Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Disyembre, 2010

Si Gat Jose Rizal Bilang Tauhan ng Kuwento sa Kamalayan ng Isang Katutubo sa Mindanao

Sa araw na ito, 114 taon na ang nakalilipas, isang 35 taong gulang na henyong makata at nobelista ang binaril sa Bagumbayan sapagkat lagi siyang nananaginip na darating ang araw na magiging malaya ang kanyang sinisintang bayan.

Isa rin siyang manggagamot na bukod sa paghahangad na manggamot ng pisikal na karamdaman ay naghangad din na gamutin ang ispiritwal na karamdaman ng kanyang bayan na nilukuban ng masasamang ispiritung daladala ng mga kolonisador na nagpapanggap na ang dala’y kabanalan.

Isa rin siyang romantikong mangingibig na bagaman napuno ang dibdib sa pangalan ng kung sinu-sinong mga dilag ay may puwang pa rin upang gawing moog ang puso sa kanyang pag-ibig sa sariling bayan.

Isa rin siyang multilingguwal na mamamayan ng daigdig na bagaman mas nahumaling sa pagsusulat gamit ang mga wikang dayuhan ay alam na ang sinumang hindi nagmamahal sa sariling wika’y mas mabaho pa kaysa malansang isda.

Isa rin siyang anak na mapagmahal sa magulang, kapatid na nagmamahal sa kanyang mga kapatid, kaibigang tunay na nagmamahal sa kanyang mga kaibigan, at estrangherong may malasakit kahit sa kagaya niyang estranghero.

Ay, si Gat Jose Rizal nga’y estranghero sa kagaya kong katutubo nang Mindanao na hanggang ngayo’y kuwestiyonable pa ang pagiging bahagi sa Republika ng Pilipinas.

Ngunit kahit pa siya’y estranghero, naging mabuti ang kanyang pakikitungo sa mga katutubo nang siya’y ipatapon sa Dapitan. sapagkat doon, isa sa kanyang pinagkaabalahan ay ang kapakanan ng mga taumbayan. Doon naging guro rin siya ng mga kabataan. Hindi siya nagkasya sa paghihinagpis sa kanyang kalagayan bilang isang bilanggong ipinatapon upang malimitahan ang kanyang mga gawain at maiwasang makaimpluwensiya ng iba.

Kahit pa itinuturo sa paaralan na si Rizal ay isang pambansang bayani, nanatili siyang estranghero sa akin. Marahil sapagkat sa katotohanan, ang konsepto na bahagi ang mga katutubo sa bansang Pilipinas ay nananatiling estranghero sa ubod ng kamalayang katutubo sa Mindanao. Sapagkat sa katotohanan, ang Mindanao ay naging bahagi lamang ng bansang sa kalauna’y naging Republika ng Pilipinas dahil sa marami itong likas yaman na pakikinabangan (at pinakinabangan nga) ng mga pribadong interes hanggang sa ngayon.

Subalit may isang kuwento kung saan nagkaroon ng isang malapitang interaksyon ang isang katutubo ng Bukidnon at si Rizal (bagaman saglit lamang). Ipinagpapalagay ko na kung ito man ay totoo, malamang nangyari ito noong panahong ipinatapon si Rizal sa Dapitan. Nainteres ako sa kuwentong ito sapagkat isa sa mga tauhan ng kuwento ay aking Buuy mismo sa panig ng aking ama. Kuwento ito sa akin ng aking ama na kuwento rin sa kanya ng kanyang ama. Ang ama nga pala ng ama ng aking ama ay isang baylan na napilitang lumikas patungo sa kanilang ilian sa Kitanglad sapagkat pinagpapatay noon ng mga Espanyol at ng kanilang alipores ang mga kagaya niya. Ganito nga pala ang kuwento:

Namasyal si Rizal sa bayan ng Bugcaon sa Bukidnon. Sa isang di naipaliwanag na dahilan, si Rizal ay pinagtulungang gulpihin ng mga bugoy o tambay doon. Sadyang bugbog sarado si Rizal at hindi makabangon. Sa kabutihang palad may mga taong namagitan at isa doon ang aking Buuy. Dahil hindi na makalakad, pinagtulungan nilang buhatin si Rizal hanggang sa makarating sila sa Malaybalay. Pagkarating sa Malaybalay, nagulat na lamang sila sapagkat tumayo si Rizal na parang walang nangyari at nawala ang kanyang mga pasa at sugat. Ang hindi lamang nabalik sa dati ay ang kanyang sapatos na nasira. Nagpasalamat siya sa mga nagbuhat sa kanya at lumakad na tila walang nangyari. At doon nasabi na lamang ng aking Buuy na si Rizal ay mayroong mabisang agimat at malakas na tagbaya.

Hindi ko pa nasasaliksik kung kailan lumabas ang naratibong ito at kung may katotohanan ba ito. Subalit sa aking palagay, ang kahalagahan ng kuwento/naratibong ito ay hindi nakasalalay sa katotohanan o di kaya’y kabulaanan nito. Sapagkat maaaring basahin ang kuwento/naratibong nabanggit ayon sa pananaw-daigdig ng mga katutubong lumikha ng ganoong kuwento/naratibo.

Maging totoo man o hindi ang kuwento, mababanaag dito ang pagiging estranghero/dayuhan ni Rizal sa kamalayang katutubo na lumikha ng kuwento. Ang pambubugbog kay Rizal sa kuwento ay nagpapakita na hindi siya kilala kung kaya siya pinag-initan ng mga bugoy. Kung isaalang-alang na mahilig sa magagandang dilag si Rizal, magkakaroon talaga ng anggulong magagalit sa kanya ang mga bugoy dahil sa probinsya, talagang mainit sa mga mata ng bugoy ang sinumang nanliligaw sa kanilang kadalagahan.

Sa isang banda naman, maaari ding tingnan na isang tagahanga ni Rizal ang lumikha nito. Sapagkat sa buhay probinsya, isa sa mga karaniwang naratibo ng pagpapakita ng lakas at kapangyarihan ay ang kakayahang makiglaban sa mga bugoy o tambay. Sa ganitong naratibo, hindi lamang sa pagtalo sa mga bugoy ang mahalaga kundi ang kakayahang hindi magtamo ng pinsala o kaya naman ay magtamo ng pinsala ngunit binabalewala. Sapagkat kung ang pagtalo sa maraming bugoy na kalaban ay isang nakamamanghang kakayahan, mas nakamamangha ang magtamo ng maraming pinsala subalit binabalewala at pinagagaling agad gamit ang agimat o anumang kapangyarihan.

Mula sa kuwentong ito, nababasa ko ang pagkakahawig sa naratibo ng mga pangayaw ng mga bagani noon. Sapagkat maraming kuwento ang nagsasabi ng pagkapinsala ng isang bagani subalit sa isang iglap lamang ay gumagaling. Kahit sa epikong Agyu, may pangyayari kung saan nagtamo nang matinding pinsala si Agyu na ikinasawi pa nga niya subalit nabuhay pa rin siya. At sa kanyang pagkabuhay matutuklasan niya at nang kanyang katunggali na sila pala ay magkapatid. Sa ganitong konteksto tila pumapasok ang kuwentong ito hinggil kay Rizal. Ito marahil ang paliwanag kung bakit hindi nilabanan ni Rizal ang mga bugoy gayong mayroon siyang agimat. Sapagkat maaaring para sa kanya, kapatid niya rin ang mga bugoy na iyon kahit pa hindi siya kilala ng mga iyon.

May hinuha ako na malay sa naratibo ng epiko ang gumawa ng kuwentong nabanggit. Una, ang pangyayari ay naganap sa Bugcaon. At kung tutuusin, ang Bugcaon ay walang iba kundi ang binabanggit na lupain ng Yandang sa epikong Agyu! Isa pa, ang naging kilos ni Rizal sa kuwento ay may paliwanag sa naratibo ng mga pangayaw ng mga bagani.

Marahil ang kuwentong ito ay isang pagtatangka ng aking mga ninuno na hanapan ng paliwanag ang pagkakaugnay nito sa bayan ng dakilang Filipino na si Rizal. Marahil ito rin ang kanilang pagpapahiwatig na estranghero/dayuhan sa kanilang pananaw ang estadong nagpumilit na gawing bahagi ng isang “bansa” ang lupain ng mga katutubo na kung tutuusin ay hindi ligal na bahagi ng teritoryong minana ng nasabing estado sa mga dayuhang kolonisador.

Anijun Mudan-udan
Isang araw matapos ang kaarawan ng Nagliliwanag
Bayan kung saan nagkuta si Paciano Rizal

Advertisements

Read Full Post »

1. Ang bansang China na siguro ang pinakamasayang bansa sa nagdaang Pasko at marahil hanggang sa Bagong Taon. Hindi dahil tuwang-tuwa ang bansang iyon sa kapanganakan ng Dakilang Guro na umano’y sinusunod ng mga tinatawag na Kristiyano kundi dahil ang ibig sabihin ng Pasko sa ngayon ay konsumerismo. At dahil mga produktong gawa sa China ang bumabaha sa pamilihan, tiyak na malaki ang benta nila sa kapaskuhan.

Isipin mo na lang, sa mga laruan pa lamang na ipinangregalo tiyak malaki na ang kita. Dagdag pa riyan ang karaniwang binibili na damit pamasko at mga dekorasyong pamasko. Isama na rin natin sa kuwenta ang mga prutas na galing sa China. At siyempre ang mga kasangkapan sa bahay mula sa mga gamit na de-kuryente hanggang sa kutsilyo. Sa malamang, mas marami pang produkto ang hindi ko nabanggit dahil halos lahat yata na produkto ay mayroon nang pabrika ang China.

Kaya nakasisiguro ako na sisingkit lalo ang mata ng mga Intsik ngayong kapaskuhan lalo na’t ang mga Pilipino ay nagdiriwang ng Pasko sa buong buwan ng Disyembre at kasama pa nga ang unang linggo ng Enero.

2. Tuwang-tuwa ang bunso namin sa natanggap niyang laruang kotse na yari sa plastik na umaandar at may tunog pa. Ang laruang iyon ay isang patrol car at may apat na uri ng tunog (basahin: ingay). Akala naman ng bunso namin ay tugtog ang mga ingay na iyon kaya sumasayaw siya sa tuwing naririnig iyon.

Ang panganay naman namin ay nakatanggap ng laruang laptop daw na may larawan pa ng isang nagngangalang Hannah Montana. (Malamang kung sino man si Hannah Montana ay tiyak na kilala ng mga nanonood ng telebisyon.) Maingay din ang kunwa-kunwariang laptop na iyon na sinasabing “educational”.

Nang basahin ko ang nakasulat sa kahon ng mga laruang iyon, kapansin-pansin ang mali-maling balarila ng Ingles na ginamit kaya alam ko na agad na iyon ay gawa sa China at tama nga ang aking hinala. Hindi na ako natawa sa mali-maling Ingles dahil malamang mas malakas ang tawa ng mga Intsik kaysa sa akin. At isa pa, marahil ang mali-maling Ingles nila ang kanilang paraan ng paglaban sa hegemonya ng wikang Ingles. Kaya kung tutuusin doble panalo sila. Samantalang tayo na binabaha ng kanilang mga produkto ay doble lugi kahit pa sa unang tingin nakaganansya tayo dahil mumurahin naman ang mga produktong iyon.

3. Natawa ako nang mapabalita ang paalaala ng simbahan na dapat si Kristo ang maging sentro ng Pasko at hindi si Santa Claus. Sa isang bata nga naman, ang mukha ng Pasko ay si Santa na sa kalaunan ay pagtatakhan din niya kung bakit Santa ang tawag gayong ito ay isang matabang mama na balbas-sarado.

Sa isang banda, ang paalaalang iyon ay nagbibigay-diin sa katanungan kung alam ba natin kung ano ba ang ipinagdiriwang sa Pasko. Sa malamang, karamihan sa mga nagdiwang sa nakaraang Pasko ay hindi naman inintindi kung bakit nga ba sila nagdiriwang. Mas malamang na inisip nila na iyon ay panahon na magkakasama ang magkakamag-anak, magkasintahan, magkakaibigan at kung ano pang pagpapangkat na maiisip. Sa mga bata naman at batang-isip ay panahon iyon na makakatanggap ng regalo. At sa mga kapus-palad ay panahon na makakapanghingi nang ligal sa kahit kanino nang hindi nag-aalala sa sasabihin ng iba. Sa mga negosyante, panahon upang magkaroon ng maraming benta. At malamang para sa iba, panahon ng mga handaan at inuman.

4. Dito sa aming bayan kung saan magkatapat ang simbahan at isang mall, kapansin-pansin ang sumusunod na galaw ng mga tao.

Mas marami ang pumapasok sa mall kaysa sa simbahan. At marami sa mga pumapasok sa simbahan ay dederetso sa mall pagkatapos magsimba. May iba pa nga na sa mall na lang naghihintay kung kailan matatapos ang misa.

Kaya sa ngayon, mas marami na ang “nagsisimba” sa mall kaysa sa simbahan. Marahil ito ang dahilan kung bakit sa ibang mall ay nagtayo na rin ng simbahan ang iba.

Sa ganitong kalagayan, malamang mas marami ang nagdiwang ng Pasko sa mga mall kaysa sa mga simbahan.

5. Sa panahon natin ngayon, malamang hindi na iniintindi ng karamihan ang tunay na diwa ng Pasko. Sapagkat sa ngayon, mas mahalaga sa karamihan ang materyal na mga bagay. Kung kaya hindi malayong ang mga bagay na ispiritwal ay tinitingnan na lamang ng iba bilang bahagi ng pantasya.

6. Hindi nga pala ako nagdiriwang ng Pasko sa mga dahilang nais ko na lamang sarilinin. Kaya marahil mas nakikita ko ang Pasko sa ngayon bilang bahagi ng konsumeristang kultura na nais ipalaganap ng kapitalismo.

7. Batay sa aking panimulang mga pananaliksik, hindi totoo na sa Disyembre 25 ipinanganak ang Dakilang Guro. Kaya marahil hindi talaga dumidikit sa araw na iyon ang kanyang mga aral. Bagkus, mas nagiging matingkad pa ang naratibo ni Santa Claus na pinasikat ng Coca-Cola sa buong mundo.

8. Habang sinusulat ko ito ay sira na ang laruang kotse na yari sa plastik na natanggap ng bunso namin bilang regalo.

Kaya naman lalong tumibay ang aking pananaw na huwag bumili ng kahit anong laruang plastik. Ayon din sa ibang artikulo na aking nabasa, mas maganda talaga ang mga laruang yari sa kahoy. Kaugnay nito, napansin ko nga na hanggang ngayon ay matibay pa rin ang laruang tren na yari sa kahoy na dalawang taon nang ipinagbabalibagan ng aming panganay.

Ilang araw bago ang kaarawan ng Nagliliwanag
Araw na napansin kong may kawag-buntot na ibon sa labas nang bintana

Read Full Post »

Sulyap sa Makasaysayang Cebu at Iba Pang Kuwento Habang Dumadalo sa Philippine PEN Conference 2010

I

1. Parang isang malawak na taniman ng buntun-buntong kamote na handa nang hukayin ang mukha ng isla mula sa himpapawid habang papalapit sa paliparan ng isla ng dakilang bisdak na si Lapulapu.

2. Hindi ko kilala ang karamihan sa mga dumadalo pero marami sa kanila ang naririnig ko na at nababasa ang mga pangalan. Maliban sa mga naging panelist sa mga workshop na nadaluhan ko, si Raul lang yata ang kilala ko sa mga dumalo. Ilan sa mga naging panelist sa mga workshop na nadaluhan ko na naroroon din ay sina Marjorie Evasco, Jaime An Lim, Steven Fernandez, Jun Cruz Reyes, Vince Groyon at Dr. Resil Mojares.

3. Limang taon din ang lumipas bago nagtagpo muli ang landas namin ni Dr. Resil Mojares na naging panelist sa IYAS Creative Writing Workshop 2005. Kaya sinamantala ko na agad ang pagkakataon para makipagpalitang-kuro sa kanya hinggil sa ilang bagay mula sa kanyang aklat na Brains of the Nation. Ilan sa mga ideya mula sa aklat na ito ang inilangkap niya sa kanyang malamang Jose Rizal lecture. Sa kanyang talumpati ko unang narinig ang iba pang impormasyong may kaugnayan sa hindi tapos na akda ni Rizal – ang nobelang Makamisa.

4. Nakilala ko si Jude na isang manunulat na taga-Cebu. Pareho kaming nakaupo sa pinakadulong hilera at sa may bandang sulok kung saan naririnig namin ang mga istap ng Montebello Villa Hotel na abala sa paghahanda ng mga kakailanganing kape at meryenda.

5. Nakilala ko rin pala si Ben na isang reporter ng Philippine Star. At nang malaman kong nakabase siya sa Butuan, nagkuwentuhan na nga kami nang nagkuwentuhan.

6. Nasa Gaisano ako at nakapila para sa taxi nang mapansin kong mga delegado din ng kumperensiya ng PEN ang mga nasa harap ko. At nang magkatinginan ay nagkakuwentuhan ng saglit. At dahil maghahanap ako ng matutuluyan, nang yayain nila akong sumama sa kanila, ako’y sumama na nga dahil malungkot naman kung ako lang mag-isa. At doon ko na lamang nalaman ang kanilang mga pangalan. Sila ay sina John, Voltaire at Michael.

7. Bahagi ng programa ng kumperensiya ang Cebu Tour. Akala ko noong una ay isa iyong organisadong pamamasyal sa kung saang makasaysayang pook sa Cebu. Ngunit iyon pala ay kanyakanyang tour. At dahil doon, nang kanyakanya nang magsialisan ang mga tao, umalis na rin ako na hindi alam kung saan mamamasyal. At ang kinalabasan ay naghanap lang ako kung saan makapagpaload ng cellphone at nang matapos iyon ay pumila na sa abangan ng taxi para pupunta sa kung saan mang dako na hindi ko pa alam. Mabuti na lamang dahil ang nakapila sa unahan ko ay ang mga manunulat sa no. 6.

8. Masarap ang hapunan namin sa Laguna Garden Cafe. At lalong naging mas masarap ang gabi nang magbasahan na ng mga tula at halaw mula sa mga kuwento. Bawat manunulat/makata’y may Kanyakanyang dila at pamamaraan ng pagbigkas at paghimig.

9. Maliban sa mga dayuhang manunulat, marami ding manunulat na Filipino ang dito ko unang nakita. Siguro dahil una ko itong kumperensiya at dahil bihira lamang ang mga pagkakataon na nakakasalamuha ko ang ibang manunulat.

10. Isang dahilan kung kaya ako sa likuran nakaupo ay dahil hindi ako sanay na nakaupo nang matagal. Kaya madalas akong tumayo sa likod. Pakiramdam ko ay magkakapulikat ako kapag nakaupo nang matagal. Napansin nga ito ng katabi kong si Jude. Sadyang hindi sanay sa ganitong kumperensiya ang katawan ng isang magsasaka.

II

1. Naging isang magandang pagkakataon ang kumperensiya para sa pakikipagpalitang-kuro sa mga manunulat sa ibang bansa. Ang pagbabahaginan ng mga karanasan, praktika at poetika ay sadyang nakapagpapayaman sa karanasan bilang manunulat.

2. Kagaya ng mga palihan sa pagsusulat, may mga maliliit na diskusyon din na nabubuo labas sa pormal na kumperensiya. Madalas nangyayari ito kapag nagkakape habang naghihintay sa susunod na iskedyul o kaya habang kumakain ng meryenda at/o tanghalian. Sa mga ganitong panahon napag-uusapan ang maraming reaksyon sa reaksyon o kaya’y kurukuro sa kurukuro ng iba.

Sa katotohanan, ang pagsusuri sa mga thesis at antithesis na ipinapahayag ng mga tagapagsalita ay madalas nangyayari sa labas ng kumperensiya. Napag-uusapan ito habang nakasakay sa taxi pauwi sa tinutuluyang hotel. Napag-uusapan ito habang ang mga kasama’y tumutungga ng beer sa bar kung saan umaawit ng malulungkot na himig ang dalawang babaeng kinapos sa tela ang suot. Napag-uusapan ito habang nagdidisco ang mga kabataan ng Cebu sa tugtog na umano’y makabago. (Nagtataka nga pala si Voltaire kung ano ang punto disco.)

Sa katotohanan, ang pagsusuri sa mga pahayag ng mga tagapagsalita ay nangyayari hindi habang sinasabi nila ang mga iyon kundi habang nagkakape at nakikipagpalitang-kuro sa ibang mga delegado na mula sa iba’t ibang rehiyon.

Sa katotohanan, ang tunay na pagtanggap sa mga pahayag na binibitawan ng mga tagapagsalita ay hindi nangyayari habang nasa kumperensiya. Sapagkat sa katotohanan, ang mga harang at mga birang ay nagbabanyuhay lamang sa mga pahayag. Sapagkat ang totoong mga hangganan ay yaong hindi nakikita. At ang totoong pag-igpaw sa mga hangganang iyon ay hindi mo masasabi hangga’t ikaw ay malay pa rin sa mga hangganang iyon.

Sa katotohanan, ang pagbura sa mga hangganan ay magiging ganap lamang sa panahong magiging malayong alaala na lamang ang mga hangganan.

3. Kapag hindi mo pa kilala ang isang manunulat at ang alam mo lamang ay kung saang lupalop siya nanggagaling, mas naiisip madalas ang pagkakaiba. Ngunit kapag narinig mo ang kanyang katha at/o kung ano ang pananaw niya, doon mo lamang maiisip ang mga pagkakahawig at mga posibleng kalagayan ng pagkakaugnay.

Halimbawa, sa kuwento ng Haponesang si Nori Nakagami, may isla sa kanila na sinasabing ang direksyon ng agos ay nagmumula sa Pilipinas. Sa tula naman ng Nigerian na si Joseph Ushie, inilarawan niya ang kawalang-hangganan ng hangin na maaring maglakbay sa kung saang lupalop. Ang tulang iyon ay nagbibigay ng ideyang ang mga hangganan, likas man o hindi, ay hindi dapat maging sagabal sa pakikipag-ugnayan.

4. Ang isang magandang resulta ng mga kumperensiyang kagaya nito ay ang pagkakaroon ng mga bagong kakilala na maaring maging mga kaibigan. May nabubuong komunidad na hindi nalilimitahan ng mga hangganang itinatakda ng heograpiya, lahi, kultura, wika at iba pang limitasyon likas man o hindi.

5. Marami akong naging bagong kakilala at nakilala ko rin ang iba pang matagal ko nang naririnig at/o nababasa ang mga pangalan. Nakilala ko si Shirley Lua na paroon, pariyan at parito nang mabilis kaya parang umiiral nang sabay sabay sa magkakaibang lokasyon. Talagang literal yata na kasama siya sa mga punong abala. Nakilala ko rin ang ilang manunulat na taga-Visayas. Kagaya ng makulit na si Erik at ng low-profile na si Hermie na taga-Samar. Nakilala ko rin si Shane na siyang naging opisyal na tour guide naming apat nina Michael, John at Voltaire.

6. Kahit sa kumperensiyang tumatalakay sa panitikang walang hangganan, halatang may kanyakanyang hangganang itinakda ang mga dumalo. Kapansinpansin na kung sino ang magkakatabi sa unang araw ay siya ring magkakatabi hanggang sa huling araw ng kumperensiya. Kung anumang hangganan ang itinakda ng bawat delegado sa pakikipag-ugnayan sa iba, tiyak sari-sarili lang din ang nakakaalam.

Sa aking obserbasyon, maganda kung gayon na nakaprograma din kahit ang latag ng pagkakaupo ng mga delegado. Maganda ito upang hindi malimitahan ang interaksyon ng mga delegado lalo pa’t ang tinatalakay/isinusulong ay ang kawalang hangganan ng panitikan. Madalas naman kasi, ang pagbasag sa mga hangganan ay nagsisimula sa hindi pormal na pakikipag-ugnayan. Ang magkangitian nga lamang ay malaki na ang nagagawa upang makapagsimula ng isang talastasan/interaksyong maaaring maging kapakipakinabang.

7. Malamang ang kumperensiyang dinaluhan ko ang kauna-unahang kumperensiya sa panitikan kung saan narinig ang wikang Higaonon. Makasaysayan kung gayon sa lahing Higaonon ang pagkakataong iyon bagaman maaaring sa iba’y walang saysay ang pagkakabigkas doon ng wikang Higaonon.

8. Isa sa lumilitaw na haka mula sa kumperensiya na magiging mas makabuluhan para sa isang manunulat ang magsulat sa isang wika na may malawak na saklaw o wikang malaganap na ginagamit. Sa ganitong paraan, magiging mas malawak ang posibleng mambabasa at mas marami ang maaabot ng mga sulatin.

Sa ganoong pamantayan, hindi na kaagad makakapasok ang aking pagsusulat sa wikang Higaonon na bukod sa hindi na malawakan ang gamit ay iilan lamang tiyak ang magkakainteres na bumasa.

Ngunit sa isang banda, maaari ring sipatin ang gayong pagtingin sa ibang anggulo. Halimbawa, maaaring tingnan iyon bilang pagsuko sa hegemonya ng sinasabing mga wika na malaganap. Sapagkat kapagka nasanay ang isang manunulat na magsulat nang ekslusibo sa mga sinasabing “wikang malaganap”, tiyak ang sarili niyang wika’y kanyang mapapabayaan o di kaya’y makakalimutan. At maaari din na sa ganoong kalagayan, magiging banyaga ang manunulat kahit sa kanyang sariling pagtingin. kaya sa ganitong konteksto, isang doble-talim na espada kung gayon ang ganoong pamamaraan.

Sa isang banda, kapag nagsulat naman ang manunulat sa sarili niyang wika, dapat tanggapin niya na maliit lamang ang maaabot ng kanyang panitikan.

Subalit ang huling nabanggit ay madali namang masosolusyunan sa pamamagitan ng pagsasalin. Kung kaya, sa ganang akin ay mas mahusay pa rin na magsulat sa sariling wika sapagkat nariyan naman ang pagsasalin kung nais na palawakin ang magiging mambabasa ng akda ng isang manunulat. Sa palagay ko, mas malaki ang magiging ganansya ng isang manunulat sa ganitong sistema kaysa sa magpilit na magsulat sa mga “malaganap na wika” na hindi naman kanya. Bukod sa napapayaman/napapaunlad sa ganitong sistema ang sariling wika, maaari rin itong maging daan upang lumaganap at/o maging malaganap ang sariling wika. At bakit nga ba hindi natin ambisyunin na maging internasyunal din ang ating mga wika?

9. Ang mga kumperensiyang kagaya ng isinagawa ng Philippine PEN ay isang masayang karanasan para sa isang manunulat na gaya ko na madalas ang kausap ay ang kalabaw at kabayo sa aking bukirin. Dagdag pa rito na may pagkakataon akong makapamili ng tinilad-tilad-pinatuyong mangga, danggit at daing na pusit na kabilinbilinan ng aking maybahay.

10. Kahit hindi ko napuntahan ang sinasabing mga makasaysayang pook ng Cebu, naging makasaysayan pa rin naman para sa akin ang pagpunta ko sa Cebu. At hindi ko man nakatagpo ang mga kaklase ko noon na sa Cebu na naninirahan, may nakatagpo naman akong bagong mga kaibigan.

*Ang Philippine PEN Writers Confab 2010 ay ginanap noong Dec.4-5, 2010 sa Montebello Villa Hotel, Cebu City.

Anijun Mudan-udan
Buwan ng pulang buwan
Dalawang laksang taon at sampu mula nang lumisan ang Dakilang Guro
Mahigit sandaang anihan ng buklas matapos maisip ng ilang tao na mag-imbento ng bansang Pilipinas

Read Full Post »

32. Isang gabi, sa isang lumang bahay, hindi ako makatulog dahil may nagtatakbuhan sa pasilyo sa labas ng aking kuwarto. Ako lang ang naiwan noon dahil nagsiuwian ang iba sa kanikanilang baranggay.

Parang mga bata ang nagtatakbuhan. Parang masayang nagtatakbuhan. At sa tuwing lalabas ako sa kuwarto upang buksan ang ilaw at tingnan iyon, nawawala na lang bigla ang takbuhan. Ngunit pagkapatay ko ng ilaw at pagkahiga, mayroon uling magtatakbuhan.

Kaya nagpasya na lang ako na matulog. At nang magising ako kinabukasan, nalaman kong aabutan din pala ako ng umaga kahit pa anong pagtatatakbo ang gagawin ng kung sino man o anumang klaseng nilalang sila.

33. Kapag nababanggit ang Dalirig, ang naiisip ko agad ay ang bahay nina Jayton R. at ang tindahan nina Ulysses L. Ni hindi agad pumapasok sa isip ko na sa Dalirig ako dumadaan noon upang pumunta sa Kilabong. Maglalakad ako mula Dalirig sa isang tanghaling tapat upang marating ang Kilabong. At ano na nga ba ang dahilan kung bakit ako pumupunta doon?

34. Noon pa man ay mahilig na si Joram T. sa motorsiklo. Kapag nababanggit ang kanyang pangalan, ang pumapasok sa isip ko ay habalhabal ng Sto. Nino. Ang aking natatandaan, madalas sa mga umpukan namin noon ay napagkukwentuhan ang hinggil sa kung anong motorsiklo ang magandang gamitin sa mga lubaklubak na daan.

Siyempre, hindi nawawala sa mga umpukang iyon ang mga kuwentuhan hinggil sa kung sinong magandang babae ng kung saang section. At alam na ng Narzback boys kung sinu-sino ang mga babaeng iyon.

Pero kapag inisip ko ngayon, mas gumuguhit sa alaala ang mga mukha ng mga kaklase na kagaya ng aking anino na nangarap din ng matatayog na pangarap. Iyon ba gang ang mga mukha nila ay parang naroon na nakarating sa malayong hinaharap. At sana nga marami sa kanila ay nakarating sa kung saan mang katayuan ng buhay nila ninais na makarating.

35. Ang Tangkulan sa aking alaala ay isang lagusan patungo sa iba’t ibang daigdig. Doon nagtatagpo ang daang paahon at palusong. Doon nagtatagpo ang daan paatras at pasulong. Sapagkat ang Tangkulan ay isang lumang hangganan kung saan nagtatagpo din sa ngayon ang moderno at lumang panahon.

Ngunit naitala kaya sa alaala ng Tangkulan ang kanyang sariling alaala? Ang mga alaala noong panahong wala pang ni isang pinya ang naitanim sa kanyang kapatagan? Noong panahong umiiral pa ang tangkul at malayang tinutugtog ng kanyang mga mang-aawit?

36. Paano kung hindi pala ako umiiral sa alaala ng Tangkulan? Ano ang magiging saysay ng alaala ko sa Tangkulan kung hindi niya ako naaalala?

37. Hanggang ngayon, ang isang maliit at makulit na bata pa rin si Brian H. sa aking isip. Madalas ko siyang makasakay noon pauwi sa San Miguel.

38. Hindi ko pala matandaan kung may kawayan ba sa Cawayanon. Ang natatandaan ko lang ay lumiliban kami sa klase noon para maglaro ng golf. Aba, sino ba naman ang hindi nangarap noon na maging Tiger Woods gayong may araw na libreng maglaro ng golf ang taga-Cawayanon? At hindi lang yan dahil taga-Cawayanon din si Frankie Minoza na ayon sa mga lokal na alamat ay hindi pumapasok noon para lamang maglaro ng golf. At ayon din sa mga alamat na iyon, lagi siyang nagsasanay sa tamang paraan ng pag-swing ng golf club. At na dahil doon siya’y naging mayaman. Ang mga ganitong kuwento ay katipo rin ng kay Efren Bata Reyes na sinasabing natutulog sa bilyaran noon.

39. Sa Tangkulan ko pala unang napanood si Manny Pacquiao. Hindi pa siya sikat ng mga panahong iyon na napapanood ko siya sa Blow by Blow kung saan laging duguan ang mga Koreanong kanyang nakakasagupa sa ring.

Ayon sa isang bagong kuwento na aking narinig mula sa lokal na gawaan ng alamat, naging kargador pa raw noon si Manny Pacquiao sa palengke ng Puerto. May nagsasabing nakitira siya roon sa isang tiyuhin. Kung gaano katotoo ito o ganoong hindi totoo, isa si Manny sa makapagbigay linaw.

40. Si Chris L. pala na katropa namin noon sa CAT ay pumanaw na ayon sa balitang hindi ko na matandaan kung kailan ko narinig. Kasama siya sa grupo ng mga katropa noon na sineryoso ang pagpasok sa sandatahang lakas ng bansa. Kasabayan yata niya sina Dennis D. at iba pa na mga anak din ng mga sundalo ng 52nd EB.

41. Kung dati ko pang alam na sa Diklum pala lumipad sina MacArthur at Quezon yata papuntang Australia, malamang naging historian ako.

Biruin mo, hindi man lang ito nabanggit sa kasaysayan ng Pilipinas? Sa bagay, ang Tangkulan ay hindi yata bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas gaya rin na ang mga Higaonon hindi kasali sa kasaysayan ng Pilipinas. Marahil ang Tangkulan at mga Higaonon ay hindi rin kasali at hindi rin bahagi ng Pilipinas. Ano sa tingin mo?

42. Isang hiwaga kung bakit naging bahagi ang Tangkulan sa aking alaala gayong hindi ako bahagi sa alaala nito. Hindi ito kagaya sa lyrics ng kanta ni Jose Mari Chan na binago namin noon (I remember the child and the child remembers me).

43. Kung tatanungin ka kung ano ang makikita sa Tangkulan, ano ang sasabihin mo?

44. Sa Tangkulan ko pala nakilala ang katyubong na kilala ng iba sa pangalang talampunay. Kung paanong nakapagbibigay ito ng isang kakaibang pagtingin sa mundo ay isang hiwaga na maipapaliwanag lamang ng mga sinaunang manggagamot/baylan na malamang siyang tunay na nakakaalam sa tamang paggamit nito.

Usap-usapan ito noon ng kalalakihan na nais patunayan ang kahandaang subukan ang mga kung anong kalokohan na naririnig mula rin sa mga lokoloko.

Nga pala, isa sa kakilala namin noon ang nabangga ng bus dahil nang gumamit siya nito, may nakita siyang magandang ibon na hinabol niya nang hinabol. At nang tumawid ang ibon sa kalsada, sinundan niya rin iyon nang hindi alinta ang humahagibis na bus.

Ibig sabihin lamang ng pangyayaring iyon ay hindi mabuting paglaruan ang mga bagay na hindi mo alam ang magiging kalalabasan.

45. Ni hindi ko naisip noon na marami din sa mga kaklase ko ang lalabas ng bansa. Dahil sa panahong nasa Tangkulan ang aking anino, ang saklaw lamang ng pang-unawa ay ang mundo Tangkulan. At hindi man lang sumagi sa isip na ang Tangkulan ay bahagi lamang ng mas malawak na mundo. O sadya bang ang panahon ng kabataan ay panahong ang inaatupag lamang yaong mga bagay na nasa harapan at hindi iyong sa hinaharap.

46. Nga pala, sabi ng aking anino, hindi mo raw ako kilala. Marahil iyon ay dahil walang mukha ang aking anino o di kaya’y dahil hindi naman talaga umiiral ang aking anino. At kung wala pala akong anino, paano ako umiiral?

Halaka! Baka isa lang akong panaginip o baka naman bahagi ako ng isang nawawalang alaala.

Teka, ano ba itong pinagsasabi ko. Saksak sinagol duha ka bagol. Tigmo tigmo agokoy wala pa moabot ang okoy.

47. Naiuugnay ko ang salitang lakbay-diwa kay Gng. Lani U. Pumapasok sa isip ko ang paggugupit ng clippings mula sa Tempo. May guhit pa iyon ng babaeng tila taimtim na nakapikit at nagmumunimuni.

48. Sabi noon ni Ruben S., matamis daw ang ngiti ni Miraflor T. Ang natatandaan ko, kababayan siya nina Harmony B., Rhona Mae A. at Michael A.

Gusto ko palang malaman kung bakit Maluko/Maluku, ang pangalan ng kanilang lugar. Hindi ko alam kung ano ang relasyon nito sa isla ng Maluku/Moluccas na kilala ng mga dayuhan bilang isla ng rekado. Marami rin kayang rekado noon sa Maluko?

Isa nga pala ang Maluko sa mga sinaunang lugar ng aming mga ninuno.

49. Sa Tangkulan ako pumalaot sa mundo ng chess. At magmula noon, naging parang chess ang buhay sa aking pananaw. At alam mo kung anong estratehiya ang aking ginagamit? Ah, hindi mo makikita sa kung anong libro. At ito ang dahilan kung hindi alam ni Virgilio M. kung saan magmumula ang aking atake. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi noon makalkula ni Kirk V. kung ano ang aking plano.

At bakit wala sa libro? Dahil ang buhay ay hindi tumatakbo nang gaya ng sa libro. Ah, ni hindi ko alam ang tawag nila sa kung anong pamamaraan ng opensa at depensa. Ang alam ko lang, ang digmaan ay hindi umiinog sa linyar na proseso.

50. Si Aldrick P. na nasa Dubai ngayon ay bahagi ng kasaysayan ng aking anino. Sapagkat sa isang panahon, ang kanyang pamilya ay nagbigay silong sa basang sisiw na anino ko.

Panahon iyon na nakikipagsalimbayan ako sa mga agila ng Kitanglad.

Sabi ng aking anino, ang ama ni Aldrick P. ay isang mabuting ama. Dumami nawa ang kanyang salinlahi.

51. Magpinsan nga pala kami ni Rogen S. Hindi ko na pala alam kung nasaan siya ngayon. Malamang wala siya sa Sankanan at wala rin sa Ticala dahil ang mga tulad namin ay nakatakda nang lumisan upang maging estranghero sa kung saang bayan.

52. Kung sakaling makasalubong mo ang aking anino isang araw, ikumusta mo ako sa kanya. Matagal ko na ring hindi nakikita ang aking anino. Ang huling balita ko’y nagtuturo siya ng college Math sa mga mag-aaral ng pangunahing pamantasan ng bansang ito. Tingnan mo nga naman ang panahon, parang kailan lang nag-aaral siya ng algebra na itinuturo noon ni Gng. Eva Nilda M.

Magiging mathematician yata ang aking anino sa malapit na hinaharap.

53. Hindi ko maubos maisip kung bakit ako pumayag noon na makigpagsuntukan ang aking anino kay Aries L. na isang mahusay na boksingero. Natatandaan ko noon na halos mahilohilo ang aking anino dahil hindi yata nakakain ng agahan. Mabuti na lamang anino lang siya kaya parang tumatagos lang sa hangin ang malalakas na suntok ni Aries.

54. Kung bakit may alaala ako sa Tangkulan, hindi ko pa rin alam. May alaala bang nabubuo ang isang anino?

55. Habang papatapos ang kapanahunan ng aking anino sa mundo ng Tangkulan, doon niya nalaman na hindi umiinog ang buhay ayon sa ipininta ng mga sinaunang haka hinggil sa inog ng daigdig. At na hindi bilog ang mundo kundi parang itlog. Na ang makakuha ng iskor na itlog ay mayroon ding aral na mas malalim pa kaysa sa usapin ng iskor.

At bakit nga ba kailangang mamilosopiya hinggil sa iskor na itlog gayong iniismiran at pinagtatawanan ito?

56. Tangkulan

Itangkul nu hibayaa su alan nu ha kaglugol
Ta asema na hura nud un lageng hu kag-agala

Hibayaa pamutbuta su kapures daw itangkul
Ta asema na hari kad un mapaliman hu bugta.

57. Walay batasan, anak sa baksan.
Walay pagtahod, anak sa tuhod.

Ano ang ibig sabihin nito?

58. Hindi mabubura ang larawan ng paglalaro ng takyan sa paaralan ng Tangkulan.

59. Madaling malimutan ang anino sapagkat wala itong mukha. Ngunit lahat na nakakasalamuha ng anino ay hindi niya nalilimutan. Kaya kahit silang mga nagpalit na ng mukha ay kilala pa rin ng anino. Kaya kahit silang mga nagpalit na ng pangalan ay kilala pa rin niya. At kahit silang walang alaala sa kanya ay kilala pa rin niya.

Sapagkat ang anino lamang ang totoo sa pag-iral ng tao sa mundo. Ang anino lamang ang walang balatkayo at pagkukunwari. Sapagkat para sa anino, sapat nang maging anino siya.

Kaya sa lahat na nakasalamuha ng anino, lahat kayo’y bahagi ng kanyang alaala. May pangalan man o wala, mayroon man o walang mukha, kayo ay buhay sa alaala ng anino sapagkat hindi nakakalimot ang anino.

60. Ang Tangkulan ay alaala rin ng kagandahan. At maniwala man ang iba o hindi, ang aking anino ay binuhay ng kagandahan. Iyong kagandahan hindi kailangang ipaliwanag o kaya’y ipagsigawan sa kinakapos na mga tela. Iyong kagandahang sapat na sa kanyang sarili.

Kaya salamat sa mga magaganda. Hindi ko tinutukoy iyong ganda na makikita sa tabas at korte ng taba o di kaya’y sa kulay at kinis ng balat. Sapagkat ang gandang tinutukoy ko ay iyong ang nakakakita ay ang anino lamang na siyang tunay na nakauunawa sa tunay na kabuluhan ng pag-iral.

Kaya muli salamat sa magaganda. Kayong magaganda na sapat na sa inyong kagandahan. Maaring isa ka sa nakasalamuha at bumuhay sa aking anino. Maaring isa ka sa magagandang nagbigay-lakas sa aking anino sa gitna ng kanyang panakaw na pag-iral sa liwanag at dilim.

Tangkulan

Batbati a hu lalang ha tagkalakala ta bagangbangan hu wahig
Limbayi a hu nanaw ha hibaya igsaliyaw hu mahubay ha kalamag.

Anijun Mudan-udan
Bahay Kape
Gusaling Katapat ng Simbahan
Bayan ni Liza sa lalawigan ng lawa
Ikapitong araw sa buwan ng kapanganakan ng Nagliliwanag

Read Full Post »