Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Enero, 2011

Ilang Hakahaka sa Naratibo ng Apoy sa Kuwento ng Gamugamo at ni Gat Jose Rizal

gamugamo/lumapit sa apoy/
hindi alintana/kanyang katapusan./
isang hangal/ nagpatag ng bundok/
upang masilayan/ ang sikat ng araw./

Isang hindi tapos na awit ng balagbatbat para kay Dimasalang.

Ayon sa ilang hakahaka, may kaugnayan ang kuwento ng gamugamo sa pagkamartir ni Gat Jose Rizal. Ayon sa mga sabisabi ng iba, ang kuwento ng gamugamong lumapit sa apoy ay isang alegorya sa magiging kapalaran ng bayani bilang isang martir.

Sa pananaw ng iba, tila sadyang ipinaloob ni Rizal ang kanyang buhay sa romantisismo ng pagkamartir na gaya ng sa ginawang paglapit ng gamugamo sa apoy. Na ibig sabihin, sadyang inilagay ni Rizal o di kaya’y hinayaan ang kanyang sarili na malagay sa bingit ng kapahamakan. Isa sa pinaninindigan nila ang pagtanggi ni Rizal sa alok ni Gat Andres Bonifacio na siya’y itakas mula sa Dapitan at sa panukala ng iba pa niyang kaibigan na tumakas sa Dapitan. Kung susuriin nga’y marami sanang pagkakataon na maaari siyang makatakas sa Dapitan at makapangibang-bayan kung saan may mga kaibigan at kakilala na handang sumaklolo sa kanya.

Kung gayon, niromansa nga kaya ni Rizal ang kanyang pagkamartir? O di kaya naman, ayon sa haka ng iba, na hinayaan niyang siya’y maging martir upang “magalit” ang mga mamamayan ng Las Is las Filipinas at magkaisa laban sa Espanya?

May duda akong masyado nang malayo kung oo ang sagot sa huling tanong. Sapagkat malinaw sa mga naiwang liham ni Rizal na naninindigan siya laban sa armadong pag-aaklas laban sa Espanya dahil para sa kanya’y kahangalan iyon sapagkat hindi handa ang sambayanan para sa ganoong pagkilos. Para sa kanya, ang edukasyon ang magiging daan tungo sa minimithing kalayaan.

Ngunit sa usapin ng kanyang pagkamartir, ang haka ko’y hindi iyon usapin ng romantisismo. Malinaw na pragmatiko ang kanyang dahilan kung bakit walang takot na hinarap niya ang napipintong pagkamartir alang-alang sa mga taong minamahal niya na sadyang idinamay ng asal-hayop na mga Katsilang nag-iilusyon na magiging kolonya nila ang bansang ito magpakailan man.

At higit pa sa pagiging pragmatiko, may hinuha akong ang pananaw ni Rizal sa daigdig ay hindi kagaya nang sa karaniwang tao. Mababanaag ito sa sagutan ng liham nila ng prayleng Heswita na si Pablo Pastells. Sa sagutan nila ng liham, ipinaliwanag ni Rizal ang kanyang pananaw sa daigdig lalo na sa mga usaping may kaugnayan sa pananampalataya. At mahihinuha sa kanyang mga pahayag ang isang uri ng “kaliwanagan” sa kanyang pagtingin sa buhay materyal. At ang puntong ito ang isa sa mga hindi matanggap noon ng mga prayle sapagkat heretikal ang kanyang mga pananaw at kung gayon ay magdadala ng panganib sa dogmatikong mga aral ng simbahan.

Kung para sa karaniwang haka ang paglapit ng gamugamo sa apoy ay pagpapatiwakal, ito ay dahil sa materyalistang pagtingin sa ating pag-iral sa daigdig. Ngunit sa mga taong naakit sa liwanag, maaaring may iba itong kahulugan. Kung kaya, nararapat din na tingnan natin ang ibang mukha ng kuwento ng gamugamo at ni Rizal.

Kung susuriin natin, ang kuwento ng gamugamo ay nangyari isang gabi. Na ibig sabihin madilim ang paligid. At sa kaso ni Rizal, ang kuwento ng kanyang buhay ay nangyari sa madilim na “gabi” ng ating kasaysayan.

Sa ganitong konteksto, lohikal lamang na pareho silang maaakit sa liwanag. Sapagkat sa gitna ng dilim, ang liwanag ay naghahatid ng pag-asa. Na ibig sabihin, ang paglapit nila sa liwanag ay hindi usapin ng tahasang paglapit sa panganib sapagkat hindi nila nakita iyon bilang panganib.

Maaaring ang maging haka ng iba’y maghahapag ng konteksto na “hindi alam ng gamugamo at ni Rizal na ang paglapit sa liwanag ay paglapit din sa apoy”. At na “ang paglapit sa apoy ay mapanganib”. At kung magkagayon, magmumukhang walang alam ang gamugamo at si Rizal sa panganib ng apoy.

Subalit dapat ding bigyang-pansin na kung ang apoy ay mapanganib sa materyalistang pananaw, taliwas dito ang pananaw ispiritwal hinggil sa apoy. Sapagkat ang apoy ay sagisag ng bukal ng buhay at pagbabanyuhay tungo sa mas mataas na anyo ng isang buhay. Kung kaya nga sa halos lahat na pananampalataya, laging naroroon ang apoy sa iba’t ibang anyo at sagisag nito.

Kung kaya mula rito, maaaring tingnan na ang paglapit ng gamugamo at ni Rizal sa liwanag at sa apoy ay isang karaniwang pangyayari lamang para sa kanila. Kung kaya ang pisikal na kamatayan na kinatatakutan ng marami ay hinarap nila nang walang bahid ng takot. Matatandaan na kahit sa puntong babarilin na si Rizal, kalmado pa rin ang tibok ng kanyang puso ayon sa doktor na sumuri sa kanyang pulso.

Kaya may hinuha ako na para kay Rizal, ang kamatayang kinatatakutan ng marami ay pisikal na proseso lamang sapagkat ang totoong tao ay ispiritwal at hindi naman namamatay. Kung ikokonsidera na pinag-aralan ni Rizal ang Zend-avesta (sinubukan pa nga niyang isalin), hindi malayong ang kaliwanagan na kanyang naabot ang dahilan kung bakit hindi niya kinatakutan ang pisikal na kamatayan.

Kaya ang paglapit ng gamugamo sa liwanag/apoy ay isang pagtatangka kung gayon na makabalik sa pinanggagalingan ng buhay. Sa parehong konteksto, pumaroon lamang si Rizal sa bukal ng buhay kung saan ayon sa kanya “Voy donde no hay esclavos, verdugos ni opresores,/Donde la fe no mata, donde el que reina es Dios” (kung saan walang alipin, walang berdugo at mapang-api,/kung saan hindi ka papaslangin dahil sa paniniwala, kung saan ang Diyos ang totoong naghahari).

Ang pagkakahawig ng buhay ng gamugamo at ni Rizal kung gayon ay hindi sa konteksto ng pagkamartir. Sapagkat malabo namang magpapakamartir ang isang gamugamo. At sa puntong ito, nais kung halawin ang isang awit sa isang ritwal sa Pista ng Apoy na ipinakita sa pelikulang The Hidden Fortress ni Akira Kurosawa. Ganito ang aking salin sa awit:

Ang buhay ng tao
Sunugin sa apoy
Ang buhay ng insekto
Itapon sa apoy
Magnilay at makikita mong
Ang mundo’y madilim
At ang lumulutang na daigdig ay isang panaginip
sunugin mo nang walang pag-aalinlangan.

Palagay ko’y nabura ang lahat na pag-aalinlangan ni Basilio sa Noli Mi Tangere nang magliyab na ang apoy na tumupok sa bangkay ng ina niyang si Sisa at sa katawan ng lalaking hindi niya kilala. Ang lalaking iyon din (na malamang ay si Elias) ang siyang nag-utos sa kanya na gawin ang pagsunog sa kanilang mga bangkay.

Ay, marami pa nga tayong hindi alam hinggil sa apoy at pagsasaapoy. Nawa’y maging bahagi ito ng muling pagtuklas sa naratibo ng hiwaga ng dakilang apoy.

Su laus ha batbat hu hapoy
Na iyan kapuun hu bubuhay.

Anijun Mudan-udan
Limang Kabilugan bago ang pamumukadkad ng mga Naga ng Ilog Manlulubog
Bayan ng mga Paliguan sa lalawigan ng Malaking Lawa

Advertisements

Read Full Post »