Mga Hakahaka Hinggil sa Pag-asa
Sa nakalipas na tatlong dekada, may tatlong bagay na nangyari sa aking buhay na masasabi kong may malaking halaga para sa akin. Una, naging manunulat ako. Pangalawa, nagkaasawa ako at nagkaroon ng dalawang anak. At ang pangatlo, natuto akong kumilala sa tinig ng pag-asa sa gitna ng di-magkamayaw na mga awit ng kawalang pag-asa.
Sa tatlong bagay o pangyayaring ito, pinakamahalaga para sa akin ang ikatlo. Sapagkat sa aking payak na hakahaka, ang pag-asa lamang ang tanging bagay na maaaring makapagliligtas sa akin bilang tao mula sa dilim ng kawalang pag-asa na naghahari ngayon sa mundo. At bakit ko nga ba nasasabi na ang kawalang pag-asa ang nakapangingibabaw ngayon sa ating mundo?
Madali lamang itong mapag-alaman kung mahilig kang magbasa ng mga balita, mga aklat at iba pang mga babasahin na namamayagpag ngayon. O kaya naman kung mahilig kang manood ng telebisyon. O kung mahilig kang manood ng mga pelikula. Idagdag na rin kung mahilig kang magbasa ng mga akdang pampanitikan. At kung mahilig kang gumalagala sa iba’t ibang sulok ng kalunsuran. Gayundin kung gumagalagala ka sa iba’t ibang lupalop ng malalayong lalawigan.
At ano nga ba ang mayroon sa mga sinabi ko sa unahan? Ay, sa mga binanggit ko, kapansinpansin na magpapaligsahan ang paglutang ng mga bagay na kagaya ng krimen, malalaswang panoorin, mga kuwento ng pagtitiis at kabiguan, mga kuwento ng poot at paghihiganti, mga kuwento ng kaganiran at kasakiman, mga pangarap ng pagyaman, at iba pang mga bagay na naghahatid ng malakas na agos sa lalim ng buntung-hininga.
Alam natin na halos araw-araw ay mababasa natin sa mga dyaryo ang mga balita hinggil sa iba’t ibang krimen, maliliit man o malalaki. Mula sa mga palabas sa telebisyon at sine, mababanaag ang patuloy na pagkabulok ng moralidad sa ating lipunan. Kung kaya hindi na nga tayo nagugulat kapag naririnig o kaya nababasa ang mga balita hinggil sa milyones (bilyones pa nga) na pangungurakot ng ilang (sana nga iilan lang) opisyal ng pamahalaan. At marahil hindi na rin tayo magugulat kung sa paggising natin isang araw mababalitaan natin na wala nang natitira sa kabang-yaman ng ating bayan. Napakalungkot na isipin.
Kung uugatin natin ang puno’t dulo ng mga bagay na ito, maiintindihan natin na ito ay dulot ng paglisan ng pag-asa sa puso ng mga tao. At bakit nga ba nagkaganito ang mga bagay? Bakit patuloy na mailap sa atin ang pag-asa?
Ay, marami ang mga dahilan. At maaaring magkakaiba ang makikita nating mga dahilan sapagkat sa malamang, magkakaiba rin ang ating pagtingin sa mga bagay na ito. Alam kong bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang pagpapalagay sa mga usaping ito. Subalit hayaan ninyo akong isalaysay ang aking mga pananaw hinggil sa kalagayan ngayon ng ating lipunan. Ako ay naniniwala na hindi lamang sa ating bansa nangyayari ang mga ganito kundi pati na rin sa lahat na lupalop ng mundo kung saan naglalakad ang tao.
Noong una akong mamulat sa mga realidad ng mundo, napag-alaman ko na ang mga tao ay karaniwang nahahati sa dalawang uri. Ang mga uring ito ay ang mga magtitinda at ang mga mamimili. Kung kaya sa pagsilang ng isang tao, dalawa lamang ang maaari niyang patutunguhan – ang maging mamimili o kaya’y maging magtitinda. Ngunit habang ako’y tumatanda, napagtanto ko na ang lahat na tao pala ay kapwa nagbebenta at namimili. Walang tao na nagtitinda lamang at hindi bumibili, at wala ring tao na bumibili lamang at hindi nagtitinda. Sapagkat lahat tayo ay sadyang bibili at lahat tayo ay sadyang magtitinda rin upang mabuhay dito sa mundong ibabaw.
At papaanong magiging magtitinda ang mga karaniwang taong kagaya ko na walang bagay na maipagbibili? Ay, walang tao na walang maipagbibili. Sapagkat ang mga karaniwang tao na kagaya ko, silang walang minanang mga kayamanan, ay tatlo lamang ang maaaring patutunguhan. Una, magbenta ng talino at lakas-paggawa. Pangalawa, magbenta ng katawan at dangal. At pangatlo, magbenta ng kaluluwa.
Sa kabilang banda, silang mga mayayaman at/o may minanang kayamanan, sa maraming pagkakataon ay siyang mga bumibili ng talino at lakas-paggawa, katawan at dangal, at umuupa/bumibili sa kaluluwa ng mga kapuspalad. Ngunit katulad din ng mga mahihirap, mayroon din sa kanilang hanay na nagbebenta ng dangal at kaluluwa.
At sa panahon natin ngayon, kahit mula lamang sa mga dyaryo, mahihinuha natin na dumarami silang mga nagbebenta ng kaluluwa, mahirap man o mayaman.
Ang pagbebenta ng tao ng kanyang kaluluwa ay isang malaking palatandaan na siya’y nawalan na ng pag-asa. Ang kawalang pag-asang ito ang batayan ng pagiging marahas, pagiging malupit, pamemerwisyo sa ibang tao at pagpapatiwakal. Sa malamang ang kawalang pag-asa ang nagtulak sa isang dating pulis upang gawing hostage ang mga turistang taga-Hongkong at alam natin ang malagim na kinahinatnan. Ang kawalang pag-asa din ang malamang kumalabit ng gatilyo nang magpatiwakal ang isang dating heneral dahil nadawit ang pangalan niya sa malalaking katiwalian.
Itong kawalang pag-asa din ang mukha ng mga bida sa iba’t ibang palabas sa telebisyon na madalas nag-iiyakan lamang sa harap ng mga suliranin. Ang kawalang pag-asa rin ang mukha ng mga walang pitagang mga host ng ilang palabas sa telebisyon na nang-uuto at ginagawang katatawanan ang kapwa tao upang lalong maikalat ang kanilang kabulastugan. Ang parehong kawalang pag-asa rin ang mukha ng mga kontrabida na sadyang mapaniil sapagkat ang kawalang pag-asa ang ugat ng kawalang konsiderasyon sa damdamin at buhay ng iba. Ang kawalang pag-asa pa ring ito ang dahilan ng iba’t ibang krimen na madali lamang sabihin ng mga kriminal bilang resulta ng kanilang kahirapan.
Ang kawalang pag-asa din ang dahilan kung bakit patuloy na sinisira ng tao ang kanyang kalikasan sa ngalan ng kuno ay pag-unlad. Sapagkat papaanong maatim ng tao na sirain ang kanyang tahanan, kung siya’y hindi nawalan ng pag-asa?
At bakit nga ba marami ang nawalan/nawawalan ng pag-asa? Madalas nating marinig na isang pangunahing dahilan ang kahirapang pinansyal. Nagnakaw daw dahil sa kahirapan. Nangholdap daw at/o pumatay dahil sa kahirapan. Nagpatiwakal daw dahil sa kahirapan. At paano silang mga nangungurakot? A, malamang ang dahilan nila’y ang kanilang takot sa kahirapan. At papaano ang pagsira ng tao sa kalikasan? A, malamang ang sasabihin ng tao ay dahil nais niyang “umunlad” upang solusyunan ang kanyang kahirapan.
Ngunit kung pagmumunihan natin ang mga bagay na ito, mapapag-alaman natin na ang sinasabing kahirapan ay hindi pala kahirapang pinansyal. Sapagkat tiyak matutuklasan natin na ang kahirapan sa moralidad ang malalim na ugat ng mga bagay na ito. Sapagkat sa panahon natin ngayon, ang krimen ay nagiging masama lamang kapagka nahuhuli. Ngunit kahit pa nga ang mga nahuhuli sa akto na gumagawa ng krimen ay magsasabi pa na hindi sila gumawa ng masama dahil marami naman silang gumagawa nito.
Kung kaya sadyang nagkakagulo ang takbo ng ating panahon. At sa gitna ng kaguluhang ito, lalong lumalaganap ang kawalang pag-asa.
Ang masaklap pa nito, habang ganito ang takbo ng mga pangyayari, marami naman ang sakay sa panahon. Nauuna na dito ang iba’t ibang uri ng magtitinda lalo na ngayong hindi na lamang mga bagay na nakikita ang maaaring ipagbili. Maaari na ring ipagbili ang mga bagay na hindi nakikita. At napag-alaman pa ng mga tusong negosyante na mas malaki pala ang tinutubo sa ganoong mga kalakal.
Oo, kahit ang mga bagay na hindi nakikita ay ipinagbibili na sa ngayon. At ang mga bagay na nakikita ay nagiging pasobra na lamang sa mga kalakal na hindi nakikita. Napag-alaman ng tusong mga negosyante na magandang negosyo pala ang mga bagay na gaya ng takot, pangamba, kahibangan, kaganiran, kasakiman, ilusyon at higit sa lahat – pag-asa.
Sa ngayon, ang takot at pangamba ay isa na sa pinakamalalaking negosyo sa buong mundo. Nang matuklasan ng ilang negosyante na malaki ang tubo sa negosyong ito, sadyang ipinagbenta nila ito sa buong mundo. Sa pagbebenta nila ng takot at pangamba, naging mabenta ang pekeng seguridad at proteksiyon. Ito ang ugat kung bakit mabenta ang mga sandata at kagamitang pandigma.At walang kamalaymalay ang karamihan sa atin na ang mga digmaan ay dinisenyo rin nilang mga nagbebenta ng sandata at kagamitang pandigma. Ang mga negosyanteng ito ang pangunahing nagbebenta ng takot at pangamba sa buong mundo.
May mga negosyante rin na ang kalakal ay kaganiran na nagbabalatkayo bilang magandang pamumuhay at kaalwanan. Mayroon ding mangangalakal na nagtitinda ng libog at kamunduhan na nagbabalatkayo bilang lakas, lakas ng tuhod at walang humpay na kasiyahan. May nagtitinda rin ng ilusyon na nagbabalatkayo bilang class, magandang tindig o kaya’y magandang itsura. Kahit nga ang bulok at dekadenteng pamumuhay ay ipinagbebenta sa ngalan ng pagiging popular, makauso at iba pang pampataas ng ihi.
Sa mga nabanggit sa unahan, makikita natin na ang lahat na ito ay mga bagay na makamundo at sadyang salat sa mga bagay na espiritwal. At ang kahirapang ito sa espirituwalidad ang bagay na lumalagot sa huling hibla ng pag-asa.
Subalit hindi dito nagtatapos ang kasamaan ng tao. Sapagkat kung noon ang sinasabi ng mga propeta’y umabot hanggang langit ang kasamaan ng tao, siguro sa ngayon ay lumampas na sa bubong ng langit. Sapagkat sa panahon natin ngayon marami na rin ang nagtitinda ng pekeng pag-asa. At marami ang balatkayo ng mga negosyong ito. Madalas nakikilala natin sila bilang mga networking na negosyo, non-government organizations, kooperatiba, organisasyon sa pagkawang-gawa, at mga organisasyong relihiyoso. Sapagkat bakit sa paglipas ng maraming taon ng sinasabi nilang pagsisikap tungo sa pagbabago, bakit lalong lumalala ang kawalang pag-asa sa ating lipunan? Saan napunta ang sinasabi nilang pag-asa na kanilang ipinamamarali?
Marahil sapagkat ang karamihan sa kanila ay mga negosyo na ang pangunahing layunin sa katotohanan ay ang magkaroon ng ganansya. Dahil sa paglaganap ng kawalang pag-asa, alam nilang magiging mabenta kahit ang pekeng pag-asa na kanilang itinitinda. Malamang ito ang dahilan kung bakit marami ang nabibiktima ng mga pyramiding scheme, networking scam, at iba pang uri ng panggagantso. Marami rin ang nalilinlang sa pagpapamiyembro sa mga organisasyong madalas ay lumalaki lamang ang tiyan ng mga matataas na opisyal sa pangungulimbat ng pondo. At ngayon, maraming tao ang pumapayag na kahit sa mga buwayang pautang na lalong nagsasadlak sa kanila sa kahirapan.
At ngayong ang mga mangangalakal ng takot at pangamba ay nagpasiklab na naman ng mga digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo, halos sakalin na tayo araw-araw sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na tumatagos hanggang sa mga pangunahing bilihin.
Sadyang hindi biro ang mabuhay sa ating panahon ngayon. At ito nga ang dahilan kung bakit marami rin ang naghahanap ng kanilang Diyos. At sa mga naghahanap na ito ay marami ang nalilinlang ng mga nagbebenta ng pekeng pag-asa na nagbabalatkayo bilang mga relihiyon. Mga relihiyong namamarali ng mga doktrinang nagmula daw sa banal na espiritu. Subalit kung ating susuriin ang kanilang mga doktrina at praktika, makikita na ang mga iyon ay salat sa espirituwalidad bagkus ay lantarang materyalismo na nagbabalatkayo lamang bilang espiritwal. Dahil alam nilang ang taong nawawalan na ng pag-asa ay naghahanap ng Diyos, sinasamantala nila ito para kumita. Sa kanilang mga aral at praktika makikita na ang pakikipag-ugnayan sa Diyos ay upang impluwensiyahan ang galaw ng Panginoon. Magsisimba upang magkaroon ng biyaya. Magsisimba upang hindi datnan ng malas. Magsisimba upang maging maswerte. Magsisimba upang manalo sa lotto. Magsisimba upang humingi nang humingi sa Panginoon niya. Magsisimba upang utusan ang Diyos na gawin ito at gawin iyon. Hindi ba ang mga ganitong bagay ay lantarang palatandaan ng materyalismo?
A, marahil hindi alam ng karamihan na ang pagnegosyo sa kaluluwa ng tao ang isa sa pinakamalalaking negosyo sa sanlibutan. Sapagkat kung kukuwentahan man ang halaga ng kaluluwa, tiyak mas malaki pa ang halaga nito kaysa sa ginto. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit mga milyonaryo (bilyonaryo pa nga) ang ilang kilalang taong nagpapasikat bilang mga “sugo ng Diyos”.
Kung ating susumahin, maaaring sabihin kung gayon na ang kasamaan ng tao ay bunga ng kanyang kawalang pag-asa. Ang kawalang pag-asa ang nagtutulak sa kanya upang gumawa ng mga bagay na ni hindi kayang kainin ng aso. Sa kawalang pag-asa, may mga taong nagiging sakim at malupit. Sa kawalan ng pag-asa may mga taong nananabla at nagpapatiwakal. Sa kawalang pag-asa may mga taong nagiging mapanlinlang at mapang-api. Sa kawalang pag-asa may mga taong hindi na natatakot sa batas ng karma. Kaya sa kawalang pag-asang ito sumusulpot ang mga mamamatay-tao, manggagahasa, diktador, pasista, durugista, puta, manggagantso, holdaper, kidnaper, kurakot, at mga katulad pang uri ng tao.
At ano ang dahilan kung bakit maraming tao ang nawalan/nawawalan ng pag-asa?
Katulad nang nabanggit ko na sa simula, maaaring magkaiba ang pananaw natin tungkol dito. Ngunit sa ganang akin, mauugat ito sa kawalang kasiguruhan ng tao sa kanyang bukas dahil sa kanyang nag-uumapaw na materyalismo. Sapagkat maraming tao ang naniniwala na dito sa mundong ito magtatapos ang lahat. Sapagkat karamihan sa mga tao ay naniniwala na ang kamatayan na ang sukdulan ng lahat. Sapagkat maraming tao ang naniniwala na ang kanilang katawang-lupa na mismo ang kanilang totoong sarili. Sapagkat karamihan sa mga tao ay nalimutan na ang mga aral noon ng ating mga ninuno na ang katawan ay katulad lamang ng bahay na kapagka nilisan na ng may-ari ay mabubulok at magigiba.
Ay, ang paniniwala ng karamihan ay nakabatay sa buhangin ng materyalismo. At dahil ang mga bagay na materyal ay tutungo sa pagkabulok, dito nagmumula ang kawalang kasiguruhan ng tao na siyang batayan ng kanyang kawalang pag-asa. Kung kaya nagpapaligsahan ang karamihan sa pagpupundar ng yaman sa mabuti man o masamang pamamaraan. Ito ay habang maraming tao ang namamatay sa gutom. Nagsisipagpalakihan ng mga bahay ang mga mayayaman habang maraming tao ang ni walang bubong na nasisilungan. Nagyayabangan ang mga naghahari sa pagwawaldas ng kanilang salapi habang maraming tao ang nangangalkal ng basura baka sakaling makakita ng pagkaing kaya nilang lunukin.
Ay, malinaw na iilan lamang sa ngayon ang may paniniwalang nakabatay sa matatag na bato ng pag-asa. Sapagkat sa panahon natin ngayon, alam natin na pambihira na ang mga taong sumusunod sa apat na dakilang utos, sa apat na lumang utos, sa aapat na nga lamang na kautusan. Apat lamang sana ang mga utos na iyon: pakainin ang nagugutom, painumin ang nauuhaw, damitan ang walang damit at ilibing ang patay.
Ang paglaganap ng kawalang pag-asa ang dahilan kung bakit dumating ang mga pagkakataon na ipinamigay nang libre ang pag-asa. Ang pag-asa na dinala sa sangkatauhan ng mga dakilang pangalan sa ating kasaysayan. Sapagkat sino ba sa atin ang hindi nakarinig ng ni isa sa mga pangalang Zoroaster, Buddha at Jesus? Ngunit ilan kaya ang nakinig sa kanila? Ilan kaya ang nakaunawa sa kanilang mga parabula? Nakalulungkot isipin na sa panahong ito, kahit ang mga pangalan ng mga Dakilang Guro ng sangkatauhan ay isinama na rin sa pagbebenta ng mga mangangalakal ng kaluluwa. At sa gitna ng kaguluhang ito sa mundo, mahihinuha na iilang tao lamang ang nagmumunimuni sa dahilan kung bakit naririto sila sa mundo. At lalong iilan lamang sila na nakakaalam kung ano ang buhay matapos ang kamatayan ng materyal na katawan ng tao.
Ngunit sa kalagayan ngayon ng tao, kailangan niya itong harapin. At paano na nga kaya kung totoong magugunaw na ang mundo sa taong 2012?
A, ang pagwakas sa kawalang kasiguruhan ng tao ay mangyayari lamang kung tatanggapin niya sa sarili na ang totoong siya ay hindi materyal kundi espiritwal. At dahil sa pangunahin siya’y espiritwal na nilalang, nararapat niyang alamin kung saan patungo ang paglalakbay ng kanyang espiritu na pansamantalang mamamayan lamang sa lupang ito. At naniniwala ako, na ito ang magiging batayan ng pag-asa kung saan tatayo ang haligi ng kanyang pananampalataya.
Sa bahagi ko, nagsisimula pa lamang akong matuto sa pagkilala sa tinig ng pag-asa. At natutunan ko lamang ito sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa mga paniniwala ng aking mga ninunong namuhay noon sa isla ng Mindanao. Sa aking pag-aaral, nalaman ko na ako bilang tao ay may pitong kaluluwa at isang espiritu. At ang espiritu ang siyang tunay na tao na nananahan sa aking katawan. Napag-aralan ko rin na hindi sa lupa ang sukdulan ng lahat sapagkat ang mundong ito ay yugto lamang ng nagpapatuloy na pagsulong ng tao tungo sa kaganapan ng kanyang espiritwal na pagkanilalang.
Sa pamamagitan ng mga lumang aral, naunawaan ko na ang pag-asa ay isang bagay na espiritwal. Sapagkat ang pag-asa ang batayan ng pananampalataya. At ang pananampalataya ay dapat hindi bulag na pagsunod sa kung anumang doktrina/ideolohiyang ipinamamarali ninuman. Sapagkat ang pananampalataya ay dapat nakapagmumulat sa mga matang nakapikit. Naunawaan ko rin na ang pag-asa ay hindi isang bagay na pasibo. Ang pag-asa ay bagay na aktibo. Na ibig sabihin, ang pag-asa ay may kakambal na pagkilos. Sapagkat ang pag-asa ay nagpapahiwatig na mayroon pang magagawa upang mapabuti ang ating kalagayan. Kung gayon, ang pag-asa ay hindi nangangahulugang maghihintay na lamang tayo kung ano ang mangyayari.
Marahil itong aking mga hakahaka ay wala pa sa kalingkingan sa totoong kahulugan ng pag-asa at kung paano ito makakamtan. Subalit naniniwala ako na sa pamamagitan ng ganitong mga pagmumunimuni, hindi magtatagal, makikita ko rin ang buong mukha ng matatag na bato ng pag-asa. Pag-asang magiging matibay na lunsaran ng pananampalataya sa mga bagay na darating pa sa buhay mang ito o sa susunod pa.
Anijun Mudan-udan
Sa Kalawakan ng isip ng Dakilang Balagbatbat
Mag-iwan ng puna