Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Hunyo, 2013

Ang Naratibo ng Kalayaan sa Mata ng Isang Katutubo ng Mindanao

1. Ang isang mahalagang bagay na gaya ng kalayaan ay may iba’t ibang kahulugan depende sa pananaw sa daigdig ng magbibigay kahulugan dito. At sa mata ng isang katutubo ng Mindanao, mayroon ding ibang ibig sabihin ang kalayaan na taliwas at hindi umaayon sa pakahulugan nito ng estadong GRP at sa mamamayan nito sa Visayas at Luzon at nilang mga setler mula sa Visayas at Luzon na ngayon ay nakaugat na sa Mindanao.

2. Noong dumating ang mga mapanlinlang at mapangamkam na mga dayuhan sa isla ng Mindanao, ginamit nila ang naratibo ng kalayaan upang wasakin ang pagkakaisa ng mga katutubo. Ayon pa sa mga bundat na mga prayle, sila umano ay dumating upang palayain ang mga katutubo mula sa pagkakaalipin sa mga kampon ng demonyo. Anila, sila ay dumating upang iligtas ang mga kaluluwa ng mga katutubo mula sa dagatdagatang apoy.

3. Ang kalayaan ayon sa mga mapanlinlang at mapangamkam na mga dayuhan ay mararanasan ng mga katutubo kung sila ay magpapaalipin sa mga dayuhan. Ito ay bagay na lubhang ikinagalit ng bawat matinong Baylan, Datu at Bae na namumuno noon sa mga banuwa.

Ayon naman sa mga nagmula sa Luzon at Visayas na naging alipin ng mga dayuhan, ang kalayaan ay ang pagsunod sa mga dayuhan, paggaya sa mga dayuhan at pagwaksi sa katutubong kultura. Kung kaya, ang mga aliping iyon ng mga dayuhan ang naging mabisang kaagapay ng mga dayuhan sa panlilinlang sa mga katutubo at pangangamkam sa mga aria-arian ng mga katutubo.

4. Walang puwang ang katutubong kultura sa naratibo ng kalayaan ng mga dayuhang mapanlinlang at mapangamkam. Walang puwang din sa naratibo ng kalayaan ng mga dayuhan ang sariling pananaw ng katutubo hinggil sa kalayaan. Sapagkat ayon sa naratibo ng mga dayuhan, kasali na rin ang mga naging alipin nila mula sa Visayas, Luzon at Mindanao, ang kalayaan ay ang pagsunod sa dikta ng mga dayuhan.

5.”Kapag lumaya ka na sa kaalipnan mula sa mga demonyo, hindi mo na kailangan ang anumang kayamanan sa mundo. Kaya amin na ang lahat na kayamanan ninyo. Pati na ang kayamanang itinatago ng inyong kababaihan!” ito marahil ang sermon ng mga dayuhang umasta noon na kunwari’y tagapagligtas ng mga katutubo mula sa kampon ng kadiliman.

“Ang ibig sabihin ng kalayaan ay maging dungo ka’t sunudsunuran sa ipag-uutos namin sa inyo!” ito ang aral ng kalayaan ayon sa pamamahayag ng mga dayuhang mapanlinlang at mapangamkam. At sinumang tumuligsa sa kanilang doktrinang ito ay kaagad na hinahatulan ng kamatayan sapagkat walang puwang ang mga paniniwalang “pagano” sa anila’y mapagpalayang Kristiyanismo na daladala ng mga kagaya nilang mapanlinlang at mapangamkam. A, hindi nga lang sila mapanlinlang at mapangamkam, mamamatay-tao rin!

“Ang ibig sabihin ng kalayaan ay hayaan ninyo kaming hukayin ang ginto sa inyong kabundukan, gawing plantasyon ang inyong kapatagan, gawing rantso ang inyong mga parang at kayo’y gawing aming mga utusan,” ayon pa sa mga dayuhang mapanlinlang din, mapangamkam din at mamamatay-tao rin!

6. Ang naratibo ng kalayaan ng mga dayuhang mapanlinlang, mapangamkam at mamamatay-tao ang siya ring naratibo ng kalayaan na minana ng estadong kilala ngayon bilang GRP. Sapagkat ayon sa mga tagaugit ng sinasabing bansang Pilipinas (pangalang ibininyag ng unang dayuhang mapanlinlang at mapangamkam), ang lahat daw mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ay awtomatiko na kasali sa bansang Pilipinas. Ito ay kahit pa sa katotohanang ang Mindanao ay hindi kabilang sa mga teritoryong sadyang napanghawakan ng mga Kastila at kung gayon ay iligal ang pagkakasama nito sa pagkakabenta ng Las Islas Filipinas sa bentahan sa Paris. Kung paniniwalaan natin si Jose Rizal sa kanyang anotasyon kay Morga, na ang ibang isla kagaya ng Cebu, Panay, Luzon, Mindoro at iba pang lugar ay hindi totoong napanghawakan ng mga Kastila bilang teritoryo, ay ano pa ang masasabi natin hinggil sa Mindanao kung saan maraming Kastila ang napugutan ng ulo?

7. Subalit dahil ang GRP ay supling ng gobyerno ng mga kolonisador, sadyang ipinagpatuloy nito ang programang hindi natapos ng mga kolonisador. Ligal man o hindi, inangkin nito bilang kabahagi ng kanyang teritoryo ang buong isla ng Mindanao. Marahil ito ay dulot ng katotohanang ang nagpapatakbo ng gobyerno sa maagang yugto ng gobyernong naging GRP (hanggang ngayon pa rin yata) ay mga salinlahi din ng mga dayuhang kolonisador kahit pa marami sa kanila ang nagkaroon na ng dugong Pilipino ng Visayas at Luzon.

8. Sa naratibo ng kalayaan ng mga dayuhang mapanlinlang at mapangamkam, hindi mahalaga kung ano ang mangyayari sa mga katutubo. Sapagkat ang mahalaga sa kanila ay ang kalayaan nila sa paggalugad at pakikinabang sa mga likas yaman ng isla ng Mindanao. Hindi mahalaga sa kanila na magutom ang mga katutubo ng Mindanao. Hindi rin mahalaga sa kanila na mawasak ang kultura ng mga katutubo. Sapagkat ang mahalaga lamang sa kanila ay ang makinabang nang makinabang di bale kung saang lupalop pupulutin ang mga katutubo ng isla.

9. Sa kanilang pagiging abala sa kanilang kalayaang kamkamin ang lahat na kayamanan ng isla, hindi na pinakikinggan ng mga dayuhan ang bersyon ng kalayaan ng mga katutubo. Akala ng mga dayuhan na ang mga katutubo ng Mindanao ay kagaya ng mga naalipin nila na nawalan na ng sariling pagtingin hinggil sa kalayaan. Akala ng mga dayuhang mapanlinlang at mapangamkam na sa kanilang pagpatay sa mga lider ng mga katutubong lumaban sa pagkagahaman ng mga dayuhan ay mawawala sa mga katutubo ang kanilang sariling pananaw hinggil sa kalayaan. Ang akala nila, kagaya ng mga naalipin nila, ang kalayaan ay titingnan ng mga katutubo sa Mindanao bilang pagpasailalim sa mga dayuhan at pagsunod sa naratibo ng kasaysayang itinuturo ng mga dayuhan. Ang akala ng mga dayuhan, sa pamamagitan ng kanilang pagsulat ng “kasaysayan” ng mga katutubo ng Mindanao, mawawala ang orihinal na pagtingin ng mga katutubo hinggil sa kalayaan.

10. Nagkamali sa kanilang akala ang mga dayuhan. Lalong nagkamali rin sa kanilang akala ang mga tagapagmana ng mga dayuhan na siya ngayong naghahari-harian sa isla ng Mindanao. Sapagkat sa naratibo ng kalayaan ng mga katutubo ng Mindanao, ay malinaw pa rin na ibang iba ang kanilang pagtingin sa kalayaan. Sapagkat paano mawawala ang naratibong iyon gayong sa araw-araw ay maliwanag pa sa sikat na ang naratibo ng kalayaang ipinagduduldulan ng mga dayuhan, maputi man o kayumanggi, ay malayong malayo sa kalayaang hanggang ngayon ay naiisip ng mga katutubo?

11. Hindi marahil maintindihan ng mga utak mapanlinlang at mapangamkam na hanggang ngayon, ang pangalan ng maraming mga banuwa, kahit pa anong pagsisikap ng mga dayuhan na baguhin, ay nanatiling malaya sa isip ng mga katutubo. Pinalitan man nila ng Mindanao ang Amin Danaw, ginawa man nilang Malaybalay ang Kimambong, binago man nila ang Kalambagohan/Himologan tungo sa Cagayan de oro, ginawa man nilang Iligan ang Ilian/Ilihan, ginawa man nilang Davao ang Dabaw, ginawa man nilang Zamboanga ang Samboangan, at kahit pa binago nila ang pangalan ng napakaraming mga banuwa, nananatili at mananatili ang pangalang malaya ng mga banuwang ito hangga’t may matitirang katutubo. At ito marahil ang dahilan kung bakit sistematiko na inaalis ang pagkakatutubo ng mga katutubo sa pamamagitan ng mga institusyong panlipunan na hawak ng mga may kaugnayan sa pagkasadlak ng mga katutubo sa kasalukuyang kalagayan.

12. Alam din ng katutubo, kagaya ng kanyang mga ninuno, na ang kalayaan ay ang pag-aari ng mga lupain ng isla at ang kapangyarihang galugarin ito at gamitin sa kanyang kapakinabangan nang hindi nakasisira sa kalikasan. Alam din ng katutubo na ang kalayaan ay ang pamamahala niya sa kanyang sariling mga talugan gamit ang kanyang sariling mga batas. ALam din ng katutubo na ang kalayaan ay ang pagsasabuhay niya ng sariling kultura na pilit winawasak, malay man o hindi, ng mga dayuhan, maputi man o kayumanggi.

13. Kaya paano ipagdiriwang ng katutubo ang araw ng kalayaan na itinakda ng estadong kumitil sa kanyang kalayaan?

14. Sadyang hindi na maitatatwa na kagaya ng mga katutubong yumakap sa Islam, ang mga katutubo ng Mindanao na nagpapatuloy sa daan ng kanilang mga ninuno, ay bansa rin sa loob ng isang bansa. Ang pagkagising bang ito ng mga katutubo ang dahilan kung bakit nabuo ang IPRA? Upang boluntaryong magpasailalim ang mga katutubo sapagkat ang pagkilala sa IPRA ay mangangahulugang pagkilala sa ligalidad ng pag-angkin ng GRP sa mga banuwa ng Mindanao?

15. Ngayong napuno na ng mga dayuhang kayumanggi ang isla ng Mindanao, sadyang isang pambihirang hamon para sa isang katutubo ang ipaliwanag ang kanyang pananaw hinggil sa kalayaan. Subalit dapat mairehistro ng katutubo ang kanyang sariling pagtingin sa kalayaan bago dumating ang panahon na hindi na lamang sa salita niya bibigkasin ang kanyang pananaw sa kalayaan. Sapagkat hindi malayong darating ang araw na hindi na sasapat ang malinaw na mga paliwanag niya hinggil sa kalayaan. Sapagkat sa naratibo ng kalayaan ng mga nangamkam ng kanyang lupain, walang puwang sa lipunang Pilipino ang naratibo ng kalayaan ng mga katutubo ng Mindanao. Kung kaya hindi malayong sa malapit na hinaharap, isasatitik din ng katutubo ang kanyang pananaw sa kalayaan sa paraang siyang tanging kinikilala ng mga dayuhang mapanlinlang at mapangamkam.

Read Full Post »