Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Hunyo, 2012

1. Makalipas ang mahigit isang dekada mula nang makatuntong ako sa Los Banos, nitong nakaraang Biyernes lamang natuloy ang balak na pumanhik sa National Arts Center sa bundok Makiling. Kasa-kasama ko sa pagpanhik doon ang aking mag-iina.

At dahil may mga kasamang tsikiting, ang balak na umalis ng alas-sais nang umaga ay nauwi sa alas-diyes. (Ganito talaga yata kapag may kasamang mga bata.) Nagpahatid kami ng dyip hanggang sa malaking tarangkahan ng NAC sa may Jamboree. Pumirma kami sa logbook ng guwardya at binigyan kami ng visitors pass. Nang tanungin namin ang guwardya kung anong oras kami makakarating sa paroroonan ay sinabi ng guwardya na hindi niya alam dahil may kasama kaming dalawang bata. Mula doon ay naglakad na kami paahon.

Aba, talagang paahon ang daan. Kaya siguro mahal ang singil ng drayber kapagka nagpahatid hanggang sa NAC. At dahil gustong makatipid, sinubukan nga namin na maglakad na lang paahon. Marahil mahigit isang kilometro na ang nalakad namin nang magpabuhat na ang aking bunso dahil pagod na siya. Ang akin namang kabiyak ay nakikita kong pagod na kaya kinuha ko na sa kanya ang daladala niyang bag na naglalaman ng aming baon. Ang akin lamang panganay ang siglang-sigla pa rin sa paglalakad. Nagpatuloy kami sa paglalakad habang panakanaka akong kumukuha ng litrato sa mga nadadaanan namin. Mga dalawang beses kami nakapagpahinga nang makarinig kami ng ugong ng dyip na tila hirap na hirap sa pag-ahon. Napagpasyahan na namin na sumakay pagdaan ng dyip dahil kahit ako ay tagaktak na ang pawis kahit na maulap at umaambon-ambon. Tiyempo namang naroon na kami sa isang kurba kung saan maaaring tumigil ang dyip pagdaan. Kaya sumakay na nga kami nang dumaan ang dyip na naghahatid noon ng estudyante ng PHSA kasama ang kanyang mga magulang.

Ilang minuto lamang nakarating na kami sa PHSA. Malapit na lang pala iyon sa kung saan kami nadaanan ng dyip. Mula roon ay lumakad na kami papunta sa NAC. Tuwang-tuwa naman ang mga kasama ko habang naririnig ang huni ng mga ibon at habang napagmamasdan ang mga punong nadaraanan namin. Hindi naman nagtagal ay narating namin ang Tanghalang Makiling kung saan namin balak magtayo ng aming tolda.

Matapos mag-usisa sa guwardya kung saan kami maaaring magtayo ng tolda, hindi na kami nag-aksaya ng panahon. Nagugutom na kasi kaming lahat dahil alas-onse y medya na. Itinayo namin ang aming tolda sa lilim ng isang puno at sa kalapit nitong niyog. Kitang-kita mula sa aming pinagkampuhan ang malaking lawa at ang sinasabing lawa ng buwaya. Matapos maihanda ang tolda, inihanda na rin namin ang aming pananghalian. Sarap na sarap naman kami sa aming baon na pritong manok at letsugas na isinasawsaw namin sa tinimpla naming tuna spread na siya ring ginawa naming palaman ng dalang tinapay. Nagdala rin kami ng kaunting ubas na binili ko sa suki namin sa palengke.

Pagkatapos ng pananghalian, nagsipagpahinga na kami habang sinasamyo ang sariwang simoy. Ilang saglit pay naghahabulan na ang dalwang bata paikot-ikot sa aming tolda. Mayamaya lamang ay naghahabulan na sila sa kalapit na damuhan kung saan nabubulabog nila ang magkasintahang nakaupo doon na sa mga oras na iyon ay halatang nagnanais na sila lang ang tao.

Nang sumapit ang alas-dos, napansin ko na ang unti-unting paglapit ng maiitim na ulap. Kaya naman, inimis ko na ang aming told at inimpake ang lahat na gamit. Pumunta kami sa Tanghalang Makiling kung saan naroroon ang isang grupo ng mga kabataang miyembro ng isang relihiyon na nagsasagawa yata ng isang aktibidad. Lalakad na sana kami pababa ng bundok nang mapansin kong masyadong malapit na ang maiitim na ulap. Pinayuhan rin kami ng isang caretaker doon na hintayin na lamang namin ang kanilang serbis na bus kung saan maari kaming makisakay. Kaya hindi na kami tumuloy sa pagbaba. At ilang minuto pa nga matapos naming makausap ang caretaker ay bumuhos na nga ang malakas na ulan.

Matapos ang ulan, nag-ikot-ikot kami sa paligid. Doon ko nabasa nang buo ang plake sa ilalim ng flagpole doon na nagsasalaysay hinggil sa pagkakatatag ng NAC. Sa may di kalayuan naman, may isang dayuhan na kasama ang isang Filipina na seksingseksi at pakuha nang pakuha ng litrato sa kasama niyang dayuhan. Mayamaya pay may nagsidatingan ding mga turistang Pinoy na malamang ay kasama sa isang field trip.

Nang sumapit ang alas-kuwatro, dumating na nga ang serbis na bus ng mga empleyado ng NAC. Malugod naman kaming inalalayan ng guwardya sa Tanghalang Makiling para makasakay. Sa byahe namin pababa, tinantya namin kung gaano kalayo ang aming nalakad mula sa malaking tarangkahan ng NAC sa Jamboree. Aba, malayulayo rin pala ang nalakad namin. Habang nasa bus pay bumuhos namang muli ang ulan. Mabuti na lamang may daladala kaming payong. Pagbaba namin sa harap ng Landbank, nakasakay naman kaagad kami ng dyip pauwi.

Pagdating namin sa bahay, tuwang-tuwa naman ang dalawang bata sa pagkukuwento kung ano ang kanilang mga pinaggagawa doon sa NAC. Matapos maghapunan, kaagad silang nakatulog dahil sa pagod. Tulog na tulog na sila habang sinusulat ko ito.

2. Matagal ko nang binabalak na pumanhik sa NAC. Binata pa nga ako noong una kong maisip na umahon doon. Subalit laging hindi natutuloy ang pagpunta ko roon. Siguro dahil sa isip-isip ko, hindi naman ako salat sa pangangakyat ng bundok. Hindi ko na mabibilang kung ilang beses akong nagparoo’t parito sa iba’t ibang bundok sa kalupaan ng talugan ng Tagoloan. At nakatitiyak ako na mas magaganda ang mga bundok na napuntahan ko na.

Ngayong natuloy na ang aking pag-ahon sa NAC, napagtanto ko na may mga pagkakatulad din ang bundok Makiling sa mga bundok na napuntahan ko na. Kagaya ng mga napasyalan kong bundok, masarap samyuin ang hangin sa Makiling. Masarap din ang pakiramdam ng katawan sa kapagka napupukaw na ang lahat na ugat sa mabilis na sirkulasyon ng dugo sa tuwing pawis na pawis na sa paglalakad. Magandang pagmasdan ang mga paruparo at tutubi na palipadlipad sa ibabaw ng ligaw na mga bulaklak sa tabing daan. Masarap sa mata ang larawan ng malalagong puno. Masayang pakinggan ang huni ng iba’t ibang ibon. Naririnig ko, habang naglalakad kami, ang huni ng mga tamsi, ul-ula at mga alansiyang. Mayroon ding mga gapasgapas. Tawang-tawa naman ang bunso ko nang humuni ako nang kagaya ng sa alimokon.

Habang naglalakad kami paahon, napansin ko rin na malaki ang kaibhan ng Makiling sa mga bundok na napuntahan ko na. Sapagkat sa Makiling, aspaltado ang daan na aming tinatahak. Malayongmalayo ito sa daang putik ng mga bundok na aking napanhik. Laluna ko pang napansin ang malaking kaibhan ng Makiling nang marating na nga namin ang PHSA.

“Aba, ang swerte naman ng mga nagsisipag-aral dito,” wika ko sa aking kabiyak. Sapagkat walang kagaya ng PHSA sa mga bundok na napuntahan ko na. Walang kagaya ng NAC sa mga bundok doon sa amin. Masarap nga malamang na magpakadalubhasa sa anumang larangan ng sining habang nakatira sa kagaya ng PHSA.

Nang mag-ikot-ikot ako sa paligid ng Tanghalang Makiling, napansin ko rin na may isa pang kaibhan ang Makiling sa mga bundok na napuntahan ko na. Sa bandang ibaba lamang ng aming pinagkampuhan, nakita ko ang maraming basura. May mga plastik na bote, plastik na baso, plastik na balot ng tsitserya at iba pa. Sadyang may mga tao talaga na hindi marunong magpahalaga sa kalikasan at ni hindi marunong sumunod sa mga simpleng alituntunin na napakalinaw na nakasulat sa gilid ng kalsada bago pumasok doon. Kasumpasumpang tunay ang mga taong sadyang walang disiplina at bait sa sarili na nagtapon ng mga basurang iyon.

3. Sa kagaya kong naniniwala sa pag-iral ng mga bagay at nilalang na hindi nakikita, isang espiritwal na lugar ang bundok ni Makiling kagaya ng mga bundok na napuntahan ko na. Ramdam ko sa lugar na iyon ang ibang daloy ng enerhiya na nakakapagpasigla sa hininga na dahandahang nanunuot sa bawat hibla ng kalamnan. Ito iyong tipo ng enerhiya na nagbibigay ng kakaibang lakas at tapang sa isang bagani. Ito iyong tipo ng enerhiya na nagbibigay ng kapayapaan at kapanatagan sa loob ng isang baylan. Ito iyong tipo ng enerhiya na nagbibigay ng mga pangitain at malalim na pananaw sa mga bagaybagay.

Ang enerhiyang iyon rin kaya ang nasagap ni Ferdinand E. Marcos nang siya umanoy nagmunimuni roon noong kanyang kabataan? Ang enerhiyang iyon kaya ang nag-udyok sa kanya upang idambana ang sinasabing Mabuti, Tunay, at Maganda?

Ah, mahiligin din pala sa alamat si G. Marcos kung kaya pati ang sarili niyay ninais niyang gawing isang alamat. Ito ang malinaw na mensahe ng plake sa ilalim ng flagpole doon na pumapatungkol sa pagkakatatag ng NAC. Nais niyang maging tagapagtatag ng isang mataas na sibilisasyon. Subalit iyon yata’y sa salita lamang sapagkat tingnan nyo nga naman kung paanong naging bayang lubog sa utang itong ating bansa. Ang singaw ng asupre yata sa Mudspring ang kanyang nalanghap noon at hindi ang enerhiyang nabanggit ko sa unahan.

4. Kitang-kita mula sa NAC ang malaking lawa na tila napuno na ng mga fish cages. Sa palagay ko’y sakal na sakal na ang lawa at hindi na makahinga. Ito marahil ang dahilan kung bakit nagkaroon ng malawakang fish kill kamakailan lamang. Sadyang mahirap turuan ang tao na hindi maaaring ang kanyang kapakanan lamang ang dapat niyang isaalang-alang.

Sadya nga kayang pansariling kabutihan lamang ang iniisip ng tao? Ah, malamang hindi niya ito titingnan na ganoon. Sasabihin ng tao na ito ay sa ngalan ng pag-unlad. Ah, sa ngalan ng pag-unlad pinupuno nila ng fish cages ang lawa. Sa ngalan ng pag-unlad, tinatapunan nang tinatapunan ng dumi mula sa kabahayan at mga pabrika ang naghihingalong lawa.

Nitong bago lamang, nabasa ko ang balita na ginagamit na naman ang ngalan ng pag-unlad. Sa ngalan ng pag-unlad, handa na raw ang Los Banos sa pagpasok ng malalaking negosyo. Marami raw ang magkakaroon ng trabaho. Lalaki raw ang kita ng mga lokal na negosyo. Lalaki raw ang kita ng pamahalaang-lungsod. At kung anu-ano pang kabutihan.

Subalit alam nating hindi babanggitin sa ngalan ng pag-unlad ang pagputol sa mga puno (gaya ng ginawa ng SM sa Baguio). Malamang iiwasan nilang banggitin na kaakibat ng pag-unlad ang paglobo ng populasyon. At hindi malayong unti-unting makakalbo ang Makiling kasabay ng pagdami ng tao. At malamang hindi rin babanggitin na sa pagpasok ng malalaking negosyo, maraming maliliit na negosyong lokal ang masasagasaan. Tiyak hindi rin mababanggit na kasabay din ng sinasabing pag-unlad ang pagtaas ng kriminalidad (senyales na yata nito ang mga nakaraang kaso ng panggagahasa’t pagpatay). At hindi rin mababanggit na sa pagpasok ng malalaking negosyo, magbabago ang takbo ng buhay. Sa malamang mawawala na ang kahit papano’y tahimik na buhay-probinsyang pakiramdam sa Los Banos.

“At sino ka para kwestyunin ang banal na ngalan ng pag-unlad?” ito marahil ang magiging tanong na ibabato sa kagaya kong may mga agam-agam sa sinasabing pag-unlad.

Ah, kailan matututo ang tao hinggil sa diwa ng tunay na pag-unlad? Kailan matatanggap ng tao na hindi salapi ni ginto ang sukatan ng tunay na pag-unlad?

Sadyang hanggang ngayon, hindi pa rin yata tumatalab ang wika ng Daking Guro na ang tao’y hindi nabubuhay sa tinapay lamang.

“Hoy! Ereheng pagano, wag kang magmarunong dahil may basbas sa taas itong plano namin!” marahil iyon naman ang isasagot nila. Iilan na lamang yata talaga ang naniniwala ngayon na hindi panginoon ang mga nakaupo sa trono ng pinansya at pulitika. Sa bagay, hindi na ito dapat ipagtataka ngayong mas marami na ang nagsisimba araw-araw sa mga mall at iba pang bahay-kalakal.

5. Ang bawat pag-akyat sa bundok ay paghahagilap ng landas sa pangarap na pag-angat sa buhay materyal man o buhay espiritwal. Dapat lamang maunawaan na bilang tao, dapat magkaagapay ang espiritwal at materyal na landas. Ito ay kung naniniwala ka na ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang nasusukat sa makamundong kayamanan. Ito ay kung naniniwala ka na ang tao sa katotohanan ay isang espiritwal na nilalang at ang kanyang katawang materyal ay damit lamang na kanyang kusang huhubarin pagsapit ng panahong handa na siyang sumulong sa mas mataas na antas ng pag-iral.

Anijun Mudan-udan
Limang Kabilugan Makalipas ang Bagong Taon
Apat na bilyong taon bago magsanib ang Milky Way at Andromeda
Sa paanan ni Makiling, bayan ni Paciano Rizal, Lalawigan ng malaking lawa

Read Full Post »