok Kitanglad upang magkape. Walang alam halimbawa sina Jackielou V., Analyn O, Gracel B., Mary Joy P., at iba pang nakakulitan na hindi ako iyon kundi ang anino ko na pumalit sa akin habang binabaybay ko ang Tagoloan. At marahil ang aking mga guro noon gaya nina Gng. Lorna A., G. Arthur A., Gng. Mansueta P., at G. Rey R. ay hindi nakakapansin na ang nakikita nilang pumapasok ay isang hologram lamang ng aking sarili bago ako maglakbay sa kalawakan ng Pulangi.

O baka naman pinaghalohalo ko lang ang aking mga panaginip? Pero paano ako mananaginip gayong ang pagtulog ay hindi nagkakaroon ng kahit isang saglit at sulok?

6. Sabi ng aking nakaraan sa Tangkulan, isa raw akong batang gusgusin na hindi alam kung kailan dapat pumasok. Dahil sa Tangkulan noon, ang bawat araw ay ginawa niyang araw na may pasok upang muling makapaglakbay.

Maniniwala ka ba kung sasabihin kong sa mga kalsada ng Tangkulan ko unang natutunan na maaari palang maglakad nang maglakad na hindi alam ang paroroonan? O baka naman sadyang wala talagang nakakaalam sa atin kung saan tutungo ang simpleng paglalakad sa kung saang kalsada?

7. May isang araw noon na napagdiskitahan namin na maligo sa Mangima. Ang natatandaan kong kasama ay sina Ruben S., Ulysses L., Belenda A., at Velma D. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip namin noon pero lumiban yata kami noon sa klase para lang maligo sa Mangima. Hindi na masyado malinaw sa akin ang ibang detalye noon basta ang sobrang natatandaan ko ay pinulikat yata ang aking paa.

8. Si Ma. Belenda A. ay hinataw ako ng walis-tingting isang hapon at nadumihan ang polo ko na madumi na rin.

9. May negosyo kami noon ni Ronald V. na hindi naman na lumago dahil ipinagbawal ng eskwelahan ang pagnenegosyo namin. Bumibili ako noon ng mga mayfair na kendi/tsokolate at ipinagbebenta ko sa mga kaklase. Php20.00 yata ang puhunan namin noon ni Ronald. Ang inaasahan ko pa naman noon ay makapagtayo ako ng isang grocery store.

10. Noong unang taon sa hayskul, binigyan ako ng notbuk nina Ivy Mae I. at Rachel M. para daw magamit ko sa pagsusulat. Nakita yata kasi nila na nagsusulat ako sa palara ng sigarilyo. Nagsusulat ako noon ng mga kung anong bagay na akala noon ay tula. O ako nga kaya iyong nakita nila o ang aking anino?

11. May panahon noon na kasama ko si Edgar A. para pumunta sa farm ni G. Villarta (pumanaw na yata ang mabait na matandang iyon) sa Diklum upang magtanim ng saging. Barkada ko nga pala si Edgar na barkada din ni Natoy na taga-Sto. Nino. Kababayan nga pala ni Natoy si Kenneth G. na nakita ko noon na sumasabit sa multicab.

Si Kenneth G. nga pala ay kalaro ko sa chess. Si Virgilio M. din ay kalaro namin sa chess. Si Virgilio M. nga pala ay nakasakay ko isang beses sa bus at napansin ko lang noong malapit na kami sa Puerto. Kasama ko rin pala si Virgilio M. sa pagsasanay noon para sa paligsahan ng paglangoy at sa Mangima kami nagsasanay.

12. Sa Tangkulan ko rin pala nakilala si Michael A. na ilang beses ko ring nakita nitong nakaraang taon sa Limketkai. Siya ang unang nakapansin sa akin noon at tila nagdududa pa siya kung ako nga ba ang nakikita niya. Sa kanya ko nalaman na si Ryzus L. ay katulad pa rin dati na mahilig sa sipaan at suntukan at nadagdagan lang tunggaan.

13. Noong panahon na malapit na ang pagtatapos sa hayskul, madalas nagkukuwentuhan kaming kalalakihan kung ano ang aming mga pinapangarap. Usap-usapan namin noon ang aking posibleng pagpasok sa PMA dahil nagsipagkuha kami noon ng eksamen ng PMA.

Ganito yata ang naging kinalabasan ng aming kuwentuhan:

Magiging mataas na opisyal ako (heneral pa nga yata). Tapos si Ryzus L. naman ay magrerebelde
at magiging kumander. Ang iba naman ay magiging mga opisyal ng pamahalaan. At ang mangyayari,
bale ako ang strategist yata noon, magpapakana ako ng coup para
ihiwalay ang isla ng Mindanao. Tapos tutulong naman iyong mga
nasa gobyerno at ang mga rebelde na gaya ni Ryzus L.

Aba, akalain mo ba naman na may muntik na maging totoo sa aming mga naiisip noon dahil pumasa ako sa PMA. Pero may nakain yata ako noon na tayangaw kaya sa halip na sa PMA, sa UPLB ako pumasok. At hanggang ngayon, hindi ko alam kung ang mga sinabi ng iba ay pinanindigan ba nila.

14. Si Gng. Consorcia B. nga pala ang unang nakabasa ng isa sa maaga kong mga sulatin. Iyon yata ay ang piyesang ginawa ko noon para sa isang timpalak ng oration sa Malaybalay. Hindi ko na alam ngayon kung may buhay pa bang kopya ng piyesang iyon.

Nga pala, hanggang ngayon parang naririnig ko pa rin ang pagbigkas ni Gng. Consorcia B. sa katagang “Pliant is the bamboo”.

15. May mga araw noon na nangunguha kami ni Pelagio S. ng kangkong para ipakain sa baboy. Kinikilabutan ako noon na lumusong sa kangkungan dahil maraming linta. Nagsisimula ang araw namin noon sa pangunguha ng kangkong at pagpapaligo sa mga baboy. Pagkauwi galing Tangkulan, kakain kami ng bahaw at pupuntahan uli ang mga alagang baboy upang pakainin.

May mga panahon din na pumupunta kami sa San Roque upang tumulong sa palayan. Ang isang masayang panahon na natatandaan ko ay noong nag-ani kami ng pakwan. Sa dami ng nakakain naming pakwan, nahihirapan na kaming magkikilos.

16. May mga panahon na pumupunta kami sa pistahan. Isa sa mga natatandaan ko ay ang pista ng Sankanan. Pinuntahan namin siyempre sina Joseph D. at Rogen S. dahil tagaroon sila.

Kung titingnan ko ngayon, ang mga ganoong ginagawa namin noon ay para lamang makagala dahil panahon iyon na ang lagi naming pinag-uusapan ay kung saan magandang gumala.

Halimbawa, may kuwento noon sina Marlon B. at Ulysses L. yata. Nagpunta sila sa CDO. Tapos may tumawag na babae kay Ulysses L. para daw pangkape at si Marlon B. naman ang nagsabi na “ako na lang” pero ayaw noong babae. Natatandaan kong sumakit ang tiyan namin sa kakatawa noon.

17. Sa bawat panahon na nakakadaan ako sa Tangkulan, may pakiramdam ako na tila iniwan siya ng marami. Mabibilang lang yata sa daliri ang mga nanatili sa Tangkulan na kaklase ko noon.

Halimbawa, kung titingnan mo ngayon sa facebook kung saang lupalop ang mga tao, karamihan sa kanila ay ni wala sa isla.

Pero naiisip ko rin, baka naman kasi sa online ko lang nasasagap ang aking hinuha. Dahil sa totoong buhay naman, mas marami sa amin noon ang tiyak na mapapagkit sa Tangkulan o kung saang sulok man sila ng kanugnog na lugar.
O baka hindi ko lang ikinukonsidera ang relatibong maliwaliw na kilos ng kabataan. Kailangan ko pa yata magsarbey para makumpirma ang aking mga hakahaka.

18. Si Dexter Ian B. nga pala ay kakutsaba namin noon sa pangunguha ng mapanira sa ngipin na pagkaing nasa bandang Kihare.

19. Nagkausap nga pala kami nang masinsinan ni anhing Kenneth O. isang buwan yata bago siya pumanaw. Tawa kami nang tawa noon habang sinasariwa ang mga panahon noong hayskul.

Nagkakuwentuhan rin kami ni anhing Kenneth O. sa kung anong mga kalokohan ang pinaggagawa namin sa kolehiyo. Kaya nagulat na lang ako nang matanggap ang balita na siya ay pumanaw na. Siya yata ang kahulihulihan kong sinabihan na may isang magandang babae na nakasakay ko sa barko pero hindi kami nagkakitaan dahil sa mga dolphins siya nakatingin. At ako rin yata ang kahulihulihan niyang sinabihan na may isang magandang babae rin siyang nakita na pagkatitig sa kanya ay may nakita namang iba. Tinanong ko pa nga siya kung bakit hindi niya pinagsuot ng helmet pero sabi niya baka nakakain ng kalabasang naihian ng alitaptap isang gabi.

May isang panahon pala noon nagkaroon nang isang parang reunion ng IV-Narra. Naligo kami noon sa Mangima. Hindi ko na maalala ang lahat na pumunta kahit kakaunti lang naman kami noon. Ang naging huling pangyayari yata ay nag-inuman sa bahay nina Velma D.

20. Kung babalikan ang lahat na mga kuwentuhan noon, parang walang katapusan ang kalikasan ng alaala ng Tangkulan. Ngunit iilang panahon pa lamang ang lumilipas, sapinsaping mga birang at harang na ang nakabakod sa mga alaala/pag-alala sa ngayon.

21. Si Jenedy H. nga pala ay naididikit ko sa kantang “sound of silence” kahit na hindi naman siya tahimik noon. Iyon yata ay dahil may isang panahon na nabasa namin ang kantang iyon sa libro at kinanta namin nang kinanta hanggang sa pagalitan kami ng isang guro dahil naging maingay ang pagsisikap namin na magtunog choir.

22. Limang babae yata ang alaala ng Tangkulan. At lahat sila ay baka ni hindi nagkaroon ng alaala sa akin dahil noong mga panahong iyon ay lagi kong nakakalimutang magsuklay.

Teka, may mga student-teacher pa yata na hindi ko naisali sa bilang.

23. Ang isang paraan pala noon para makalusot ang pag-iinom sa loob ng eskwelahan ay ang paglagay ng tanduay sa plastik, haluan ng coke at gumamit ng straw at magpanggap na nabilad sa araw kapagka namula na ang mukha.

24. At sino nga ba ang mga lokoloko na gumamit ng tipak ng salamin upang malaman ang kulay ng alam na nating suot ng kung sinong magagandang babae?

May palagay akong hindi ako ang nagpasimuno noon.

25. Paano nga pala ako magkakaroon ng alaala ng Tangkulan gayong hindi yata umiiral ang lugar na iyon sa mga panahong tinutukoy ko?

O kaya naman, paano ako magkakaroon ng alaala gayong sa mga panahong iyon ay nakikiani ako ng kape, palay at mais sa kung saang bukirin na malayong malayo sa Tangkulan?

O kaya naman, paano ako magkakaroon ng alaala ng Tangkulan gayong hindi ito nagtatala ng alaala lalo na sa kagaya ko na isa lamang ligaw sa kanyang panahon?

26. Sa Tangkulan pala may naisip ako noon na kuwento na nagbago naman paglipas ng panahon. Ngayon ay malapit na itong mailimbag sa pamagat na “Driftwood on Dry Land”. At kapag nabasa mo ito marahil maiisip mo na wala nga ako noon sa Tangkulan at anino ko lamang ang iyong nakausap.

27. May palagay ako na ang Tangkulan ay nagmula sa salitang tangkul. May nagsasabi na ang tangkul ay isang uri ng instrumentong pangmusika na kahawig ng kudyapi. Na ang ibig sabihin, isang lumang bayan ang Tangkulan dahil lumang luma na ang kanyang pangalan. Sa ganitong lagay ay kaliga nito ang mga luma ding banuwa ng Maluku, Gata, Impakibel, Guilang-guilang, Idong, Patak, Mat-i, Salawagan, Katumbalon, Bugkaon, Kimambong, Impasug-ong, Sumilaw, Sayawan, Hagpa, Dumalaging, at marami pang iba.

28. Isang imposibleng pangyayari ang pagkakaligaw ko nang apat na taon sa Tangkulan gaya na imposibleng pangyayari ang pagkakaligaw ko nang mahigit isang dekada sa bayang pinagkutaan ni Paciano Rizal noong panahon ng Katipunan.

Imposible ang aking pagkakaligaw dahil sa katotohanan walang paraan at/o pagkakataon upang makalabas ako sa mundo ng kabundukang nakabalabal sa aking kapalaran mula nang ako’y isilang.

Halimbawa, apat na taong gulang ako nang maglakad ako nang mag-isa mula sa Crossing Silae tungo sa liblib na sulok ng Silae proper. Ang kubo namin ay malapit lang sa gubat. At isang gabi, sumama akong manghuli ng palaka sa isang sapa sa gitna ng gubat. At iniwanan ako sa isang malaking bato upang doon na lamang maghintay dahil mahirap lumundaglundag sa mga batong madulas. At dahil isa akong apat na taong gulang na nag-isip na isa nang matanda, lumakad ako sa gitna ng pusikit na dilim at binaybay ang sapa na sa unahan pala ay isang bangin. Kung paanong nakakapagkuwento pa ako ngayon ay malamang dahil sa panahong iyon ay naglilimbay ang isang manghahabi ng banig.

29. Sa likod nga pala ng main building noon ay nagjojogging ako o ang damit ko yata yun. Doon nga rin pala nagtanim ako noon ng mahogany. Malamang alam ng mahogany na iyon na ako ang nagtanim sa kanya. Malamang
babatiin niya ako pagpunta ko doon.

30. Tangkulan

Itangkul nu hibayaa su lageng hi buuy
su anay ha hura pa uma su mapuputi ha busaw.

Itangkul nu hibayaa su limbay hi angaray
su anay ha amin pa lalas su imo ha baslay.

Ang mga alaala ng Tangkulan ay isinulat nang marami sa aklat ng paglimot. Sapagkat sino pa kaya ang may totoong alaala sa Tangkulan maliban sa kanilang nakakaalam na ang Tangkulan ay Tangkulan at hindi kung isang lugar lamang kung saan lumawak ang pininyahang kapatagan?

Ang mga alaala ng Tangkulan ay tila isang napakalayong alaala na lamang para sa kanilang may paniniwala na isa itong lugar kung saan makakasalubong mo ang mga taong walang mukha at pangalan.

31. Gabon, wahig daw hapoy! Uma kad su tul-an daw langesa hi Agyu.

Anijun Mudan-udan
Isang kabilugan bago ang kaarawan ng Nagliliwanag,
Balangay na karatig ng kampo ni Paciano Rizal,
Bahay Kape tapat ng simbahan ni San Antonio,
Bayan kung saan bawal ang plastik,
Lalawigan ng malaking lawa,
Bansa ng dekurbatang mga kriminal at nakabarong na mga hoodlum,
Planetang Earth na naghihingalo,
Magatasgatas na landas sa kalawakan,
Kapanahunan ng Kaliyug

Advertisements

Read Full Post »

Noong malakas pa ang iyong mga buto, malakas na rin ang aming mga buto. Noong malagong pa ang iyong tinig, malagong na rin ang aming tinig. Kaya ngayon, kami na iyo nang naiwan ay hindi makalilimot sa iyong paglingap. Oo, ang pagkalinga mo sa amin na katulad mo ring salinlahi ng mga taong siyang tunay na sinaunang nanirahan sa islang tinawag ng ating mga ninuno na Amin Danaw. Sapagkat magmula sa hilaga hanggang sa timog, at mula sa silangan hanggang sa kanluran, sadyang nagalugad ang lahat na iyon ng ating mga ninuno noon.

Ngunit dahil ang ating paglalakbay ay hindi lamang dito nagtatapos sa lupa, ikaw ay tumuloy na nga sa sinasabing iba na namang daigdig. Sapagkat ang tunay nating mga sarili ay ang ating kaluluwa kung kaya likas lamang na uuwi tayo doon sa kalangitan ng ating mga ninuno. Kung kaya nga ay paroon na nga ang palikoliko mong ilog kung saan ikaw ang ragasa ng agos na siya ngang dahilan na ikaw’y binansagang Datu Bagangbangan.

Sabi ng iba, kapag namamatay ang katawan ay iyon na ang sukdulan ng pamamahinga. At kung ganoon, ibig bang sabihin tapos na ang lahat? Ngunit kung babaybayin natin ang salaysay ng mga paham ng ating lahi, ang lahat ay hindi natatapos hanggang hindi pa natatapos ang galaw ng panahon. Kung kaya kapag inunawa naming lubos, ang lumilisang gaya mo ay hindi namamatay. Sapagkat ang katawan ay katulad lamang ng bahay. Ang siyang tunay na tao ay iyong hindi namamatay sa halip ay naglalakbay hanggang sa marating ang iba na namang mundo ng kanyang buhay. Kung kaya hindi magandang maging mabigat ang aming loob nang maging kaayaaya ang iyong paglalakbay hanggang marating mo ang tulugan o ang dakilang bahay ng ating mga ninuno na naghihintay na sa iyo.

Kung kaya kaming mga naiwan ay patuloy na magpupunyagi hanggang sa sumapit ang araw na kami naman ang magpatuloy sa paglalakbay. Sapagkat sa katotohanan, magkakasunod lamang tayong naglalakbay, tayong magkakatulad na lingkaw ng buto at dugo ng mga naunang taong nanirahan sa Amin Danaw. Dahil sa inyong malasakit sa mga tulad namin ikaw ay naging minamahal na ayon sa bansag ng mga DUmagat ay “palangga” at sa kanilang tulad mo’y tinawag kang “aki”. At ang hinawan mong daan ay susundan namin. Hindi namin ikaw malilimutan.

Maaliwalas na paglalakbay Datu Bagangbangan. Ang Magbabaya ng lahat na lumikha ng lahat na kalangitan at lupa, na Siyang nagbigay ng hininga kung kaya nasidlan tayo ng buhay, ang Siyang magiging gabay sa iyong paglalakbay.

Read Full Post »

Su anay ha mabis-ay pa su tul-an nu, na mabis-ay un daan su tul-an day. Su anay ha madaging su lageng nu,na madaging un daan su lageng day. Aman iman ta naawaan kay un imo na nanaw day hari malipatan su kagtanul nu hu iling nu ha bukalag hu untol ha mga etaw din ta isla ha pigngaranan hu mga buuy ha Amin Danaw. Ta puun ta balabagan paynaen ta tukol, daw puun ta sinibwalan paynaen ta salupan na bayabaya man gayed nalibulibo hu mga buuy gaun su anay.

Ba iyan man labi ta su kaghipanaw ta na kena ba da dini agkataman ta bugta aman ba kad agpanayondayon ta lain un pa man ha kagi pa ha kalibotan. Ta tungud ta su untol ha kaugalingon ta na iyan man su gimokod ta aman iyan din bagad ha muli diya ta Inugtuhan hu mga buuy ta. Na sungu labi na padidiya un su kagpangiwalkiwal hu wahig ha iyan ka duun bagangbangan ta hano man, iyan gayed patugam-a imo si Datu Bagangbangan.

Kagi pa hu duma ha su kagpatay hu lawa na iyan un kaghimlay. Aman ku mailing taena na napunga un su alan. Ba ku ba ta urahika su nalaag un ha batbat hu mga laas, na hari agkapungahan su alan samtang hura pa kapungahi su kagkayog hu panahon. Aman ku ba day pandayaa hunahunaa, na su agkadaut na hari tagpatay. Ta su lawa na ba da balayan. Su untol ha etaw na iyan haena su harig patay ba taghipanaw hangtod makauma ta lain un pa man ha banuwa hu kandin ha untong. Aman kena maayad ha sumakit su gahinawa day ta daw maayad su kaghipanaw nu hangtod makauma ka ta tulugan hu mga buuy ta ha tag-angat un imo.

Sungu na sikay, na ba kay un labi haini lahutay hu panikaysikay hangtod ha makauma un daan su aldaw ha iyan kay pa man hipanaw. Ta ba ki da man labi haini tagpalupoga su mig-iling ha sumpay hu tul-an daw langesa hu nauna ha mga etaw ha migtima din ta Amin Danaw. Tungud hu kagtanul nu hu mga iling kanay na iyan kad un gayed su agnanawen ha kagi pa hu Dumagat na “palangga” daw ku mga duma ta na “aki”. Su imo ha piggalasan ha dalan ba un lang padayondayoni day. Hari day imo malipatan.

Maayad ha kaghipanaw Datu Bagangbangan. Su Magbabaya hu alan ha migtanghaga hu alan ha Inugtuhan daw bugta, ha iyan mig-ila hu gahinawa aman natagoan ki hu untong, na iyan un maggiya hu kaghipanaw nu.

Badjung hu Kulaman
Bukalag hi Buuy Mansungkit ha migbalay hu mga bangkasu ta kaulo hu alan ha wahig
8 Nobyembre 2010
Los Banos, Laguna

Read Full Post »