Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Setyembre, 2011

Mga Hakahaka Hinggil sa Pag-asa

Sa nakalipas na tatlong dekada, may tatlong bagay na nangyari sa aking buhay na masasabi kong may malaking halaga para sa akin. Una, naging manunulat ako. Pangalawa, nagkaasawa ako at nagkaroon ng dalawang anak. At ang pangatlo, natuto akong kumilala sa tinig ng pag-asa sa gitna ng di-magkamayaw na mga awit ng kawalang pag-asa.

Sa tatlong bagay o pangyayaring ito, pinakamahalaga para sa akin ang ikatlo. Sapagkat sa aking payak na hakahaka, ang pag-asa lamang ang tanging bagay na maaaring makapagliligtas sa akin bilang tao mula sa dilim ng kawalang pag-asa na naghahari ngayon sa mundo. At bakit ko nga ba nasasabi na ang kawalang pag-asa ang nakapangingibabaw ngayon sa ating mundo?

Madali lamang itong mapag-alaman kung mahilig kang magbasa ng mga balita, mga aklat at iba pang mga babasahin na namamayagpag ngayon. O kaya naman kung mahilig kang manood ng telebisyon. O kung mahilig kang manood ng mga pelikula. Idagdag na rin kung mahilig kang magbasa ng mga akdang pampanitikan. At kung mahilig kang gumalagala sa iba’t ibang sulok ng kalunsuran. Gayundin kung gumagalagala ka sa iba’t ibang lupalop ng malalayong lalawigan.
At ano nga ba ang mayroon sa mga sinabi ko sa unahan? Ay, sa mga binanggit ko, kapansinpansin na magpapaligsahan ang paglutang ng mga bagay na kagaya ng krimen, malalaswang panoorin, mga kuwento ng pagtitiis at kabiguan, mga kuwento ng poot at paghihiganti, mga kuwento ng kaganiran at kasakiman, mga pangarap ng pagyaman, at iba pang mga bagay na naghahatid ng malakas na agos sa lalim ng buntung-hininga.

Alam natin na halos araw-araw ay mababasa natin sa mga dyaryo ang mga balita hinggil sa iba’t ibang krimen, maliliit man o malalaki. Mula sa mga palabas sa telebisyon at sine, mababanaag ang patuloy na pagkabulok ng moralidad sa ating lipunan. Kung kaya hindi na nga tayo nagugulat kapag naririnig o kaya nababasa ang mga balita hinggil sa milyones (bilyones pa nga) na pangungurakot ng ilang (sana nga iilan lang) opisyal ng pamahalaan. At marahil hindi na rin tayo magugulat kung sa paggising natin isang araw mababalitaan natin na wala nang natitira sa kabang-yaman ng ating bayan. Napakalungkot na isipin.

Kung uugatin natin ang puno’t dulo ng mga bagay na ito, maiintindihan natin na ito ay dulot ng paglisan ng pag-asa sa puso ng mga tao. At bakit nga ba nagkaganito ang mga bagay? Bakit patuloy na mailap sa atin ang pag-asa?

Ay, marami ang mga dahilan. At maaaring magkakaiba ang makikita nating mga dahilan sapagkat sa malamang, magkakaiba rin ang ating pagtingin sa mga bagay na ito. Alam kong bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang pagpapalagay sa mga usaping ito. Subalit hayaan ninyo akong isalaysay ang aking mga pananaw hinggil sa kalagayan ngayon ng ating lipunan. Ako ay naniniwala na hindi lamang sa ating bansa nangyayari ang mga ganito kundi pati na rin sa lahat na lupalop ng mundo kung saan naglalakad ang tao.

Noong una akong mamulat sa mga realidad ng mundo, napag-alaman ko na ang mga tao ay karaniwang nahahati sa dalawang uri. Ang mga uring ito ay ang mga magtitinda at ang mga mamimili. Kung kaya sa pagsilang ng isang tao, dalawa lamang ang maaari niyang patutunguhan – ang maging mamimili o kaya’y maging magtitinda. Ngunit habang ako’y tumatanda, napagtanto ko na ang lahat na tao pala ay kapwa nagbebenta at namimili. Walang tao na nagtitinda lamang at hindi bumibili, at wala ring tao na bumibili lamang at hindi nagtitinda. Sapagkat lahat tayo ay sadyang bibili at lahat tayo ay sadyang magtitinda rin upang mabuhay dito sa mundong ibabaw.

At papaanong magiging magtitinda ang mga karaniwang taong kagaya ko na walang bagay na maipagbibili? Ay, walang tao na walang maipagbibili. Sapagkat ang mga karaniwang tao na kagaya ko, silang walang minanang mga kayamanan, ay tatlo lamang ang maaaring patutunguhan. Una, magbenta ng talino at lakas-paggawa. Pangalawa, magbenta ng katawan at dangal. At pangatlo, magbenta ng kaluluwa.
Sa kabilang banda, silang mga mayayaman at/o may minanang kayamanan, sa maraming pagkakataon ay siyang mga bumibili ng talino at lakas-paggawa, katawan at dangal, at umuupa/bumibili sa kaluluwa ng mga kapuspalad. Ngunit katulad din ng mga mahihirap, mayroon din sa kanilang hanay na nagbebenta ng dangal at kaluluwa.
At sa panahon natin ngayon, kahit mula lamang sa mga dyaryo, mahihinuha natin na dumarami silang mga nagbebenta ng kaluluwa, mahirap man o mayaman.

Ang pagbebenta ng tao ng kanyang kaluluwa ay isang malaking palatandaan na siya’y nawalan na ng pag-asa. Ang kawalang pag-asang ito ang batayan ng pagiging marahas, pagiging malupit, pamemerwisyo sa ibang tao at pagpapatiwakal. Sa malamang ang kawalang pag-asa ang nagtulak sa isang dating pulis upang gawing hostage ang mga turistang taga-Hongkong at alam natin ang malagim na kinahinatnan. Ang kawalang pag-asa din ang malamang kumalabit ng gatilyo nang magpatiwakal ang isang dating heneral dahil nadawit ang pangalan niya sa malalaking katiwalian.

Itong kawalang pag-asa din ang mukha ng mga bida sa iba’t ibang palabas sa telebisyon na madalas nag-iiyakan lamang sa harap ng mga suliranin. Ang kawalang pag-asa rin ang mukha ng mga walang pitagang mga host ng ilang palabas sa telebisyon na nang-uuto at ginagawang katatawanan ang kapwa tao upang lalong maikalat ang kanilang kabulastugan. Ang parehong kawalang pag-asa rin ang mukha ng mga kontrabida na sadyang mapaniil sapagkat ang kawalang pag-asa ang ugat ng kawalang konsiderasyon sa damdamin at buhay ng iba. Ang kawalang pag-asa pa ring ito ang dahilan ng iba’t ibang krimen na madali lamang sabihin ng mga kriminal bilang resulta ng kanilang kahirapan.

Ang kawalang pag-asa din ang dahilan kung bakit patuloy na sinisira ng tao ang kanyang kalikasan sa ngalan ng kuno ay pag-unlad. Sapagkat papaanong maatim ng tao na sirain ang kanyang tahanan, kung siya’y hindi nawalan ng pag-asa?

At bakit nga ba marami ang nawalan/nawawalan ng pag-asa? Madalas nating marinig na isang pangunahing dahilan ang kahirapang pinansyal. Nagnakaw daw dahil sa kahirapan. Nangholdap daw at/o pumatay dahil sa kahirapan. Nagpatiwakal daw dahil sa kahirapan. At paano silang mga nangungurakot? A, malamang ang dahilan nila’y ang kanilang takot sa kahirapan. At papaano ang pagsira ng tao sa kalikasan? A, malamang ang sasabihin ng tao ay dahil nais niyang “umunlad” upang solusyunan ang kanyang kahirapan.

Ngunit kung pagmumunihan natin ang mga bagay na ito, mapapag-alaman natin na ang sinasabing kahirapan ay hindi pala kahirapang pinansyal. Sapagkat tiyak matutuklasan natin na ang kahirapan sa moralidad ang malalim na ugat ng mga bagay na ito. Sapagkat sa panahon natin ngayon, ang krimen ay nagiging masama lamang kapagka nahuhuli. Ngunit kahit pa nga ang mga nahuhuli sa akto na gumagawa ng krimen ay magsasabi pa na hindi sila gumawa ng masama dahil marami naman silang gumagawa nito.

Kung kaya sadyang nagkakagulo ang takbo ng ating panahon. At sa gitna ng kaguluhang ito, lalong lumalaganap ang kawalang pag-asa.

Ang masaklap pa nito, habang ganito ang takbo ng mga pangyayari, marami naman ang sakay sa panahon. Nauuna na dito ang iba’t ibang uri ng magtitinda lalo na ngayong hindi na lamang mga bagay na nakikita ang maaaring ipagbili. Maaari na ring ipagbili ang mga bagay na hindi nakikita. At napag-alaman pa ng mga tusong negosyante na mas malaki pala ang tinutubo sa ganoong mga kalakal.

Oo, kahit ang mga bagay na hindi nakikita ay ipinagbibili na sa ngayon. At ang mga bagay na nakikita ay nagiging pasobra na lamang sa mga kalakal na hindi nakikita. Napag-alaman ng tusong mga negosyante na magandang negosyo pala ang mga bagay na gaya ng takot, pangamba, kahibangan, kaganiran, kasakiman, ilusyon at higit sa lahat – pag-asa.

Sa ngayon, ang takot at pangamba ay isa na sa pinakamalalaking negosyo sa buong mundo. Nang matuklasan ng ilang negosyante na malaki ang tubo sa negosyong ito, sadyang ipinagbenta nila ito sa buong mundo. Sa pagbebenta nila ng takot at pangamba, naging mabenta ang pekeng seguridad at proteksiyon. Ito ang ugat kung bakit mabenta ang mga sandata at kagamitang pandigma.At walang kamalaymalay ang karamihan sa atin na ang mga digmaan ay dinisenyo rin nilang mga nagbebenta ng sandata at kagamitang pandigma. Ang mga negosyanteng ito ang pangunahing nagbebenta ng takot at pangamba sa buong mundo.

May mga negosyante rin na ang kalakal ay kaganiran na nagbabalatkayo bilang magandang pamumuhay at kaalwanan. Mayroon ding mangangalakal na nagtitinda ng libog at kamunduhan na nagbabalatkayo bilang lakas, lakas ng tuhod at walang humpay na kasiyahan. May nagtitinda rin ng ilusyon na nagbabalatkayo bilang class, magandang tindig o kaya’y magandang itsura. Kahit nga ang bulok at dekadenteng pamumuhay ay ipinagbebenta sa ngalan ng pagiging popular, makauso at iba pang pampataas ng ihi.

Sa mga nabanggit sa unahan, makikita natin na ang lahat na ito ay mga bagay na makamundo at sadyang salat sa mga bagay na espiritwal. At ang kahirapang ito sa espirituwalidad ang bagay na lumalagot sa huling hibla ng pag-asa.

Subalit hindi dito nagtatapos ang kasamaan ng tao. Sapagkat kung noon ang sinasabi ng mga propeta’y umabot hanggang langit ang kasamaan ng tao, siguro sa ngayon ay lumampas na sa bubong ng langit. Sapagkat sa panahon natin ngayon marami na rin ang nagtitinda ng pekeng pag-asa. At marami ang balatkayo ng mga negosyong ito. Madalas nakikilala natin sila bilang mga networking na negosyo, non-government organizations, kooperatiba, organisasyon sa pagkawang-gawa, at mga organisasyong relihiyoso. Sapagkat bakit sa paglipas ng maraming taon ng sinasabi nilang pagsisikap tungo sa pagbabago, bakit lalong lumalala ang kawalang pag-asa sa ating lipunan? Saan napunta ang sinasabi nilang pag-asa na kanilang ipinamamarali?

Marahil sapagkat ang karamihan sa kanila ay mga negosyo na ang pangunahing layunin sa katotohanan ay ang magkaroon ng ganansya. Dahil sa paglaganap ng kawalang pag-asa, alam nilang magiging mabenta kahit ang pekeng pag-asa na kanilang itinitinda. Malamang ito ang dahilan kung bakit marami ang nabibiktima ng mga pyramiding scheme, networking scam, at iba pang uri ng panggagantso. Marami rin ang nalilinlang sa pagpapamiyembro sa mga organisasyong madalas ay lumalaki lamang ang tiyan ng mga matataas na opisyal sa pangungulimbat ng pondo. At ngayon, maraming tao ang pumapayag na kahit sa mga buwayang pautang na lalong nagsasadlak sa kanila sa kahirapan.

At ngayong ang mga mangangalakal ng takot at pangamba ay nagpasiklab na naman ng mga digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo, halos sakalin na tayo araw-araw sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na tumatagos hanggang sa mga pangunahing bilihin.

Sadyang hindi biro ang mabuhay sa ating panahon ngayon. At ito nga ang dahilan kung bakit marami rin ang naghahanap ng kanilang Diyos. At sa mga naghahanap na ito ay marami ang nalilinlang ng mga nagbebenta ng pekeng pag-asa na nagbabalatkayo bilang mga relihiyon. Mga relihiyong namamarali ng mga doktrinang nagmula daw sa banal na espiritu. Subalit kung ating susuriin ang kanilang mga doktrina at praktika, makikita na ang mga iyon ay salat sa espirituwalidad bagkus ay lantarang materyalismo na nagbabalatkayo lamang bilang espiritwal. Dahil alam nilang ang taong nawawalan na ng pag-asa ay naghahanap ng Diyos, sinasamantala nila ito para kumita. Sa kanilang mga aral at praktika makikita na ang pakikipag-ugnayan sa Diyos ay upang impluwensiyahan ang galaw ng Panginoon. Magsisimba upang magkaroon ng biyaya. Magsisimba upang hindi datnan ng malas. Magsisimba upang maging maswerte. Magsisimba upang manalo sa lotto. Magsisimba upang humingi nang humingi sa Panginoon niya. Magsisimba upang utusan ang Diyos na gawin ito at gawin iyon. Hindi ba ang mga ganitong bagay ay lantarang palatandaan ng materyalismo?

A, marahil hindi alam ng karamihan na ang pagnegosyo sa kaluluwa ng tao ang isa sa pinakamalalaking negosyo sa sanlibutan. Sapagkat kung kukuwentahan man ang halaga ng kaluluwa, tiyak mas malaki pa ang halaga nito kaysa sa ginto. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit mga milyonaryo (bilyonaryo pa nga) ang ilang kilalang taong nagpapasikat bilang mga “sugo ng Diyos”.

Kung ating susumahin, maaaring sabihin kung gayon na ang kasamaan ng tao ay bunga ng kanyang kawalang pag-asa. Ang kawalang pag-asa ang nagtutulak sa kanya upang gumawa ng mga bagay na ni hindi kayang kainin ng aso. Sa kawalang pag-asa, may mga taong nagiging sakim at malupit. Sa kawalan ng pag-asa may mga taong nananabla at nagpapatiwakal. Sa kawalang pag-asa may mga taong nagiging mapanlinlang at mapang-api. Sa kawalang pag-asa may mga taong hindi na natatakot sa batas ng karma. Kaya sa kawalang pag-asang ito sumusulpot ang mga mamamatay-tao, manggagahasa, diktador, pasista, durugista, puta, manggagantso, holdaper, kidnaper, kurakot, at mga katulad pang uri ng tao.

At ano ang dahilan kung bakit maraming tao ang nawalan/nawawalan ng pag-asa?

Katulad nang nabanggit ko na sa simula, maaaring magkaiba ang pananaw natin tungkol dito. Ngunit sa ganang akin, mauugat ito sa kawalang kasiguruhan ng tao sa kanyang bukas dahil sa kanyang nag-uumapaw na materyalismo. Sapagkat maraming tao ang naniniwala na dito sa mundong ito magtatapos ang lahat. Sapagkat karamihan sa mga tao ay naniniwala na ang kamatayan na ang sukdulan ng lahat. Sapagkat maraming tao ang naniniwala na ang kanilang katawang-lupa na mismo ang kanilang totoong sarili. Sapagkat karamihan sa mga tao ay nalimutan na ang mga aral noon ng ating mga ninuno na ang katawan ay katulad lamang ng bahay na kapagka nilisan na ng may-ari ay mabubulok at magigiba.

Ay, ang paniniwala ng karamihan ay nakabatay sa buhangin ng materyalismo. At dahil ang mga bagay na materyal ay tutungo sa pagkabulok, dito nagmumula ang kawalang kasiguruhan ng tao na siyang batayan ng kanyang kawalang pag-asa. Kung kaya nagpapaligsahan ang karamihan sa pagpupundar ng yaman sa mabuti man o masamang pamamaraan. Ito ay habang maraming tao ang namamatay sa gutom. Nagsisipagpalakihan ng mga bahay ang mga mayayaman habang maraming tao ang ni walang bubong na nasisilungan. Nagyayabangan ang mga naghahari sa pagwawaldas ng kanilang salapi habang maraming tao ang nangangalkal ng basura baka sakaling makakita ng pagkaing kaya nilang lunukin.

Ay, malinaw na iilan lamang sa ngayon ang may paniniwalang nakabatay sa matatag na bato ng pag-asa. Sapagkat sa panahon natin ngayon, alam natin na pambihira na ang mga taong sumusunod sa apat na dakilang utos, sa apat na lumang utos, sa aapat na nga lamang na kautusan. Apat lamang sana ang mga utos na iyon: pakainin ang nagugutom, painumin ang nauuhaw, damitan ang walang damit at ilibing ang patay.

Ang paglaganap ng kawalang pag-asa ang dahilan kung bakit dumating ang mga pagkakataon na ipinamigay nang libre ang pag-asa. Ang pag-asa na dinala sa sangkatauhan ng mga dakilang pangalan sa ating kasaysayan. Sapagkat sino ba sa atin ang hindi nakarinig ng ni isa sa mga pangalang Zoroaster, Buddha at Jesus? Ngunit ilan kaya ang nakinig sa kanila? Ilan kaya ang nakaunawa sa kanilang mga parabula? Nakalulungkot isipin na sa panahong ito, kahit ang mga pangalan ng mga Dakilang Guro ng sangkatauhan ay isinama na rin sa pagbebenta ng mga mangangalakal ng kaluluwa. At sa gitna ng kaguluhang ito sa mundo, mahihinuha na iilang tao lamang ang nagmumunimuni sa dahilan kung bakit naririto sila sa mundo. At lalong iilan lamang sila na nakakaalam kung ano ang buhay matapos ang kamatayan ng materyal na katawan ng tao.

Ngunit sa kalagayan ngayon ng tao, kailangan niya itong harapin. At paano na nga kaya kung totoong magugunaw na ang mundo sa taong 2012?
A, ang pagwakas sa kawalang kasiguruhan ng tao ay mangyayari lamang kung tatanggapin niya sa sarili na ang totoong siya ay hindi materyal kundi espiritwal. At dahil sa pangunahin siya’y espiritwal na nilalang, nararapat niyang alamin kung saan patungo ang paglalakbay ng kanyang espiritu na pansamantalang mamamayan lamang sa lupang ito. At naniniwala ako, na ito ang magiging batayan ng pag-asa kung saan tatayo ang haligi ng kanyang pananampalataya.

Sa bahagi ko, nagsisimula pa lamang akong matuto sa pagkilala sa tinig ng pag-asa. At natutunan ko lamang ito sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa mga paniniwala ng aking mga ninunong namuhay noon sa isla ng Mindanao. Sa aking pag-aaral, nalaman ko na ako bilang tao ay may pitong kaluluwa at isang espiritu. At ang espiritu ang siyang tunay na tao na nananahan sa aking katawan. Napag-aralan ko rin na hindi sa lupa ang sukdulan ng lahat sapagkat ang mundong ito ay yugto lamang ng nagpapatuloy na pagsulong ng tao tungo sa kaganapan ng kanyang espiritwal na pagkanilalang.

Sa pamamagitan ng mga lumang aral, naunawaan ko na ang pag-asa ay isang bagay na espiritwal. Sapagkat ang pag-asa ang batayan ng pananampalataya. At ang pananampalataya ay dapat hindi bulag na pagsunod sa kung anumang doktrina/ideolohiyang ipinamamarali ninuman. Sapagkat ang pananampalataya ay dapat nakapagmumulat sa mga matang nakapikit. Naunawaan ko rin na ang pag-asa ay hindi isang bagay na pasibo. Ang pag-asa ay bagay na aktibo. Na ibig sabihin, ang pag-asa ay may kakambal na pagkilos. Sapagkat ang pag-asa ay nagpapahiwatig na mayroon pang magagawa upang mapabuti ang ating kalagayan. Kung gayon, ang pag-asa ay hindi nangangahulugang maghihintay na lamang tayo kung ano ang mangyayari.

Marahil itong aking mga hakahaka ay wala pa sa kalingkingan sa totoong kahulugan ng pag-asa at kung paano ito makakamtan. Subalit naniniwala ako na sa pamamagitan ng ganitong mga pagmumunimuni, hindi magtatagal, makikita ko rin ang buong mukha ng matatag na bato ng pag-asa. Pag-asang magiging matibay na lunsaran ng pananampalataya sa mga bagay na darating pa sa buhay mang ito o sa susunod pa.

Anijun Mudan-udan
Sa Kalawakan ng isip ng Dakilang Balagbatbat

Read Full Post »

Makalipas ang Tatlong Dekada – 3

Ikatlong Bahagi

1. Ang maging mahusay na bagani sa kahit anumang larangan ang pangarap ng isang batang lumaki sa nanangen ng matatagumpay na mga pangayaw. Sa ganoong balangkas nahuhubog ang kanyang isip habang lumilipas ang bawat panahon ng pamumukadkad ng mga naga.

Mambung gabi su anay ta amin pa bayekbekan ha mga alima. Kan-u gaid lumiko haena? Es na, gahinawa ko da ngaay ha maaha ko pa su kagsautsaut hu mga bukalag hi Agyu.

2. Ang maging mahusay na datu o bae sa lahat ng panahon ang mithiin ng isang batang lumaki sa batbat ng magampong na mga talugang tumutugon sa pangangailangan ng lahat na mga sakop. Yaong mga talugang iyon ay hindi kaiba sa talugan ni Agyu kung saan ang lahat ay may handog sa bawat usang nahuhuli sa pangangaso at gayundin sa bawat balayan ng pulot na nakukuha sa gubat.

Su kagdatu hu mga laus ha bukalag hi Buuy Agyu na iyan haena su kagdatu ha su kandin ha lagud na iyan su kauhangi hu alan ha mga sakop. Bul-og haena su kagdatu ha iyan din da tagbubuhaten su kabusyari hu kandin ha getek, na iyan un haena kagdatu ha dinumagat.

3. Ang maging pantas na baylan o bae sa saanmang mundo ng pag-iral ang pangarap ng isang batang lumaki sa gugud ng managulambong na kapangyarihang nililinang tungo sa pagiging ganap na tao ng bawat tao. Iyon ang pilosopiya ng pagkabaylan na siyang gumiya kay Mungan upang igiya ang kanyang lipi sa lugar kung saan sila iniligto ng ginintuang salimbal upang tumungo sa inugtuhan kung saan hindi na nangangailangan ng materyal na pagkain ang tao.

At kailan kaya mauunawaan ang ganitong pilosopiya ng mga nagkukunwaring pantas sa ating kapanahunan na walang ibang nakikita kundi ang umano’y pantastikong imahinasyon ng aking mga ninuno?

Bul-og su untol ha baylan na kena iyan haena su aman tagbabaylan ta amin duun igdawag. Bul-og su laus ha baylan na kena iyan haena su iyan da madakel hu batbat din su kag-iikagi hu mga maal un ta hura din hanaw ku inu su kagbaylan.

4. Ang pangarap ng isang murang isipan ay sadyang nahuhubog ng kapaligirang kanyang nakagisnan. At ito ang karaniwang daloy ng buhay sa isang karaniwang balangkas ng pag-iral. Subalit may mga pagkakataong wala sa ganitong konteksto ang agos ng tadahana. Sapagkat sa mundong ito ay may dumarating mula sa mga bituin. At sila yaong mga hindi nakakahon sa karaniwang daloy ng buhay. At marami nang pangyayari sa kasaysayan ng tao ang naglalahad ng ganito. Sapagkat kung walang ganito, hindi sana natin narinig ang mga salaysay hinggil kay Siddharta Gautama, kay Zoroaster, kay Jesus ng Nazareth, at iba pa na nagdala ng mga dakilang aral sa sangkatauhan.

Bul-og su mga bituen na hura makaugsak ta inugtuhan ta daw ba da makagdayandayan duun. Ta duun taena ha mga bituen na intunda su kagkapangayogkayog hu alan dini ta bugta.

5. Ang salaysay ng bawat pag-iral ay salaysay ng paglalakbay patungo sa pagiging ganap ng isang nilalang. Hanggang hindi ito nauunawaan ng tao, ang kanyang pag-iral ay mababalaho sa materyalismo ng kanyang puso na ginagatungan ng kanyang mga pandamang pisikal. Sadyang mahirap ngang proseso ang paggawa ng ginto mula sa tingga.

Bul-og su natun-an ta ha iyan laus dini ta bugta, na kena iyan laus. Bul-og su abi tad iyan un untol din ta bugta, na kena iyan untol. Iyan haini impamilinbilin su anay hu mga laas ba nalaag un ta hari tad man agkatun-an ku imba agkayanaen.

6. Sa paggising ng Dakilang Tumanud, nagkakaroon ng mukha ang laging nagbabagong ngayon. At ang ngayon na iyon ang madalas na nakikita ng tao bilang sukdulan ng lahat sa kanyang pag-iral. Ito ay dahil hindi madalas marinig ng bawat tao ang salaysay hinggil sa pagtulog ng Dakilang Tumanud.

Ay, sadyang iilan lamang ang may pang-unawa upang masulyapan ang katotohanang isinisiwalat sa salaysay ng Dakilang Salimbawon. Sadyang iilan lamang ang nakakaalam na ang pagtulog ng Dakilang Salimbawon na siyang dahilan ng pag-iral ng mga daigdig ay isa lamang tagibulag upang ikubli ang aral ng mga sinaunang pantas.

Amin batbat ha hari un tagkabatbat. Amin mga nanangen ha hura un tagnanangen. Amin mga antoka ha hura un tagpangantoka. Ba aman tagkayanaen ta hura pa makauma su anlaw ha maaha su etaw ha iyan pinamilinbilinan taena. Hiay! Iyan un gid haena su tagsusubayen hu Mga Antoka hu Balagbatbat?

7. Ang tatlong dekadang lumipas sa pag-iral ng isang nilalang ay tila mahabang yugto na sa isang karaniwang pang-unawa. Subalit sa totoong mukha ng mga bagay, ito kaya ay umabot sa isang iglap? Ah, malamang ay hindi man lang nangalahati ito. Sapagkat kung ang buhay ay tilamsik lamang ng dakilang apoy, ang pag-iral sa mundong ito na ipinagkakamali ng karamihan bilang “buhay”, ay ni hindi man lang masasabing simula ng tilamsik. Sapagkat ang tilamsik na iyon ay magpahanggangkailanman. At ang kailanmang iyon ay nakabatay lamang sa paggising at pagtulog ng Dakilang Tumanud.

Aman gayed iyan un maayad ha kag-ikagiya duun hu mga laas ha su kasi tuig na ba da su kagpangabukad hu kayo. Ta iling hu kabukad, na su untong ta dini ta bugta na hu pila ha anlaw na mababalek daw mahumot, bun karagway un, ba pag-uma asema na tigkan da pa man agkamarahan hu alan ha karagway daw bun kamarahi un gayed daw kahulog ta bugta.

8. At akala ng maraming nilalang sa mundong ito na ang panahon ay lumilipas. At buong akala ko noon na ang panahon ang lumilipas.

Kaumis ay ba ku matun-an ko su nanam, hu dega hu tamaing ta inugtuhan!

Anijun Mudan-udan
Sa Kalawakan ng Isip ng Dakilang Balagbatbat

Read Full Post »

Makalipas ang Tatlong Dekada – 2

Ikalawang Bahagi

1. Parang kailan lang iyong panahong nangangahoy ako sa Palawpaw at Kialigi. Iyong panahong ang pangarap lamang ay ang maitawid ang isa pang araw at isa pang gabi. Iyong panahong ang pag-iral sa mundong ibabaw ay literal na pakikibaka – laban sa kapwa tao, laban sa kalikasan at laban sa sarili.

Sabuwa da su alan daw su alan na sabubuwa da. Ba iyan bagad hu etaw ha hari din agkaindanan haini ta iyan din da tagkaaha su babayaen din. Ku hari ngani labi agkaindanan hu etaw su bun ig-indus din un, na iyan pa kan labi su igkaayad hu duma din.

2. Parang kahapon lamang iyong sandali na sinigawan kami ng isang may-ari ng palayan habang nangunguha kami ng kuhol sa bagong araro niyang tubigan. Marahil iyong pagtataboy niya sa amin noon ay sa kadahilanang bago pa lamang pinauuso ng mga bulastog na nasa isang sangay ng pamahalaan ang kagandahan umano ng kuhol. Malamang ni hindi sumagi sa panagimpan ng may-ari ng palayang iyon na sa hinahrap ay gagastos pa siya nang malaki para bumili ng kemikal na pamatay ng kuhol.

Hari ki maal un agdaus ku amin igtangel hu kena ta agkakilala. Ta duun hu ag-ikagiyen ha iyan un nangkamaumis, na duduun un daan igtangel su hilo.

3. Hanggang ngayon sariwa pa ang mga ngiti ng mga kalaro ko noon ng kundisi sa Kibalabag. Iyon ang panahon na ang halimuyak ng hinog na bayabas ay nasasamyo sa bawat hihip ng hangin.

Su mga naaha ko su anay ha mga malmalaki daw lagalaga na amin un daan mga malmalaki daw lagalaga iman. Ba kena iling kanay su anay, su alualo dan gid iman na iyan un daan su alualo hu duma iman – su kagpanan-aw hu kagi pa hu kaban ha amin duun tagkakayog ha etaw.

4. Sariwa pa sa isip iyong unang araw ko sa pagpasok sa unang baitang sa elementarya. Nagwala ang isang batang lalaki noon dahil kinukumpiska ang mga holen na nasa loob ng kanyang bag na kulay kayumanggi at yari sa balat ng baka. At dahil doon, hindi nakumpiska ang kanyang mga holen.

Bul-og haena ha malmalaki na kagi pa hu duma na minaragi ha mabalaw. Hura dan katun-i ha saena ha malmalaki na sabuwa un ha bukalag hu mangangayaw ha ku agpanangkay bun aglugna un su kontra ha nangakabakes un ta hari un agkabaya agsukol.

5. Tila isang araw lamang ang nakalipas mula nang maglakad ako mula Dalirig hanggang San Roque. Iyon ang mga panahong ang paglalakad sa kung saan saan ay magiging pagsasanay sa isang yugto ng buhay sa hinaharap. Iyon ang panahong ang bawat bunga ng bayabas sa tabing daan ay sadyang napakasarap at ang bawat bukal ng tubig na nadadaanan ang siyang pinakanakatitighaw sa lahat.

Hari ki mabeleng ku ba su maal un tagpangiwalkiwal su ig-agi ta. Ta hura ki pa imbata na intunda un haena ha mahitabo.

6. Naririnig ko pa ang sinabi noon ng isang taong hindi ko kilala.

“Hari ka luyahan ta alan haini na kena iyan untol ha weleng hu mga butang. Kena getek su makag-ikagi ku inu su laus daw inu su kena,” wika ng taong iyon.

Madakel pa ha kagpangabukad hu banaba su minagi daw human ko kasabot su tag-ikagiyen din. Hari gayed diay labi tagkaindanan hu mata su untol ha weleng hu mga butang.

7. Habang sinusulat ko ito, 8,772 araw na ang nakalilipas mula nang gawin ko ang kaunaunahang sibat na malamang ay naubos na ngayon ng kalawang sa lugar kung saan ko ito itinago. Iyon ay panahong hindi ko mapigilang magpanday ng mga sandatang aking naiisip. wala akong kaalam-alam na nananalaytay sa akin ang dugo ng mahuhusay na mga panday na nagpatanyag noon sa Kalasungay noong mga panahong ang sentro ng kasaysayan ay hindi ang kabulaanang dala ng mga kolonisador at ng kanilang mga kampon.

Hiay! Sin-u pa iman su nakapaliman ha su galang daw subu hu Kalasungay na iyan gayed nangkamaayad hu alan?

8. Habang sinusulat ko ito, naalala ko ang nakangiting mukha ng isang babaeng hindi ko kilala na nanonood habang inaayos ko ang baga kung saan nakasalang ang sibat na aking pinapanday noon. Ang kanyang panika ay napapalamutian ng hugis saging na buwan at gayundin ng mga bituin. Hindi ko na muli pang nakita ang kanyang mukha subalit iyon ay tila nakatatak sa aking isip.

Iyan din gid nahenahena ha nalugay un naipes su kagpangayaw ha iling gaun hu mga buuy. Ta napengahan un haena ha mga anlaw. Ta bul-og iman, su kagpangayaw na kena ba da saba ha alubanga. Ta isan su kagpangayaw na amin din kalanganan.

Anijun Mudan-udan

Read Full Post »

Makalipas ang Tatlong Dekada – 1

Unang Bahagi

1. Parang kahapon lamang ang sandaling una kong nasilayan ang mga kulay ng daigdig na ito. Yaong sandaling ang tanging kaya kong bigkasin ay ang uha na nagpapahiwatig ng aking pagkabigla sa bugso ng hanging pumasok sa aking baga.

Aman tag-agala su igbata ta taena na tagsuwaya su mulin-ulin daw su gimokod din.

2. Tila kamakailan lamang iyong mga panahong pinanonood ko ang mga kalaw sa kagubatan ng Silae Galanggalang. Iyong mga panahong kahit ang mga alagasi at mantianak ay walang kapangyarihang puminsala sa puro at dalisay na kaluluwang nakikipanahan sa kanilang mga tahanan. Iyong mga panahong ang matatalas na mimis ng kogon ay karaniwan lamang na makaulayaw ng murang talampakang hindi sanay sa sibilisadong kagamitan ng paa na kalauna’y nakilala bilang tsinelas at sapatos.

Su langgit, sapu daw tul-an na ba da balay hu gimokod.

3. Sariwa pa iyong mga panahong maghapon akong nanghuhuli ng mga pait at kulilaw sa ilog ng Tulwan. Iyong mga panahong nanghuhuli ako ng baluno. Iyong mga panahong madalas mamaga ang mga daliring madalas masipit ng malalaking talangka na binubulabog sa ilalim ng mga bato.

At sa isang gabing madilim sa ilog na iyon, habang nagniningningan ang mga bituin sa kalangitan, may binhing naglayag mula sa kalawakan at dumapo sa aking palad. Ngayon ang binhing iyon ay isa nang matayog na puno. Marahil sa mga susunod na panahon magiging kasintayog na iyon ng kalawakang kanyang pinagmulan.

Ku matun-an nu ha su katatao na igtunda puun ta nanangkawan ha mga inugtuhan, na daw nu katun-i imba aghalenghaleng ta mga bituen su mga laas.

4. Ramdam ko pa ang pamamanhid ng aking balat sa bawat paglusong sa ilog ng Kulaman. Ramdam ko pa ang pananalaytay ng lamig na tila agos ng bagangbangan na dumadaloy sa aking mga ugat.

Iyon ang mga panahong lumilipas ang araw sa gilid ng ilog. Iyon ang mga panahong masusumpungan ang mga kagaya ko sa gilid ng ilog habang nagbabangi ng pait at ayubong o kaya nama’y nagdadarang habang pinakukulo ang sabaw ng nahuling tigud. Iyon ang mga panahong ang mga kamay ay nangingitim sa nagkakandauling na binanging saging.

Su mga talugan na intunda kanit hu wahig. Iling da haena ha su untong na intunda daan hu wahig.

5. Naaamoy ko pa ang mga dapo sa Alalum. Iyong mga dapo na namumukadkad sa malalagong balete. Panahon iyon na ang mga diwata’y nalulugod sa aking paglalagalag sa kalikasang kanilang pinananahanan. Panahon iyon na ang mga malalaking bato kung saan nagbabangi ang mga alagasi ay bukal ng di maipaliwanag na hiwaga sa isip.

Kena iyan ki da su taglilibuwa duun taini ha lidenglideng ha kagi ta kalibotan. Ta iyan un daan haini lundaha hu duma ha mga hari ta agkaaha.

6. Nasasamyo ko pa ang mga tag-araw sa Hanapulon. Iyong mga tag-araw kung saan nanghahabol ako ng mga piyugo sa bagong ararong maisan malapit sa matandang bato na ayon sa mga haka’y pinaninirahan ng mga yakmu. Iyong mga tag-araw kung saan namamaga ang mukha sa kagat ng mga tamaing na nagagalit sa aming pagnanakaw ng kanilang pulot.

Alan dini ta bugta na amin un tag-aabin. Aman ku amin ta agkabayaan na agpanawagtawag ki hu tag-abin duun.

7. Naaaninag ko pa sa aking balintataw ang mga hinog na bayabas sa Damay at sa Laruk. Nalalasahan ko pa ang mga santol sa Kiisol at ang mga kulay lilang kaimito. Naaamoy ko pa ang hinog na marang na nagpapaalala sa akin sa mga tanawin sa tabing-kalsada ng Maluko.

Intunda kanit su maayad ha mga kauyagan ta daw iyan un daan igpamulong hu mga agkageram hu lawa.

8. Habang sinusulat ko ito, naalala ko na sa katulad na oras ng katulad na araw dalawampung taon na ang nakalilipas ay naglalakad ako sa ulanan habang pasanpasan ang isang maliit na sako na puno ng mais na tipuso na nakuha ko sa aking panginlaraw.

Bul-og su inkulis un ta inugtuhan, na iyan gayed mahitabo. Hiay! Iyan da gayed su mga bayekbekan ha laas su nakatuen ha su alan na napengahan un. Ta duun taini ha bugta, na ba ki da tagpakapangayogkayog sulsog duun hu imbatbat un duun hu Mga Antoka hu Balagbatbat.

Anijun Mudan-udan
Tagpangayaw-ayaw ta sinibwalan ku daleman,
Agkaipes un su panuig
Ubay ta Malungganay ha danaw

Read Full Post »