Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Hulyo, 2015

Ang talumpating ito ay binigkas sa Taboan 2014 sa Subic, noong Feb 24-26, 2014.

***

Magandang hapon sa lahat.

Noon pa man, alam na ng aking mga ninunong Higaunon ang kahalagahan ng wika sa pagbubuo ng isang banuwa. Kung kaya, binigyang ngalan nila ang kanilang teritoryo ayon sa kanilang sariling wika. Tinawag nilang Amin Danaw ang aming pulo na mas kilala na ngayon sa kanyang daglat – Mindanaw. Ayon sa salimbibig na naratibo ng aking mga ninunong Higaunon, ang “Amin Danaw” ay mga salitang binigkas ng dalawang magkapatid na nakatagpo ng mga malalaking ilog/lawa sa aming pulo noong isang panahon ng matinding tagtuyot kung saan halos lahat na kailugan sa buong mundo ay nawalan ng tubig.

May hinuha ako na noon pa man, alam na ng aking mga ninuno ang kahalagahan ng kanilang wika upang maitakda ang kanilang pagkakakilanlan at upang maitakda rin ang mga hangganan ng kanilang mga banuwa. Kung kaya, bago pa dumating ang mga pagtatangka na burahin sa balat ng lupa ang mga Higaunon, naitayo na nila ang Walu Talugan na siyang kanilang sistema ng pamahalaan.

Subalit mula sa dagat at himpapawid ay dumating ang “mapuputi at kayumangging peste” na pilit nanalanta sa lupaing Higaunon at sa mga tribung inanak nito. At sa pamamagitan ng hokuspokus sa Treaty of Paris, ibenenta ng ganid na Kastila, papunta sa ganid na Amerikano, kahit ang pulo ng Mindanaw na hindi naman talaga bahagi ng teritoryong kanilang nasakop. At nang magpanggap na ang Amerikano na aalis na, isinalin naman nito ang kanyang teritoryo sa mga tutang rehimen na nagbanyuhay unti-unti patungo sa GRP, GPH na ngayon, at kasama sa naisalin na teritoryong iyon ay ang pulo ng Mindanaw.

Panahon pa ng mga mapuputing peste nang simulan ng mga ganid na angkinin ang matatabang kalupaan ng Mindanaw. Simula noon, tinangka nilang baguhin ang mga pangalan ng mga banuwa gamit ang dayuhang mga wika. At nang dumating ang panahon ng mga tutang rehimen, nang magwala ang mga magsasaka at pesante noon sa Gitnang Luson, walang habas na ipinamahagi ng mga tutang rehimen ang matatabang lupa sa Mindanaw na sa katotohanan hindi naman kanila. Ito ang tunay na dahilan kung bakit sa panahon ngayon ay naghirap ang maraming katutubo ng Mindanaw.

At ano naman ang kaugnayan ng mga pinagsasabi kong ito sa wika, panitikan at pagpapanday ng bansa?

Marahil mayroon sa inyo na magsasabi na taliwas sa tema itong pinagsasabi ko. Ngunit nais kong maunawaan ninyo ngayon, na sa kagustuhan noon ng mga taong binansagang indio ng mga Kastila na magpanday ng kanilang bansa, winasak naman nila ang mga banuwa ng mga katutubo sa Mindanaw. Na ang mga kinolonyang tao sa Luson at Bisayas ay naging kagaya ng kanilang mga kolonisador at sila mismo ang naging masugid na tagapamandila sa pangangamkam sa lupain ng Mindanaw mula sa kamay ng mga katutubo.

At ano ang ginamit na paraan para isakatuparan ito?

Ah, maliban sa espada at baril, wika at panitikan. Sa pamamagitan ng masigasig na mga misyonero, ipinasok sa naratibo ng mga Higaunon ang naratibong Judeo-Kristiyano na humantong pa sa pagkasalaula sa kuwento ni Agyu at ng kanyang mga kapatid. Sapagkat papaanong nagkaroon ng kuwento na si Agyu ay naging si Pedro? Sapagkat papaanong nagkaroon ng mga naratibo na ang isang datu ay yumakap sa isang relihiyong Protestante dahil sinabihan umano siya ng kanyang tagbaya na mas makapangyarihan ang dala ng mga Amnerikano? Sapagkat papaanong humantong sa yugto kung saan ikakahiya ng isang katutubo sa Mindanaw ang kanyang wika at mas gugustuhin niyang salitain ang Bisaya at iba pang wikang banyaga sa kanya?

Sasabihin ng iba, hindi ako nakikiisa sa pagbubuo ng bansa. Subalit dapat nilang maunawaan na ang ganitong pagsasakdal ko sa naratibo ng pagkabansa ng Pilipinas ay nangangahulugan lamang na hanggang ngayon, ang totoong pagkabansa ng bansang Pilipinas ay hindi pa nito nararating. Sapagkat hanggang ngayon, hindi pa natin naiigpawan ang ating pagkakabuklod ayon sa kanya-kanyang pangkat-etnikong pinagmulan. Kung kaya karaniwan na lamang na ang mga kagaya naming katutubo ay isinasali lamang sa panahon ng eleksyon at pagkatapos ay magiging paulit-ulit na halimbawa na lamang ng mga salitang “kahirapan, kawalang-pag-unlad” at kung ano pang mga salita na sasamantalahin naman ng mga NGO kuno na mangangalap ng pondo para sa kung anong proyekto na sa katotohanan ay magpapataba lamang sa kanilang bulsa.

Ang ganitong kalagayan ang nagtutulak sa mga kagaya kong manunulat na katutubo na igiit sa lipunang ito ang aming sariling pagtingin sa kasaysayan. Sapagkat magmula nang tangkaing buuin ang bansang ito, unti-unti ring sinimulan ang pagbura sa aming sariling pagkakakilanlan. Pilit ipinapalamon sa amin na kami rin ay mga Pilipino gayong sa katotohanan, hindi naman namin natatamasa ang mga benepisyo bilang mamamayan din ng bansang ito. Ni walang tiyak na proteksyon at kalinga mula sa estado sa mga panahong ipinapakiglaban namin ang aming mga lupaing ninuno. Hanggang sa kasalukuyan, bahagi na lamang ng malagim na estadistika ang pagpaslang sa mga lider katutubo ng Mindanaw na pinatay sapagkat iginigiit ang kanilang karapatan sa lupaing minana mula sa aming mga ninuno.

Ngayong magkakaroon na raw nang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at ng MILF, lumalakas naman ang panawagan sa pagkakaisa. Ngayon pa lamang ay abala na ang mga tagapagtaguyod ng naratibo ng estado sa pagpapakalat ng hungkag na mga prinsipyo ng pagkakaisa. Subalit hindi malinaw kung ano ang pagkakaisahan dahil sa katotohanan, ang nakikita lamang nila ay ang tiyak na kikitaing salapi kapagka malaya nang makapangamkam ng likas na yaman ang mga dayuhang kompanya na naglalaway nang simutin ang lahat na ginto at yamang mineral ng Mindanaw. Mula pa noong panahon ng aming mga ninuno, malinaw na sa amin na ang mga panawagan ng mga Dumagat sa pagkakaisa ay bahagi lamang ng programa ng estadong dayuhan upang agawin sa amin ang nararapat naming pamana.

Ilang beses na ring ginawang sakripisyo ang mga Higaunon at iba pang katutubo sa Mindanaw sa altar ng “pagbubuo ng bansang Pilipinas”. Noong panahong nanghimasok na ang US sa Pilipinas, ginawa nang pain ng mga tagataguyod ng “pagbubuo ng bansang Pilipinas” ang mga Higaunon. Ni hindi nabanggit sa kasaysayan ng Pilipinas ang mga Higaunon na kampilan at mga sibat lamang ang armas na ginawang panangga ng isang heneral upang siya’y makatakas sa kamay ng mga Amerikano. At kung marami mang Higaunon ang napaslang sa mga engkwentrong ganoon, tiyak na mas marami ang namatay dahil sa gutom nang pagsusunugin ng mga pesteng Amerikano ang lahat na mga pananim ng mga tao.

Ganito ang “pagbubuo ng bansa” na naunawaan naming mga katutubo ng Mindanaw. May dalawang mukha pala ito. Sa kaliwang kamay ipinamamandila nito ang katubusan (na para lamang yata pala sa mga pang-etnikong nag-isip ng “pagbubuo ng bansa”) habang sa kanan naman ay isinusulong nito ang pagdomina at pang-aalipin sa ibang pangkat-etniko na hindi bahagi/hindi nakibahagi/ayaw makibahagi sa kanilang naratibo ng pagbubuo ng bansa.

Subalit gayunpaman, bilang pragmatiko at praktikal na mga tao, sinikap at sinisikap ng mga katutubo ng Mindanaw na linawin ang kanilang posisyon sa naratibo ng pagbubuo ng bansa. Sa pamamagitan ng mga manunulat na mga katutubong kagaya ko, at sa pamamagitan ng aming sariling wika, patuloy naming kinakatha sa aming imahinasyon ang mukha ng pagkabansa na nais din naming makamit. Isang bansa kung saan hindi ang wika at pangkat-etnikong pinagmulan ang batayan upang matamasa ang proteksyon ng estado at iba pang benepisyo ng isang lehitimong mamamayan. Isang bansa na may paggalang din sa buhay at ariarian ng mga katutubo at hindi lamang sa mga pangkat-etnikong nagpaalipin sa mga dayuhan kung kaya siyang pinagsalinan ng kapangyarihan ng estado.

Advertisements

Read Full Post »