Ang Pananaw ng Katutubo
1. Para sa katutubo ng Mindanaw, malinaw pa ang mga pangyayari mula sa malapit pa lamang na nakaraan. Bilang tagapagmana ng mga kolonisador, ang mga pesteng puti, ipinagpatuloy ng estado ng mga setler ang programa ng kolonisasyon. Gamit ang walang batayang ligal na pag-angkin sa isla, puwersahang inalisan ng estado ng lupain ang katutubo. Inangkin ng estado ng mga setler ang isla bilang bahagi kuno ng teritoryong minana nito mula sa mga kolonisador.
Ang estado ng mga setler ang puspusang namahagi ng lupain ng katutubo tungo sa mga setler mula sa Luzon at Visayas. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit marami sa katutubo ang naitaboy mula sa mga baybayin at matatabang kapatagan tungo sa mga liblib at kabundukan. Nang ipamahagi naman ng estado ang kagubatan sa mga konsesyunaryo ng pagtotroso, muli na namang naitaboy ang katutubo. At sa panahon ngayon na ipinamahagi ng estado ang kabundukan sa mga kompanya ng pagmimina, patuloy na itinataboy ang katutubo at pinapatay ang sinumang nangangahas na labanan ang ganitong programa ng estado ng mga setler.
2. Hindi kailanman isinuko ng katutubo ang kanyang kalayaan kahit na naitaboy siya ng mga kolonisador. Hindi rin kailanman niya binigyang karapatan ang kahit sinong kolonisador na ariin ang kanyang isla. At hinding hindi niya kailanman isusuko ang kanyang karapatan na manahin ang isla na kinamkam mula sa kanya.
Tandang-tanda ng katutubo kung paano siya naitaboy dahil pagsuporta ng estado ng mga setler sa maraming setler. Tandang-tanda niya kung paano siya pinalayas ng estado upang bigyang daan ang mga “settlement”, rantso at plantasyon. Tandang-tanda ng katutubo kung paano kinalbo ang kagubatan ng Mindanaw ng mga konsesyunaryo ng pagtotroso na may basbas ng estado ng mga setler. At tandang-tanda ng katutubo na ang estado ng mga setler ang nagbigay pahintulot sa mga kompanya ng pagmimina upang sirain ang banal na kabundukan.
3. Alam ng katutubo na hindi totoo ang pakikipagkapwa sa kanya ng estado ng mga setler. Alam ng katutubo na hindi siya mahalaga para sa estado ng mga setler at sa mga setler. Lagi siyang tinatrato bilang mababa. Pulubi ang tingin sa kanya ng estado ng mga setler at ng mga setler. Ginagawa lamang siyang palamuti sa ilang mga okasyon upang magmukhang “exotic” ang okasyon at makakuha ng mga turista.
Ni hindi iginagalang ng estado ng mga setler at ng mga setler ang kanyang kultura. Ang mga damit ng Bae na dapat lamang isuot ng isang Bae ay ipinasusuot din kahit sa hindi naman mga bae. Ang damit ng Datu na dapat lamang isuot ng Datu ay ipinasusuot kahit sa hindi naman mga datu. May isang grupo pa nga ng mga pari na nagsuot ng damit pangdatu/baylan sa kanilang mga gawain. Hindi nila naisip na kung ang mga baylan at datu ang nagsuot ng damit ng pari, tiyak iisipin nila na ito ay malaking kabastusan.
Walang galang ang estado ng mga setler at mga setler sa kultura ng katutubo sapagkat nais nilang pagkakitaan/pakinabangan mismo ang kultura ng katutubo.
4. Para sa katutubo, hindi siya kailanman nagpasakop sa kahit kaninong kolonisador, puti man o kayumanggi. Malinaw sa katutubo na siya ay malaya pa rin kahit na inagaw ng kolonisador ang kanyang lupain. Mula sa panahon ng mga pesteng puti hanggang sa kasalukuyang pamemeste ng mga kayumanggi at puti, matatag ang paninindigan ng katutubo na hindi siya magpapailalim sa kapangyarihan ng mga pesteng ito.
5. Para sa katutubo, patuloy niyang nilalaban ang kolonyalismo. Ang kanyang pagkasadlak sa kasalukuyang kalagayan ay pansamantalang pagkabalaho lamang na alam niyang mapagtatagumpayan din niya sa malaon at sa madali. Ang mahalaga para sa kanya ay hinding hindi siya susuko. Hindi kailanman niya tutularan ang mga nagpakolonyang kayumanggi sa Luzon at Visayas na ngayon ay nangongolonya naman sa kanyang lupain. Hindi kolonosado ang katutubo at ito ang malaking ipinagkaiba niya sa karamihan sa mga taga-Luzon at Visayas na tinanggap na ang kolonyalismo.
6. Hanggang patuloy na paninindigan ng katutubo ang kanyang kalayaan, naniniwala siyang hindi magtatagumpay ang kolonyalismo. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya natatakot sa mga banta ng estado ng mga setler at ng mga setler. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na lalabanan ng katutubo ang mga imposisyon ng estado kahit na nililipol siya nito. Alam ng katutubo kung paano siya kutyain ng estado ng mga setler at ng mga setler dahil mahirap ang kanyang kalagayang pang-ekonomiya at siya ay walang sariling armadong puwersa upang labanan nang harapan ang estado. Subalit naniniwala ang katutubo, batay sa kanyang karanasan, na darating ang panahong makakamtan niya ang sapat na lakas upang durugin ang lahat niyang kaaway.
7. Kahit na aba ang kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya ng katutubo, mayaman naman siya sa aral ng kanyang kasaysayan. Alam niyang pansamantala lamang ang kalagayang ito. Alam niyang dumating lamang ang kalagayang ito magmula nang malawakang kinamkam ng estado ng mga setler ang kanyang lupain.
“Hindi kami mahirap ngunit ginawa kaming mahirap,” madalas na sagot ng matatandang datu kapag tinatanong kung bakit mahirap ang katutubo. “Naghirap kami dahil inagaw sa amin ang aming lupain.”
Kung pansamantala mang nagtagumpay ang kolonisasyon sa pagpabagsak sa kalagayang pang-ekonomiya ng katutubo ng Mindanaw, bigo naman ito na tuluyang masakop ang katutubo sapagkat hindi nagpasakop ang katutubo hanggang sa kasalukuyan.
Babawiin ng katutubo ang nararapat niyang pamana. Patuloy na igigiit ng katutubo ang kanyang pagiging malaya. At bibiguin niya ang kolonyalismong sinimulan ng mga pesteng puti na ngayon ay ipinagpapatuloy ng mga alipores na kayumanggi.
Para sa katutubo ng Mindanaw, ang isla ng Mindanaw ay para sa kanya at sa kanyang salinlahi.
Mag-iwan ng puna