Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Hulyo, 2011

Ang Lihim ng Apoy

Ang Lihim ng Apoy

Dalawampu’t limang taon na ang nakalilipas mula nang matuklasan ko ang lihim ng apoy. At ngayong nagsisimula nang magsulputan sa aking ulo ang iilang buhok na kasingkulay ng mga hibla ng abaka, muling nananariwa ang lihim na iyon. Marahil sa loob ng mga nagdaang pamumukadkad ng mga naga sa Ilog Manlulubog, tahimik na nagpatuloy ang pagbabaga ng lihim na iyon.

At ano nga ba ang lihim ng apoy?

Ah, hindi pa nalilikha sa mundong ito ang dila na maaaring magsiwalat sa lihim ng apoy. Sapagkat ang lihim na iyon ay hindi maaaring bigkasin ng dila ng mga kagaya kong matagal nang nababad ang dila sa mga wikang nilisan na ng kadalisayan. Sapagkat ang bagay na dalisay ay hindi maaaring isalarawan ng mga salitang matagal nang nilisan ng kanikanilang kaluluwa.

Malamang kapagka nababanggit ang apoy, mararamdaman ng karamihan ang pagdampi ng init sa kanilang alaala. Sapagkat sa loob ng mahabang panahon ng pag-iral ng tao sa mundong ibabaw, madalas ay hindi niya pinagninilayan ang totoong kahulugan ng apoy. At malamang para sa karamihan, ang apoy ay isang bagay na umiiral upang gamitin ng tao. Ang hindi nauunawaan ng karamihan, ang apoy ay apoy na kahit pa noong hindi pa umiiral ang nilalang na sa kalauna’y makikilala ng sanlibutan bilang tao.

Ah, ang apoy ay umiiral sa lahat nang panahong namamagitan sa dalawang dakilang tumanud na sumusubaybay sa pag-iral at pagkahigop muli ng mundo tungo sa walang panahong pag-iral sa loob ng tiyan ng dambuhalang salimbawon na muli’t muling magigising at makakatulog habang hindi pa nagaganap ang lahat na nakasulat na sa mga bituin.

Sadyang wala pang salita sa mundong ito ang maaaring magsalarawan sa totoong mukha ng apoy. Ito ay maliban pa sa katotohanang iilan lamang silang nabuhay pa nang masilayan ang totoong mukha ng apoy. Sapagkat ang makita nang mata sa mata ang mga nilalang na hindi dapat masilayan ay nangangahulugan lamang na magwawakas na ang pag-iral ng mortal na makakaranas noon.

Subalit may salaysay hinggil sa isang mortal na nabuhay matapos makaharap ang apoy nang mata sa mata. At mula sa kanyang salinlahi nagpasalinsalin ang isang alamat na hanggang ngayon ay isinasalaysay pa ng isa sa isinanga ng kanyang naging salinlahi. Ang salaysay na iyon sa ngayon ay isa nang alamat.

Ah, mukhang nalalapit na ang panahong muling matutuklasan ang mga lihim na iniingatan sa loob ng isang alamat. Sapagkat isinilang na siya, siya na nagdadala ng mga alaala ng salaysay hinggil sa Alamat ng Baylan. Ngunit mayroon kayang makikinig sa kanya ngayong ang mga bagay na dalisay ay itinuturing na kabaliwan nilang mga may taingang pinuno na ng tutuli ng materyalismo? Ngayong panahong ang pinahahalagahan ng mga nagpapakapantas ay higpitan ang pagkakagapos ng tao sa katawang-lupa na itinuturing nilang siya nang sukdulan ng lahat sa pag-iral ng tao?

Mapalad silang tahimik ang puso at panatag ang isip sapagkat mauunawaan nila na ang kinakausap ko’y hindi ang hungkag na sisidlan kundi ang tilamsik ng liwanag.

Diya ta Nalandangan,
tagkaganding su dalan.
Siran hag paliliman,
hingan-an gahinaw-an.

Hindu agkapuun su wahig daw hindu daan ag-uli? Hindu agkapuun su bugta daw hindu daan agpaynaen? Imba agkalaaslaasan su batu ha hari kandin tagdaes?

Na aman labi su mga laas su anay na amin dan insaan. Ta hari mabaloy ku sikit na hari tag katun-an ku hindu su kanit ha piggalasan agpakauma.

Anijun Mudan-udan
Apat na gabi matapos ang gabi nilang mga sinauna’t nilimot na,
Habang patuloy na tinatambol sa kalawakan ang sinaunang agung ng dakilang tumanud at umiindak sa saut ang tagapagmana ng galang daw bis-ay, balaw daw kalasag na muling natuklasan sa dakilang ilian na nilikha pa ng mga sinaunang tagapagtatag

Advertisements

Read Full Post »