- Hindi sumusuko sa anumang hamon ng buhay ang isang Higaonon. Isa itong aral na tumatak sa kanyang murang isipan habang bumabaon sa kanyang talampakan ang matutulis na mimis ng kogon. Maglilimang taong gulang pa lamang siya noon sa liblib na gubat ng Galanggalang kung saan nakayapak niyang naranasan ang payak ngunit na maigting na pakikibaka upang mabuhay sa mundog ibabaw.
Walang mapagtatamnan ng mais kung hindi maghahawan. Hindi makakapag-ani kung hindi magtatanim. At kapag walang maani, walang makakain.
Walang mahuhuling lako at/o manok kalasanon kung hindi gagawa ng silo. Hindi kusang papasok sa kaldero ang mga isdang pait at tambilolo. Kailangang magsipag sa panghuhuli ng palaka sa gabing madilim upang may maiulam sa loob ng isa hanggang tatlong araw. At kahit naglipana sa paligid ang maraming manatad at alimokon, hindi sila kusang lalapit upang maiihaw sa baga ng kahoy na mula sa matandang puno na nabuwal na sa katandaan.
- Hindi biro ang buhay ng kagaya niyang katutubo. Maaga niyang natutunan na ang mundong ito ay malupit sa mga kagaya nila na ang tanging hangad ay mamuhay nang tahimik at payapa sa lupaing minana pa sa kanilang mga ninuno. Maaga siyang namulat na ang lupaing pamana sa kanila ay kinulimbat na ng estadong isinilang ng mga dayuhang mangungulimbat.
Nakakagalit mang isipin, hanggang ngayon ang buhay ng mga kagaya niya ay araw-araw na buhay at kamatayang pakikibaka upang mabuhay sa mundong ibabaw. Habang nagsipagyaman na ang mga napamanahan ng mga nakulimbat na mga lupain, ang mga kagaya niya ay patuloy na pinagtatangkaang burahin sa balat ng lupa. Walang masulingan sa kaliwan man o sa kanan. Laging sila ang tinatamaan sa girian na wala silang kinalaman. Ngayong siya’y inuuban na, alam niyang sinasadya silang gawing patamaan sapagkat ang mga dayuhang mangungulimbat ay naglalaway na simutin ang lahat na yamang-mineral ng kabundukang siyang natitirang kanlungan ng lahi nilang ilang panahon na lamang yata ay mapapasama na sa mga endangered species ng mundo.
- Siyam na taong gulang siya nang una niyang maranasan ang pagbisita ng anghel ng kamatayan. Tanghaling tapat iyon. Kasagsagan ng init ng araw. Sa loob ng isang lumang mechanical dryer sa likod ng isang kiskisan ng palay, tila isa siyang ligaw na hayop na nasilo ng isang patibong nang matabunan siya nang gabundok na ipa ng palay. Naroon siya upang manglikom ng pailan-ilang butil ng bigas na napapasama sa ipa. Hindi pa siya nakakain ng agahan sa araw na iyon.
“Mamamatay na ba ako?” iyon ang tanong niya noon sa sarili. Sa mga sandaling iyon, para bang ang siyam na taon niya sa mundong ibabaw ay nakita niya sa isang kisapmata. Tandang-tanda niya na biglang naging malinaw ang kanyang isip at nakaramdam siya ng isang kakaibang kapayapaan sa sarili. Tanda niya ang nangangamoy alak na mga ipa ng palay na mainit-init na dahandahang pumasok sa kanyang ilong na nais nang makalanghap ng sariwang hangin. Tanda niya ang magaspang na mga ipang pumuno sa kanyang bibig at pilit inilalabas ng kanyang dila.
“Mamamatay na ba ako?” iyon ang tanong siya sa sarili. Malapit na siyang mawalan ng ulirat. Malapit na siyang panawan ng hininga. Rinig na rinig niya ang bawat tibok ng kanyang puso habang pumapasok sa kanyang tainga ang magagaspang na ipa.
“Mamamatay na ba ako?” iyon ang tanong niya sa sarili. Ngunit paano na kung gayon ang balak niyang maligo sa ilog ng Kulaman kasama ang mga kaibigan sa darating na Sabado? Paano na ang balak niyang pag-eermitanyo sa Amusig at pagbabalik sa buhay na kinaraan? Paano na ang usapan nila ni Maritess na paglaki nila sila ang magkakatuluyan? Paano na ang pagdidilig sa mga itinanim niyang gulay sa maliit na bakuran? Paano ang lahat lahat na hindi pa niya nagagawa?
Sa kabutihang palad, ngumiti sa kanya ang anghel ng kamatayan. Tila naaliw sa kung anu-anong bagay sa pumasok sa kanyang isip sa mga sandaling iyon. Hinila siya nito palabas sa lunggang patuloy na tinatabunan ng gumuguhong gabundok na mga ipa ng palay.
- Sampung taong gulang siya nang matuklaw ang kanang paa niya ng ahas habang naglalakad sa gilid ng ilog ng Alalum. Ramdam na ramdam niya ang kirot na nanunuot hanggang sa buto. Ilang saglit lang ay hindi na niya maihakbang ang kanyang paa. Dalidali siyang pumiraso ng tela mula sa kanyang suot na lumang t-shirt. Gamit ang isang maliit na sanga, hinigpitan niya ang pagtali ng telang iyon sa kanyang hita upang pigilan ang pagkalat ng lason. Gamit ang matalas na tag-i, sinugatsugatan niya ang bahaging natuklaw at pinadugo iyon nang husto. Halos mawalan na siya nang malay habang ginagawa iyon.
Bakit nga ba siya napagawi roon? A, papunta siya sa kaingin upang manguha ng kamote at kamoteng kahoy. Gaya ng madalas na lagay sa mga panahong iyon, walang pagkain sa bahay kaya dapat mangalap.
- Labindalawang taong gulang siya nang magtrabaho siya sa tubuhan. Php 40.00 kada araw. Alas sais nang umaga hanggang alas sais nang gabi. Gigising siya ng alas-tres nang madaling araw upang maghanda ng baon. Makakauwi siya mga bandang alas-siyete ng gabi.
Mabigat para sa isang labindalawang taong gulang ang magwasiwas ng espading sa pag-aani ng tubo. Sa gitna ng init at ulan, hindi maaring mabalam ang pag-aani ng tubo sapagkat may hinahabol na takdang panahon sa asukarera.
“Bilisan natin!” iyon ang madalas na udyok ng sipsip na katrabaho kapag napapadaan ang may-ari ng tubuhan na mainitin ang ulo.
Isang araw, umuulan iyon habang nagkakarga siya ng tubo. Mabigat ang isang bangan para sa kanyang murang balikat. Kaya hindi nakakapagtaka na siya ay madudulas sa madulas na damyo. Pakiramdam niya’y muntik nang mabali ang kanyang likod.
“Binakal!” sigaw niya sa isip. Iyon ang huling araw niyang magtrabaho sa tubuhan.
Matapos iyon, nagpakadalubhasa naman siya sa pag-aani ng mais. Hindi dahil mayroon silang maisan kundi dahil may malalawak na maisan ang mga dumagat. Nakikiani sila tuwing anihan ng mais. Naging mahusay siya sa pag-aani ng mais. De numero ang kanyang kilos. Sa loob ng tatlong galaw tapos na niyang balatan at ihagis sa tumpok ang isang mais.
“Anong kinabukasan ang naghihintay sa isang mahusay mag-ani ng mais?” tanong niya sa sarili isang araw. Magmula noon, hindi na siya nakiani sa kung saang maisan.
- Bakit ba naaalala niya ngayon ang mga bagay na iyon? A, parang kagaya pa rin nang dati ang panahon ngayon. Ang bawat araw ay buhay at kamatayang pakikibaka upang mabuhay sa mundong ibabaw. Ngunit hindi kagaya nang dati, wala na siyang makukuhan ng kamote at kamoteng kahoy. Kaya lalo niyang naaalala ngayon ang matatabang lupain na dapat pamana sa kanya ngunit nakulimbat na ng iba.
Wala siyang maaasahang alwan ngayong ang kanyang tanging kabuhayan ay nasalanta na dahil sa pamamayagpag ng covid. Ni hindi makabyahe ang pamilya pauwi sa bukid sa Manlulubog dahil pa rin sa covid. At dahil ubos na ang lahat na naipon sa loob ng walong buwan na walang hanapbuhay, ni pambili ng bigas ay kailangan laging hagilapin.
Paano na ang balak na magkatay ng manok bisaya sa kaarawan ng mga anak? Paano na ang balak na maligo sa dagat? Paano na ang pangkape at asukal? Paano na pambili ng tuyo at itlog? Paano na ang balak na magsulat na lang nang magsulat ng nobela at huwag nang makisawsaw sa kaguluhan ng mundo?
- Ngunit hindi susuko sa anumang hamon ng buhay ang isang Higaonon. Isa itong aral na patuloy niyang ibinabahagi sa kanyang mga anak. Kaya kahit pa nahulaan na raw ni Nostradamus na tatamaan ng kometa ang mundo sa 2021, hindi mawawalan ng pag-asa ang Higaonon kahit hindi pa siya nakakabili ng tiket papunta sa Mars.
Hindi na mahalaga sa Higaonon kung magugunaw na ang mundo dahil matagal na niyang alam na sadyang magugunaw nga ang mundo. Ang mahalaga sa kanya ay ang malaman na sa oras ng kanyang kagipitan may mga kapatid, pinsan at mga kaibigan na handang tumulong sa kanya upang maitawid ang yugtong ito ng kanyang buhay. Bilang Higaonon, matagal na niyang naunawaan na ang pinakamahalaga lamang dito sa mundong ibabaw ay ang mabuting pakikipagkapwa.
anijun mudan-udan
11/26/2020
Los Banos, Laguna