Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Archive for Hunyo, 2016

Ang Pananaw ng Katutubo

1. Para sa katutubo ng Mindanaw, malinaw pa ang mga pangyayari mula sa malapit pa lamang na nakaraan. Bilang tagapagmana ng mga kolonisador, ang mga pesteng puti, ipinagpatuloy ng estado ng mga setler ang programa ng kolonisasyon. Gamit ang walang batayang ligal na pag-angkin sa isla, puwersahang inalisan ng estado ng lupain ang katutubo. Inangkin ng estado ng mga setler ang isla bilang bahagi kuno ng teritoryong minana nito mula sa mga kolonisador.

Ang estado ng mga setler ang puspusang namahagi ng lupain ng katutubo tungo sa mga setler mula sa Luzon at Visayas. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit marami sa katutubo ang naitaboy mula sa mga baybayin at matatabang kapatagan tungo sa mga liblib at kabundukan. Nang ipamahagi naman ng estado ang kagubatan sa mga konsesyunaryo ng pagtotroso, muli na namang naitaboy ang katutubo. At sa panahon ngayon na ipinamahagi ng estado ang kabundukan sa mga kompanya ng pagmimina, patuloy na itinataboy ang katutubo at pinapatay ang sinumang nangangahas na labanan ang ganitong programa ng estado ng mga setler.

2. Hindi kailanman isinuko ng katutubo ang kanyang kalayaan kahit na naitaboy siya ng mga kolonisador. Hindi rin kailanman niya binigyang karapatan ang kahit sinong kolonisador na ariin ang kanyang isla. At hinding hindi niya kailanman isusuko ang kanyang karapatan na manahin ang isla na kinamkam mula sa kanya.

Tandang-tanda ng katutubo kung paano siya naitaboy dahil pagsuporta ng estado ng mga setler sa maraming setler. Tandang-tanda niya kung paano siya pinalayas ng estado upang bigyang daan ang mga “settlement”, rantso at plantasyon. Tandang-tanda ng katutubo kung paano kinalbo ang kagubatan ng Mindanaw ng mga konsesyunaryo ng pagtotroso na may basbas ng estado ng mga setler. At tandang-tanda ng katutubo na ang estado ng mga setler ang nagbigay pahintulot sa mga kompanya ng pagmimina upang sirain ang banal na kabundukan.

3. Alam ng katutubo na hindi totoo ang pakikipagkapwa sa kanya ng estado ng mga setler. Alam ng katutubo na hindi siya mahalaga para sa estado ng mga setler at sa mga setler. Lagi siyang tinatrato bilang mababa. Pulubi ang tingin sa kanya ng estado ng mga setler at ng mga setler. Ginagawa lamang siyang palamuti sa ilang mga okasyon upang magmukhang “exotic” ang okasyon at makakuha ng mga turista.

Ni hindi iginagalang ng estado ng mga setler at ng mga setler ang kanyang kultura. Ang mga damit ng Bae na dapat lamang isuot ng isang Bae ay ipinasusuot din kahit sa hindi naman mga bae. Ang damit ng Datu na dapat lamang isuot ng Datu ay ipinasusuot kahit sa hindi naman mga datu. May isang grupo pa nga ng mga pari na nagsuot ng damit pangdatu/baylan sa kanilang mga gawain. Hindi nila naisip na kung ang mga baylan at datu ang nagsuot ng damit ng pari, tiyak iisipin nila na ito ay malaking kabastusan.

Walang galang ang estado ng mga setler at mga setler sa kultura ng katutubo sapagkat nais nilang pagkakitaan/pakinabangan mismo ang kultura ng katutubo.

4. Para sa katutubo, hindi siya kailanman nagpasakop sa kahit kaninong kolonisador, puti man o kayumanggi. Malinaw sa katutubo na siya ay malaya pa rin kahit na inagaw ng kolonisador ang kanyang lupain. Mula sa panahon ng mga pesteng puti hanggang sa kasalukuyang pamemeste ng mga kayumanggi at puti, matatag ang paninindigan ng katutubo na hindi siya magpapailalim sa kapangyarihan ng mga pesteng ito.

5. Para sa katutubo, patuloy niyang nilalaban ang kolonyalismo. Ang kanyang pagkasadlak sa kasalukuyang kalagayan ay pansamantalang pagkabalaho lamang na alam niyang mapagtatagumpayan din niya sa malaon at sa madali. Ang mahalaga para sa kanya ay hinding hindi siya susuko. Hindi kailanman niya tutularan ang mga nagpakolonyang kayumanggi sa Luzon at Visayas na ngayon ay nangongolonya naman sa kanyang lupain. Hindi kolonosado ang katutubo at ito ang malaking ipinagkaiba niya sa karamihan sa mga taga-Luzon at Visayas na tinanggap na ang kolonyalismo.

6. Hanggang patuloy na paninindigan ng katutubo ang kanyang kalayaan, naniniwala siyang hindi magtatagumpay ang kolonyalismo. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya natatakot sa mga banta ng estado ng mga setler at ng mga setler. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na lalabanan ng katutubo ang mga imposisyon ng estado kahit na nililipol siya nito. Alam ng katutubo kung paano siya kutyain ng estado ng mga setler at ng mga setler dahil mahirap ang kanyang kalagayang pang-ekonomiya at siya ay walang sariling armadong puwersa upang labanan nang harapan ang estado. Subalit naniniwala ang katutubo, batay sa kanyang karanasan, na darating ang panahong makakamtan niya ang sapat na lakas upang durugin ang lahat niyang kaaway.

7. Kahit na aba ang kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya ng katutubo, mayaman naman siya sa aral ng kanyang kasaysayan. Alam niyang pansamantala lamang ang kalagayang ito. Alam niyang dumating lamang ang kalagayang ito magmula nang malawakang kinamkam ng estado ng mga setler ang kanyang lupain.

“Hindi kami mahirap ngunit ginawa kaming mahirap,” madalas na sagot ng matatandang datu kapag tinatanong kung bakit mahirap ang katutubo. “Naghirap kami dahil inagaw sa amin ang aming lupain.”

Kung pansamantala mang nagtagumpay ang kolonisasyon sa pagpabagsak sa kalagayang pang-ekonomiya ng katutubo ng Mindanaw, bigo naman ito na tuluyang masakop ang katutubo sapagkat hindi nagpasakop ang katutubo hanggang sa kasalukuyan.

Babawiin ng katutubo ang nararapat niyang pamana. Patuloy na igigiit ng katutubo ang kanyang pagiging malaya. At bibiguin niya ang kolonyalismong sinimulan ng mga pesteng puti na ngayon ay ipinagpapatuloy ng mga alipores na kayumanggi.

Para sa katutubo ng Mindanaw, ang isla ng Mindanaw ay para sa kanya at sa kanyang salinlahi.

Advertisements

Read Full Post »

Ang Kapayapaan sa Mindanaw Ayon sa Iba’t ibang Pananaw

1. Para sa estado, ang kapayapaan sa Mindanaw ay ang kanyang pagkakaroon ng ganap na kapangyarihan sa isla. Dalawa ang paraan upang mangyari ito. Una, dinudurog niya ang lahat na lumalaban sa kanyang paghahari sa isla gamit ang kanyang hukbong sandatahan at puwersa ng mga lokal na pamahalaan. Pangalawa, ginagamit niya ang mga institusyong panlipunan upang turuan ang katutubo na kilalanin ang estado bilang ganap na may-ari ng isla.

Magkasabay na ginagawa ng estado ang dalawang paraan na ito. At hanggang ngayon, malinaw na hindi nito napagtatagumpayan ang alinman sa dalawa. Ito ang dahilan kung bakit binuksan niya ang usapang pangkapayapaan para sa mga pangunahing armadong puwersa ng isla.

2. Para sa setler, ang kapayapaan sa Mindanaw ay ang kanyang patuloy na pagtamasa ng pakinabang sa kanyang naposisyunan at napapapelang ari-arian. Mahalaga sa kanya na hindi na siya matitinag sa kanyang kasalukuyang posisyon. Mahalaga sa kanya ang kasiguraduhan na hindi na mawawala pa sa kanyang mga kamay ang anumang ari-arian na napasakamay niya sa kahit anumang paraan.

Sa ganitong pananaw, hindi paborable sa setler na balikan ang kasaysayan kung paano siya napadpad sa isla. Sapagkat sa kanyang pananaw, hindi maaaring malagay pa sa alanganin ang kanyang posisyon sa kasalukuyan.

3. Para sa katutubo ng Mindanaw, ang kapayapaan ay ang pagkamit ng katarungan para sa kanyang lahi. Malinaw sa katutubo kung paano ang ligal na proseso para rito. Una, dapat kilalanin ng estado ng mga setler at ng mga setler ang kanilang pagkakasala sa katutubo ng Mindanaw. Magiging malinaw ang pagsasagawa nito kung babalikan ang kasaysayan. Pangalawa, kapag ginawa na ng estado ng mga setler at ng mga setler ang unang hakbang, magiging bukas na ang katutubo sa pakikipag-usap kung papaano makapagbayad pinsala ang estado ng mga setler at ang mga setler. Kapag matagumpay na naisagawa ang dalawang hakbang na ito, saka pa lamang magkakaroon ng tunay na simula upang makamtan ang kapayapaan sa isla.

4. Subalit malinaw sa pananaw ng estado ng mga setler at ng mga setler na ayaw nilang balikan ang kasaysayan. Hanggang ngayon, walang palatandaan na kikilalanin ng estado ng mga setler at ng mga setler ang kanilang pang-aapi at panggagantso sa katutubo ng Mindanaw.

5. Maraming paraan ang estado ng mga setler at ang mga setler upang iligaw ang pananaw ng katutubo hinggil sa kapayapaan sa isla. Pangunahin sa mga paraang ito ang pagtiyak na maghihikahos sa hirap ng buhay ang katutubo. Kasama sa mga paraang ito ang pagpatay sa mga lider katutubo gamit ang militar at paramilitar. May teorya ang mga tagaugit ng estado ng mga setler na kapag naging abala ang katutubo sa pakikipagpatintero para sa kanyang buhay, malilimutan niya na siya ang tunay na may-ari ng isla.

Kasama din sa mga paraan upang iligaw ang katutubo ang pagpasok ng mga GO at NGO. Nais ng mga entidad na GO at NGO na huwag maisip ng katutubo na mag-armas para ipaglaban ang kanyang nararapat na pamana. Binibigyan ng ilusyon ng mga GO at NGO ang katutubo na maaayos ang lahat sa pamamagitan ng ligal na pakikipaglaban. At mula sa karanasan ng katutubo sa mga ito, naisip niya na naging daan lamang ang mga GO at NGO upang mailantad ang mga lider katutubo at naging madali lamang para sa mga bayarang mersenaryo na pagpapatayin ang mga lider katutubo.

6.Subalit laging bigo ang mga pagtatangkang ilihis ang pananaw ng katutubo. At mula sa kanyang karanasan, nakita niya na sa malaon at sa madali, kailangan niyang armasan ang sarili upang ipakigpatayan ang kanyang paninindigan na kanya nga ang isla ng Mindanaw. Bagay ito na nagbibigay ng pangamba sa estado ng mga setler at sa mga setler.

Hindi naisama sa kuwenta ng estado ng mga setler at ng mga setler na naging bihasa na ang katutubo sa paggamit ng baril sa pamamagitan ng pagsapi ng kanyang mga anak sa New People’s Army at kahit mismo sa hukbong sandatahan ng estado. At ang kasanayang ito ay tiyak na pakikinabangan ng katutubo sa panahong magpapasya na siyang bigyang diin ang kanyang paggigiit ng karapatan sa pamamagitan ng pakikidigma.

7. Hindi magbabago ang pananaw ng katutubo kung papaano magkaroon ng kapayapaan sa Mindanaw. Nasa estado ng mga setler at sa mga setler ang bola upang masimulan ang proseso tungo sa tunay na kapayapaan sa isla. Sanay na ang katutubo sa kampanya ng paglipol ng estado laban sa kanya. Kaya tiyak hindi ang katutubo ang maninibago kung siya naman ang maglunsad ng kampanyang lido laban sa lahat na sumagasa sa kanyang karapatan na manahin ang isla ng Mindanaw.

Alam ng katutubo na lahat ay nagsasabi na gusto nila ng kapayapaan. Subalit alam din niya na hindi lahat nang nagsasabi na gusto nila ng kapayapaan ay nagsasaalang-alang sa kapakanan ng katutubo ng Mindanaw. At lalong alam ng katutubo na ang kapayapaan sa isla ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng pamamaraang kanyang inilahad at hindi sa pamamaraan ng estado ng mga setler at ng mga setler.

Read Full Post »

Ang Posisyunan sa Mindanaw

1. Malinaw ang posisyon ng estado – bahagi ng teritoryo ng republika ang isla ng Mindanaw. Hindi niya ito bibitawan kahit pa lagi niyang sinasabi na magulo sa islang ito. Pagtitiyagaan niyang tambakan ng libulibong sundalo ang isla upang ipangalandakan ang kanyang pag-okupa sa islang ito. Sisikmurain kahit ng mga mamamayan nitong setler na lipulin ang mga katutubo ng isla upang pangalagaan ang interes nito.

Hindi na uungkatin pa ng estado ang sinasabing Kasunduan sa Paris kung saan iligal na ibinenta ng ganid na Kastila ang isla ng Mindanaw tungo sa ganid na Amerikano. Balewala sa estado kahit ang mga pahayag ng taong tinagurian niyang pambansang bayani na nagsabing kahit ang ilang mga isla at lugar sa Luzon at Visayas ay hindi totoong nasakop ng mga Kastila. Hindi na mahalaga sa estado na ang isla ng Mindanaw ay isang malayang isla bago pa ang Kastila at kahit noong nakatapak sila sa islang ito.

At bakit ganito ang kilos ng estado? Hindi na dapat itanong pa sapagkat malinaw na pinakikinabangan nang husto ng estado ang isla. Ginawa niya itong gatasan ng mga produktong panluwas at produktong pagkain upang tustusan ang sentrong bayan ng estado. Halos kalbuhin ng estado ang isla sa pamamagitan ng pagbigay ng malalaking konsesyon sa mga kompanya ng pagtotroso at kompanyang nagpalawak ng mga plantasyon. At ngayon, ginawang makapangyarihan ng estado ang mga kompanya sa pagmimina upang tuluyang sipsipin ang lahat na pakinabang sa islang kinokolonya nito.

Samantala, tiniyak niyang maging bansot ang isla sa imprastraktura. Tiniyak din ng estado na alisan ng kapangyarihan ang mga katutubo ng isla sa pamamagitan ng lantarang pag-agaw ng kanilang lupain. Pinatay ng estado at mga kasapakat nito ang lahat na tumutol sa patakaran ng estado na ipamahagi ang lupaing hindi naman kanya. Nilipol ng estado kahit ang mga datu at bae na hindi pumayag na kalbuhin ang kagubatan ng isla. At ngayon, nililipol pa rin ng estado at ng mga galamay nito ang mga katutubo ng isla na ayaw pumayag na salaulain ng mga kompanya ng pagmimina ang banal na kabundukang inalagaan na ng mga katutubo kahit noong panahong ni isang dumagat ay hindi pa idinagsa sa alinmang baybayin ng isla ng Mindanaw.

2. Malinaw din ang posisyon ng mga setler – hayaan na ang nakaraan at ang harapin na lamang ay ang ngayon. Nais ng mga setler na magpatuloy ang kasalukuyang kalagayan sapagkat ayaw nilang masalang pa sa alanganin ang kanilang pag-angkin ng mga ari-arian sa isla lalo na’t marami sa kanila ang sa isla na umangat ang kabuhayan. Kung kaya nasa interes ng mga setler na huwag nang balikan ang kasaysayan ng kanilang pag-angkin ng mga lupain. Tinatanggap nila na ligal ang pakana ng estado na ipamahagi ang lupaing hindi nito pag-aari.

Wala sa interes ng mga setler na makiisa sa pakikibaka ng mga katutubo ng Mindanaw para sa kanilang nararapat na pamana. Alam ng mga setler na magkatunggali ang interes nila at ng katutubo ng isla. Kaya sa gitna ng mapanupil at mapanglipol na mga hakbang ng estado, ang pagkondena nila sa kanilang estado ay hindi hahantong sa pag-ungkat sa ligal na batayan ng pag-okupa ng estado sa isla.

3. Mula noon hanggang ngayon, malinaw na malinaw din ang posisyon ng katutubo ng isla ng Mindanaw – ang isla ng Mindanaw ang kanyang pamana. Hindi pa man dumagsa sa isla ang mapuputing peste mula sa kanluran at ang kayumangging mga alipores nila, may sarili nang pamahalaan ang katutubo ng Mindanaw. Ni hindi pa nga dumadating sa isla ang mga misyonero ng Islam, may sistema na ng pamamahala ang katutubo ng Mindanaw. Sapagkat noong panahong iisa pa lamang ang wika ng katutubo ng isla, umagos na sa Walu Talugan ang pitong kalipunan ng mga batas na sinusunod ng bawat talugan.

Ang isla ng Mindanaw ay para sa katutubo ng Mindanaw. Ito ang kanyang nararapat na pamana. Ito ang islang inalayan ng buhay ng kanyang pinakamagigiting na mga anak. Ito ang islang pinagbuwisan ng buhay ng kanyang mga martir na pinaslang ng estado sa pangangamkam nito ng lupain.

Alam ng katutubo ng Mindanaw na tunay at makatwiran ang kanyang paggigiit sa kanyang karapatan na ang isla ay para sa kanya at sa kanyang salinlahi. Alam ng katutubo na hindi kailanman magiging tama ang pang-aagaw ng estado sa kanyang lupain kahit pa dumaan na ang ilang dekada. Alam ng katutubo ang kahungkagan ng “ligal” na karapatan ng estado sa isla ng Mindanaw sapagkat nakasandig lamang ito sa isang iligal na bentahan sa Paris.

4. Malinaw na magkatunggali ang posisyon ng katutubo at ng mga setler at estado nila. Ito ang ugat ng kawalang kapayapaan sa Mindanaw. At hinding hindi magkakaroon ng kapayapaan sa isla hanggang hindi nareresolba ang posisyunang ito.

Sa ngayon, malinaw ang hakbang ng estado ng mga setler upang resolbahin ito – lipulin ang katutubo ng Mindanaw. Idinadaan ito ng estado sa iba’t ibang paraan sapagkat ramdam ng estado na hindi basta isusuko ng katutubo ang kanyang makatwirang hangarin na maipamana pa sa kanyang salinlahi ang isla. Ito ang dahilan kung bakit nilikha ng estado ang batas na IPRA upang tuluyang iligaw ang pakikibaka ng katutubo. Sa pamamagitan ng panlilinlang, nais ng estado na tuluyang mabura sa puso at damdamin ng katutubo ang kanyang pagmamay-ari sa isla ng Mindanaw. Samantala, kahit ang batas na ito ay lantarang nilalabag ng estado at mga kasapakat nito. Sapagkat ang mahalaga lamang sa kanya ay ang patuloy na maging gatasan ang isla kahit pa mangangahulugan ito na pagpapatayin ang lahat na katutubo.

5. Alam ng estado na ang kanyang possiyon sa Mindanaw ay malaking kasalanan laban sa katutubo ng Mindanaw. Subalit hindi niya ito inaamin. Nagpopostura pa rin ito na kumakalinga sa katutubo. Ang sinasabi ng estado na pagpupundar ng kapayapaan ay nakadisenyo lamang ayon sa interes niya at ng mga nakikinabang sa kanyang mga patakaran. Malinaw na kinakausap lamang nito ang MILF dahil may baril ang MILF. Ang pakikipag-usap nito para sa kapayapaan ay hindi nakabatay sa prinsipyo kundi nakabatay sa opurtunidad na makapangamkam pa ng likas-yaman sa isla. Nais nitong gawing kurakot ang liderato ng MILF upang maging bigo ito kagaya nang ginawa ng estado sa MNLF. Ito ang malinaw na layunin ng estado sa kunwaring usapang pangkapayapaan.

At bakit naman ganito ang pananaw ng katutubo? A, dahil kailanman hinding hindi kinilala ng estado ang kanyang pagkamkam sa lupaing hindi kanya at ang kanyang pamamaslang sa katutubong lumaban sa kanyang mga patakarang mapanglipol sa katutubo at mapanira sa kalikasan. Alam ng katutubo na mga sagadsaring kurakot ang mga nagpapatakbo sa estado kaya alam ng katutubo na ang pagpopostura nito sa usapang pangkapayapaan sa Mindanaw ay para lamang magkaroon ng bagong opurtunidad sa pangungurakot. Alam na alam ito ng katutubo dahil alam niya ang dahilan kung bakit ginagawan ng mga kalsada kahit ang kabundukan. Naglalaway ang estado sa ginto na nasa kabundukan kung saan naitaboy ang katutubo. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nais ng estado na magkaroon na ng “kapayapaan”sa Mindanaw. Kagaya ng mga kolonisador na nagluwal sa estado ng mga setler, ginto ang pangunahing dahilan ng kanyang patuloy na pangongolonya sa Mindanaw.

6. Sa ngayon, ang posisyon pa lamang ng mga setler at ng estado nila ang malinaw na naipapahayag pagdating sa usapang pangkapayapaan sa Mindanaw. Sunod dito ang posisyon ng Islamisadong katutubo sa katauhan ng MILF na nagnanais magtatag ng Islamikong Estado. Samantala, hindi pinakikinggan at hindi binibigyang-pansin at diin ang posisyon ng katutubo na hindi yumakap sa Islam.

7. Sa posisyunang ito, malinaw sa katutubo ng Mindanaw na hindi mahalaga sa mga setler at sa estado ng mga setler ang kanyang posisyon. Bagay ito na tumatagos kahit sa mga intelektuwal ng bansa ng mga setler. Sa isang internasyunal na kumperensiya sa panitikan ilang taon lang ang nakalilipas, mariing ipinahayag ng isang pambansang alagad ng sining na hindi uunlad ang Mindanaw kung hindi dahil sa mga setler. Hindi niya naisip na hindi pa man natutong maglayag sa karagatan ang mga kanluranin, nakikipagkalakalan na ang katutubo ng Mindanaw sa Tsina, Cambodia at India gamit ang malalaking balangay. Ni hindi rin sumagi sa isip ng pambansang alagad ng sining ang mga nahukay na gintong palamuti at estatwa, mga makukulay na palayok na may disenyo at marami pang artifact na nagpapakita nang pagiging maunlad ng lipunang katutubo ng Mindanaw.

Hindi uunlad ang Mindanaw kung hindi dahil sa mga setler? Hindi nakakatawa ang ganitong biro. At kung naniniwala rito ang estado, hala, ibalik sa katutubo ang isla ng Mindanaw. At kung naniniwala man ang mga setler na ito ay totoo, hala, magsiuwi na lang sila kung saang lupalop sila nanggaling at hayaan ang katutubo ng Mindanaw na mabalaho sa sinasabi nilang “walang kaunlaran”.

Read Full Post »

Ang Katutubo ng Mindanaw

1. Siya ang nagbigay ng pangalan sa isla ng Mindanaw. Siya rin ang nagbigay pangalan sa mga banuwa sa isla ng Mindanaw. Siya ang unang naglibing ng kanyang patay sa isla ng Mindanaw at iyon ang unang mohon ng kanyang pagtanggap sa tungkulin na maging tagapangasiwa sa kalikasan ng isla ng Mindanaw.

2. “Amin danaw!” malinaw na wika ng katutubo ng Mindanaw nang bigyan niya ng pangalan ang isla. Kung kaya tanging siya lamang ang makakapagpaliwanag kung bakit iyon ang pangalang ibinansag niya sa islang naging tahanan ng kanyang salinlahi. Banal para sa kanya ang pangalang iyon sapagkat iyon ang pangalang intunda sa kanya ng mga dakilang tagbaya ng isla.

“Amin danaw!” binigkas iyon ng katutubo nang may paggalang at pasasalamat sa kanyang puso. Sapagkat sa gitna ng matinding tagtuyot, sagana ang isla sa biyayang tubig ng dakilang Bulalakaw (kalalagan ha suguy, balinsuguon hu Migbaya).

“Min danaw!” taimtim niyang usal nang may pagsamba sa mga dakilang tagbaya ng apat na direksyon (mga ngaran ha inlalaw, mga lantung ha magampong). Sapagkat sa kanyang balikat iniatang ang pangangasiwa sa saganang isla.

“Mindanaw!” taas noo niyang wika sa sinumang dayuhang magtatanong kung ano ang pangalan ng kanyang isla.

“Mindanaw!” buong tapang niyang wika sa sinumang dayuhang nagnais na kamkamin ang yaman ng isla.

“Mindanaw!” buong giting niyang bigkas kahit sa panahon ngayong nililipol siya ng mga setler, estado at mga kolonisador.

“Mindanaw!” bibigkasin niya ito nang may alab sa panahong iwawasiwas niya ang apoy ni Kayamat (balinsuguon hu pangayaw, hapoy hu talabusaw) upang lipulin ang lahat niyang kaaway.

3. Namumuhay siya ayon sa batas ng mga dakilang tagbaya. Ginagamit niya ang mga yaman ng kalikasan ayon sa kanyang pangangailangan. Ginagamit niya ang mga pinagkukunang yaman nang may pagsasaalang-alang sa kinabukasan ng kanyang mga anak at sa magiging anak pa ng kanilang mga anak. Sapagkat naunawaan niya na ang likas yaman ay hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para rin sa hinaharap.

Mahalaga para sa katutubo ng Mindanaw ang pangangalaga sa kalikasan at likas yaman upang magamit ng kanyang salinlahi sa hinaharap. Kung kaya nga sa kanyang pagpanaw, ninanais niya na maging bahagi ng lupa, ilog at hangin.

4. Alam ng katutubo ng Mindanaw na banal ang tungkuling iniatang sa kanya ng mga dakilang tagbaya. Buong tapang niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin kahit pa buhay niya ang kapalit. Sapagkat alam niyang sa kanyang pagiging tapat sa kanyang tungkulin, kinasusuklaman siya ng estado, ng setler at iba pang kolonisador.

5. Malinaw ang alaala ng katutubo ng Mindanaw. Hindi siya nakakalimot. Alam niyang dakilang pamana sa kanya ang isla ng Mindanaw. Alam niyang inagaw ito at patuloy na inaagaw sa kanya ng mga kolonisador, estado at mga setler.

Sariwa pa sa kanyang alaala ang pagpatay ng mga kolonisador sa kanyang mga ninuno na ayaw yumakap sa paniniwalang nakabatay sa dalawang piraso ng kahoy na tinatawag nilang krus. Sariwa pa sa kanya ang pagpatay ng mga kolonisador sa kanyang mga ninuno na ayaw magpailalim sa mga kanluraning busaw na sumisingaw sa ilong ang pananalita. Hindi niya nalilimutan ang biglaang pag-angkin ng estado sa kanyang lupaing pamana. Hindi niya nalilimutan ang pandadahas at panlilinlang ng mga setler upang maitaboy siya sa kabundukan mula sa matatabang kapatagan ng isla.

Alam na alam ng katutubo kung sinusino ang may utang sa kanya.

6. Ang katutubo ng Mindanaw ay may bait sa sarili. Sapagkat sa kanyang Bungkatol ha BUlawan Daw Nangkatasa ha Lana ha Insagubuy Duun hu Pusung, malinaw ang kanyang paggalang hindi lamang sa tao kundi kahit sa ibang nilalang sa mundong ibabaw. At dahil sa kanyang kabaitan, inabuso siya ng mga kolonisador, ng mga setler at ng estado ng mga setler. At ito ang dahilan kung bakit ang katutubo ng Mindanaw sa panahong ito ay naging tila palaboy na lamang sa kanyang sariling banuwa.

7. Pinag-aralan din ng katutubo ng Mindanaw ang kanyang kasaysayan. Kaya maraming aral ng kasaysayan ang kanyang natutunan. Ilan sa mga aral na natutunan niya ay ganito:

a. Walang galang at walang pitagan ang mga dumagat (mga kolonisador, setler at ang estado ng mga setler). Likas na mapangamkam sila at
mapang-api sa kapwa.
b. Hindi nakabatay sa katwiran ang namamayaning pananaw sa daigdig ng mga dumagat. Ang nais lamang nila ay makalamang sa kapwa.
c. Nais ng mga dumagat na lipulin ang mga katutubo ng Mindanaw pang ganap nilang maangkin ang Mindanaw.
d. Kailangan munang pumatay bago pakinggan ng dumagat ang iyong pagpapahayag ng saloobin. Ito ang malinaw na ipinahihiwatig ng karanasan ng
mga pinsan niyang yumakap sa Islam.
e. Ayaw kilalanin ng setler at ng estado ng mga setler ang kanilang pananagutan at mga kasalanan laban sa mga katutubo ng Mindanaw. Para sa
kanila, malinis ang kanilang kamay kahit pa nagpapatuloy hanggang ngayon ang kampanya ng paglipol sa mga katutubo ng Mindanaw.

Alam din ng katutubo ng Mindanaw na mababa ang tingin sa kanya ng mga dumagat. Alam din niya ang pakunwaring pagtulong sa kanya ng ilang mga tao at NGO upang ilihis ang kanyang pakikibaka na mabawi ang kanyang pamanang isla. At sa kaibuturan ng kanyang puso, alam niyang darating ang araw na maniningil siya sa lahat nang may pagkakautang sa kanya.

Lagunhat kaw su mabis-ay su mga lisen! Mangawakawa kaw su malayat su mga alima! Lugong ha kinalabaw!

Read Full Post »